frchito

Archive for Hulyo, 2008|Monthly archive page

KALINGA, PAGPAPALA, PAGGAWA

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 27, 2008 at 21:35

Ika-18 Linggo ng Taon (A)
Agosto 3, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 55:1-3 / Roma 8:35,37-39 / Mt 14: 13-21

Kalinga mula sa Diyos ang paksa sa unang pagbasa. Isang pangitain mula sa panulat ni Isaias ang naglalarawan sa Diyos na nagbibigay anyaya  sa lahat upang dumulog sa hapag niya. Ang paanyaya ay para sa mga nauuhaw, sa mga salat at walang salapi, sa mga walang pambayad. Maigting na panawagan at mahigpit na paanyaya sa isang panibagong kasunduan, na inilalarawan sa pamamagitan ng isang handaan, ang magandang balita ni Isaias.

Pagpapala naman ng isang maigting na ugnayan at pagmamahalan ang pinapaksa ng ikalawang pagbasa. Sa panulat ni San Pablo sa mga taga Roma, pinagtitibay ang katotohanang ang Diyos na nagkakalinga ay may higit pang pagpapala sa mga nagmamahal sa kaniya. Wala aniya anuman ang makapaghihiwalay sa Diyos at sa mga nagmamahal sa Kaniya. “Sa lahat ng bagay,” ani Pablo, “matagumpay tayong makapagwawagi sa pamamagitan niyang siyang unang nagmahal sa atin.”

Parang isang kabalintunaan na ang tinutumbok ng mga pagbasa ay pawang may kinalaman sa pagkain. Ang larawang ipinipinta ni Isaias ay isang makalangit na handaan. Ang kwento sa ebanghelyo ay may kinalaman sa pagpaparami ng tinapay at pagbubusog sa libo-libong tao. Isang kabalintunaan ito sa panahon natin kung kailan ang seguridad sa pagkain ay tinatanaw na malaking problema sa maraming bahagi ng daigdig. Sa araw na ito kung kailan natin isinisigaw ang tugon natin matapos ang unang pagbasa: “kaloob ng Diyos ay pagkain, tinutugon niya ang pangangailangan natin,” kay rami ang nagugutom, maging sa ating bansa. Kay raming salat na walang maibili ng pagkain, at kay raming lugar na wala ring mabiling pagkain. Bukod dito, maging sa ating bayan, ang halaga ng pagkain ay walang ampat na tumataas. Unti-unting nalalapit sa bingit ng pagkagutom ang napakaraming mga mahihirap.

Ito nga bang magandang balitang ito ay may kaugnayan sa tunay nating buhay? Ito nga bang sinasaad sa ebanghelyo ay makapagliligtas sa atin, at makapagtatawid-gutom sa balana? Ito nga bang pinag-uusapan natin Linggo-linggo sa simbahan ay may kakayahang magdulot ng nakikita at nasasalat na kaligtasan para sa mga nagugutom at naghihikahos?

Mahalaga na mailagay natin ang sarili sa sitwasyon ng mga Israelita na binusog ng Panginoon sa ebanghelyo. Mahalaga na maunawaan natin na bukod sa pisikal na pagkagutom, ay mayroon silang higit na malalim na pagkagutom – ang arap at hanap ng tao sa kaibuturan ng kaniyang puso na binanggit natin noong nakaraang Linggo. Ito ang dakilang pagkagutom ng tao sa Diyos, ang malalim na pag-aasam natin sa kanyang kabanalan, sa kanyang katarungan at kapayapaan.
Ang arap at hanap ng tao ay nagbunga sa yakap ng Diyos na nagkaloob ng dakilang pagpapala. At ang dakilang pagpapalang ito ay naisalarawan sa pagpapakain ni Kristo sa limang libong katao, hindi pa kasama ang mga babae at mga bata.

Tunay na magandang balita ito para sa atin na magpahangga ngayon ay nagugutom pa rin sa maraming bagay. Gutom tayo sa katarungan. Gutom tayo sa kapayapaan. Salat na salat ang tao ngayon sa pagkakaisa at pagtutulungan, at pagbibigayan. Uhaw ang maraming bahagi ng mundo ngayon sa tubig na mapagpala. Uhaw ang maraming bansa sa tulong ng mga nakaririwasang bansa sa daigdig. Marami ang gutom, salat, at uhaw sa kalinga ng kapwa, sa pagmamalasakit sa kalikasan at sa pag-iingat at pangangalaga sa mga kaloob ng Diyos sa daigdig ng kalikasan.

Tunay na ang mga kamay ng Diyos ay nakaunat para magkaloob sa atin ngayon ng kalinga at pagpapala. Naganap ito sa pamamagitan ng milagro na ginawa ni Jesus. Nagaganap pa rin ito sa patuloy na himalang nangyayari tuwing tayo ay dumadalo sa Misa. Nagaganap pa rin ito sa tuwinang tayo ay binubusog niya sa kanyang salitang nagbibigay-liwanag sa buhay ng tao.

Subali’t may isang mahalagang aspekto ang magandang balitang ito na hindi natin pwedeng kaligtaan. Ang kalinga at pagpapala ng Diyos ayon sa ebanghelyo ay hindi parang mana sa lumang tipan na nahulog na lamang at sukat. Hindi ito isang paalagwa mula sa langit na walang hinihinging puhunan mula sa atin. Kung titingnan natin muli ang salaysay ni Mateo, makikita natin, na ang himala ay naganap dahil sa dalawang mahalagang bagay: una, nagkaloob sila ng  5 tinapay at dalawang isda. Namuhunan sila nang tama. Hindi nila ipinagkait ang kaunting mayroon sila. Ikalawa, nang marinig ni Jesus ang mungkahi ng mga disipulo na pauwiin na ang mga tao, ang hamon ni Kristo ay maliwanag: “Kayo na mismo ang magbigay sa kanila ng pagkain.”

Narito ang susi sa magandang balita. Nasa Diyos ang kalinga at pagpapala, nguni’t nasa tao ang paggawa. Nasa Diyos ang  awa at biyaya, nasa tao ang gawa.

Takot ang marami sa nagtataasang presyo ng bilihin. Takot ang balana sapagka’t tila wala nang pag-ampat sa pagbulusok ang kalidad ng buhay ng tao sa ating bayan. Pahirap tayo ng pahirap. Parami nang parami ang mga suliranin. At napakadali ang magpadala sa kalakaran ng kultura at isipin na ang solusyong iminumungkahi ng mga mambabatas na pigilin ang pagdami ng tao sa pamamagitan ng Reproductive Health bill, ay siyang tunay na solusyon, kahit na ito ay labag sa kalooban ng Diyos at turo ng Iglesia Katolika.

Kalinga at pagpapala ang dulot at kaloob ng mga kamay ng Diyos. Ito ay batid natin. Subali’t dapat din natin mabatid na ang kaloob na ito ay makapangyayari lamang kung tayong lahat ay marunong mamuhunan. Ang solusyon sa napakaraming tao sa bansa ay hindi maaring lapatan ng lunas sa paraang yumuyurak sa dignidad ng tao, sa paraang artipisyal at bagay na nagpapababa sa dignidad humana. Lahat ay dapat mamuhunan dito. Ang mga mag-asawa ay dapat mamuhunan sa wasto at napapanahong pagpipigil sa sarili at pagsasakripisyo, na daan sa paglago ng tunay at wagas na pag-ibig sa isa’t isa. Ang mga namumuno sa lipunan ay dapat ding mamuhunan sa pamamagitan ng paggawa upang ang mga estruktura ng lipunan ay maisa-ayos at mapawi at mapuksa ang lahat ng estruktura ng kadayaan, katakawan, katiwalian, at pagkamakasarili. Ang lahat ay inaanyayahang dumulog sa hapag ng makalangit na bangkete sa pamamagitan ng daan ng wagas na pag-ibig at sakripisyo.

Tunay na tunay na ang Diyos ang simulain ng kalinga at pagpapalang kinakailangan ng balana. Pero ang kalinga at pagpapalang ito ay nagdadaan din sa ating lahat. Tayong lahat ang tulay na pinagdadaanan ng biyaya ng Diyos. Nasa Diyos ang kalinga at pagpapala, pero nasa tao ang paggawa.

Advertisement

ARAP, HANAP, YAKAP

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Hulyo 23, 2008 at 12:55

Ika-17 Linggo ng Taon (A)
Julio 27, 2008

Mga Pagbasa: I Hari 3:5, 7-12 / Roma 8:28-30 / Mateo 13:44-52

Ang hanay ng mga pagbasa natin ngayon ay nagsimula sa isang karanasan na malamang ay karanasan din natin. Isang pangarap ang kwento ng unang aklat ng mga Hari – pangarap ng talubatang si Solomon. Nagpakita sa pangarap ang Diyos na nagtanong sa kanya kung ano ang kanyang hanap o mithiin. Ang kanyang hiling ay kung ano ang hanap ng kanyang ginintuang puso: “Pagkalooban mo ako ng isang pusong mapang-unawa, upang mapatnubayan ko ang iyong bayan, at maging maalam kumilatis ng wasto o mali.”

Kung ano ang arap ay siyang hanap ni Solomon. Ang kanyang ginintuang mithiin ay hindi nauwi lamang sa kanyang pansariling kapakanan, bagkus nakatuon sa ikabubuti ng bayan ng Diyos. Ang kanyang arap ay maagap na sinuklian ng Diyos ng isang pangako at pagpapala: “Pagkakalooban kita ng isang pusong marunong at mapang-unawa na kailanman ay hindi nakita saanman ni mapapantayan ninuman.”

At ang maagap na tugon ng Diyos ay siya rin nating maagap na kasagutan matapos ang unang pagbasa: “Panginoon, mahal ko ang iyong mga kautusan.”

Ang ikalawang pagbasa ay isa namang patunay sa tunay na layunin at mithiin ng Diyos para sa atin. Ang hanap ng tao ay hindi kailanman binigo ng Diyos. “Batid natin,” ani San Pablo, “na lahat ng bagay ay nauuwi sa kabutihan para sa mga nagmamahal sa Diyos.” Masasabi natin na ito rin ang pangarap ng Diyos para sa atin – ang mapanuto ang lahat at makaniig ng Diyos.

Hindi ba’t ito ang nasa likod ng lahat ng ating mga pithaya at sanghaya? Hindi ba’t ito ang nilalaman ng ating mga puso at damdamin? Ito ang isa sa mga binigyang-diing pangaral ni Ronald Rolheiser sa kanyang aklat na The Holy Longing. Sa likod ng lahat ng ating arap (mithiin), ay walang ibang kundi ang Diyos ang ating hanap. Siya lamang at ang kanyang kalooban ang ating tunay na pinipithaya at inaasam-asam.

Maraming  nilalaman ang ating puso at damdamin araw-araw. Nandiyan ang kagustuhan natin na lumawig ang kapayapaan sa mundo. Nandiyan ang pagnanasa natin ng karampatangkaginhawahan ng buhay para sa lahat. Nandiyan ang paghahanap natin ng kasagutan sa maraming mga suliraning bumabagabag sa atin araw-araw.

Madali ang mabulid sa pagkakamaling manatili na lamang at sukat sa mga makamundong mga mithiin at layunin. Madali rin ang masadlak lamang sa pansariling pagnanasa – ang maghanap, ayon sa kalakaran ng kultura at lipunang punong –puno ng katiwalian, ng lahat ng uri ng makasariling layunin – ang magpadala na lamang sa agos at takbo ng lipunan.

Ito ang kultura ng korupsyon na parang agos ng tubig na tumatangay sa maraming mga Pilipino sa ating panahon. Ito ang kahulugan ng pananatili lamang sa antas ng makamundo at makasariling mga pagnanasa, na wala nang pagsasaalang-alang sa Diyos.

Pagkakataon na sana ni Solomon ang humiling ng lahat ng bagay na ika-iigaya at ikapapakinabang lamang niya. Nguni’t hindi ito ang kanyang arap at hanap. Mayroon pang higit siyang minimithi. Niyakap niya rin ang arap ng Diyos at isinaalang-alang ang Kanyang kalooban. At sapagka’t nagtapat siya sa Diyos ng tunay na layunin niyang dakila na nakatuon sa kapakanang pangkalahatan, maagap rin at maigting ang yakap ng Diyos sa kanya. Pangako at pagpapala ang tinanggap niya mula sa Diyos na gumagawa para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kanya.

Ang tunay na arap at hanap ni Solomon, ay ang Diyos at ang kanyang dakilang pagmamahal para sa kanyang bayan.

Lahat tayo ay naghahanap ng kayamanang walang kupas, ng kagandahan at kaligayahang walang maliw. Mahalaga na matukoy natin ito. Gaya ng sinasaad sa ebanghelyo, hindi tayo dapat masiyahan lamang sa asero, o puwet ng baso. Ang ating hanap ay isang kayamanang nabaon sa lupa. Hindi tayo nasisiyahan hangga’t hindi natin nakakamit ito. Gagawa tayo ng lahat mapasa-atin lamang ang natatagong kayamanan sa lupaing nabanggit. At kapag nasumpungan natin ito, ay handa tayong ipagbili ang lahat, mapasa-atin lamang ang dakilang yamang ito – ang perlas na hindi mapapantayan ng halaga.

Nagugunita ko ang kwento ni Pippin, na apo ni Carlomagno, Emperador ng Imperyong Romano. May mga tinig na nagsasabi sa kanyang magpakasasa sa poder, sa ginto, at sa kapangyarihang kaakibat ng pamumuhay sa palasyo ng Emperador. Sa wakas ng kanyang buhay, ay napagtanto niya na walang kulay na hindi kukupas, walang kapangyarihan at posisyon na hindi maaagnas at maglalaho. Ang orihinal niyang arap, ay hindi niya tunay na hanap. Napagtanto niya na siya ay hindi na kailangang mag-asam na maging isang agila, o kaya isang malalim, malawak, at makapangyarihang ilog sa kagubatan. Sa wakas, natanggap niya ang katotohanan. Siya ay nagkaroon ng tunay na karunungan.

Ito ang magandang balita ng Panginoon para sa atin sa araw na ito. Marami tayong arap, hanap, at naisin. Subali’t tanging isa lamang ang wastong hanap ng ating pusong nabihag na ng Diyos – ang karunungang maka-langit, at ang pagmamalasakit para sa  Diyos at sa kapwa. Sa kaibuturan ng ating puso at damdamin, ang arap at hanap natin ay walang iba kundi ang Diyos. Siya at ang kanyang kaharian ay ang kayamanang nakabaon sa lupa – kayamanang handa tayong pagsikapan at pagbayaran nang malaki.

Ang ating arap at hanap ay ang yakap ng Diyos sa buhay na walang hanggan.

Sa kabutihang-palad, ang ating arap at hanap na ito ay maagap na tinutugunan ng Diyos. Siya mismo ang gumagawa ng paraan at daan upang tayo ay kanyang mayakap sa isang maigting at mapagmalasakit na pag-ibig. “Batid natin na ang Diyos ay gumagawa para sa ikabubuti ng lahat ng mga nagmamahal sa Kanya.”

Naiintindihan ba natin ang lahat ng ito?