frchito

Archive for Abril, 2011|Monthly archive page

KAYAMANANG DI MASISIRA, DI KUKUPAS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Abril 29, 2011 at 13:38

Ika-2 Linggo ng Pagkabuhay(A)
Mayo 1, 2011

Ang gaganda ng mga sapatos ngayon, lalu na ang mga noong araw ay tinatawag na “sapatos de goma.” Magaang, maganda ang hugis, makulay, iba-iba ang anyo at hugis, at lalung higit, pinatutunayan ng mga pinakatanyag na manlalaro sa buong mundo. Pati si Manny Pacquiao ay mayroong sariling linya ng sapatos sa Nike, tulad ni Jordan, na may sariling tatak na “Air Jordan.”

Napakagaganda rin ang mga iPods at mp3 players. Lahat ng produkto ng Apple ay hindi nagtatagal. Hindi mo pa man nagagamit nang lubos ang iyong nabiling iBook, Mac Book, o iPad, mayroon nang bagong labas na umaakit kaninuman upang iwaksi na ang luma, at kunin ang mas bago.

Ayaw natin ng luma … lumang pagkain, lumang damit, kupas na mga kasuotan, gasgas na mga sapin sa paa, at anuman. Ayaw natin ng datihan; at ang gusto natin ay lahat baguhan at hindi pa nagagamit ninuman. Sa Amerika, kung saan naroon ako sa panahong ito, tuwing “Black Friday” sa araw matapos ang Thanksgiving Day, libo-libo sa buong Amerika ang nagpupuyat, nag-aabang, at nag-uunahan makabili lamang ng pinakabagong abubot na elektronika, pinakabagong Sony Play station, o pinakabagong plasma TV, at marami pang iba.

Pagbabago … panibagong buhay … bagong sibol at bagong simula ang hanap ng lahat.

Subali’t alam natin ang kalalagayan at katatayuan ng anumang nilikha ng tao … naluluma, nalalaos, kumukupas, at lumilipas!

Hindi ko malimutan ang una kong mamahaling pares ng sapatos de goma, maraming taon na ang nakararaan. Bigay at padala ng kapatid ko mula Amerika. Alagang-alaga ko ang sapatos na yaon. Minsan-minsan ko lang ginamit upang mapatagal, upang hindi madumihan, at hindi maluma agad. Sa aking pagsisinop, mas matagal ang panahong nakatabi sa kabinet ang pares. Isang araw, ginamit ko iyon, at habang naglalakad, napansin kong may kakaibang pakiramdam sa paa ko … Parang hindi pantay ang aking lakad. At nang makita ko ang pinakamamahal kong sapatos, nalagas palang parang pulbos ang swelas ng sapatos sa kanang paa. Nalusaw ang swelas at naglaho na lamang at sukat! Sa gitna ng isang nakahihiyang pangyayari, isang palaisipan ang nanatili sa akin … May hangganan at wakas ang lahat, at kapag nawala na ito, wala akong angking kapangyarihan upang pagpanibaguhin ang isang sapatos na biglang naging luma, naging walang silbi, walang halaga.

Ganito ang naganap nang tayo ay magkasala … Naglaho ang buhay maka-Diyos natin, naglaho ang buhay ng grasya at namatay ang kaluluwa sa kasalanan. Nawala ang karapatan natin upang makapiling ang Diyos. Nawala tayo sa hanay ng mga banal. Nasadlak tayo sa kadiliman. Nawala ang buhay maka-Diyos na sa mula’t mula pa ay nakalaan para sa atin.

Subali’t ang daang tinahak ng Panginoon ay naging simula ng isang bagong liwanag, isang bagong pangako, isang muling panimula, at isang panibagong buhay. Naganap ito nang Siya na sumuong sa kamatayan para sa atin ay muling nabuhay. Sa kanyang pagtatagumpay, nabago nang ganap ang takbo ng buhay ng tao. Sa kanyang pagbangon mula sa kamatayan, nagkamit tayo ng isang pangakong hindi kailanman magagapi ng anumang kapangyarihan sa daigdig. Sabi ni San Pedro, “tayo’y isinilang sa isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesukristo.”

Sa pagiging taga-sunod ni Kristo, mabubulok at mabubulok pa rin ang sapatos natin, ang gamit natin. Kukupas, maluluma, at mawawala ang lahat ng mga ginawa nating material. Pati ang katawang-lupa natin ay maglalaho at mamamatay. Kahit bumili tayo ng bagong iPod, sa susunod na anim na buwan ay luma na rin, sapagka’t may bago na namang lalabas paglaon.

Nguni’t ang pagkaluma ng lahat ng ito ay isang pahiwatig, isang paalaala sa atin na may higit na pagbabago na dapat nating asamin at pagsikapang kamtin … ang dakilang pagbabagong dulot ng muling pagkabuhay ng Panginoon.

May bagong darating … May dakilang pagbabagong naghihintay sa atin … isang panibagong buhay na kaakibat ng bagong buhay ni Kristo … Si Pedro na ang nagsasabi sa atin: “Ang bagong buhay na iyan ang nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa na kakamtan natin ang isang kayamanang walang kapintasan, di masisira, at di-kukupas. Ang kayamanang iya’y nakalaan sa inyo doon sa langit.”

Ano pa ang hahanapin natin? Masisiyahan na lang ba tayo sa bagong bagay na makamundo, na bukas at makalawa ay luma na rin? Masisiyahan ba tayo sa isang bagay na pinakamahalaga ngayon, nguni’t bukas at makalawa ay luma na, kupas na, at lipas na?

Iisa lamang ang tunay na pagbabagong minimithi ng lahat – ang bagong buhay natin kay Kristong ating Panginoon!

PAGTALIKOD O PAGTALIMA?

In Mahal na Araw, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Abril 23, 2011 at 16:10

Linggo ng Pagkabuhay (A)
Abril 24, 2011

PAGTALIKOD, O PAGTALIMA?

Muli na namang napukaw ang damdamin ng marami sa mga nakaraang araw. Mga “mahal na araw” ang tawag natin sa nagdaang Linggo. Nagmula sa Linggo ng palaspas, nakipaglakbay tayo sa buong Santa Iglesya sa landas ng kabanalan, landas ng kahirapan, landas ng pagpapahindi sa sarili, landas ng pagsunod sa yapak ni Kristo, na ngayon ay namamaulo sa tagumpay na walang kapantay sa kasaysayan.

Landas ng tila pagkatalo, pagkautas, na wari ay balot ng kadiliman … landas ng tila kawalang saysay at kawalang kahulugan … landas ng wari’y isang pagkagapi at pagiging api sa harap ng mga makapangyarihan nang panahong yaon.

Pero, sa kabila nito, tanging sa Pilipinas lamang na ang katagang “banal” ay pinalitan natin ng katagang “mahal.”

Sa aking pagkawari, iisa ang tinutumbok nito … Walang kabanalan sa Pinoy kung walang pagmamahal at pagpapahalaga. Walang banal na hindi itunuring na mahal, mahalaga, mamahalin, at walang maaaring ituring na kabayaran!

Mahal ang mga araw na ito. Una, nagsipag-uwian ang marami sa atin upang makapiling ang mga mahal sa buhay. Taon-taon, hindi magkamayaw sa istasyon ng bus, mga pantalan, at mga paliparan! Kahit mahal ang gasolina, at patuloy na nagmamahal, minahal nating tunay ang mga araw na nagdaan at ibinukod upang gugulin sa gawaing mahal at malapit sa puso natin.

Mahal ang mga araw na ito … Kahit hindi na uso ang mga sinakulo, at mga pabasa, tuloy pa rin ang paghahanap ng Pinoy sa dagdag na kaalaman tungkol sa mahal na Nazareno. Hindi tayo umangal at walang “Eat Bulaga” o “Willing-Wili” sa TV. Hindi tayo nalungkot at walang bukas na mga internet cafe. Hindi tayo nagtaka at sarado ang mga malls sa Biernes Santo. Sa lugar na kinatatayuan ko ngayon, habang wala sa Guam, libo-libo ang mga dumayo para lamang mangumpisal, dahil alam nilang may mga magigiting pang mga pari na nag-gugugol ng mahal na panahon upang tulungan makapagbalik-loob ang mga tao, kahit isang beses lamang isang taon, o sa maraming kaso ay maraming taon!

Mahal ang mga araw na ito … Mahalaga at matimbang, kung kaya’t ginamit natin upang mapalapit nang higit pa sa Diyos.

Subali’t may ibang kamahalan naman ang nagiging unti-unting palasak na rin sa lipunan nating nahihirati na sa globalisasyon. Para sa mga may kaya, mahal rin ang kanilang ginugol upang palampasin ang mga araw na ito … sa Boracay, sa mga dalampasigan, sa Baguio, sa Tagaytay, at sa iba-iba pang takbuhan ng mga parami nang paraming mga Pinoy na nababago na ang kulturang kinagisnan.

Sa araw na ito, ang ganap at kasukdulan ng pagiging “mahal” sa mga araw na ito, ay ang tanda ng dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin. Matapos ibuhos ang sariling buhay at ialay para sa ating kaligtasan, muling nabuhay si Kristo … muling itinanghal ang kamahalan ng buhay na kailanman ay hindi na magagapi ng kamatayan!

Ito ang pinakamahal na katotohanan na ating ipinagdiriwang sa araw na ito. Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, araw na napakalapit sa puso Niya … araw na naging rurok at kasukdulan ng mahal na pangako ng Diyos para sa ating kaligtasan.

Araw ito ng buhay! … buhay na walang hanggan … buhay na hindi na magagapi, makikitil, at mapipinsala ninuman at ng anuman!

Malungkot nga lamang at sa mga mahal na araw na ito, may mga mambabatas na nag-aral at nagpulong upang isulong ang kanilang kapasyahang bigyang-balakid ang buhay na mahal ng mga bata sa sinapupunan! Malungkot rin na sa mga mahal na araw na ito, may mga taong ang higit pang minahal ay ang sariling bakasyon, sariling ginhawa at sariling kapakakanan, at ni hindi tumuntong sa simbahan, o nagnilay sa mga tunay na mahal na araw.

Malungkot rin na sa kabila ng patuloy na pagtuturo ng Inang Simbahan para itaguyod ang tunay na mahal at mahalagang mga pagpapahalagang Kristyano, (values), may mga taong ang higit na pinahahalagahan ay ang mungkahi ng America, at ng mga kompanyang gumagawa ng mga sari-saring paraan upang bawasan ang tao sa daigdig.

Pagtalikod ang kanilang tugon sa mahal na pag-aalay ng Diyos ng sariling anak, at malayang pagbubuhos ng sariling dugo at buhay ng bugtong na Anak ng Diyos.

Sa araw na ito, na sukdulan at rurok ng mga mahal na araw, dalawang tao ang ipinakikita ng mga pagbasa bilang ating huwaran. Una, si Maria Magdalena. Maaga pa at madilim, ay nasa gawing puntod na siya upang gawin ang dapat gawin sa kalilibing pa lamang na kanyang Panginoon. Nabigla siya sa pagkakita na nahawan ang batong takip ng puntod. Hindi siya nagsiyasat. Hindi siya nag-usyoso. Hindi siya nagkunwaring isang siyentipiko at isang imbestigador. Wala siyang anumang teoriya o hipotesis. Wala siyang anumang hinuha o hula. Wala siyang anumang inakala. Kagya’t siyang tumalikod at tumakbo, patungo kay Simon Pedro. Kagya’t siyang humangos upang ihatid ang balita!

Ito ay ginawa niya dahil sa kanyang pananampalataya! Tumalikod at tumakbo upang mamahagi at mamalita!

Malungkot na sa ating panahon, kay raming tumatalikod na lamang at sukat sa Panginoon. Subali’t ang pagtalikod na ito ay walang pakay, walang saysay, walang patutunguhan. Ito ang pagtalikod ng mga taong sabi nila ay Katoliko sila, nguni’t labag ang kilos at pangaral sa utos ng Simbahang katawang mistiko ni Kristo.

Malungkot na sa ating panahon, kay raming ang turing sa mga mahal na araw ay mahalagang araw lamang para sa sarili, para sa ikabubuti ng kanilang katawan, para sa mga pansariling mga pagpapakasasa sa sarili. Tumatalikod lamang sila at sukat, wala nang iba pang dahilan.

Si Juan na mabilis tumakbo ay nauna kay Pedro. Hindi siya nagsiyasat. Hindi rin siya nag-usyoso. Hindi rin siya nagkilos imbestigador. Hindi teoriya ang kanyang hatid. Hindi hipotesis, o isang hinuha lamang. Pananampalataya ang kanyang dala. Pananampalataya ang nag-udyok sa kanya upang sumandaling tumalikod at magbigay-daan sa pinuno nilang si Pedro.

Kay raming marurunong sa ating bayan. Kay raming mga pagsasaliksik ang kanilang binabanggit at pinanghahawakan, mga pagsasaliksik na salungat sa napakarami nang mga pagsasaliksik na nauna. Handa silang tumalikod sa buhay. Handa silang sumiphayo sa inosenteng buhay, at gumanap bilang pulis ng patuloy na pagdami ng tao sa mundong ibabaw. Handa silang tumalikod sa tinig ng Diyos at mag-astang tila Diyos na nagpapasya sa buhay at kamatayan ng ibang tao. Hand silang tumalikod sa angking dignidad ng tao na hindi kailanman dapat talikuran ninuman.

Ngunit sa araw na ito ng muling pagkabuhay, dalawang nilalang ang sa atin ay nangangaral – si Maria Magdalena at si Juan. Pareho silang tumalikod sumandali sa ngalan ng kanilang pananampalataya. Subali’t sa wakas ang kanilang pagtalikod ay walang iba kundi pagtalima, pagsunod, pakikibagay at pakikisama sa “mahal” na kalooban ng Diyos!

Ang mga nagdaang araw ba para sa iyo ay naging mahal? O mas minahal mo pang tumalikod na lamang at sukat sa Diyos na gumapi sa buhay, at nagkaloob ng buhay na hindi dapat pakialaman ninuman? Naging mga araw ba ito ng pagtalikod o pagtalima?