frchito

Posts Tagged ‘Panahon ng Pagdating’

KADAKILAAN SA KABABANG-LOOB AT KAPAYAKAN

In Adviento, LIngguhang Pagninilay, Taon K on Nobyembre 20, 2015 at 03:22

N.B. Wala akong pagkakataon ipaskil ang mga pagninilay na ito sa darating na mga araw dahil sa isang mahabang paglalakbay, kung kaya’t inuna ko na ipinaskil dito. Salamat sa lahat ng aking taga-subaybay at taga-tangkilik!

second-sunday-in-advent-clip-art-13643228765799_orig[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ikalawang Linggo ng Adbiyento – K

Disyembre 6, 2015

KADAKILAAN SA KABABAANG-LOOB AT KAPAYAKAN

Medyo mahilig sa detalye si Lucas Ebanghelista. Dapat lang, kasi duktor siya, isang taong aral at marunong, bihasa sa mga detalyeng wala dapat kalimutan. Hinimay niya ang kinapalooban kung kailan dumating si Juan Bautista. Panahon ni Tiberio Cezar, panahon rin ni Pilato, ni Felipe at Lisanias, at kung sino-sino pang pinangalanan niya, tulad ni Anas at ni Caipas.

Saka lamang niya binanggit si Juan, mula sa ilang, anak ni Zacarias – mga taong hindi kilala, at mga taong walang kapangyarihan.

Pero sa kanyang kasimplehan at kawalang pangalan at kawalang kapangyarihan, maganda ang sinabi ni Lucas sa sumusunod na mga pangungusap. Nagpunta siya diumano sa lahat ng dako ng Jordan, upang mangaral ng pagbabalik-loob at kapatawaran ng mga kasalanan.

San mundo natin, ang inaasahan lagi ay ang mga may kapangyarihan. Walang kusa ang mga payak at walang kaya. Sa kasawiang-palad ang may kaya at makapangyarihan ay malimit ay mapagsamantala at mapanlamang. Tingnan na lang natin ang mga bahay ng mga politico … Wala pa akong nakitang politikong nasiyahan sa maliit na bahay at iisa lamang. Kung meron man ay hindi ko pa nakita.

Sina Tiberio Cesar, si Anas, si Caipas, si Pilato at si Felipe at Lisanias ay nabanggit sa ebanghelyo. Subalit maliban dito at maliban sa pangbanggit rin ng mga sumulat ng kasaysayan, ay wala na silang iba pang nagawang hanggang ngayon ay ipinagbubunyi ng buong mundo.

Ito marahil ang pinakamahalagang aral sa ikalawang Linggo ng Adbiyento … ang matutong maging payak tulad ni Juan Bautista, ang matutong gumawa nang nararapat kahit walang HD camera o videocam na nakasunod, o walang blogger na magpapakilala sa atin sa mundo.

Ito si Juan Bautista — naghanda sa daraanan ng Panginoon, at hindi inubos ang oras sa pagseselfie at pagkuha ng larawan ng kanyang pagkain (dahil naman una sa lahat ay insekto o pulot pukyutan lang naman) at hindi nagwaldas ng oras upang makipag-chat online maghapon.

May kapangyarihan ang mga simple. Sabi nga ni Eleanor Roosevelt. Wala nang mas sisimple pa sa kadakilaan. Ito ay sapagkat ang pagiging simple ay pagiging dakila na.

At ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay laman pa rin ng panalangin ng simbahan si Juan Bautista.

Advertisements

MAGANDANG BALITA SA PAMILYA

In Uncategorized on Disyembre 22, 2014 at 22:35

Malachi Saint-John-the-Baptist-web

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 23, 2014

MAGANDANG BALITA SA PAMILYA

Hindi natin maitatanggi na ang pamilya ay nagdaranas ng sari-saring pagsubok sa ating panahon. Una sa lahat, hirap ang pamilya na manatiling magkaisa ngayon. Si Tatay ay nagtatrabaho sa Saudi, o si Nanay ay nanunungkulan o naninilbihan sa HongKong o Italya o saanman sa buong Europa. Si Kuya o si Ate ay nasa Singapore o nasa Korea.

Pangalawa, ang uso na siyang kalakarang namamayaning saloobin at isipin, na batay sa tinatawag na “tolerance” ay nagtuturong maski ano puede, basta’t
happy ka. Basta’t masaya ka, wala sinumang makapagkokondena … sabay batbat pa ng isang quote na mula kay Pope Francis: “Who am I to judge?” (kahit ang puno at dulo o konteksto ay malayo sa konteksto na nasa isip ng marami ngayon!)

Pangatlo, iba na ang pamilya dahilan sa iniba na rin ang definisyon ng kasal. Hindi na ito isang kontratang pang habambuhay, kundi isa lamang partnership, na puedeng mawala o magbago ng mga alituntunin, anumang oras.

Ang kasal, bagama’t isang institusyong natural, ang kanyang hugis at anyo ay nababalot na ng isang anyong hindi na ayon sa kalikasan. Iba-iba nang gawang makataong element ang bumabalot sa kasal.

Nguni’t sapagkat ang Diyos ang may akda nito, kaisahan at pagniniig ang natural dito, hindi hidwaan o pagtutungayaw.

Nais kong isipin na isa ito sa mga padaplis na paksa ng pagbasa, lalu na sa unang pagbasa. Ayon sa pangako ni Propeta Malakias, “darating ang pinakahihintay na sugo at ipahahayag ang aking tipan.” Pero ang kanyang pagdating ay may tahasang pakay: “para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdadalisay sa pilak at ginto, upang maging karapat-dapat sa Panginoon.”

Isang institusyong makatao na dapat dalisayin ang kasal, ang pagsasama ng babae at lalake ayon sa balak ng Diyos, bilang isang pagniniig sa pag-ibig sa harapan ng Diyos at tao. At isa sa mga bunga nito ay ang pagdadalisay rin sa pamilya, na nabahiran na rin ng hidwaan bunga ng kasalanan. Hatid ng kasalanang ito ang kawalang kapanatagan sa isa’t isa, o kawalan ng wasto at malalim na pagniniig, tulad ng pakikipagniig ng Diyos sa kanyang bayan.

Ito ang magandang balita para sa mga pamilyang naririto ngayong umaga: “Muling magkakalapit ang loob ng mga ama’t mga anak.”

Harinawa, O Panginoon! Halina, Panginoon, halina!