frchito

Archive for Mayo, 2012|Monthly archive page

SINO?

In Uncategorized on Mayo 31, 2012 at 09:59

Image

BANAL NA SANTATLO

Hunyo 3, 2012

 

Pahirapan na naman sa pagpapaliwanag sa araw na ito. May mga bagay sa buhay na wala yatang sapat na kapaliwanagan. Anu man ang gawin mo, anu man ang hagilapin mo, at paano mo man pag-ikot-ikutin ang katotohanan, ang lubusang kapaliwanagan at walang pag-aalinlangang paglilinaw ay hindi yata makakamit.

Puno ng kabalintunaan ang buhay natin. Puno rin ng hiwaga, tigib ng kawalang katiyakan at kasiguraduhan. Sa pananampalataya natin, puspos rin ng misteryo.

Ang kapistahan natin sa araw na ito ay isa sa mga hiwagang ito. Hindi na para sa atin ang pagsikapang lubos na arukin, at tahasang tiyakin ang puno at dulo ng lahat ng ito.

Subali’t hindi como hiwaga o misteryo ay hindi na karapat-dapat lapatan ng paniniwala at pananampalataya. Sa buhay natin, marami tayong pinaniniwalaan kahit hindi natin lubos na nauunawaan. Hindi natin lubos na naiintindihan ang sakit na kanser pero alam natin na ito ay isang palaisipan sa buhay, na tinatanggap natin bilang isang mapait na katotohanan. Hindi natin lubos na matanggap ang maraming mga nagaganap sa ating lipunan, ang mga pinaggagawa ng mga namumuno sa atin, subali’t patuloy pa rin tayong nagtitiwala sa sistema political ng kalupaan. Hindi natin alam kung paano talaga nakapagpapainog ng mundo ang siyensiya ng kuryente, liban sa pag-aalsa ng mga electrons, nguni’t wala tayong sapat na salita upang talagang bigyang liwanag kung bakit nag-iilaw ang bombilya at umaandar ang mga makina. Kulang ang katagang makatao upang bigyang hustisya ang maraming bagay sa mundong ibabaw.

Tatapatin ko kayo. Hirap akong ipaliwanag itong misteryo ng Banal na Santatlo.

At bakit hindi? Ang Bibliya mismo ay hindi nagpapaliwanag nito. Ang Bibliya ay nagpahayag lamang ng isang katotohanan at ipinaloob ito sa takbo ng kasaysayan ng kaligtasan. Nagpakilala ang Diyos, bilang Manlilikha, Manunubos, at Espiritung nagpapabanal. Namulat, ika nga, tayo sa katotohanang ang unang nagmahal ang Diyos, ay nagsugo sa kanyang pinakamamahal na Anak, si Jesucristo. At alam rin natin na ang Ama at ang Anak, ay nagsugo ng pag-ibig, ang espiritu ng pag-ibig na nananahan sa katawan natin bilang kanyang templo, at nananahan sa kanyang Iglesya, upang patuloy na maghatid sa atin sa kabanalan at pakikipagniig sa Diyos.

Sa madaling salita, walang malalim na tesis ang ibinigay ng Banal na Kasulatan, liban sa isang Diyos na gumawa, Diyos na gumanap, Diyos na nagpamalas ng pag-ibig, sa pamamagitan ng Anak, at Diyos na nagsugo sa Espiritu ng pag-ibig na bunga rin ng pagmamahalan ng Ama at ng Anak.

Hindi isang tesis ang patunay tungkol sa iisang Diyos na may tatlong  Persona. Hindi isang makapal na aklat, kundi isang kasaysayang puno ng Kanyang gawa, puno ng kanyang pananatili at pagpapahayag ng sarili.

At ito ang kanyang gawa .. pakinggan natin muli kay Moises …

Ano ang kanyang sabi? Sino? Sino? Parang si Igan at si Mike Enriquez na nagsisimula sa kanilang “blind item.” Pero hindi ito blind item. Sino ang nakakita nang higit pa sa ipinamalas ng Diyos? “Sinong Diyos ang naglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng pakikipagsubukan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa ng Panginoon sa Egipto?”

Vamos a ver! Sino nga ba?

Hindi lamang ito! Ano ang nangyari sa atin? Mula sa isang lahing alipin, tayo ay naging kapiling at kagupiling ng Diyos. Nabahagi tayo sa kanyang buhay. Nakasali tayo sa kanyang pamamatnubay, hindi bilang hari, kundi bilang Panginoon at Ama. “Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos.

Pero ang tanong ngayon ay ito! Ano ang gagawin natin? Ano ang isusukli natin sa kaloob na ito? Matapos siya magpakilala sa kasaysayan at gumawa ng kababalaghan sa kasaysayan, ano ba ang dapat nating gawin? Saan ba natin ilulugar ang sarili sa harap ng kasaganaang ito?

Huwag na tayo magpatumpik-tumpik pa. Ang bawat kaloob ay may pananagutang kalakip. Ang bawat regalo ay may responsibilidad. Ano ba iyon?

“Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa.” Sino? Sino ba siyang nagbibigay sa atin ng kautusang ito?

Wala nang iba. Walan nang ibang Diyos. Tanging Siya at wala nang dapat hanapin pa. Siya. Diyos. Ama. Anak. Espiritu Santo. Iisa. Tatlong Persona, ang Banal na Santatlo!

Advertisement

PUSPUSIN ANG KALOOBAN NG TANAN!

In Uncategorized on Mayo 25, 2012 at 20:39

Image

Linggo ng Pentekostes

Mayo 27, 2012

 

Di miminsang sumasagi sa buhay natin ang panghihinawa. Di maikakailang ang buhay natin ay parang gulong … minsan nasa ibabaw, minsan nasa ilalim. Di natin maitatatwa ang katotohanang minsan, tayo ay nagkakamali ng palagay, nalilihis ng landas, at nabubulagan sa mga bagay-bagay at mga pangyayari sa buhay.

Nangyari ito sa mga Judio nang si Jesus ay maluwalhating pumasok sa Jerusalem. Nagbunyi sila at nagsaya. At bakit hindi? Dumarating ang Hari ng Israel. Pumapasok ang manliligtas, ang maghahatid sa kanila palabas sa mga matatalim at matatalas na kuko ng mang-uusig. Hosana sa Anak ni David! Hosana sa kaitaasan! Ito ang kanilang sigaw at awit.

Subali’t ang kanilang galak ay napalitan ng galit at pagkamuhi sa loob ng ilang araw. Ang osana ay naging ipako. Ang pagbubunyi at nauwi sa pagkamuhi.

Nagkamali ang marami. Nagbago ang simoy ng hangin. Napako sa krus ang inaasahang manliligtas.

Subali’t ang maling akala ay puede laging itama at iwasto. Naganap ito nang muling nabuhay si Jesus. Tama ang kanilang paniwala. Si Jesus nga ang Mesiyas. Mali ang kanilang tinanggap na totoo. Siya ay manliligtas nga, nguni’t sa kaparaanang hindi nila inaasahan.

Napalitan ng tuwa ang kanilang naramdaman nang muling nabuhay si Jesus. Isang panibagong pag-asa. Isang panibagong tulak … Isa pang muling panimula sa pagtahak tungo sa kaliwanagan.

Ang aking Ama, sa pagdapit sa paglubog ng araw ng kaniyang buhay ay isang diabetiko. Bagama’t maingat siya sa kaniyang pagkain, may mga pagkakataong biglang nanghihina, biglang parang nauupos na kandila. Sa mga sandaling ito, kailangan niya ng isang mabilis na turok, kumbaga … Sa pagbagsak ng level ng sugar sa dugo, ay walang solusyon liban sa madaliang pag-inom ng anumang matamis – coke o candy, upang manumbalik ang lakas. Sa katawang naghihina, ang katapat ay isang pampalakas, pangpanumbalik ng katatagan ng katawan.

Mababa ang level ng blood sugar ng bayan natin ngayon. Kay raming pagkamuhi. Kay raming pagbibintang at kay rami ring pagkokondena. Matinis ang mga hiyawan ngayon, ang mga pukulan, ang bintangan, at mga paratangan. Wala tayo halos tiwala sa isa’t isa, at ang bayan natin ay parang isang kandilang tila nauupos, humuhulagpos, at inuubos ang lakas na panloob, at napapalitan ng galit at poot.

Mababa rin ang blood sugar ng aking espiritwalidad ngayon. Nagsasawa ako sa maraming bagay. Nanghihinawa ako sa paggawa ng mabuti yamang pati ang mabuti mong nais ay binabasahan ng masamang intension. Nanlalamig at nanlulumo ang kalooban ko sa pagkamalas kung paano ang lahat ay sumisigaw para sa katotohanan, gayong nakapagpasya na sila kung ano ang totoo, at gayong napagdesisyunan na nilang ang totoo ay kung ano ang akma sa kanilang napili na at naako.

 

Sa kabila ng lahat ng ingay, at nagpupuyos na damdamin, tuloy pa rin ang korupsyon, kasinungalingan, at panlilinlang sa lipunan.

Nais kong isipin na isang matinding tulak ang kailangan natin lahat sa araw na ito.

Pero nais ko ring isipin na ang kapistahan natin ngayon ay walang iba kundi ito – ang isang iniksyon sa kalooban, ang isang turok sa kaibuturan ng kaluluwa at puso natin, upang muling bumangon, upang muling lumakas, at muling magsikap tungo sa kaisahan.

Nagkawatak-watak ang mga disipulo nang si Kristo ay napako sa krus. Kahit noong muling nabuhay, mayroon pa ring nag-alinlangan, nag-atubili, at nagkubli sa Senakulo. Sa takot nila, nagtago sila sa kwarto sa itaas, malayo sa tao, malayo sa mga mapagtanong at mapag-usisa.

Dito, sa grupong nahihintakutan, at pinanawan ng lakas, dumating at bumaba ang Espiritu sa bawa’t  isa.

Sa isang grupong tila nawalan ng tapang, bumaba ang apoy na nagpa-alab sa kanilang puso. Sa grupong hindi man lang magkaisa sa iisang salita, sa iisang puso at kaisipan ay dumatal ang Espiritu ng Kaisahan.

Kailangan ka namin, O Banal na Espiritu. Kailangan namin ang iyong kaisahan, ang iyong kalakasan at ang iyong kaliwanagan. Malayo pa kami sa kaisahan. At lalu kaming malayo sa kapayapaan. Nagkawindang windang ang bayan namin dahil sa politika. Nagkasira-sira ang samahan namin dahil sa pagkamakasarili at kasakiman. Pati mga magkakamag-anak ay nagka-away-away dahil sa kasakiman sa pera. Ang buhay political namin ay nauwi na lamang sa pagsasamantala sa mga mangmang at mga mahihirap at walang kaya.

Halina Espiritu Santo. Halina at muli kaming bigyan ng lakas. Patatagin ang pagnanasa namin sa kabutihan. Pag-igihin at pag-ibayuhin ang kalooban namin. Puspusin Mo ang kalooban ng tanan!

Tai, Mangilao, GUAM – Mayo 25, 2012