frchito

Posts Tagged ‘Pag-asa’

In Simbang Gabi 2015, Taon K, Uncategorized on Disyembre 23, 2015 at 09:09

tumblr_m0gxpueRbo1qbzsujo1_400

sea-dawn-sunset-holiday.jpgSIMBANG GABI 2015   Ika-9 na Araw

Disyembre 24, 2015

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

MAGLILIWANAG ANG BUKANG LIWAYWAY!

“Halina, Panginoon, magmadali! Huwag nang paantala!” Ito ang angkop na angkop na unang linya sa ating dasal sa simula ng Misa. Sa gabi ring ito ay magaganap ang ating matagal na pinakahihintay.

Pero hindi lahat ng paghihintay ay nababalot ng pakiramdam na OK ang lahat. Habang lumalapit ang pinaghahandaan natin, meron lagi tayong nakikitang kulang. Meron lagi tayong nararamdamang kakulangan.

Di ba’t iyan ang pakiramdam ng mga taong malapit nang ikasal, o malapit nang mag graduate o malapit nang maordenahan? Lagi tayong atubili, sapagka’t ang dama natin ay hindi tayo lubos pang handa, hindi pa tayong ganap, o ika nga, ay hilaw na hilaw pa.

Maging si Haring David ay pinamugaran ang puso ng ganitong pag-aalinlangan. Nabahala siya na siya ay nakatira sa isang palasyo at ang kaban ng tipan ay nasa isang tolda lamang. Na-guilty ika nga si David.

Pero ang Diyos na siyang nagbalak ay hindi napapailalim sa mga kakapusan ng tao, o kakulangan ng kapwa. Hindi magiging anumang balakid sa Kanya ang ating kahinaan, at mga kakapusan nating lahat. Kaya’t siya na ang nagsabi: “Ako mismo ang gagawa ng Kaharian.” “Ako ang banala,” sabi ng Panginoon.

Marami tayong nakikitang balakid sa buhay natin, sa lipunan natin. Hanggang ngayon ay hindi pa tayo magkaisa. Sa katunayan, lalung naging hati-hati ang bayan, matapos may pumasok na bagong kandidato. Marami tayong gustong baguhin, gustong gawain.

“Ako ang bahala,” sabi ng Panginoon!

Ito ang magandang balita ng Pasko. Laging may pag-asang bago. Laging may pag-asang matutupad. Laging mayroon tayong maaring mahintay. Ito ang mensahe ng pagsilang ng sanggol sa Belen.

Hindi kompleto ang lahat nang makita ni Zacarias ang kadakilaan ng Diyos. Hindi nalutas lahat ng kanilang problema. Matanda pa rin siya. Magulo pa rin ang mundo.

Pero sa kabila ng lahat, puno pa rin siya ng pasasalamat, at puno ng pagdakila sa Diyos, at bumulalas ng ganito: “Purihin ang Panginoon ang Diyos ng Israel, sapagka’t naparito siya upang iligtas at palayain ang kanyang bayan.”

Kaya ito ang para sa ating lahat … Hindi pa rin tayo mayaman. Hindi pa rin nalulutas ang trapiko. Marami pa tayong suliranin. Pero ito ang tiyak …

Darating ang Panginoon, hindi magluluwat. Sasabog ang isang panibagong umaga. Sasambulat ang isang nagniningning na bukang liwayway!

Ano pa hanap mo?

 

Advertisements

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO!

In Uncategorized on Nobyembre 14, 2015 at 09:33

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Unknown

Ika-33 Linggo ng Taon B

Nobyembre 15, 2015

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO!

Bihira na ngayon ang batang marunong kumilala ng puno. Hindi na nila alam ang kaibahan ng puno ng santol at puno ng mangga. Asa pa ba kayong masabi nila ang kaibahan sa kambing at sa tupa?

Lumaki akong nagtatanim ng sari-saring puno: kape, kakawate, chico, at mga halamang-laman tulad ng kamote, balinghoy at iba pa. Isa sa aking natutuhan ay ito … hindi komo naitanim mo na ay hahayaan mo na. Dapat kang tumingin sa mga senyas, sa mga palatandaan at kung hindi ka marunong tumingin sa mga tanda ng kalikasan ay wala kang mapapala sa iyong ipinunla. Kapag naunahan ka ng ulan bago umani, ay wala kang aanihin.

Mga senyas at tanda ang paksa ng mga pagbasa ngayon …

Ang buhay natin ngayon, sa totoo lang, ay puno ng senyas. Mahigit nang 100 ang namatay sa mga pasabog ng terorista sa Paris, Francia. Huwag na tayo lumayo sa Pilipinas. Araw-araw, panay kabuktutan, kadayaan at panlalamang ang laman ng balita. Ang mga tanda na nakikita natin ay nagtuturo lahat sa isang katotohanang hindi natin maipagkakaila.

Ang lipunan natin ay nababalot ng kasalanan. Ang kultura ng kasalanan, na nakikita sa katiwalian ay palasak na kahit saan ka magpunta: mga kalyeng nagiging paradahan lang ng sasakyan … mga bangketang nagiging barangay outposts, at mga liwasan at sementeryong nagiging bahayan. Kahit saan ka magpunta ay tila dapat mong bantayan ang kapaligiran mo sapagka’t hindi mo alam kung sino ang sunod na titira sa iyo. At wala nang lugar na pinipili ang masasamang loob – tulad ng airport at iba pa.

May mga tanda na ang bunga ay pangamba. May mga tanda na ang bunga ay paghahanda, pagsisikap, at pagpupunyagi. Depende ang lahat kung ano ang ating nababasa sa likod ng tanda.

Sa mga pagbasa ngayon, tandang maliwanag ang natutunghayan natin – mga tanda na nagtuturo sa wakas ng panahon, at sa darating na kaligtasang dulot ng Diyos.

Sa marunong bumasa, pananampalataya ang hatid. Sa marunong kumilatis, pag-asa ang bunga. Sa mga taong mababaw ang pananampalataya, takot ang namamayani.

Marunong ka bang magbasa? Sabi ng Panginoon na unawain daw natin ang aral mula sa puno ng igos.

Nababasa ba natin? Ang kanta dati ng mga Pinoy ay ito: Wala ka bang napapansin?

Wala ka ba talagang napapansin? Na palasak na sa atin ang kultura ng kasalanan? At bihasa na tayong makakita ng kasamaan at hindi na tayo natitinag sa kasamaan?

Atin sana bigyang pansin ang tanda na hatid sa atin ng mga pagbasa. “Yaong may pagkaunawa at umakay sa marami tungo sa kabutihan ay magniningning naparang tala sa kalangitan magpakailanman.”

Hindi na tayo dapat maghintay pa na dumilin ang araw, at hindi magliwanag ang buwan at magkamdahulog ang mga bituin. Marami na tayong tanda. At lahat ng ito ay tumutuon na ang paghahari ng kasalanan at kasamaan ay hindi pang magpakailanman.

Ang lahat ay tanda na ang Diyos ay tagapaglitas, at malapit na siyang dumating.

Unawain ang aral mula sa puno!