frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

MAY WAKAS ANG LAHAT; MAY BUKAS ANG TANAN

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon,Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo,Taon K on Nobyembre 10, 2016 at 18:57

 

Madaling mapagkamaliang ang unang pagbasa at ang ebanghelyo sa araw na ito ay may kinalaman sa mga bagay na nakagigimbal, kahindik-hindik, at nakababahala. Subali’t tulad ng lahat ng panulat na may estilong apokaliptiko, ang mensahe ay hindi ang larawang ipinipinta kundi ang kahulugang nagkukubli sa larawang iginuguhit ng mga salita at pangungusap. Malilipol nga ba ang masasama na parang tinupok ng mabagsik na apoy? Magmimistula nga bang dayaming lalamunin at masasaid ng apoy ang mga makasalanan?

Ang mahalagang katotohanan ay ito … may wakas ang daigdig at ang buhay ng tao sa daigdig na ito. Darating ang araw na maghahari ang Diyos nang ganap at maglalapat ng Kanyang maka-Diyos na katarungan at magpapanibago sa takbo ng buhay ng lahat ng kanyang nilalang. Ang detalye ng kung paano ito magaganap ay hindi siyang mahalaga. Ang mahalaga ay ang wakas ay darating, at ang pinakamadaling paraan para ilarawan ito ay ang paggamit ng mga sagisag ng mga bagay na madaling maunawaan ng mga orihinal na tagabasa at tagapakinig ng sinasaad ng Kasulatan. Ang mahalaga ay ang mabatid natin na para mapagpanibago ang lahat, ay dapat munang maglaho ang lumang kaayusan na isinasagisag ng pagkasunog ng mga dayami at mga nag-usliang mga ugat sa lupa.

Nakatutuwang isipin na marami ang nagigimbal sa mga unang linya ng pagbasa sa araw na ito. Sapagka’t sila ay dinapuan na ng takot, ay posibleng hindi na nila napansin ang puno ng pag-asang pahayag ni Malaquias na siyang tunay na tinutumbok ng pagbasa: “Ngunit kayó na sumusunod sa akin ay ililigtas ko at pagagalingin ng aking kapangyarihan na lulukob sa inyó, gaya ng sinag ng araw.”

Noong isang Linggo, natunghayan natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang vision o panagimpan. Ang matukoy ninuman ang kanyang inaasam at pinaghahanap ay lubhang mahalaga. Ang pitong magkakapatid na nakuhang magtiis ng masakit na kamatayan sa pugon ay nakakuha ng lakas at tapang sa kanilang inaasam at pinapanagimpan – ang kanilang paniniwala sa muling pagkabuhay.

Sa Linggong ito, iminumungkahi ng mga pagbasa ang isang dapat ay bahagi ng ating panagimpang kristiano – ang kabatirang ang buhay na alam natin sa mundong ibabaw ay pagpapanibaguhin ng Diyos sa wakas ng panahon. Tulad ng sinabi natin noong nakaraang Linggo, para sa isang sumasampalataya, ang kanyang inaasam ay kanya nang nilalasam sa pamamagitan ng pag-asa at pagsampalataya. Mayroong tatak na kasiguraduhan ang mga mananampalataya kay Kristo … may katiyakan. At ang katiyakang ito ang ating ipinagmakaingay pagkatapos ng unang pagbasa: “Poong Hukom ay darating, taglay katarungan natin” (Salmong Tugunan). Ang kaparaanan ay hindi dapat itumbas sa katotohanan. Ang paglalarawan ay hindi rin dapat itumbas sa kaganapan ng pangako ng Diyos. Ang mga pangungusap at katagang metaporikal ay hindi dapat unawain nang tahasang-tiyak na wari baga’y kung ano ang titik ay siya ring magaganap.

Sa ebanghelyo tila dinagdagan pa ng Panginoon ang listahan ng mga kagimbal-gimbal na mga pangyayari sa wakas ng panahon. Nguni’t kapanatagan ng loob, hindi takot, ang dapat bumalot sa puso at kaisipan ng tao na batid kung ano ang pinakabuod ng sinasaad ng mga pangungusap ng Panginoon. At ang mahalagang buod nito ay puno rin ng pag-asa at pangako – isang panagimpang tamang maging tampulan ng pag-aasam na ngayon pa man ay maari nang tampulan rin ng paglalasam: “Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”

Ang Pilipinas ay ginigimbal at ginagambala sa mga araw na ito ng sunod-sunod na pagsabog. Hindi pa nalulutas ang lumang pagsabog ay mayroon na namang bago. Bukod sa pagsabog pisikal, ay mayroon ring mas masahol na pagsabog ng mga katiwalian, ng mga karumihan at lahat ng uri ng pandaraya at kaguluhang dulot ng sobrang politika sa ating lipunan. Kung ating uunawain nang tahasan o literal ang una at ikatlong pagbasa, ay parang pahiwatig ito ng napipintong pagwawakas ng daigdig. Nguni’t tulad nga ng nasabi natin, hindi ito ang pakay ng mga pagbasang ito. Ang buod, ang puno at dulo ng lahat ay ang kahalagahang mabatid ng lahat ang katotohanang ang buhay dito at ang lahat ng bagay na lubhang pinahahalagahan ng mga taong makamundo ay hindi magtatagal at mayroong hangganan. Sa isang banda, mayroong hangganan ang kasamaan. Mayroong katapusan ang katiwalian, at mayroong wakas ang ginagawa ng mga masasamang budhi.

Sa kabilang banda, hindi yaman ang lahat sa buhay ng isang kristiano. Hindi rin kapangyarihan, at lalung hindi ang karangyaan. May wakas ang lahat. At ang lahat ng itinuturing ng tao na mahalaga ay maglalahong parang dayami na tinupok at nilipol ng apoy. Pagpapanibaguhin ng Diyos ang lahat sa wakas ng panahon. Ang pagkalipol ng dayami at mga ugat ng mga punong susunugin ay sagisag ng pagpapanibagong ito na dulot ng Panginoon.

Mapalad ang nakakaunawa at nakababatid ng katotohanang ito. Sa harap ng katotohanang ito, hindi takot, bagkus kasiyahan at pag-asa ang siyang dapat maghari sa puso ng tao. Ito ang parehong saya at pag-asa na ating itatanghal at pagyayamanin sa panahon ng Adbiyento. Isa na namang pagkakataon ito upang ang siyang pinaka-aasam ay siya rin maging pinakanilalasam sa pamamagitan ng pag-asa, pananampalataya, at pag-ibig

MAGTAPATAN TAYO

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon,Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K,Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo,Taon K on Agosto 11, 2016 at 02:31

Ika-20 Linggo -Taon K

Agosto 14, 2016

MAGTAPATAN TAYO!

Puno ng malalim na kahulugan ang mga pagbasa natin ngayon, lalu na ang ebanghelyo. Kung bibigyang buod natin, may kinalaman ang lahat sa pagiging matatag, sa pagiging matiisin, matibay, at matapang sa pagharap sa anumang uri ng suliranin. Sa biglang wari, mistulang masungit at marahas ang pananalita ng Panginoon. “Naparito ako upang pagliyabin ang daigdig, at sana nga ay naglalagablab na!”

Ang salita ng Panginoon ay tila nagpupuyos, nagdadaig, nagliliyab. Mainit ang dating … nakadadarang, tila nakapapaso. Tahasan … tuwiran … walang pasikot-sikot … walang paligoy-ligoy.

Hindi politiko ang Panginoong Jesucristo. Hindi siya bulaan. Hindi siya isang taong ang dila ay sanga-sanga, tulad ng mga politikong ang sinasabi ay hindi mo lubos mapagwari kung ano ang tunay na ibig sabihin at tunay nilang layunin. Deretso ang kaniyang tingin. Deretso rin ang kaniyang turing. At ang kaniyang mithiin para sa atin ay siya ring alay niyang tuntunin. “Akala ba ninyo ay naparito ako upang maghatid ng kapayapaan sa lupa?”

Ano nga ba ang tahasang-tiyak na tinutumbok ng Panginoon? Ano nga ba ang binibigyang-diin niya sa mga pananalitang ito na tigib ng talinghaga?

Una sa lahat, ang kinapapalooban ng ebanghelyo ay kung ano ang binabanggit ng una at ikalawang pagbasa. Sa aklat ni propeta Jeremias, natunghayan natin kung ano ang sinapit ng taong sinugo ng Diyos. Ang kaniyang pagtalima sa paanyaya ng Diyos na mangaral ay nauwi sa dakilang paghihirap. Tinuligsa siya at inusig hanggang sa halos ay mamatay sa gutom sa balon.

Magtapatan tayo … ito ang tila baga’y sinasaad sa unang pagbasa … ang pagsunod sa Panginoon ay hindi biro … hindi isang laro na ang dulot ay kaaya-ayang buhay na nahihilata sa kasaganaan at kaluwagan.

Sa ikalawang pagbasa naman, lalu pang idiniin ng sulat sa mga Hebreo na ang pagsunod kay Kristo ay isang pagpupunyagi at patuloy na pagtakbo hanggang makamit ang premyo. Ito, aniya, ay tila isang timpalak na may kinalaman sa pagiging matatag, mapunyagi, maporsigue … hanggang sa tagumpay kasama si Kristo.

Magtapatan tayo … ang daan patungo sa kabanalan ay hindi nalalatagan ng alpombrang malambot. Ang daan ng kabanalan ay makipot at masikip, at hindi kasya rito ang mga Lamborghini, Ferrari, Porsche at iba pang magagarang sasakyang pilit na ipinupuslit ng mga tampalasang kakutsaba ng mga tao sa gobyerno ng Pilipinas.

Ito ang kinapapalooban ng ebanghelyo na tila ang pananalita ay mabagsik at masungit. Subali’t ito ang dapat nating unawaing mabuti. Ang pagsasabi nang matapat, ay pagsasama nang maluwat.

Nararapat natin marahil unawain ang mga salitang ito sa liwanag ng salitang kanto boy: “magtapatan tayo!”

Magtapatan tayo … ang apoy ay nakadadarang, nakapapaso … hindi tayo isinusugo ni Kristo upang manatiling malamig na parang bangkay. Ang kristiyano na tumanggap ng turing na kristiyano ay dapat makadarang, makaimpluwensiya ng kultura ng lipunan. Ang hindi nakadadarang ay nanlalamig, nanghihinawa, at nagpapadala sa agos ng lipunan.

Magtapatan tayo … ang apoy ay nakapagdadalisay. Ang ginto ay hindi magiging dalisay kung hindi ito idadaan sa apoy na lantayan. Lantay na ginto ang bunga ng init na nakapagdadalisay. Hindi kailanman dadalisay ang ating bayang Pilipino kung ang ating mga dila ay sanga-sanga tulad ng mga bulaang mga politiko at kanilang mga kampon sa larangan ng komersiyo.

Magtapatan tayo … ang isang pamilyang ang mga kasapi ay panay matatamis na pananalita lamang ang puhunan at hindi naninindigan sa wasto at tama ay hindi lalago, hindi uunlad, hindi aangat. Maiiwan sila sa antas ng bolahan, panlilinlang, at pagbabalatkayo. Hindi makalalayo ang panay lamang ang ngiti at kindat sa buhay. Kung ang mali at taliwas at tiwali ay kikindatan at ngingitian lamang natin, hindi uusad ang ating mithiin … hindi aangat ang ating lipunan. Kung ang isang magulang, sa ngalan ng kabaitan at pagbibigay-layaw sa anak, ay magbubulag-bulagan, kahit na ang ginagawa ng anak ay hindi ayon sa kagustuhan ng Diyos, ang kanyang kilos ay walang init, walang hatid na pandadarang, ngunit wala ring buhay … malamig pa sa bangkay!

Nagpupuyos ang aking damdamin sa dami ng katiwalian sa ating bayan. Nag-iinit kung minsan ang aking kalooban. Ang pag-iinit na ito ay hindi lamang galit na walang patutunguhan. Ito ay apoy na mapagdalisay, init na nandadarang, init na nagtutulak sa ating lahat upang gumawa nang kung ano ang ating kayang gawin.

Magtapatan tayo … nang tayo ay kumpilan, dinarang tayo ng mga kaloob ng Espiritu Santo … Nasaan na ang apoy na ito? Nasaan na ang init ng iyong pagpupunyagi? Saan na natin ikinubli ang apoy na dapat sana ay nagliliyab at naglalagablab na sa ating lipunan?

Magtapatan tayo … ang nagsasabi nang matapat ay nagsasama nang maluwat.