frchito

Archive for Pebrero, 2011|Monthly archive page

LINGKOD NI KRISTO; KATIWALA NG MGA HIWAGA NG DIYOS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Pebrero 23, 2011 at 07:18

Ika-8 Linggo ng Taon(A)
Pebrero 27, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 49:14-15 / 1Corinto 4:1-5 / Mateo 6:25-34

Karanasan nating lahat ang lumimot at makalimutan. Sa dami ng taon na ako ay naging guro o administrador ng paaralan, libo-libo na ang nagdaan sa aking pamamahala, at malimit kong marinig ang tanong na ito, lalu na sa facebook: “Pads, natatandaan mo pa ba ako?” Walang may gusto na lumimot, at lalung walang may gustong malimutan. Ang pagkalimot at ang pagkawala sa radar kumbaga sa buhay ng isang tao ay tila isang palatandaan na hindi masyado tumimo sa alaala ng tao ang ating pagkatao. At kung tayo ay natatandaan ng sinuman, malaking kagalakan ang dulot nito sa puso natin. Naging makahulugan, kumbaga, ang buhay natin sa taong hindi nakalimot sa atin.

Ito ang diwa ng unang pagbasa. Hindi kailanman tayo malilimot ng Diyos. “Kung mayroon mang inang lumimot sa kaniyang bunso, ako’y hindi lilimot sa iyo kahit sandali.”

Maraming paraan ang paglimot. Hindi kailangang burahin sa digital phonebook natin sa cellphone para lumimot. Hindi rin kailangang itago sa ating “wall” sa facebook upang lumimot, at lalung hindi kailangang i-delete o i-block sa ating profile ang mga taong dapat limutin o ayaw natin maging “friend” sa social networking site.

Maaari natin limutin ang isang tao, kung tayo ay nagsasalawahan, o namamangka sa dalawang ilog. Sa salitang Pinoy, mayroon tayong tinatawag na “two timing.” Sa pagkakataong ito, namamanginoon tayo sa dalawang amo, nagsasanga-sanga ang dila natin sa pagbibigay pugay at panlabas na pagsunod sa dalawang amo. Doble kara ang tawag natin dito. At kapag nangyari ito, wala sa dalawa ang tunay na amo. Nakakalimutan natin ang siyang dapat bigyan ng pagtalima at dinggin sa kanyang mga pangaral.

Nakita natin ito sa masalimuot na usapin tungkol sa mga biglang yamang mga heneral na limpak limpak na salapi ang kinamal sa loob ng apat na taong panunungkulan. Nakita natin kung paano pinaglaruan ng mga tampalasan ang sistema upang maikubli ang milyon-milyong piso sa pinagmulan at sa dapat pagbigyan. Nagkakandarapa ang mga kinauukulan sa pagtanggi, sa pagpapabulaan ng mga akusasyon. Nguni’t ang katotohanang naglaho ang pera, at may nag-encash ng mga tseke, na diumano ay para sa mga iba-ibang tao ay naganap.

Madaling lumimot kapag nagsasanga-sanga ang puso ng tao at nahahati sa dalawang amo – Diyos o si Mammon.

Lahat tayo ay may hibla sa pagkatao natin ng kabutihan at hibla ng kasamaan. Dahil sa kasalanang mana, nabahiran ang kalikasan natin bilang tao, at nagkaroon ng pagkahumaling sa masama. May kakayahan tayong lahat na gumawa ng mabuti at gumawa ng anumang maghahatid sa kapariwaraan. Lahat ng mga nasa gitna ng usaping ito ay nakarinig ng mga pangaral tungkol sa “honor, integrity, loyalty.” Lahat tayo lalu na ang mga ka-edad ko ay nakatunghay ng araling “good manners and right conduct.” At ang mga mas nakababata ay nakatunghay naman ng “sibiks at kultura” o anumang tulad nito, gaya ng “values education.”

Nguni’t maganda man ang narinig natin tungkol sa “honor, integrity, loyalty,” ang tao ay marupok, kay daling lumimot, tulad ng sinabi ni Rico Puno.

Sa araw na ito, malinaw ang paalaala sa atin ng Diyos. Una, iisa ang Diyos. Iisa ang Panginoon. Hindi natin kaya magsalawahan sa buong buhay, tulad nang hindi kinaya ng mga whistleblower na dati-rati ay kahati sa mga pagnanakaw, at nagsuplong. Hindi natin kaya mamangka sa dalawang ilog tuwina, at ang pagkasalawahan ay tanda ng isang taong wala ni hibla ng “honor, integrity, loyalty.”

Higit tayo sa mga ibon sa parang. Higit tayo sa mga damong natutuyo at namamatay sa tindi ng init. Mayroong isang dakilang hantungan ang naghihintay sa atin, ayon sa balak ng Diyos.

Ito ang hindi natin dapat limutin. At Siya na tanging Panginoon at Diyos, na hindi marunong lumimot ay siya ring hindi natin dapat siphayuin, kaligtaan, at tuluyang limutin.

Ang pagka-alaala sa Kanya at sa Kaniyang utos ay ang tinatawag na metanoia, pagbabalik-loob. Ngunit walang pagbabalik-loob kung walang pagbabalik-isip sa nagawa natin.

Ito ang dahilan kung bakit tayo nagtipon sa araw na ito – ang gunitain, ang kilalanin, at ang alalahanin, na tayo ay mga lingkod ni Kristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos!

Huwag sana natin limutin ito!

KAMANGMANGAN AT KARUNUNGAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon A on Pebrero 15, 2011 at 06:38

Ika – 7 Linggo ng Karaniwang Panahon (A)
Febrero 20, 2011

Mga Pagbasa: Lev 19:1-2.17-18 / 1 Cor 3:16-23 / Mateo 5:38-48

Kung minsan, dumarating ang pagkakataong nakapag-iisip tayong wala talagang kaibahan ang kamangmangan at karunungan, matay nating isipin. Napakaraming matatalino sa mundo na gumagawa ng sari-saring kagaguhan. Napakarami rin namang mga naturingang mangmang ang gumagawa ng kadakilaan at bagay na hindi inaasahan.

Noong niragasa ng Ondoy at Pepeng ang Pilipinas, hindi iilan ang lumitaw na bayani, mga talubatang walang sinasabi, ika nga, sa lipunan, nguni’t nakapagpamalas ng kadakilaang hinangaan ng buong bansa; mga sundalong inilagay sa panganib ang sariling buhay sa pagtupad ng tungkuling magligtas ng mga buhay ng ibang tao.

Subali’t hindi rin natin maipagkakaila na sa usapin tungkol sa korupsyon, mapa sa gobyerno o sa labas ng gobyerno, pawang marurunong na tao, mga matatalinong mga opisyal, na pinagkagastusan ng lipunan at ng bayang Pilipino (sa PMA o saan man), ang siyang nangunguna sa listahan ng mga tiwali at gumagawa ng lahat ng uri ng kabulastugan.

Mangmang ba sila o marunong? Bobo o maalam? Ito ang pinapaksa ng mga pagbasa natin ngayon.

Mayroong mangmang na isinilang na ganuon. Hindi maipagkakailang ang kakayahan ng utak ng tao ay hindi pantay-pantay. Mayroon rin namang mangmang na nagmamaang-maangan. Kaya nilang magpuslit ng milyon-milyong piso mula sa kaban ng mga sundalo. Pero wala silang matandaan sa kanilang mga ginawa.

Nguni’t mayroong mangmang na nagpakababa at nagpaka-aba sa sarili bilang pagtalima sa higit na mahalagang bagay. Ito ang mga taong matatalino sapagka’t may nakikita silang higit pa kaysa sa mga pinagkakaabalahan ng mundo. Ito ang mga taong maalam na at matalino na, ay marunong pa.

Bobo ang tawag ng mundo sa mga taong hindi marunong gumanti. “Bakit ka pumapayag na lamangan ka?” Ito ang tanong ng marami sa mga nagpapalamang, at nagpaparaya. Pero sa buhay natin sa bahay at pamilya, alam natin na ang nakatatanda ay marunong magparangya, marunong magpalamang sa batang kapatid, sapagka’t ito ang tama. Ito ang sabi ng kultura natin. Ito ang pinahahalagahan natin … na ang matanda ay marunong magtiis at magparangya sa nakababata.

Pero bobo ang tawag ng madla sa taong hindi kumakabig kung may pagkakataon; mga taong nanduon na ay hindi gumamit ng pagkakataon. “Nanduon na sa harap ng manok ay patuka, ay hindi pa tumuka!” Ito ang kasabihan ng mga matatalinong kung mag-isip ay ayon sa takbo ng isip ng kalahatan.

Duwag ang tawag natin sa isang taong hindi marunong gumanti. Bakit ka papayag na apihin? Ito ang takbo ng isipan ng marami. Kung sinipa ka, ay tadyakan mo rin … at basagin mo ang kanyang mukha! Hindi ba’t ito ang takbo ng isipan natin? Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ng “kalakaran?”

Tawagin nyo nang mangmang ang Panginoon sapagka’t siya ang nagsabi: “huwag ninyong labanan ang masamang tao.” Tawagin nyo nang bobo ang Panginoon na nagsabi: “kapag may sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo pa sa kaniya ang kabila.”

Hindi salitang batay sa ebanghelyo ang “kalakaran.” Hindi turo ng Panginoon ang magpadala sa agos. Sa katunayan, para sa kanya, walang mangmang sa sinumang may takot sa Diyos. “Ang banal na pagkatakot sa Diyos ay simula ng karunungan.”

Sa mga nasa gitna ng mga usapin sa mga araw na ito, wala sa kanila ang nag-imbento ng korupsyon. Wala ni isa man sa kanila ang nagsimula nito. Lumakad lamang sila papasok doon … nagising na lamang sila sa katotohanang bahagi sila ng “kalakaran,” bahagi sila ng kultura at kalinangan na nababalot ng kadiliman at kasakiman.

Wala ni isa man sa kanila ang nagsimula ng korupsyon. Nguni’t sila ay bahagi ng sistema, ng isang susun-suson at sapin-saping kalagayan ng mga taong nahirati na, nasanay na, at natangay na ng hinihingi ng pagkakataon … Ito ang kalakaran …

Kung iisipin nating lahat nang mataman ito, lahat tayo ay mangmang at matalino. Lahat tayo ay walang alam sa kultura ng kotong. Lahat tayo ay galit sa mga nangongotong. Pero lahat tayo ay handang mangotong para lamang makalusot sa gusot. Lahat tayo ay galit sa mga nasa BIR, pero lahat rin tayo ay handang magbayad na lamang para hindi masampahan ng mabigat na buwis. Lahat tayo ay handa nang magpalakad sa mga mas nakaaalam, upang makalusot na lamang sa usaping walang hahantungan. Sala-salabat, sanga-sanga, at masalimuot ang balag ng korupsyon. At walang makapagsasabing hindi siya bahagi kahit papaano ng kalakarang ito.

May tawag si Philip Zimbardo sa kalagayang ito … The Lucifer Effect! Ito ang sistema at kultura na nagbubunsod sa mga taong mangmang upang maging matalino, at taong matalino upang maging mangmang na handang gumawa ng lahat ng uri ng kagaguhan! Ito ang sistemang malayo na sa diwa ng ebanghelyo, at ito ang kalakarang kinasasadlakan natin lahat ngayon. Sa madaling salita, ang sistemang panglabas ang siyang umuukilkil sa personal na niloloob ng tao. Matalino man at maalam, ang kalakaran ang siyang lalamon sa kaniya.

Hindi madali ang laban. Malimit na ang laban na ginagawa natin ay ang labang personal, na may kinalaman sa panloob na saloobin ng tao. Kung kaya’t ang akala natin ay kapag nag-retreat o nag-rekoleksyon na ang isang tao ay lutas na ang korupsyon. Ngunit ang sistema o kalakaran ay naka latag pa rin sa llipunan.

Matindi ang laban natin. Nguni’t may dapat pagmulan, may dapat pagsimulaan, may dapat magbanat ng unang buto at gumawa ng unang hakbang.

Malinaw ito sa turo ngayon ng pagbasa. Ang mangmang ay magpakarunong. Ang maalam ay matutong magpakababa. At lahat tayo ay dapat magpakabanal. Ang kalakaran ay dapat puksain, simula sa puso natin, simula sa bakuran natin, simula sa pamilya natin. “Kaya, dapat maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”