frchito

Archive for Disyembre, 2007|Monthly archive page

KUNG MANGARAP KA’T MAGISING, ANO ANG GAGAWIN MO?

In Adviento, Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily on Disyembre 20, 2007 at 15:53

Ika-apat na Linggo ng Adviento – Taon A

Unang Pagbasa (Isaias 7:10-14)

Noong mga araw na iyón, ipinasabi ng Panginoón kay Acaz:
“Humingi ka sa akin ng palátandaan,
maging sa kalaliman ng kinaroroonan ng mga yumao
o sa kaitaasan ng langit.”
Sumagot si Acaz:
“Hindi po akó hihingi.
Hindi ko susubukin ang Panginoón.”
Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
na pati ang aking Diyós ay inyóng niyayamot?
Kaya nga’t, ang Panginoón na rin ang magbibigay ng palátandaan:
Maglilihi ang isang dalaga
at manganganak ng lalaki
at itó’y tatawaging Emmanuel.”

Salmong Tugunan
Ang Panginoo’y darating, s’ya’y dakilang Hari natin!

Ang buong daigdig, lahat ng naroón,
may-ari’y ang Diyós, ating Panginoón.
Ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.

Sino ang marapat umahon sa burol,
sa buról ng Poon, sino nga’ng aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
sino’ng tutulutang pumasok na tao?

Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-Diyósan;
tapat sa pangako na binitawan.

Ang Diyós na Panginoón, pagpapalain siyá,
ililigtas siyá’t pawawalang- sala.
Gayon ang sinumang lumalapit sa Diyós,
siláng lumalapit sa Diyós ni Jacob

Ikalawang Pagbasa (Taga-Roma 1:1-7)

Mula kay Pablo na alipin ni Kristo Hesús,
tinawag upang maging apostol at hinirang
upang mangaral ng Mabuting Balita ng Diyós.
Sa inyóng lahat na minamahal ng Diyós na nangariyan sa Roma,
na tinawag upang maging mga banal:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan
mula sa Diyós na ating Ama at sa Panginoóng Hesukristo.
Ang Mabuting Balitang itó, na ipinangako niya
noon pang una sa pamamagitan ng mga propeta
at nasasaad sa mga banal na kasulatan,
ay tungkol sa kaniyáng Anak, ang ating Panginoóng Hesukristo.
Sa kaniyáng pagiging tao,
siyá’y ipinanganak mula sa lipi ni David,
at sa likas na kabanalan ng kaniyáng espiritu,
ipinahayag siyáng Anak ng Diyós
sa pamamagitan ng makapangyarihang gawa –
ang kaniyáng muling pagkabuhay.
Sa pamamagitan niya,
tinanggap namin sa Diyós ang kaloob na maging apostol
upang ang lahat ng bansa ay akayin sa pananampalataya
at pagsunod sa kaniyá.
Kabilang din kayó sa mga tinawag na maging tagasunod ni Hesukristo.

Ebanghelyo (Mateo 1:18-24)

Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo.
Si Maria na kaniyáng ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal.
Ngunit bago silá nakasal,
si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao.
Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Isang taong matuwid itóng si Jose na kaniyáng magiging asawa,
ngunit ayaw niyáng mapahiya si Maria,
kaya ipinasiya niyáng hiwalayan itó nang lihim.
Samantalang iniisip ni Jose itó,
napakita sa kaniyá sa panaginip ang isang anghel ng Panginoón.
Sabi nitó sa kaniyá,
“Jose, anak ni David,
huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria
sapagkat siyá’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Manganganak siyá ng isang lalaki
at itó’y panganganlan mong Hesús,
sapagkat siyá ang magliligtas sa kaniyáng bayan sa kaniláng mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng itó
upang matupad ang sinabi ng Panginoón sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
at tatawagin itóng Emmanuel”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyós.”
Nang magising si Jose,
sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoón;
pinakasalan niya si Maria.

Pagninilay sa Pagbasa o Homiliya

Malapit nang matapos ang ating paglalakbay. Sa maikling panahon ng Adviento, tinunton natin ang daan ng paghihintay, daan ng pag-aasam, daan ng pag-asa. Sa ating mga Pilipino, ang ating paghihintay nang buong pananampalataya ay nilakipan pa natin ng mapagmatyag na paghihintay. Siyam na araw tayong gising nang maaga (o gising nang matagal) sa ating pagsisimbang-gabi na isang matingkad na palatandaan ng mapagmatyag na paghihintay.

Sa isang daigdig na nababalot ng iba-ibang uri ng palatandaan, hindi tayo hirap unawain ang diwa na binabanggit sa unang pagbasa. Si Acaz, bagama’t tumutol, ay pinagkalooban ng Diyos ng isang palatandaan mula sa itaas. Ano ba ang palatandaang ito? Ang tanda ng isang dalagitang maglilihi at manganganak ng isang lalaking tatawaging Emmanuel, na ang ibig sabihi’y “sumasaatin ang Diyos.”

Tumanggi si Acaz na humingi ng isang tanda. Sa ating modernong pananalita ngayon, isa siyang “pasaway,” matigas ang ulo, mayabang o palalo. Siya ay isang mapag-imbot, mapagmataas … isang taong hindi kagya’t nagpapadala sa bulong, maging bulong na galing sa itaas.

Subali’t naparito tayo sa simbahan sa araw na ito sapagka’t ang mga takbo ng mga pangyayari ay nagpakita sa mata ng ating pananampalataya, na ang palatandaang iwinaksi ni Acaz, ay nagkaroon ng kaganapan sa buhay ni Maria at ni Jose. Ang sanghaya at mithiin ng mahabang panahon ay naganap sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ni Jose at ni Maria.

Ito ang ipinagmakaingay natin sa salmong tugunan: “Ang Panginoo’y darating; siya’y dakilang hari natin.”

Nguni’t ano ba ang naging dahilan at ang palatandaan ay nagkaroon ng kaganapan? Ito ang dapat natin maunawaan sapagka’t dito nasasalalay ang katotohanan ng magandang balita ng kaligtasan. Ang balita ay hindi balita hangga’t hindi naibubulalas at naisisiwalat. Ang balita ay hindi magandang balita hangga’t hindi nagbubunga ng isang kaganapan na may kakayahang pagpanibaguhin ang takbo ng ating buhay. Ang ebanghelyo ay magandang balita sapagka’t may kakayahan itong hindi lamang magsiwalat ng isang magandang kinabukasan, kundi may kakayahang maghatid ng isang “bagong langit at bagong lupa.” Ang ebanghelyo ay magandang balita kung may nakikinig at may sumusunod rito.

Si Acaz ay hindi bukas sa magandang balita. Tumanggi siyang humingi ng isang tanda. Nagmatigas siya … nagmataas, at nagsarado ng kanyang isipan. Ang Diyos na mismo ang siyang gumawa ng isang malaking palatandaan – ang palatandaan ng isang dalagitang nagkaroon ng kaganapan kay Maria, na nagluwal ng isang sanggol na lalaki, tulad ng ating buong lugod na pinakahihintay.

Sa ebanghelyo, nakita natin ang isang mas dakilang palatandaan at kaganapan. Kung si Acaz ay tumanggi at nagmatigas, si Jose ay nakinig, tumanggap, at nagpakumbaba. Pagtanggap, hindi pagtanggi, ang kanyang ipinamalas.

Ito ang pagtanggap ng pananampalataya. Ito ang pagtanggap ng isang balita na naging magandang balita sa kadahilanang ang tumanggap ay hindi tumanggi, bagkus nakipagtulungan sa kalooban ng Diyos.

Ito rin ang binabanggit sa sulat ni Pablo sa mga taga-Roma. Pagtanggap, hindi pagtanggi ang ipinamalas rin ni Pablo. Tinagurian niya ang sarili bilang isang “doulos,” isang alipin, na hinirang upang maging apostol, at pinagtagubilinang mangaral sa ngalan ni Kristo Jesus. Kung paano nagmataas si Acaz, ganoon naman nagpakababa si Pablo. Ito ang kababaang-loob ng isang taong sumasampalataya – isang taong ang tinatayaan sa buhay ay ang Diyos na makatotohanan at may akda ng katotohanan.

Ang palatandaan ay nagkaroong kaganapan sapagka’t mayroong tulad ni Maria, Jose, Pablo, at marami pang iba, na nakinig, tumanggap, at nakipagtulungan sa Diyos.

Dito na marahil tayo dapat dumako sa ating buhay at karanasan. Napakaraming pasaway sa ating lipunan. Kay raming matatalino. Ang ilan sa atin kung kumilos at magsalita, ay para bagang alam nila lahat ang solusyon sa mga problema ng bayang Pilipinas. Parang alam na alam ng mga nagtangka na namang ibagsak ang gobyerno kamakailan kung ano ang dapat gawin sa isang lipunang nababalot ng maiitim na ulap ng korupsyon, kadayaan, pagkakanya-kanya, at kasakiman. Subali’t ang tinig ng Diyos na tumatawag sa isang malaliman at malawakang pagbabagong moral mula sa puso ng bawa’t isa ay tila hindi naririnig o pinapansin. Sa kanilang mga pamamaraan, wala silang iniwan sa mga teroristang siguradong sigurado na magbabago ang lipunan kung maraming mamamatay ay magdudusa, maging mga walang kinalamang tao.

Ang Pasko ng Pagsilang na ating pinakahihintay at pinaghahandaan ay palapit na nang palapit. Dadalawang tulog na lamang ang nalalabi. Ngunit ang kaganapan ng araw na ating pinakahihintay ay isang katotohanang nasa ating mga kamay at puso ang pagsasabuhay at pagsasadiwa.

Naghihintay tayo, oo. Subali’t ang ating paghihintay ay mapagmatyag at mapagpunyagi. Gising tayo, kumikilos, at nagpapagal, hindi tukatok at walang buhay. Gumagalaw tayo at kagampan sa paggawa ng mabuti. Abala tayo ngunit hindi balisa. Puno ng pag-asa, ngunit puno rin ng pagpupunyagi. Mataas ang pangarap, nguni’t handa ring maging isang alipin, tulad ni Pablo. Matayog ang hangarin, ngunit handang tumanggap at hindi tumanggi, sa paghamon ng Diyos, tulad ni Jose at ni Maria, na “nagulumihanan” ang puso, ngunit nakinig at tumupad sa kalooban ng Diyos. “Nang magising si Jose,
sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoón; pinakasalan niya si Maria.”
Puno ng paghihintay si Juan Tamad … Totoo ito. Subali’t ang kanyang paghihintay ay walang pagpupunyagi. Ngumanga lamang siya sa ilalim ng puno ng bayabas, at naghintay na bumagsak ang bunga sa bunganga. Ang maka-Kristiyanong paghihintay ay mapagmatyag at mapagpunyagi. Ito ang kahulugan ng pag-asa. Hindi sapat ang mangarap. Ang taong nangangarap ay dapat magising at magsikap.

Kung mangarap ka’t magising, tandaan lamang ito: “nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon.”

Fr. Chito Dimaranan, SDB

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-Ampon

Paranaque City, Diciembre 20, 2007

KANLUNGAN O KULUNGAN: ALIN BA ATIN DITO?

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Disyembre 14, 2007 at 14:05

Ika-3 Linggo ng Adviento (Taon A)
Diciembre 16, 2007

Unang Pagbasa (Isaias 35:1-6a, 10)

Ang ulilang lupaing malaon nang tigang ay muling sasaya,
mananariwa at mamumulaklak ang ilang.
Ang dating ilang ay aawit sa tuwa,
itó’y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Libano
at mamumunga nang sagana, tulad ng Carmelo at Saron.
Mamamasdan ng lahat ang kaningningan at kapangyarihan ng Panginoón.
Inyong palákasin ang mahinang kamay, at patatagin ang mga tuhod na lupaypay.
Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot, laksan mo ang iyóng loob
Darating na ang Panginoóng Diyós,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi.
Katulad ng usa, ang pilay ay lulundag.
Aawit sa galak ang mga pipi.
Ang mga tinubos ng Panginoón ay babalik sa Jerusalem,
masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian silá ng kaligayahan.
Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.

Salmong Tugunan:

Halina, Panginoóng D’yos upang kamí ay matubos!

Ang maaasahang lagi’y Panginoón, panig sa naaapi,
ang Diyós na hukom, may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Pinalaya niya ang mga nabihag.
Isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas, ang mga hinirang niya’y nililingap.

Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila’y doón tumatahan.
Tumutulong siyá sa balo’t ulila, masamang balangkas pinipigil niya.

Walâng hanggang Hari, ang Diyós na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyós mo, Sion!

Ikalawang Pagbasa (Santiago 5:7-10)

Kaya nga’t magtiyaga kayó, mga kapatid,
hanggang sa pagdating ng Panginoón.
Tingnan ninyo ang magsasaka.
Buong-tiyaga niyáng hinihintay
ang mahalagang bunga ng kaniyáng bukirin,
at ang pagpatak ng una at huling ulan.
Dapat din kayóng magtiyaga.
Tibayan ninyo ang inyóng loob,
sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoón.
Huwag kayóng maghinanakitan, mga kapatid,
upang hindi kayó hatulan ng Diyós,
sapagkat malapit nang dumating ang Hukom.
Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang
nagsalita sa ngalan ng Panginoón.
Buong tiyaga siláng nagtiis ng kahirapan.

Magandáng Balità     (Mateo 11:2-11)

Noong panahong iyón: Nabalitaan ni Juan Bautista, na noo’y nasa bilangguan, ang mga ginagawa ni Kristo. Kaya’t nagsugo si Juan ng kaniyáng mga alagad at ipinatanong sa kaniyá, “Kayo po ba ang ipinangakong paririto, o maghihintay pa kamí ng iba?”
Sumagot si Hesús, “Bumalik kayó kay Juan at sabihin sa kaniyá ang inyóng narinig at nakita: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
Pag-alis ng mga alagad ni Juan, nagsalita si Hesús sa mga tao tungkol kay Juan:
“Bakit kayó lumabas sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita?
Isa bang tambo na inuugoy ng hangin? Ano nga ang ibig ninyong makita?
Isang taong may maringal na kasuotan?
Ang mga nagdaramit ng maringal ay nasa palásyo ng mga hari!
Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta?
Oo. At sinasabi ko sa inyó, higit pa sa propeta.
Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng Kasulatan:
‘Narito ang sugo ko na aking ipinadadalang mauuna sa iyó;
ihahanda niya ang iyóng daraanan.’ Sinasabi ko sa inyó:
sa mga isinilang, walâ pang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista;
ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyós ay dakila kaysa kaniyá.”

Pagninilay o Homiliya

KANLUNGAN O KULUNGAN?

Ang mga pagbasa sa araw na ito ay puno at tigib ng kagalakan. Sa katunayan, ang pambungad na antipona ay siyang pinagmulan kung bakit ang Linggong ito ay tinaguriang Gaudete Sunday: “Magalak sa Panginoon tuwina. Muli kong sinasabi, magalak! Malapit na ang Panginoon” (Filipos 4:4-5).

Si Isaias sa kanyang pangitain, ay tigib rin ng kagalakan. Ang katuyuan sa ilang ay mapapalitan ng mayamang pagyabong at paglago ng halaman at iba-ibang uri ng bulaklak. At nangingibabaw sa lahat ng pangitaing ito ang kanyang matibay na pagtatagubilin: “Huwag mangamba, maging matatag. Narito na ang inyong Diyos, dumarating Siya nang may pagtatagumpay.”

Ito rin ang buod ng sinasabi ni Santiago Apostol sa kanyang liham: “Tibayan ninyo ang inyong loob, sapagka’t nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.”

Hindi natin maaaring mapagkamalian ang tinutumbok ng mga pagbasa at ng kabuuan ng liturhiya sa araw na ito. Parating na … malapit na … narito na … Ang lambong ng kawalang pag-asa ay mapapalitan ng bubong ng kapanatagan at kaganapan ng mga pangako ng Diyos.

Isang larawan ang namumuo sa ating damdamin at isipan … ang diwa ng kanlungan. Hindi mahirap para sa ating isalarawan ang kanlungan. Kapag may unos at ulan, ang hanap natin ay kanlungan. Kapag may suliranin at matinding pagsubok, ang asam natin ay isang masisilungan, isang muog na matatag na masasandalan, isang bubong kung saan tayo maaaring magkubli, magtago, at magpalipas ng pagdaaan ng unos.

Hindi mahirap isalarawan ang Diyos ayon sa una at ikalawang pagbasa na siyang gumagampan sa ating pinag-aasam sa muog, bubong, at kanlungan. Puno ng matulaing paglalarawan ng kalinga at pagmamalasakit ng Diyos ang dalawang pagbasa. Itong lahat ay nagbubunsod sa atin upang isapuso at unawaing lubos: “Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.”

Kanlungan? Tuwa at galak? Tapang at katatagan ng loob? Ito nga ba ay may lugar pa sa ating puso at damdamin sa ating panahon?

Sa kabila ng malinaw at mataginting na pangako ng Diyos, sa kabila ng hindi mapapagkamaliang pag-asa ni Isaias at ni Santiago sa katuparan ng mga pangakong nabanggit, kaisa tayo ng salmista na patuloy pa ring sumasamo at nananalangin: “Halina Panginoong Diyos, upang kami ay matubos!”

Halina Panginoon, upang kami ay matubos … Halina, sapagka’t sa kabila ng iyong pangako ay tila kami ay nasa lugar ni Juan Bautista … Halina, sapagka’t sa kabila ng iyong pananatili sa aming piling, ay nakararanas pa rin kami, hindi ng kanlungan, kundi kulungan! Kay rami sa amin O Panginoon, ang nasa kulungan ng kamangmangan. Kay rami sa amin ang nasa kulungan ng poot, kawalan ng pagpapatawad, pagsasarili, at pagkakakanya-kanya. Kay rami sa amin ang nakapiit sa kulungan ng kawalang pag-asa, sa kabila ng pangakong kanlungan ni Isaias at ni Santiago at ng Iyong Simbahan sa daigdig.

Kabalintunaan ang sitwasyong kinalalagyan naming mananampalataya. Umaasa kami sa kanlungang dulot mo, O Diyos. Ngunit umiinog ang buhay namin sa iba-ibang uri ng kulungang bumabalakid, sumisiil, at humaharang sa aming paglago, sa aming kagalakan, at sa aming pag-asa.

Nais kong imungkahi sa aking mga tagabasa at tagapakinig na ang buod, ang puno at ang dulo ng ating liturhiya ngayong araw na ito, ay walang iba kundi ang kakayahang pagsamahin, pag-isahin, at pagsabayin ang dalawang tila magkasalungat na katotohanan: kanlungan at kulungan.

Galak ang dulot ng kanlungan. Tuwa ang ibinubunsod ng kabatirang ang mga ilang at tuyot na lugar ay mapapalitan ng panibagong buhay at kasariwaan. Ito ang ating inaasam. Ito ang ating pag-asa at panagimpan. Ito rin ang pangakong nagkakadiwa na at nagkakabuhay … dito … ngayon … saan man.

Subali’t ito rin ang diwa at pangako ng isang nasa kulungan … Si Juan Bautista ay hindi isang masamang balitang binusalan ang bibig at pinosasan o tinalian at itinapon sa kulungan. Bagamat siya ay napiit ay hindi napiit ang kanyang pangaral. Hindi naposasan at natalian ang kanyang pangitain. Hindi kailanman nabusalan ang magandang balita, dahil lamang na siya ay nasa kulungan.

Opo… at ito ang buod ng pag-asa. Ito ang diwa ng matinding pag-asa at paghihintay. Ito ang tunay na kahulugan ng Adviento. Ito ang dahilan kung bakit, kaakibat ng pangako ay isang paghamon: Tibayan ang inyong loob at maging matatag. Nalalapit na ang pagdatal ng Panginoon.

Ang pag-asang Kristiano ay hindi isang hungkag na pagkapit at pagtanggap sa isang pangako. Ito ay ang pagpupunyagi na ang pangakong iyon ay maging isang katotohanan sa buhay natin.

Binigyang patotoo ni Juan Bautista ang pangakong ito. Binigyang diwa niya ang kanlungan na siyang asam ng bayan ng Diyos. At ang patotoong ito ay pinagbayaran niya nang malaki – ang pagdurusa sa kulungan.

Doon sa kulungan ay nangaral siya tungkol sa pinakaaasam na kanlungan. Doon sa kulungan ay ipinakita niya na ang pagtanggap at pananagana ng pangakong kanlungan ay isang bagay na pinaghahandaaan at pinagbabayaran ng katatagan ng loob, masidhing paghihintay, at malalim na pananampalataya sa kabila ng kapaitan sa piitan.

Kanlungan man o kulungan ang bumabalot sa ating buhay ngayon, hindi na ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang paghamon sa atin na dulot ng kagalakang batid ang kaganapan ng pangako ng Diyos. Ang kagalakang ito ang siyang dapat natin isabuhay, isa-isip at isa-puso: “Magalak tuwina. Muli kong sinasabi sa inyo, magalak. Nalalapit na ang Panginoon.”