Isang mapagpalang pagbati ng Pasko ng Pagkabuhay! Nawa’y ihatid ng Panginoong muling nabuhay ang ating mga hangarin tungo sa pangakong dulot ng kanyang dakilang pagwawagi sa kamatayan!
Isang mapagpalang pagbati ng Pasko ng Pagkabuhay! Nawa’y ihatid ng Panginoong muling nabuhay ang ating mga hangarin tungo sa pangakong dulot ng kanyang dakilang pagwawagi sa kamatayan!
Linggo ng Palaspas
KASAMA, KASANGGA, O KATUNGGALI?
Habang lumalapit ang halalan, lumalabas rin ang tunay na kulay ng mga kandidato o mamboboto. Hindi mahirap makita ang pagiging hunyango ng ilan sa mga
kandidato. Ang mga dating mga magkatunggali ay ngayon ay magkakasama; mga
dating parang magsing-irog sa iisang partido ngayon ay parang pinaghiwalay ng
tadhana. Ang mga dati ay maiingay sa larangan ng politika, ngayon ay nagtatago at hindi natin alam kung saang lupalop naparoon.
Ito rin ang tila telenobelang sa araw na ito ay nagsisimula, kumbaga. Ang kaibahan nga lamang ay hindi ito isang teleserye. Ito ay salaysay ng pinakadakilang pag-ibig na natungyahan ng sangkatauhan sa kasaysayan … ang pinakadakilang kasaysayan ng pag-ibig.
Kasama … ito ang ugaling ipinakita ng marami nang pumasok si Jesus sa Jerusalem!
Nangasipaglabasan sa mga lansangan ang mga bata, matanda, at talubata … tangan
nila ang anumang mahagilap sa kamay upang iwagayway, ilatag, iwagiswis bilang
pagpupugay sa itinanghal nilang Haring dumarating.
Kasama … Ito ang larawan ng mga taong sa simula ay tuwang-tuwa sapagka’t
dumarating mula sa kaitaasan ang kanilang pinakaaasam, pinakahihintay! Halos
manggayupapa ang lahat sa pagpuri at pag-awit: “Osana sa kaitaasan … Pinagpala
ang dumarating sa ngalan ng Panginoon!”
Kasangga … ito ang larawang kanilang ipinamalas. Kasangga sila ng kanilang
itinatanghal at pinagpupugayan. Kasangga sila ng isang hindi malamang unawain at
tanggapin ng mga namumuno sa bayan, na ang tingin sa kanya ay isang taong may
madilim at maitim na pakay na hindi magugustuhan ng mga nasa kapangyarihan.
Minsan din nating ginampanan ang pagiging kasama at kasangga ni Kristong
Mananakop. Di miminsan sa buhay natin na nagpahayag tayo ng pagiging kasama at
kasangga ng Panginoong dumating sa kasaysayan upang isulat ang panibagong
takbo ng kasaysayan.
Nguni’t alam natin ang naging takbo ng salaysay… Ang mga nagmakaingay na
masiglang naging kasangga ng Panginoon ay nangagsipag baligtaran … naging mga
balimbing na nag-astang mga hunyango ay tumalikod sa kanilang pinuri hanggang
langit ilang araw lamang ang nakalilipas. Sa ikalawang bahagi ng liturhiya natin,
binasa natin ang pasyon, ang kwento ng kanyang pagpapakasakit at pagkamatay.
Ang mga balimbing na dati-rati ay umawit ng “Osana,” ay sila ring di naglaon ay
sumigaw ng “tama na!”
Sala sa init; sala sa lamig ang mga balimbing na walang iisang salita.
Ito ang salaysay na nananalaytay sa ating kasaysayan, sa ating lipunan, sa ating
kultura at pagkatao bilang Pinoy. Tingnan lamang natin ang mga hunghang at
sinungaling na mga politico na dati ay parang hayop kung magbangay at ngayon ay
parang si Romeo at Juliet kung magmahalan. Tingnan natin ang mga dating
tinitingala natin na ngayon pala ay mandarambong na primera klase din naman
pala. Tingnan natin ang ubod ng yamang kandidato na hanggang langit ang gastos
para ipagmakaingay sa siya ay mahirap at natutulog sa bangketa at naglalangoy sa
basura!
Higit sa lahat, tingnan natin ang sarili natin. Tingnan natin ang Inang Simbahan, na bilang samahan ng mga taong marupok ay sinagian at dinapuan na rin ng iba-ibang uri ng kabulukan, tulad ng mga pang-aabuso ng mga kabataan. Tingnan natin ang sarili natin sa salamin. Tingnan natin kung paano tayo maghusga tulad ng mga kalalakihang handang pumukol ng bato sa babaeng nahuli sa pakikiapid. Tingnan natin ang sarili natin …
Hindi malayong makita natin ang larawan ni Judas, ni Pedro, ni Pablo – ng lahat ng mga makasalanang naging banal sapagka’t bumangon sila sa tulong ng kanilang
itinatwa at ipinagkanulo.
Kasama ako sa pulutong na ito … kasama tayong lahat … kasangga tayo dapat at
tunay ngang di miminsang idineklara natin ang sarili bilang kasangga ni Kristo.
Ngunit ang linggo ng palaspas ay salaysay tungkol sa mga balimbing at mga
salawahan at tampalasan … masakalanan tulad ko, tulad ninyo, tulad ng lahat.
Katunggali tayo ni Kristo … di miminsan, di kayang ipagkaila gaano man kadulas ang ating mga dila, gaano man karami ang sanga ng mga dila natin … kasama tayo sa tinatawag natin sa panalangin, na mga “dilang masasama.”
Pero tumitigil tayo taon-taon upang gunitain, upang balik-isipin at muling ganapin … Alin? Ang dakilang salaysay ng pag-ibig sa atin ng Diyos na gumawa ng lahat para sa ating ikapapanuto at ikaliligtas. Sa kanyang dakilang pagpapakasakit, tayong mga katunggali at kalaban, dahil sa kanyang dakilang pag-ibig ay muling itinuring na kasama at kasangga. Muli natin naririnig ang mga katagang pinagnilayan natin noong isang Linggo: “Wala bang naghuhusga sa iyo? Ako man, hindi kita hinuhusgahan. Humayo ka na at huwag nang magkasala!”