frchito

Archive for Disyembre, 2013|Monthly archive page

PUNO, SANGA, BUNGA, LUPA!

In LIngguhang Pagninilay, Pagsilang ng Panginoon, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 30, 2013 at 21:13

images-1MARIA, INA NG DIYOS (A)
Enero 1, 2014

PUNO, SANGA, BUNGA, LUPA!

Maliwanag ang pagtutulad o paghahambing na ginamit ni Romano Guardini. Si Jesus daw, ay siyang puno, sanga, at bunga. Si Maria naman ay siyang lupa na kung hindi sa kanya ay hindi sana naganap ang pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos.

Hindi tamang ituring na magkatimbang ang puno, sanga, at bunga sa unang banda, at ang lupa, sa kabila. Hindi nilalang ng lupa ang buhay ng puno; at hindi mabubuhay ang puno kung hindi naka-ugat sa lupa. Tanging Diyos lamang ang may akda ng buhay at tanging Diyos din ang gumawa ng lupa at ng langit.

Hindi natin mapag-uusapan ang puno at bunga kung hindi rin natin pag-uusapan ang nakapaligid na lupa. Walang puno ang naka-ugat sa hangin; subali’t ang puno at ang lupa ay hindi magkatumbas at hindi magka-pareho.

Maraming satsat ngayon ang mga galit sa mga katoliko at galit rin kay Santa Mariang nagluwal kay Kristo. Paulit-ulit nilang bintang na walang katapusan na sumasamba raw ang Katoliko sa diyos-dyosan. Si Maria, aniya, at tama naman, ay isa lamang nilalang. Tumpak! Pero ang mali nila ay ang bintang na sinasamba raw natin si Maria! Mali!

Kung gayon, ano ba at may pista tayong dakila na patungkol kay Maria, Ina ng Diyos? Ito ba ay paglihis sa tunay na pagsamba sa Diyos na totoo? Ito ba ay isang idolatria?

Pues, nasagot na natin ito nang paulit-ulit. Pero gaya nga ng sabi, mahirap gisingin ang nagtutulog-tulugan; at mahirap utusan ang nagbibingi-bingihan! Ang ayaw maniwala ay laging may panlaban; ang bukas ang puso at isipan ay laging may batayan!

Ano ba ang batayan natin? Eh kung si Gabriel nga ang nagsabi: Aba Maria! Puno ka ng grasya! Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat! Eh, kung si Maria kaya mismo ang pakinggan natin: At lahat ng mga salinlahi ay tatawagin akong “mapalad!”

Pero nalilihis tayo ng usapin … bakit nga ba siya Ina ng Diyos? Ito at tanging ito ang sagot … Sapagka’t si Kristong kanyang Anak ay Diyos at tao … Diyos na totoo at tao ring totoo. Ang isinilang ni Maria ay hindi isang katawan lamang. Ang isinilang ni Maria ay si Kristo Jesus, Anak ng Diyos, ikalwang persona ng iisang Diyos! A ver! May nakita na ba kayong puno ng mansanas na nagbunga ng kalamansi?

Palibhasa may isang relihiyon na galit na galit lagi sa mga Katoliko ay hindi naniniwala na si Kristo ay Diyos, eh bakit kaya sila maniniwala na si Maria ay Ina ng Diyos? Simple lamang ito … ang panlalait kay Maria ay nagmumula at nababatay sa maling paniniwala tungkol kay Kristo. Ang pagpapahindi sa pagka Diyos ni Kristo ay natural na mauuwi sa pagpapahindi rin sa pagka-Ina ni Maria ni Kristong Diyos at tao!

Marami ngayong idolatria sa ating panahon. May mga taong ang diyos ay teknolohiya, ang kanilan gadget. Pati ang Pugad Baboy ay binanggit ito … maraming nagsisimba raw pero hindi pumapasok sa simbahan … naglalampungan sa mga bangkito sa labas ng simbahan. May mga nagsisimba raw pero nananatiling nakatayo sa labasan … nag-uupdate sa facebook, o naglalaro ng computer games. Diyos –diyosan nila ang kanilang mga selpon.

May mga taong ang diyos-diyosan nila ay si “ako.” Walang ginawa maghapon kundi kumuha ng selfie at ipost sa facebook.

May mga taong ang diyos-diyosan nila ay ang pera … mukha na silang pera. Dati ang pera may mukha … ngayon ang mukha ay nalulukuban ng pera. Bakit akala nyo yumaman nang ganoon si Napoles? Sa pagtitinda ng lugaw at goto? O sa pagbebenta ng parang orinolang helmet at pekeng mga bullet proof vest? Bakit akala nyo nag lalakihan at naggagandahan ang mga bahay at resort at rancho ng mga senador, politico at mga mapagsamantalang public servants daw? Bakit ang mga dambuhalang network ay nagpapataasan ng ratings? Di ba tungkol sa pera yan?

Maraming idolatria ngayon … at hindi kasama rito ang pamimintuho at paggalang kay Maria, na siyang lupa, kung saan nag-ugat ang puno, kung kaya’t yumabong at namunga ito!

Hindi Diyos si Maria. Subali’t si Kristo ay Diyos at tao. Si Maria ang Ina ni Kristo, Diyos at tao. Iisang Kristo ang isinilang ni Maria, hindi Kristong tao at isa pang Kristong Diyos naman. Iisa si Kristo Jesus, Anak ng Diyos at Anak ni Maria!

A ver! Ano tawag ninyo sa Ina ng Hari? Ano tawag ninyo sa Ina ng Diyos? Hindi siya Ina ng Diyos dahil sa siya ang nagbigay ng pagka Diyos ni Kristo. Walang karapatan ang isang nilalang gumawa niyan. Tanging Diyos lamang. At tanging Diyos lamang ang makapagpapasya kung paano magaganap ang hiwaga o misteryo ng pagkakatawang-tao ng Bugtong na Anak ng Diyos!

O, huwag nyo sabihin na mas marunong pa kayo sa Diyos! Siya ang nagpasya. Siya ang namili. At ang kanyang hinirang ay si Maria, tigib o puspos ng biyaya. Siya ang nagsilang sa Anak ng Diyos. Kung gayon, siya ay tinaguriang Ina ng Diyos!

Halina’t sumamba sa Diyos! Halina’t purihin natin ang Ina ng Bugtong na Anak ng Diyos! Sa kanyang pakikipagtulungan, naganap ang dakilang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos at pakikipamayan sa atin. Dios te salve! Maria!

Advertisement

GAWIN LAMANG ANG TAMA!

In Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 27, 2013 at 11:57

HolyFamily

Banal na Mag-anak (Taon A)
Disyembre 29, 2013

GAWIN LAMANG ANG TAMA!

Nagbabago ang kultura sa bayan natin. Nauso na ang mga Misa sa malls at mayroong mga malls na halos parang parokya na ang dating: may anticipated Mass sa gabi ng Sabado, at may apat na Misa sa buong araw ng Linggo. Bagama’t wala akong problema sa Misa sa ibang lugar kung kinakailangan, mayroon akong nakikitang hindi magandang dulot ng mga Misa na isinasagawa sa mga shopping centers na pampubliko.

Una, maraming taong dumadaan, pati mga taong hindi naniniwala sa Misa o walang pagpapahalaga dito. Ikalawa, malapit ang mga bilihan ng laruan at kainan para sa mga bata … Ikatlo, walang tamang upuan at luhuran sa malls. Maraming bunga ang idinudulot nito na nakapagpapabago ng kultura at nakaka apekto sa pananampalataya at wastong pagsamba.

Hindi na para sa akin ang isa-isahin ang lahat ng ito, pero mayroon akong gustong bigyang-liwanag na may kinalaman sa pamilya, na siyang pokus ng ating pagdiriwang sa araw na ito, yaman at ang sentro ay ang banal na mag-anak.

Una, bigyang-pansin natin ang mga pagbasa. Ang lahat ay nakatuon sa wastong paggalang sa magulang. Pero ang paggalang ay hindi lamang mula sa mga bata. Ito man ay nakatuon sa isa’t isa, sa parte ng matatanda at sa parte ng mga nakababata. Ito ang turo ng ikalawang pagbasa: “Kaya dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin.”

Sa ebanghelyo naman, alam nating may isang taong walang paggalang, hindi lang sa kapwa, kundi pati na rin sa buhay. Handa siyang isangkalan ang buhay ng bata para lamang matanggal niya ang isang potensyal na hahamon sa kanyang kapangyarihan. Si Herodes ay nag-utos na pagpapatayin ang mga batang lalaking dalawang taon pababa.

Hindi na natin kailangan ng isang Herodes upang patayin ang kultura ng tama, wasto, at dapat. Sa panahon natin, dahil sa kulturang dala ng komersyo sa mall, ang mga bata ay nagtatakbuhan sa loob ng simbahan, nagkakainan, at walang pansin sa kabanalan ng mga nagaganap. Kapag nasanay sa Mall, wala nang pagpapahalaga sa kabanalang nagaganap sa Misa. Wala nang lumuluhod. Wala nang sumasamba. At sapagka’t malapit sa mga laruan at kainan, ay wala nang kakayahang maghintay, tumahimik, at makinig ang mga bata.

Mahalagang matutunan natin ang diwa ng kapistahang ito ng banal na mag-anak. Ipinagkakaloob ng Simbahan bilang isang modelo o huwaran ang banal na mag-anak ni Jesus, Jose, at Maria.

Gusto ko sanang bigyang-lagom ang huwarang ito sa tatlong salitang ginamit sa ebanghelyo: Lumisan, Umiwas, at Manatili.

Sanay tayong Pinoy sa paglisan. Mahigit 12 milyong Pinoy ang nasa abroad upang magtrabaho. Pero hindi lang kahirapan ang ating dapat iwasan. Ang banal na mag-anak ay umiwas kay Herodes. Umiwas sila hindi lamang sa masama kundi sa okasyon ng kasamaan. Isang tungkulin natin bilang tagasunod ni Kristo ang umiwas rin pati sa okasyong na naghahatid sa kasamaan.

Kung ako ang tatanungin, dapat din tayo umiwas sa anumang hindi naghahatid sa wasto, sa tama, sa nararapat, at sa anumang hindi naghahatid sa tunay na buhay maka-Diyos.

Pero may ikatlo pang salita. Manatili … dapat rin tayong manatili hangga’t ang panahon ay hindi pa tama … ang manatili sa kabutihan, sa wasto at tama, at sa nararapat. Madali ang manghinawa sa panahon natin. Madali ang mawalan ng pag-asa at sumama na lamang sa agos, o sa takbo ng lipunan. Mahirap ang manlaban para sa tama, sapagkat sa mundo natin, ang tama ang nagiging mali, at ang mali ay siyang pinalalabas na tama.

Si Mr. Gerardo Gamboa na isang taxi driver sa Las Vegas ay may mahalagang paalaala sa atin. Hindi natin kailangan maging dakila. Hindi natin kailangan gumawa ng bagay na nakagigimbal sa mundo. Simple lamang ang dapat gawin … ang manatili sa tama, lumisan sa maling gawa, at umiwas sa masama. At ano bang dapat gawin?

Simple lamang … Gawin ang tama … Gawin lang ang nararapat. Tulad ng ginawa niya … nakakita ng tatlong daang libong dolyar sa taxi niya. Hinanap ang may-ari at ibinalik. Bakit? Sapagka’t iyon ang tama!