frchito

Archive for Hulyo, 2013|Monthly archive page

AMA NAMIN!

In Karaniwang Panahon, Taon K on Hulyo 27, 2013 at 16:41

images-10Ika-17 Linggo ng Taon K

Hulyo 28, 2013

AMA NAMIN!

Sa ating bayan, mahirap ang lumapit sa mataas na taong hindi mo kilala. Lagi kang naghahanap ng padrino, ng taong tutulong sa iyo at maghahatid sa iyo. Bihira sa ating kultura ang taong bigla at basta na lamang papasok sa opisina ninuman nang walang namamagitan.

Hindi tagapamagitan ang hinahanap natin, kung tutuusin nating mabuti. Hindi tayo naghahanap ng fixer, ika nga. Hindi tayo naghahanap ng taong gagawa ng bagay na dapat nating gawain. Ang ating tunay na hanap ay isang taong may kaugnayan sa sinumang gusto nating marating o makapulong.

Si Abraham ay itinuring ni Pablo bilang ating Ama sa pananampalataya. Sa kwento sa unang pagbasa, narinig natin kung paano siya naki-usap, kung paano siya nagmakaawa sa Diyos, maligtas lamang ang mga taong mabubuti, kahit sasampu na lamang ang natitira. Nakita natin kung paano namagitan si Abraham, at kung paano niya pinalambot ang loob ng Diyos kung kaya’t ang kaparusahang nararapat sa mga taga Sodom at Gomora ay hindi matuloy.

Nanalangin si Abraham. Nagmakaaawa. Namagitan at nanikluhod sa Diyos na maawain.

Iba talaga ang may pinagsamahan. Kung tutuusin, si Abraham ay hindi na banyaga sa Diyos, at ang Diyos ay hindi na iba kay Abraham. May pinagsamahan sila. May kaugnayan. May pinagsaluhang pangarap at panawagan. Magmula nang siya ay tumugon sa panawagan ni Yahweh, na siya ay lumisan sa Ur at magtungo sa bayang pangako, naging karapat-dapat si Abraham upang manikluhod at humiling sa Diyos.

At ano ang dahilan nito? Sapagka’t sila ay may pinagsamahan na.

Mahirap ang maki-usap para sa sinuman. Pero nagiging madali kung ang ating pinakikiusapan ay may kaugnayan na sa atin, kung may pinagsamahan na tayo.

Tunghayan natin ang kwento sa ebanghelyo. Dalawang tao ang sinasabi nanghihingi ng tulong. Ang una ay naggambala ng kapitbahay sa kalagitnaan ng gabi dahil wala siya ni anumang puedeng ipakain sa bisita. Mapilit ang kanyang tono sa panghihingi ng tulong … makulit. Sino sa atin ang hindi magbibigay na lamang wag lamang tayo kulitin nang ganoon? Ang isa naman ay may kinalaman sa kakayahan nating magbigay nang kung ano ang hinihingi ng isang anak.

Ano ang sikreto? Ano ang dahilan at sila ay pinagbigyan?

Nasa unahan ng ebanghelyo ang sagot. Ano ba ang turo sa atin ng Panginoon? Napakasimple. Para bagang sinasabi niya na hindi tayo makadidiretso sa sinuman kung wala tayong relasyon, kung wala tayong kaugnayan, kung wala tayong pinagsamahan.

Ito ang sinabi ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Hindi na tayo iba sa Diyos. Hindi tayo mga banyagang hindi niya kilala. “Nalibing tayo,” aniya, “kasama ni Kristo sa binyag.” At hindi lamang yan, “binuhay tayong muli kasama niya, matapos patawarin ang ating mga kasalanan.”

Di ba maliwanag ito? Na tayo ay may kaugnayan na sa kaniya?

Dahil dito, ang turo ni Jesus ay ito. Kung tayo raw ay mananalangin, tumawag raw tayo sa Diyos ng “Ama Namin.” “Papa,” “Ama,” “Itay.”

Ito ang kaugnayang hindi Niya mapahihindian. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay karapat-dapat magdasal at lumapit sa Kanya nang may pananampalataya at pagtitiwala.

Advertisement

PAGLILINGKOD, PAKIKISALAMUHA, AT PAKIKIPAGNIIG

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Hulyo 20, 2013 at 10:44

images-4Ika-16 na Linggo Taon K

Hulyo 21, 2013

PAGLILINGKOD, PAKIKISALAMUHA AT PAKIKIPAGNIIG

Dakila ang ginawa ni Abraham at ni Sara. Kagya’t nilang binigyan na mainit na pagtanggap ang pangitain ng tatlong lalaking tila papunta kung saan at napadaan sa kanilang bahay. Hindi lang pahinga ang kanilang ipinagkaloob: matabang guya, tinapay, keso at gatas ang kanilang inihain … paglilingkod na higit pa sa isang mamahaling hotel … five-star ika nga.

Dakila rin ang ginawa ng dalawang magkapatid na babae. Si Marta ay hindi magkanda-ugaga sa paghahanda ng makakain. Inilabas ang tagong gamit para sa kanilang bisita, at naging aligaga sa paggawa bilang paglilingkod sa Panginoon. Nguni’t dakila rin ang ginawa ni Maria … naging aligaga naman siya sa pakikinig … sa pakikpagniig … sa pakikisalamuha.

Kelangan pa ba imemorize yan?

Maraming uri ang paglilingkod. Maraming paraan ang pagtanggap. Maraming tipo ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa bisita.

Di ba ganuon din tayo? Pag may bisita, may nangangahoy … may naglilinis … may nagluluto … at may GRO! Naalala ko tuloy ang marami kong beses na nagmisa kapag piyesta sa baryo o sa pagtatapos ng Flores de Mayo. Toka-toka sila ng trabaho. Mayroong nakatoka sa pagsundo sa pari. Mayroong naka-toka sa pakikipag-usap sa pari. Pero kalimitan, tig labinlimang minuto lang sila upang ako ay kausapin. Papalit-palit, paiba-iba … kung kaya’t malimit, kapag nagpalit-palit, ay pare-pareho ang tanong ng mga GRO … Saan po kayo naka-assign? Anong parokya po kayo galing? Matagal na po ba kayo doon? At iba pang paulit-ulit na tanong …

At sapagka’t ang karamihan ay parang si Marta na hindi magkanda-ugaga sa paghahanda, malimit na ang oras ng Misa ay … alam nyo na! … nababago, nahuhuli, at laging ang kanilang daing ay ito: “Wala pa ho ang mga sagala!” o kaya, “wala pa ho si Mayor!”

Mahalagang aral ang tatlong pagbasa para sa ating lahat ngayon. Mayroong nagsasabing ang pananampalatayang tunay ay hindi nakukuha sa dasal, kundi sa paggawa ng mabuti. Aanhin mo ang puro dasal at simba, anila, kung wala ka namang nagagawang mabuti para sa ibang tao? Mayroon namang nagsasabing hindi dapat lunurin ang sarili sa gawain, bagkus matutong tumahimik, matutong magnilay, at magmuni-muni o kaya magdasal at magpakabanal!

Nguni’t ang mga pagbasa sa araw na ito ay hindi nagsasabing dapat tayo mamili at sumanib kay Marta o kay Maria, o kay Abraham at kay Sara. Simple lamang ang buod ng tatlong pagbasang ito … Kung ang Diyos ang pag-uusapan, dapat ay ang pinakamaganda ang nararapat … ang pinakamagandang mga pinggan, baso at kubyertos … ang pinakamatamang pakikinig sa kanya at ang wagas na pagkilala sa kanya bilang Diyos.

Sa unang pagbasa, hindi lamang tatlong lalaki ang dumating, kundi isang pangitain … isang pagpapahayag at pagpapahimakas ng Diyos na iisa, nguni’t tatlong Persona. Nakita ni Abraham at Sara ang “pangitain” ng tatlong hindi ordinaryong bisita. At sila ay nagbigay ng karampatang pagtanggap sa pangitaing yaon.

Nakita rin ni Pablo ang katotohanan na nasa kanyang harapan …  “ang hiwaga na mahabang panahong nalihim sa maraming sali’t saling lahi, ngunit ngayo’y inihayag sa kanyang mga anak.”

Nakita rin ni Marta, kung kaya’t naging abala, naging alligaga sa paglilingkod. Tumpak at tama ang kanyang ginawa. Pero nakita rin at nakilala ni Maria, kung kaya’t naging aligaga rin siya sa pakikinig at pakikisalamuha at pakikipagniig.

“Panginoon” ang ginamit na tawag ni Marta kay Jesus. Nakita niya at nakilala niya na ang kanyang bisita ay Diyos, tulad nang nakilala nina Abraham at Sara ang Diyos sa katauhan ng tatlong lalaking dumating sa kanilang bahay.

Dapat tayong matutong maging mga GRO …mga taong marunong GUMAWA kapag Diyos ang nasa ating harapan; mga taong handa ring RUMAMPA kapag Diyos ang ating bisita … mga taong handa ring maging OKRAY kung kailangan, kung ito ay ikaluluwalhati ng Diyos, tulad ng ginawa ni Maria, na nagpakasasa sa salita at pangaral ng Panginoon, habang ang kanyang kapatid ay rumarampa naman sa kusina.

Hala, tayo nang gumawa, rumampa at ialay ang ating Obra-maestra para sa Diyos! Dumating na Siya. Dumarating pa. At darating pang muli sa buhay natin.