frchito

Archive for Oktubre, 2007|Monthly archive page

PAGYAYABANG, HINDI PANANABANG!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 23, 2007 at 22:21

Ika-30 Linggo ng Taon (K)
Oktubre 28, 2007

Mga Pagbasa:  Sirac 35:12-14, 16-18 / 2 Timoteo 4: 6-8, 16-18 / Lucas 18: 9-14

Madulas ang dila ng mga taong nakatikim ng kaunting kapangyarihan … Mabilis ang kanilang salita … matulin pa sa kanilang kamay at paa kapag ang mga taong ito ay lubhang bilib sa sarili. Ito ang tila pahiwatig ng talinghaga ng Panginoon sa araw na ito, tungkol sa isang pariseong mapag-imbot, mapagyabang, at mapagmataas. “Salamat, O Diyos, at hindi ako katulad ng ibang tao” – ito ang panalangin niyang punong-puno ng katiyakan at kapalaluan.

Kayabangang wala sa lugar… ito ang matinding pagkakamali ng Pariseo. Ito ang kayabangan ng marami sa ating lipunan na nakatikim ng kaunting yaman o posisyon sa lipunan, na sapagka’t sila ay naturingang senador o barangay captain, ay tila nahaluan na ng toyo ang utak at kung magsalita ay parang siguradong-sigurado sila sa kanilang sinasabi.

Habag at pagka-awa ang dulot sa atin ng pariseong nakatikim ng kadakilaang hungkag. Sa kanyang palsong pasasalamat, kinutya pa niya nang pasaring ang isang kobrador ng buwis, na sa kanyang kahihiyan ay hindi nakuhang lumapit sa dambana, at iangat man lamang ang kaniyang mata sa Diyos. Subali’t kung gaano kayabang ang Pariseo ay ganoon naman kababa ang loob ng isang taong may kabatiran sa kanyang pagkakamali.

Noong isang Linggo, binanggit ko kung paano tunay na paghamon sa lipunang Pinoy ngayon ang manatiling mapagtiwala sa isa’t isa. Nanghihinawa ang bayang Pilipino sa patuloy na pagtitiwala sa pamahalaan. Tulad ni Moises, na napagod sa katataas ng kaniyang kamay, lubhang kinakailangan natin ang magtulungan upang ang buong sambayanang Pilipino ay patuloy na magtiwala at umasa sa kakayahan ng Diyos na pagpanibaguhin pa ang ating tiwaling lipunan. Tulad ni Moises, umaasa tayo sa bayang sumasampalataya na magkaroon pa ng pagpupunyagi upang ibangon muli ang lipunang nasadlak sa lahat ng uri ng kasalanan at katiwalian. Pananabang ang laman ng damdamin ng marami sa ating panahon sa gitna ng napakaraming pagsubok.

Muling sinindak ang ating bayan ng isang malaking pagsabog sa Glorietta 2 noong isang Linggo. Bawa’t grupo at indibidwal na may kani-kaniyang agenda ay nangagsipagdakdakan agad. Madudulas ang dila ng mga taong nakatuntong sa kapirasong alpombra ng katanyagan, tulad ng isang senador na nakakulong. Madulas din ang dila ng mga pulutong na may nagkukubling pagnanasa na lalung magkagulo ang lipunan, upang maisulong ang kani-kanilang mga maiitim na balak. Hindi pa man natutuyo ang dugo ng mga taong sinawing-palad na mamatay sa pagsabog, ay ginagamit na ng mga tampalasang sanga-sanga ang dila ang pangyayari upang siraan ang gusto nilang siraan. Hindi pa nga naililibing ang mga nasawi ay pinagpipiyestahan na ng mga maruruming politiko ang pangyayari upang magtapunan ng bintang at paratang na wala pang sapat na batayan.

May pag-asa pa kayang manatiling nakadipa ang mga kamay nating mga payak at ng mga tunay na “Moises” sa ating bayan? May pag-asa pa kaya ang mga maliliit at mahihirap na patuloy na nakatungo at hiyang-hiyang nakikibahagi sa takbo ng lipunang Pilipinong pinamumugaran ng mga palalong madudulas ang dila at mapaglaro ang mga maduduming isipan? Sa isang sitwasyong lahat na lamang ata ng nangyayari ay nauuwi sa bakbakang political ng mga maalam at mapagsamantala, tila nanghihinawa ang balana … nananabang.

Ito ang masamang balita ng ating pagka-Pilipino sa ating panahon.

Nguni’t naparito tayo sa simbahan (o sa prayer meeting) upang pag-usapan ang magandang balita. Hindi tayo pinagkakaitan ng Diyos ng magandang balitang ito. Malinaw pa sa bukang liwayway ang turo ng ating mga pagbasa: “Ang panalangin ng mga dukha ay nanunuot sa alapaap; hindi ito tumitigil hanggang sa marating ang kanyang pakay”  (Unang pagbasa).  Sumagot tayo sa magandang balitang ito nang buong taginting: “Dinidinig ng Panginoon ang pagtangis ng mga dukha” (Salmong Tugunan).

Nguni’t may isang uri ng kadulasan ng dila na wasto at hindi dapat natin makaligtaan – ang matimyas na pagtanggap ni Pablo sa katotohanang hindi maipagkakaila. Ito ay may kinalaman sa kanyang pagpupuri sa Diyos na siyang tunay na nag-aangat sa taong mabababa, at nagbibigay luwalhati sa mga taong walang angking kakayahan. Ito ang kadakilaang hindi inangkin bagkus ipinagkaloob … Ito ang katanyagang hindi ipinangangalandakan at ipinagmamakaingay. Ito ang katotohanang kaloob ng Diyos, at hindi ginawa ng tao lamang – ang pagtanggap ni Pablo sa luwalhating bunga ng kanyang pagiging masunurin at katapatan sa paglilingkod: “Pinakaingatan ko ang aking pananampalataya. Mula ngayon ay naghihintay na lamang ako ng korona ng kabanalan na ipuputong sa akin ng Panginoon, bilang makatarungang hukom” (Ika-2 pagbasa).

Ito rin ang isang uri ng pagyayabang na sagot natin sa ating pananabang.

Ito ang magandang balita tungkol sa kadakilaan ng pagiging mababa ang loob, at hindi mapaghanap sa kung ano ang makapag-aangat at makapagsusulong sa kani-kaniyang makasariling balakin. Ito ang kadakilaan ng isang kobrador ng buwis na walang atubiling tinanggap ang totoo tungkol sa kaniyang sarili: “O Diyos, maawa ka sa akin, isang makasalanan” (Ebanghelyo).

Lubhang nahirati at namihasa ang lipunan natin sa kapalaluan. Lahat ng nagaganap ay nagiging isang bunong braso ng mga matataas at makapangyarihan. Sa kanilang kayabangan at kasiguraduhan, napapasa isang-tabi ang tanging may-akda ng lahat ng uri ng kadakilaan at kaluwalhatian – ang Diyos na Siyang karapat-dapat sa lahat ng luwalhati at kadakilaan.

Dito dapat magsipagdulasan ang ating mga dila. Dito dapat sa larangang ito lumutang ang hindi lamang madudulas, bagkus matitingkad, na mga katagang karapat-dapat ipatungkol sa Diyos. Dito dapat lumutang ang wasto at karapat-dapat na pagyayabang na patungkol sa Panginoon. “Ang Panginoon ay magliligtas sa akin sa lahat ng masasamang banta at maghahatid sa akin nang matiwasay sa kanyang makalangit na kaharian. Sa kanya nawa ay mapunta ang luwalhati magpasawalang hanggan. Amen.”

Palso na ang Pariseo, palalo pa. Ang kobrador ng buwis ay payak na, mapitagan pa, makatotohanan, at mababa ang loob. Madulas ang dila ng pariseo sa kaniyang pagpuri sa sarili. Madulas din ang dila ng payak, tapat, at puno ng pitagang taga-kolekta ng buwis sa pagbibigay-luwalhati sa Diyos. Ang una ay palso at palalo. Ang ikalawa ay payak at nag-uumapaw sa kaluwalhatiang hindi para sa kaniya, kundi patungkol tanging sa Diyos. Siya lamang ang karapat-dapat sa inaangkin ng palalo. Siya lamang ang tanging nakikinig sa panaghoy ng mga dukha. Dahil sa Kaniya, hindi tayo nananabang bagkus nagyayabang. Purihin Siya at pasalamatan.

Fr. Chito Dimaranan, SDB
Paranaque City, Philippines

KAILANMAN, SAANMAN, AT PALAGIAN

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 18, 2007 at 05:41

Ika-29 na Linggo ng Taon (K)
Oktubre 21, 2007

Mga Pagbasa: Exodo 7:8-13 / 2 Tim 3:14 – 4:2 / Lucas 18:1-8

Palagiang pananalangin ang isang malinaw na paksa ng mga pagbasa sa araw na ito. Natunghayan natin kung paano nagtiyaga si Moises na panatiliing nakataas ang kanyang mga kamay noong nakikipagbakbakan ang mga Israelita laban sa mga Amalekita. Isang malinaw na pagsasagisag ng taimtim na panalangin, ang kanyang kamay na naka-angat ang isinasalarawang naging dahilan ng kanilang pagwawagi (Unang Pagbasa).

Ito rin ang malinaw na paksa ng ebanghelyo ayon kay San Lucas. Isang balo ang inilalarawang nangungulit sa tiwaling hukom, na dahil sa kakulitang ito ay napilitang ipagkaloob ang hinihingi ng balo. Palagiang panalangin ang siyang tinutumbok ng talinghagang ito.

Palagian … pagtitiis … pagpupunyagi … ang lahat ng katagang ito ay may kinalaman sa isang saloobing maalam makibaka sa isang daigdig na nababalot ng lahat ng uri ng panghihinawa at panghihina ng loob. Nanghihinawa na ang marami sa sitwasyon ng gobyerno at lipunang Pilipino. Habang sinusulat ko ito, laman ng mga balita sa radyo ang namumuong sama ng loob at galit ng balana sa patuloy at sunod-sunod na balita tungkol sa mga bagay na hindi na bago at alam na ng lahat – ang katiwalian at kasinungalingan ng mga namumuno sa ating gobyerno. Nangangamba ang marami na muling babalikwas ang mga sundalo upang magsagawa muli ng isang bagay na hindi gusto ng higit na nakararami – isang kudeta. Panghihinawa rin ang nababasa natin sa kawalang interes ng marami sa organisadong relihiyon, pati na rin ang kawalang interes sa pananalangin. Ayon sa mga pagsasaliksik na ginawa tungkol sa mga kabataan ng mga nakaraang taon, ang mga kabataang lumalaki ngayon ay hindi na magiging tulad ng kanilang mga magulang at mga lolo at lola na malakas ang pagkatig sa relihiyon at lahat ng bagay na kaakibat nito.

Sa ating panahon, marami at susun-suson ang mga katumbas na kaaway na Amalekita ng mga taong masidhi ang pagkatig sa pananampalataya. Subali’t ang ating pinag-aawayan ay higit pa sa isang balon ng tubig lamang sa ilang. Ang mga pinag-aawayan natin ay hindi lamang pangunahing mga pangangailangan, kundi mga bagay na may kinalaman sa kasakiman, katakawan, at kagustuhang magpasasa sa karangyaan. Ang katiwalian na patuloy na bumabalot sa buong lipunang Pilipino ay walang puno at dulo liban sa walang kabubusugang pagnanasa sa higit pa, sa mas marami, sa mas magaling. Tila wala nang mapipiling pinuno sa bayan man o saan man na hindi nababahiran ng kamandag ng pagnanasa ng higit pa.

Malimit natin isipin na ang panalangin ay ginagawa natin para lamang sa Diyos. Ito ay tama. Ang Diyos ay karapat-dapat sa ating pagsamba, pagpupuri, at pasasalamat. Subali’t bukod rito ay may isang mahalagang papel ang panalangin. Sa pagdarasal, bukod sa kinikila natin ang Diyos bilang Diyos, kinikilala rin natin ang kalikasang makatao na sa kailaliman, ay walang kaya, walang dapat ipagyabang, walang dapat ipag-imbot. Bilang isang nilalang, bagaman at may angking dignidad na hindi mapapawi ninuman, ang taong marunong ay siyang maalam ilagay ang sarili sa tamang lugar. Ang taong banal, samakatuwid ay hindi naghahanap ng bagay na bumabagtas sa kanyang angking dignidad at kakayahan.

Ito ang isa sa mga ipinahihiwatig ng palagiang panalangin – ang pagtanggap sa limitasyong makatao, ang pagkilala sa Diyos na siyang pinaka makapangyarihan sa lahat, at ang pagkilala sa kanyang banal na kalooban.

Ang taong palalo ay hindi marunong magdasal. Hindi niya kailangan ang Diyos. Ang taong mapag-imbot at mapaghanap ng higit pa sa kanyang kakayahan ay hindi maalam tumawag sa Diyos. Wala siyang kailangan liban sa kanyang sarili. Bakit pa siya magdadasal?

At narito ang sitwasyong kinapapalooban ng marami. Sa tinatawag ng sitwasyong postmodern, napalipat sa isipan ng balana ang sentro, simulain, at sukdulan ng tunay na kapangyarihan. Napalipat sa tao ang maraming bagay na noong una ay batid natin na nagmumula lamang sa kalooban ng Diyos. Marami nang bagay ang pinang himasukan ng tao. Kaya ng taong gumawa ng bata sa test tube. Kaya ng taong kumitil ng buhay bago pa man ito mag-mistulang may buhay. Kaya nating palitan ang takbo ng kalikasan. Pati yelong milyon-milyon nang taong at maraming siglong matigas na yelo ay nalulusaw nang unti-unti dahil sa ating kapabayaan, at kasakiman. Ang global warming ay gawa ng tao, hindi ng Diyos. Ang taong ito, tulad ng bawa’t isa sa atin, ay siyang naging napaka talino at napaka pangahas, kung kaya’t nabale wala at natapakan ang paghahari ng Diyos sa lupa at sa langit.

Oo, tumpak na sabihing ang panalangin ay patungkol sa Diyos. Subali’t tumpak rin na sabihing ang panalangin ay para din sa tao, upang kilalanin ng tao kung sino ang tunay na may angking kapangyarihan sa buong daigdig as sa lahat ng nasa daigdig. Ang panalangin ay hindi kailangan ng Diyos, subali’t ito ay lubhang kinakailangan ng tao.

Sa unang pagbasa, nakita natin ang pagtanggap ni Moises ng kanyang kawalang kakayahan. Napagod siya sa katataas ng kamay, sa pananalangin para sa kanyang bayan. Tinanggap niya ang dalawang katotohanan: una, kailangan niya ng tulong ng iba, kailangan niya na ang kanyang kamay ay patuloy na panatiliing nakataas sa Diyos sa panalangin. Ikalawa, kinilala niya na tanging ang Diyos lamang ay may hawak sa takbo ng kasaysayan. At ang pagkilalang ito ang siyang nagbubunsod sa taong may pananampalataya, na patuloy at palagiang ipatungkol sa Diyos ang tunay na pag-asa, matimyas na pag-aasam, at masugid na paghiling sa tulong ng Maykapal. Ito rin ang buong pananampalatayang pagkilala ng balo sa kanyang kawalang kaya kung kaya’t naghinuhod siya sa masamang hukom upang maganap ang kanyang hinihiling at pinahahalagahan.

Iisang liksiyon ang malinaw na tinutumbok nito – ang palagiang pananalangin, saan man at kailan man.

Humuhulagpos ang buong lipunan saan man sa kabatirang ang Diyos ang siyang tunay na Hari at Panginoon ng lahat. Sa paglalahong ito ng kabatirang nabanggit, naglalaho rin ang pagkilala rito. At kapag ang pagkilala sa Diyos bilang Diyos ay nanlabo, nanlalabo rin ang wasto at akmang pagkilala sa kakayahan ng tao. Sa pagkakait natin sa pagkilalang ito kung sino ang Diyos at ano ang kanyang papel sa larangan ng makamundong buhay natin, ipinagkakait rin natin sa ating sarili ang isa sa mga malinaw na palatandaan ng dignidad pantao – ang kakayahang tumawag sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Hindi kailangan ng Diyos ang ating panalangin, kung tutuusin. Kailangan natin ang panalangin bilang pagtanggap sa ating tunay na kakayahan at dignidad, at pagtanggap sa tunay na hanay ng pagpapahalaga at hanay ng katotohanan. Isa sa pangunahing katotohanang ito ay ang Diyos ay Diyos at Panginoon ng lahat. Tanging Siya lamang ang karapat-dapat tumanggap ng ating pagpupuri at pagpupugay, pagsamba at pananalangin … saanman, kailanman, at palagian. Purihin natin ang Diyos!