frchito

Posts Tagged ‘Panalangin’

ALAM BA NATIN KUNG ANO ANG MAINAM PARA SA ATIN?

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Hulyo 26, 2014 at 10:36

gold

Ika-17 Linggo ng Taon A
Hulyo 27, 2014

ALAM BA NATIN KUNG ANO ANG MAINAM PARA SA ATIN?

Iyak na naman ako nang mabasa ko ang mga kwento ng ilang mga taong nasawi sa pagpapasabog ng Malaysian Airlines flight 17. Kasama rito ang magkapatid na batang papunta sana sa Bali upang bisitahin ang kanilang lola. Ang mas bata sa dalawa, 11 taong gulang, ay hindi malamang bumitaw sa Nanay niya nang inihatid sa airport. “Paano na kung bumagsak ang eroplano?” ang tanong niya. Kasama rin dito ang Pinoy na si Irene Gunawan at ang kanyang dalawang anak at asawa, pauwi sana sa Pagbilao, Quezon, upang makipag-reunion sa mga kamag-anak. Mayroon ding kwento ng ilang sana ay kasama at umasang magkakaroon ng upuan sa eroplano, pero hindi nakasama, at ang kwento ng mga natuwa sapagka’t nakakuha sila ng upuan sa eroplanong hindi na nakarating sa kanilang patutunguhan.

Noong isang Linggo, nabanggit sa ikalawang pagbasa, kung paano hindi natin alam kung paano manalangin. Nguni’t sabi ni San Pablo, ang Espirit mismo ang tumutulong sa ating kahinaan. Siya na rin mismo ang nagdadasal para sa atin, sa pamamagitan ng mga panaghoy na walang katumbas na kataga.

Kung ako iyon, hindi ko rin alam kung ano ang dapat kong dasalin. Hindi ko tukoy kung ano ang mainam at mananatiling mainam para sa akin. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong hilingin at dapat kong bigkasin sa panalangin.

Ito rin ang naging palaisipan marahil kay Solomon, na nanalangin sa Diyos. Ang kanyang panalangin? “Bigyan mo ako ng isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling.”

Tatapatin ko kayo … Hindi ko alam kung ano ang tunay na magaling ngayon at dito. Hindi ko alam kung dapat kong ipagdasal na maglaho na ang mga nangungulimbat ng pera ng bayan, na patuloy na tinatawag nating honorable. Hindi ko alam, kung ako ang isa sa mga nagbakasakaling makasakay sa eroplanong bumagsak ay dapat akong matuwa sapagka’t nabigyan ako ng upuan. Hindi ko alam kung ako ay dapat malungkot sapagka’t naunahan ako sa pila at hindi nakaabot sa mga pinapayagang makalulan sa isang bus, o sa bapor, o sa eroplano.

Hindi ko alam kung dapat kong hilingin sa Diyos na magkapera ako upang makatulong nang higit sa nangangailangan. Hindi ko alam kung dapat kong hingin sa Diyos na ako ay makakita ng isang magic wand upang lutasin ang susun-susong mga problemang hinaharap ko ngayon, sa lugar at posisyong hindi ko hinanap at pinag-nasaan lalu ngayong nagbago na ang kultura at nagbago na ang takbo at simoy ng hangin.

Pero marami akong pangangailangan. Marami akong kahilingan. Marami akong panimdim at panagimpan. Marami akong dapat hilingin at ipagdasal. At ito ang hinahanapan ko sa araw na tio ng katugunan.

Ito ang aking nakikita at naririnig. Pinagkalooban si Solomon ng Diyos, sapagka’t “hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang buhay o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo’y pagkaunawa at katalinuhang humatol.”

May mga kahilingang pansarili at pang-ngayon at dito lamang, at mayroong mga kahilingang para sa ikabubuti ng iba at ikapapanuto ng marami, hindi lamang ngayon, kundi sa hinaharap.

Matindi ang pinagdadaanan ng mga Kristiyano sa Iraq. Maraming pagdurusang hindi nila dapat maranasan ang nagaganap, at magaganap pa. Ano ba ang dapat kong hilingin sa Diyos? Dapat ba akong mabahala at magulantang?

Ito ang tugong nakikita ko at naririnig sa araw na ito. Tama at dapat lang na ako ay mabahala. Tama at dapat lang na ako ay manikluhod para sa kanila. Sapagka’t ang awa at habag at biyaya ng Diyos ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng taong tulad mo, tulad ko, at tulad nating lahat.

Tanging ito ang panalanging namumutawi sa bibig natin ngayon: “Iniibig ko nang lubos tanang utos mo, Poong Diyos! … Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos, katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingcod. Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay, ang lubos kong kasiyaha’y nasa iyong kautusan.”

Mahirap matukoy kung ano ang dapat hilingin, pero may isang malinaw na panuntunan ayon sa pagbasa ngayon …

Ang rurok ng dapat nating naisin at pagsikapan ay ang kaharian ng Diyos. Ito ang biyayang ginto, hindi biyayang mumurahin na madaling makita at mahawakan. Madaling makamit ang biyayang mumurahin, na parang puwit ng baso, na hanggang kinang lamang ngunit walang tunay na halaga. Madali ang humiling ng manalo sa Lotto, pero hindi madali ang pangalagaan ang perang hindi pinaghirapan. Madali ang maging tao, mahirap magpakatao. Madali ang gumawa ng kabalbalan basta magkapera lamang, pero hindi madali ang manindigan sa wasto, sa tama, at sa katarungan.

Ito ang magandang balita sa araw na ito. May grasyang ginto at grasyang mumurahin o patakbuhin, at ang biyayang gintong ito ay walang iba kundi ang paghahari ng Diyos. Ito ay parang isang kayamanang nakabaon, na dapat hanapin at pagsikapang dukalin. Ito ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng perlas. Dapat magsikhay, magpagal, at magsikap. Ito ay tulad rin ng isang malaking lambat. At ang nahuhuli ay hindi lahat maganda at mabuti. Parang itong may-arin ng sambahayan na handang makakuha ng bago at luma sa kanyang taguan.

Tulad ng sinabi ko noong isang Linggo, tanging Diyos lamang ang nakaaalam! At ang dapat hilingin natin, tulad ng hiling ni Solomon, ay kung ano ang tunay na mainam para sa atin, kahit na hindi natin alam na ito ay mabuti. Sabi nga ni Pablo, “alam nating sa alahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti.”

Alam ba natin kung ano ang mainam? Malimit ay hindi. Ipagpasa Diyos na natin!

Advertisements

PAGKAPIT SA KATIG NG PANANAMPALATAYA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Oktubre 18, 2013 at 17:59

11-persistent-widow

Ika-29 na Linggo Taon K
Oktubre 20, 2013

KUMAPIT NANG MAHIGPIT SA KATIG NG PANGINOON

Wala akong maisip na mga salita tungkol sa paghihirap na dumalaw sa marami nating kababayan matapos ang hindi inaasahang lindol sa Bohol at mga karatig isla. Isa lamang ang sumasagi sa isipan ko, na siya ring pinapaksa ng mga pagbasa sa Linggong ito … pagsubok o paghamon.

Hindi biro ang sumailalim sa matinding pagsubok. Tulad ng pinagdaanan nina Moises, kung kailang ang mga basagulerong Amalecita ay patuloy na umaatake sa kanila. Pero hindi lahat ng paghamon ay nakukuha sa pakikipagdigma. Hindi lahat ay nalulutas sa pagiging mainitin ang ulo.

Kung minsan, kailangang magpakumbaba at magtiwala sa ibang uring lakas na hindi galing sa ibaba bagkus sa itaas.

Ito ang kapangyarihan ng panalangin. Pero sa araw na ito, hindi lang simpleng panalangin ang paksa. May kakaibang diin … may kakaibang ibig bigyang pansin. At ito ay may kinalaman, hindi sa pananawa, kundi sa hindi panghihinawa sa panalangin sa Diyos.

Mahirap ngayon ang lahat ng bagay sa ating buhay. Trapiko pa lamang saanmang dako ng Pilipinas ay problema na. Problema ring pumila sa lahat, maging sa supermarket, sa palengke, sa sakayan ng traysikel, o dyip, o LRT. Lahat, ika nga, ay “hassle.” Walang pinipili … walang sinasanto … walang itinatangi – tulad ng lindol na walang pakundangang nagpaguho sa yaman, di lamang nating mga katoliko, kundi ng lipunan.

Kung gaano kahirap ang buhay, ganoon naman kadali ang mawalan ng tiwala, ng pag-asa, ng marami pang iba. Mayroon pa kayang tiwalang natitira sa pamahalaan, lalo na sa Senado at Kongreso? Maibabalik pa kaya ang naglahong pananalig na kapakanang pangkalahatan ang kanilang pakay at naisin?

Para sa mga nasawi dahil sa lindol, alam nating walang anumang kataga ang makapagpapagaan ng mabigat na pasaning emosyonal ng mga naiwan.

Bilang pari, ako ay kaisa sa kanilang panimdim at sa kanilang mga pasakit. Pero bilang pari, mahirap man maunwaan ngayon sa gitna ng matinding pagsubok, tungkulin ko ang ipagmakaingay ang magandang balita na siyang maghahatid sa atin sa liwanag, gaano man kalayo, gaano man katagal.

Ito ang mga pahatid sa atin ng mga pagbasa … Una, kailangan nating manatili sa pananalig at sa pananalangin, tulad ni Moises na nanatiling nakataas ang mga kamay bilang tanda ng pagsamo sa Diyos.

Ikalawa, kailangan natin ng katatagan, tulad ng paalaala ni Pablo: “Ipangaral mo ang ang salita ng Diyos, napapanahon man o hindi; hikayatin mo, pagsabihan, at patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo.”

Alam kong lumang tugtugin na ito, pero ito ang malinaw na turo sa atin ngayon … “huwag mong tatalikdan ang mga aral na natutuhan mo at matibay na pinananaligan, yamang kilala mo ang nagturo nito sa iyo.”

Katatagan … katapatan … kalakasan ng loob at ng pananampalataya at pag-asa …

Sukdulan ang halimbawang dulot ng Panginoon … isang balo na hindi nanghinawa, nagpumilit, nangulit, patuloy na nanggambala, at walang patid na nagpahatid ng hinaing … Ito ang larawan ng isang taong may pananampalatayang hindi nabubuwag ng pagsubok, gaano man kapait.

Marami sa atin ang nakakaranas ng matinding pagsubok sa buhay. Hindi ko batid ang nilalaman ng puso ng lahat ng kaharap ko ngayon o nagbabasa nito. Pero ito lamang ang masasabi ko … Alam ng Diyos ang lahat. Naranasan din ng Panginoon ang lahat ng ito. Kaisa natin siya … kasama … kabata … kalakbay at kapanalig.

Hindi siya nagsasawa. Hindi nanghihinawa. Sa habag at pag-ibig sa tanan, kahit na hindi natin ngayon nakikita o nararamdaman.

Manatili sana tayong naka-katig sa kanyang timon. Tularan si Moises, si Aaron, Hur, Pablo, at ang hindi kilalang balo sa ebanghelyo. Kumapit tayong mahigpit sa katig ng pananampalataya sa Panginoon.