frchito

Archive for Oktubre, 2015|Monthly archive page

BANAL AT DAKILA SA MATA NG DIYOS

In Uncategorized on Oktubre 31, 2015 at 16:21

Unknown

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Kapistahan ng Lahat ng mga Banal

(Todos los Santos)

Nobyembre 1, 2015

BANAL AT DAKILA!

Uhaw ang bayang Pilipino sa mga bayani. Ito marahil ang dahilan kung bakit pati mga boksingerong lumaki sa America ay inaangkin nating Pinoy. At basta ang apelyido ay Pinoy ang tunog, kahit na sa California isinilang at lumaki, kapag nanalo sa American Idol ay nagiging Pinoy o Pinay.

Malungkot isipin na ang buhay ng tao ay parang eroplano. Hindi pinag-uusapan ang libo-libong lumilipad at lumalapag araw-araw sa lahat ng dako ng mundo, pero kapag may nag-crash o na-aksidente, ay laman ng radio at dyaryo sa maraming araw.

Ganoon din ang buhay naming mga pari. Walang nag-uusap dahil sa libo-libong nag-aalay ng buhay at panahon at kakayanan para maglingkod sa iba, pero kapag may nagkamali at nagkasala, ay paksa ng walang patumanggang usapan sa social media, sa radio, sa TV, sa dyaryo at sa iba pa.

Wag na tayo lumayo pa. Kung hindi pa ginawang sine ang buhay ni Heneral Luna, at hindi siya titingalain ng mga taong wala nang alam sa kasaysayan. Kung hindi pa natanong kung bakit laging naka-upo si Mabini sa sine ay hindi malalaman na siya pala ang utak ng himagsikan.

Mga bayani sila, pero hindi dinarakila. Mga dapat silang tularan, pero hindi pinag-uusapan.

Lumaki ako kasama ang isang mamang dumating na lamang sa aming buhay isang araw. Hindi niya alam kung taga saan siya. Ang alam lamang niya ay nakatakas siya sa Death March sa Bataan patungong Pampanga. Dumating siya sa amin na walang natatandaan. Tinanggap ng aking mga magulang at pinatuloy. Kakang Gorio ang kinagisnan kong tawag ko sa kanya.

Tahimik, walang imik, pero masipag. Walang kibot pero walang tigil sa pagtatrabaho. Tumulong siya sa aking Ama sa bukid nang ilang taon. Siya ay dakila, pero hindi bayani. Dakila pero hindi kilala. Ni kamag-anak niya ay hindi siya hinanap. Wala ni isang kamag-anak niya ang nabanggit niyang naghahanap sa kanya.

Ang araw na ito ay para sa mga dakilang banal na hindi kilala, at sapagka’t hindi kilala ay hindi rin dinarakila. Araw ito ng mga banal na walang pangalan, walang mukha subali’t kasama sa isang daan at apatnapung libong hinugasan sa dugo ng kordero.

Sila ang kindi kilala nguni’t kinilala ng Diyos, na pinagkalooban Niya ng dakilang pag-ibig, at tumugon sa kaloob na pag-ibig.

Sila ang mga dakila sapagka’t dukha, mababa ang loob, ang mga walang inaasahan liban sa Diyos, mga nahahapis, mga mapagpakumbaba, nagmimithing tumupad sa kalooban ng Diyos, mga mahabagin, malinis ang puso, at gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, bagama’t sila ay inuusig dahil sa Diyos, at inaalimura ng mundong mababaw at mapagbalatkayo.

Banal sila. Kahit hindi kilala. Dakila sila, bagamat hindi nga dinadakila ng balana. Sa harap ng Diyos na siya nating pinupuri at sinasamba ngayon sa pamamagitan ng mga banal … Siya na may akda ng lahat ng kabanalan, ang mga ito ay banal at dakila sa mata ng Diyos.

Tingnan natin sila muli at tingalain. Papuri sa Diyos na nagdakila sa mga banal!

Advertisement

PIKIT MAN ANG MATA, DILAT NAMAN ANG PUSO!

In Uncategorized on Oktubre 24, 2015 at 10:23

CSCZgd3VEAAhmMS images

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-30 Linggo Taon B

Oktubre 25, 2015

PIKIT MAN ANG MATA, DILAT NAMAN ANG PUSO!

Nagdudumilat ngayon ang katotohanang ang buong Pilipinas ay nahumaling sa Al-Dub phenomenon. Wag kayong mabahala … kasama ninyo ako sa paghanga kay Yayadub. Sa sandaling ito, libo-libo na ang nakapasok at libo-libo rin ang nagpalipas ng gabi sa labas.

Lahat sila ay naghahanap … naghahanap ng ilang oras na kasiyahan at tawanan at iyakan. Walang masama rito. Ako man, ay naghahanap rin ng lahat ng ito.

Ang mga pagbasa ngayon ay nakatuon rin sa paghahanap. Sa kabila ng mga pagdurusa at kalungkutan, sinabi ni Jeremias na “umawit” sila sa kagalakan dahil sa sila ay iniligtas ng Panginoon. Isa itong paanyaya sa mga Israelita na tumingin nang higit pa sa kanilang nakikita.

Isa itong panawagan sa pag-asa. At ang sinumang may pag-asa ay nakakakita nang higit, hindi kulang.

Maraming kabulagan sa ating kapaligiran. Maraming bulag sa korupsyon ng kanilang paulit-ulit na inihahalal. Maraming bulag sa kadayaan ng mga taong tinatawag nating kagalang-galang. Maraming bulag sa katotohanang ang trapiko ay hindi lamang problema ng hindi pagdaloy ng mga sasakyan – na ito ay bunga rin ng kawalan nating lahat ng disiplina at pagpapahalaga sa kapakanang pangkalahatan!

Pero naghahanap tayo. Nag-aasam pa rin tayo. At ang pagdagsa ng mga tao sa Tamang Panahon concert ay tanda na mayroon tayong hinahangad pang iba, na mayroon tayong inaasam pang higit.

Sabi ni Fr. Rolheiser na sa likod ng ating pagnanasa at pag-aasam ay ang malalim nating paghahanap sa Diyos. Sa likod ng ating kagustuhang kiligin sa Tamang Panahon ay ating masugid na paghahanap sa kung ano ang magbibigay sa atin ng kaganapan ng kaligayahan at kahulugan sa buhay.

Naghahanap tayo ng kaliwanagan.

Mabuti pa si Bartimeo. Pikit ang mga mata niya, pero dilat ang kaisipan at ang puso. Nang marinig niyang papalapit ang Panginoon, nilisan niya ang kinauupuan sa bangketa at humiyaw sa Panginoon: “ANAK NI DAVID, MAHABAG PO KAYO SA AKIN!”

Maraming bulag sa ating lipunan. Hindi tayo napapalibutan ng masidhing pananampalataya sa Diyos. May kababawan rin tayo. Masaya na tayo sa kilig factor, at sa mababaw na tawanan at iyakan.

At dito ngayon pumapasok ang Tamang Panahon … Sapagka’t uhaw tayo sa magagandang asal at wastong pagkilos, tuwa at galak ang ating isinukli sa Yayadub. Sa likod ng kagustuhan nating matawa at maiyak, ay naghahanap tayo ng mga pagpapahalagang dati-rati ay ginagawa natin at isinasabuhay.

Huwag tayong padala lamang sana sa agos. Tularan natin si Bartimeo, na bagama’t pikit ang mata ay dilat ang puso sa paghahanap ng liwanag at katotohanan.

At hindi siya nag-atubiling tumayo at sumigaw: “Ibig ko pong makakita!”