frchito

Archive for Hunyo, 2007|Monthly archive page

PASUBALI, PAGSUNOD, PAGLAYA

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hunyo 25, 2007 at 20:39

Ika-13 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 1, 2007

Ang sinumang nakaupo na sa isang panunungkulan, o nakahawak na ng isang posisyon ay kagya’t makakaunawa nito. Mahirap utusan ang taong maraming dahilan. Mahirap pasunurin ang taong hindi nauubusan ng pasubali. Para sa taong gusto, maraming paraan. Para sa taong ayaw, maraming dahilan.

Ito ang paksa ng ating mga pagbasa sa araw na ito. Sa unang pagbasa, natungyahayan natin kung paano kagya’t tumalima si Eliseo kay Elias. Walang pasubali; walang kondisyon; walang tanung-tanong. Nang ipataw ni Elias and kanyang balabal, iniwan ni Eliseo ang kanyang parang at sumunod kay Elias.

Ang pagsunod ni Eliseo ay naging daan sa kanyang ganap na paglaya.

Hindi madaling unawain ito. Ang pagsunod ay tila malayo sa paglaya. Nguni’t ituloy natin ang ating pagninilay…

Kalayaan ang paksa ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Galatas. Narito sa liham na ito ang susi ng ating tanong tungkol sa tunay na kalayaan. Dalawang batas ang puede nating sundan, ayon kay San Pablo: ang batas ng Espiritu at ang batas ng laman. Malinaw ang kaniyang pangaral. Ang tunay na paglaya ay nasa pagtalima o pagsunod, hindi sa batas ng laman, kundi sa batas ng Espiritu. Ipinagtatagubilin niya sa atin na tumindig nang matuwid at huwag muling pasailalim sa pamatok ng pagka-alipin.

Sa ebanghelyo naman, natatampok ang tatlong uri ng taong kay dami ng pasubali, kay dami ng dahilan, at kay dami rin ng kondisyon. Maaari nating sabihin na ang taong maraming “subali’t, datapuwa’t, nguni’t” at iba pang balakid ay hindi ganap na malaya. Alipin siya ng kanyang mga pasubali. Kung minsan, ang pagbabakod ng sarili, o ang pagtatrangka sa sarili ay nauuwi sa pagka-alipin.

Mayroong alipin ng paghahanap ng katiyakan o kasiguraduhan. Ito ang binabatikos ngayon ng Panginoon. Nang may nagsabi sa kaniya na handa siyang sumunod saanman siya magpunta, sumagot si Jesus: “ang mga asong-gubat ay may lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may tirahan, nguni’t ang Anak ng Tao ay wala ni unan para sa kaniyang ulo.”

Mayroon namang taong maraming kadahilanan at laging nag-aatubili at patumpik-tumpik. Hindi nila mapanagutang lubos ang kanilang salita. Ito ang mga taong urong-sulong, na laging may dahilan upang ipagpaliban ang anumang desisyon. Nandiyan ang nagdadahilang kailangan muna niyang ilibing ang kanyang Ama. Ito ang mga taong nagsasabing susunod … mamaya … bukas … hindi, saka na lang siguro … Sa mga taong kagaya nito,  parang marahas pakinggan ang sagot ni Jesus: “Hayaang ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay.” Mahirap kausap ang mga taong “hele-hele, pero quiere.”

Mayroon din namang alipin ng kanilang puso. Hindi nila maiwan ang mga tao o bagay na napamahal na sa kanila. Ang sagot ni Jesus ay kasing sakit ng sagot niya sa nauna: “Ang taong nag-aararo at lumulingon sa kanyang pinagdaanan na ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Iisa ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon. Ang pagiging disipulo ni Kristo ay nangangailangan ng pagtalima o pagsunod. Nguni’t kabaligtaran sa karaniwang nagaganap sa mundong ito, ang pagsunod na ito ay siyang naghahatid sa ganap na paglaya. Mahirap man unawain, at lalung mahirap man tanggapin, ito ang kabalintunaan ng ating buhay Kristiyano. Ang taong maraming kondisyon at pasubali ay hindi malaya. Alipin siya ng kanyang sariling bakod na nagsisilbing balakid sa paglago. Ang pagdadahilan ay iba lamang tawag sa hindi pagsunod. Nguni’t ang taong walang kurap sa pagsunod, tulad ni Eliseo ay siyang nagpamalas ng wagas na kalayaan.

Marami tayong dahilan upang saka na magbago. Marami tayong pasubali at mga palusot upang makaiwas sa pagbabago ng ating lipunan. Subali’t gaya nang nasabi na natin, ang taong gusto ay maraming paraan; ang taong ayaw ay maraming dahilan. Nguni’t ang ganap na kalayaan ay hindi makakamit sa pagdadahilan. Ang tunay na kalayaan ay nasa daang tinahak ni Kristo – ang daan tungo sa Jerusalem, tungo sa kanyang ganap na pagsunod sa kalooban ng Ama. Ang pagsunod ay daan tungo sa paglaya.

JUAN BAUTISTA: KILABOT NG BULABOG, HARI NG KABABAANG LOOB

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hunyo 16, 2007 at 20:40

St. John the BaptistKapistahan ni Juan Bautista
Junio 24, 2007

Mga Pagbasa: Is 49:1-6 / Gawa 13: 22-26 / Lucas 1:57-66, 80

Tanging tatlo lamang ang may natatanging pagdiriwang sa kanilang pagsilang sa ating Simbahan: si Kristo Jesus, si Maria, Ina ni Jesus, at si Juan Bautista. Subali’t kailangang maunawaan natin na hindi ito pagdiriwang ng kumpleanyo (compleano sa Kastila), o “birthday.” Mababaw ang pagdiriwang ng bertdey. Paggunita lamang ito ng anibersaryo ng pagsilang ng isang tao sa daigdig.

Ang pagdiriwang ng araw na ito, tulad ng araw ng Pasko, at ng Setyembre ika-8, ay hindi isang mababaw na pag-aala-ala ng pagsilang ni Jesus at ni Maria. Ang tatlong ito ay pagdiriwang ng pagdatal – ng pagdating sa ating buhay ng tatlong may mahalagang dulot sa lubos na ikapagpapanibago ng daigdig at ng buhay ng marami sa daigdig na ito.

Bakit ba mahalaga sa atin ang pagdatal ni Juan Bautista?

Una, tingnan natin ang kwento sa Banal na Kasulatan. Ang kanyang pagdatal ay naghatid ng matinding pagkakabulabog sa buhay ni Zacarias at Isabel. Handa na ang dalawa mag-retire at manahimik sa kanilang katandaan. Tanggap na nila na sila ay tatanda nang walang aarugain pang bata. Nguni’t iba pala ang balak ng Diyos para sa kanila. Isang himala ang naganap sa kanilang katandaan. Ang kinikilalang baog at wala nang kakayahang magluwal ng sanggol ay pinagpala ng Maykapal.

Maraming ginambala at binulabog si Juan Bautista. Pati ang kanyang pinsan na si Maria, kabiyak ni Joseng anluwage ay nabulabog. Sinasaad sa ebanghelyo ni Lucas kung paano siya nagmamadaling umakyat sa bulubundukin ng Judea upang tulungan si Isabel na kagampan. At nang magpangita si Maria at Isabel, siya mismo ay nabulabog sa sinapupunan. Nagtatalon siya sa galak nang dumating si Maria at si Jose.

Mahalaga si Juan Bautista sapagka’t mahalaga na mayroong nambubulabog sa atin. Mahalaga siya sa atin maging sa panahong kasalukuyan sapagka’t kinakailangan nating lahat ng isang mahusay mambulabog at maggising ng mga natutulog. Hindi natin kailangan ng birthday celebration. Ang kailangan natin ay ang ipagdiwang at isakatuparan ang dahilan at kahulugan ng kanyang pagdatal.

At ang kahulugan ng kanyang pagdatal ay walang iba kundi ito – ang pukawin ang puso at isipan ng mga taong namihasa nang mamuhay sa kadiliman. Ang kanyang pagdatal ay isang panawagan upang lisanin ang kamangmangan, ang pagkahirati at pagkagulapay sa kawalang pag-asa at kaguluhan ng isipan, ang bumangon mula sa pagkadapa at sa pag-iisip na wala nang pag-asang nalalabi sa mundo.

Sa kasaysayan ng daigdig, may mga panahong ang marami ay tila nanghihinawa at nawawalan ng tiwala at pag-asa. Subali’t sa ganitong pagkakataon ng matinding pangangailangan, nagsusugo ang Diyos ng karampatang tao upang tumugon sa paghamon ng panahon. Nang ang Inglatera ay halos wala nang masulingan dahil sa digmaan, lumitaw si Churchill upang pukawin ang natutulog na pag-asa at kakayahan ng mga Ingles. Binulabog niya ang buong kaharian. Pinukaw niya ang mga tukatok na sa kawalang pag-asa. At ang pinakadakilang sandali ng Inglatera ay narating nila sa pamumuno ni Winston Churchill.

Isang nagngangalang Juan ang isinugo ng Diyos, ayon sa Ebanghelyo ni Juan Ebanghelista. Ang kanyang pagdatal ay mahalaga at makahulugan para sa atin. Iyan ang dahilan kung bakit natin itinatampok at itinatanghal siya sa araw na ito.

Patuloy niya tayong binubulabog. Pinupukaw niya at inaantig ang ating mga puso. Nagtatatalon pa rin siya sa galak sa sinapupunan ng Inang Simbahan sapagka’t narito tayo at nagmamadaling magtipon sa araw na ito ng Linggo. Tulad na pinagbago niya ang takbo ng buhay ni Zacarias at Isabel, pinagbabago rin niya ang takbo ng buhay natin bilang bayan ng Diyos.

Marami siyang binulabog. Kasama na rito si Herodes na lubhang nabulabog sa kanyang narinig mula sa propeta. Ang katotohanan na dulot at mensahe niya ay lubhang mapanganib para kay Juan. At ang nambulabog sa ngalan ng Diyos ay tuluyan nang pinatahimik ng isang makapangyarihang taong hindi matanggap ang kaniyang pambubulabog.

Tulog ang lipunan natin sa pagtanggi na napakaraming dapat pagpanibaguhin sa ating lipunan. Hindi pa naaantig ang ating bayan na tayo ang pinaka tiwaling bayan sa buong Asya. Hindi pa rin natin lubos na nauunawaan na ang ating mga kayamanang likas ay mabilis na nauubos at inaaksaya nating lahat. Hindi pa sumasagi sa ating kaisipan na tuwing halalan, ay hindi dapat mangyari na laging may patayan at iba pang uri ng karahasan.

Patuloy na dumaratal sa ating buhay ngayon si Juan Bautista. Patuloy niya tayong binubulabog. Subali’t ang pinakamatinding pambubulabog niya ay may kinalaman sa pagtuturo niya sa atin ng tamang landas tungo sa ganap na pagbabago. “Siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Hindi ako karapat-dapat magkalas ng sintas ng kanyang sandalyas.”

Oo, siya ay kilabot ng bulabog. Subali’t ang hari ng bulabog ay hari din ng panloob na kababaang-loob at kabanalan: “Dapat siyang umangat at ako ay bumaba.”

San Juan Bautista, patuloy mo kaming bulabugin tungo sa kabanalan!

Junio 16, 2007

Paranaque City, 8:35 PM