frchito

Archive for Hunyo, 2009|Monthly archive page

PAMANA SA TUMANA

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Eliseo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Hunyo 24, 2009 at 15:56

elijah-elisha-ap-1
Ika-13 Linggo ng Taon (B)
June 28, 2009

Nag-aararo si Eliseo sa tumana nang dumatal si Elias, na may dalang misyon mula sa Diyos. “Pahiran mo ng langis si Eliseo na anak ni Abel-meholah, bilang isang propetang hahalili sa iyo.” Bagama’t okupado si Eliseo sa pagsasaka, iniwan niya ang lahat at tumalima sa paanyaya ni Elias.

Isa itong salaysay ng pagsunod sa kalooban ng Diyos na nakapagpapainit ng damdamin natin bilang tagasunod ni Kristo. Ang halimbawa ni Eliseo na kagya’t na sumunod nang ipagkaloob ni Elias ang kanyang sariling balabal sa kaniya ay isang malinaw na aral para sa atin.

Tunghayan natin kung paano at kung bakit …
Mahirap ngayon sumunod ang mga kabataan. Mahirap silang pasunurin. Ang kanilang saloobin ay hindi nalalayo sa himig at panulat ng mga Boyzone mahigit sampung taon na ang nakalilipas: “No matter what they tell us; no matter what they teach us, what I believe is true.” Bilang isang guro at mentor sa nakalipas na 32 taon, nasa unang hanay ako ng entablado ng buhay upang malamang ang kultura ng mga kabataan ay napakabilis magbago. Una, walang masyadong nagbabasa ngayon. Ikalawa ang kulturang postmoderno ay nagbubunsod sa kanila sa isang malalim na indibidwalismo na hindi na natitinag sa harap ng sinasabing “totoo.” Walang katotohanang angkop sa lahat ng tao at sa lahat ng lugar at lahat ng panahon. Ang totoo ay nababago, nahihilot, at naiaakma sa anumang kondisyon sa kapaligiran. Ang totoo para sa akin, ay maaring hindi totoo para sa kanila.

Mahalagang maunawaan ng lahat, bata man o matanda, na may kalakip na katotohanang mahalaga ang salaysay tungkol kay Eliseo at ang kanyang bukas-loob na pagtalima sa paanyaya ng Diyos. Bagaman at mahirap ang sumunod at tumalima sa utos, batid ng lahat na kinakailangan natin ang pagsunod, ang pakikinig, at ang pagtalima sa kagustuhan ng Diyos. Alam rin ng lahat ng aking tagabasa, na mahirap iwan ang kinagawian. Mahirap baguhin ang kinasanayan na. Mahirap palitan ang ugaling pinagtandaan o nilakihan natin. Tulad ng mahirap para kay Eliseo ang iwanan ang mga hayop sa parang, kasama ng araro na kanyang gawain sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Noong ako ay bata pa, bilang isang brother na bagong graduate, ang pangarap ko ay mapadala sa isa sa malalaking escuela namin. Inaasam ko na mabago naman ang simoy ng hangin, kumbaga, at mapalayo sa Canlubang kung saan mahigit na 5 taon na ako nagtigil bilang estudyante. Subali’t hindi natupad ang aking inasam. Na-assign ako sa Barrio Mayapa, sa isang maliit at nagsisimula pa lamang na parokya sa Calamba. Hindi ako masaya. Hindi ko gustong maiwan duon. Nguni’t wala naman akong magagawa noon. Subali’t matapos ng dalawang taon, ayaw ko namang iwan ang lugar na iyon kung saan napamahal ako sa mga kabataan at sa mga parokyano. Hirap na hirap akong umalis upang simulan ang pag-aaral ng Teolohiya sa Paranaque.

Nakakamada na kumbaga ang aking mga araro at suyod sa tumana. Ayaw ko nang iwan ang pitak ng aking mundo na katumbas ng tumana ni Eliseo. Masaya na ako kasama ng mga simpleng kabataan na sa kasalatan ay napakayaman sa ginintuang mga pag-uugali na marunong tumanaw ng utang na loob, at marunong sumunod sa aming mga pangaral at pagtatagubilin.

Ang tumana ay isang pitak ng lupa na naisaayos ng isang magsasaka. Ang tumana ay pitak-pitak na hinahati at pinaghihiwalay ng mga pilapil, na parang linya na nagbibigay hangganan sa magkakatabing tumana.
Dito sa tumana, malapit sa kanyang mga araro at suyod, nagbago ng takbo ang buhay ni Eliseo. Parang isang “extreme makeover,” ang buhay ni Eliseo ay bigla na lamang at sukat na napalitan, at sa pagsunod niya kay Elias, ay naging isa rin siyang propeta ng Diyos.
Marami nang pagbabago ang naganap sa buhay ko mula noong ako ay kumalas sa aking tumana. Ang tawag ng mga manunulat dito ay “comfort zone.” Mahirap iwan ang comfort zone natin. Mahirap magbago ng takbo ang buhay natin. Mahirap mag-adjust, kumbaga, sa bagay na hindi natin ginusto sa mula’t mula pa.
Kailangan natin ng mata ng pananampalataya para harapin ang paglisan sa tumana, kung saan nagkukubli ang isang dakilang pamana: “Ikaw ang aking pamana, O Panginoon.” (You are my inheritance, O Lord.) Noong isang Linggo, pinag-usapan natin ang katatagan ng loob sa kabila ng lahat … sa kabila ng patong-patong na hilahil at pasakit ng buhay. Mahaharap lamang natin ito kung ating makikita ang nagkukubling pamana sa likod ng panimdim at pasakit.

Ang pag-ahon at paglisan mula sa tumana ay tanda ng kalayaang siyang binibigyang-diin ni Pablo. “Para sa kalayaan, pinalaya tayo ni Kristo; kung kaya’t tumayo kayo at huwag nang pasailalim sa anumang uri ng pagka-alipin.” At ang pananatiling kapit-tuko sa araro at suyod sa tumana, ay isang uri ng pagka-alipin.
Dalawang kabataan ang lumapit kay Jesus. Dalawang talubata sila na nagtanong kung ano ang dapat gawin. Dalawa silang naghanap ng anu ang tama. Subali’t dalawa silang kaluluwang hirap ang iwanan at lisanin ang kung anong kinagawian at kinasanayan. Nalubog sila sa pagkit at mapang-akit na katiwasayan sa kanilang tumana.

Hindi tayo nilikha ng Diyos para manatili sa munting pitak ng daigdig sa tumana. Tinatawagan Niya tayo sa ganap na buhay. At ang ganap na buhay para marating ay nangangahulugang nararapat tayong lumisan, tumalima, sumunod, makinig at umayon sa nag-aanayaya sa atin. Ang naghihintay sa atin sa likod ng tumana ay isang dakilang pamana. At para marating ito, dapat natin sundin ang mga katagang paalaala ng Panginoon: “Walang sinumang nagsimulang mag-araro na panay ang lingon sa likod ay karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos.”

Pamana, hindi tumana, ang dakilang panawagan ng Diyos para sa atin!

SA KABILA NG LAHAT

In Catholic Homily, LIngguhang Pagninilay, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Hunyo 19, 2009 at 22:21

0728_boat_storm_tossed_christian_clipart

Ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon (B)
Julio 21, 2009

Unos at bagyo ang pasimulang tumatambad sa atin sa mga pagbasa. Sa kalawakan ng dagat na binabayo ng bagyo, isang mapagpayapang mga katanungan ang bigkas ng Panginoon kay Job. Ang larawang ipinipinta ay walang iba kundi ang Diyos na siyang nagpapahinahon sa nagngangalit na mga alon, unos, at hagupit ng hangin.

Katiwasayan … Kapayapaan … kahinahunan. Ito ang magandang balita para sa atin ngayong araw na ito. Sa gitna ng unos at nangaglakihang mga alon na humahampas sa bangkang kinalululanan ng mga nahintakutang mga disipulo, isang mapaghupang kataga mula sa Panginoon ang nagpatahimik sa dagat. “Tahimik! Maghupa ka!” Kagya’t naghari ang katiwasayan at ang takot ng mga disipulo ay napalitan ng pagkamangha.

Ang buhay ng tao ay parang isang bangkang nababalot ng pangamba at takot. Takot ang laman ng puso ng mga marinerong naglalayag sa bandang Somalia. Pangamba ang laman ng damdamin ng mga sundalong nadedestino sa Afghanistan o Iraq. Malaking kaba ang dulot ng mga girian ng North Korea at ng ibang bansang hindi nila ka aleado at kapanig. Malaking mga katanungan ang nasa isipan ng mga taong hindi tiyak kung ang kanilang trabaho ay magtatagal pa, o lalamunin ng mga murang bilihin angkat mula sa China.

At tulad ng karanasan ng mga disipulo, tila natutulog lamang ang Diyos at mistulang walang pansin sa mga nagaganap.

Subali’t tayo ay nagtitipon tuwing Linggo sapagka’t ang Linggo ang araw ng Panginoon. Ito ang araw ng Panginoon kung kailan ang pinakamalaking dahilan ng takot at pangamba ng tao ay nagapi at napagwagian nang lubusan. Ito ang araw ng muling pagkabuhay ng Panginoon.

Kung mayroong isang tao na dapat sana ay nagapi ng takot at tampo sa Diyos, ito ay si Job. Susun-suson, sapin-sapin, tagni-tagni ang mga suliraning dumapo sa kanya. Subali’t sa araw na ito, naghupa ang kanyang damdamin sa kabila ng unos at bagyo dahil sa paliwanag ng Diyos.

Sa kabila ng lahat … ito ang punto de vista ng taong may tiwala at pananampalataya sa Diyos. Ito ay sapat para mamutawi mula sa kanyang labi ang mga kataga tulad ng ating tugon sa unang pagbasa: “Magpasalamat sa Diyos; ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.”

Hindi kaila sa atin na ang suliranin ay patuloy na sasagi sa buhay ng tao. Ang mga pagsubok ay patuloy ring darating sa buhay ng bawa’t nilalang. Hindi magwawakas ang pagdating ng bagyo sa lupang Pilipinas, mahigit sa 26 bawa’t taon. Patuloy tayong dadalawin ng takot at pangamba. Subali’t iba na ang punto de vista ng taong may tiwala at pananampalataya sa Diyos. Para siyang isang halamang nakatanim sa tabi ng sapa. Matatag siya at tiyak sa pagkakatubo … sa kabila ng lahat.