frchito

Archive for Disyembre, 2015|Monthly archive page

LUWALHATI SA ANAK; PAPURI SA INA!

In Homily in Tagalog, Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Taon K, Uncategorized on Disyembre 31, 2015 at 10:07

014_mdd_du_perpetuel_secours

[The Greek letters above the image are abbreviations of the words Meter Theou, which means Mother of God]

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Maria, Ina ng Diyos

Enero 1, 2016

LUWALHATI SA ANAK; PAPURI SA INA!

Ipinagdiwang natin ang kapanganakan ng Anak ng Diyos noon isang Linggo. Sa oktabang ito ng Pasko ng Pagsilang, hindi lamang ang Anak ang siya nating itinatanghal. Pati ang nagluwal sa kanya, at naghatid sa Anak ng Diyos sa kaliwanagan ng buhay sa daigdig, ay atin rin binigyang-dangal.

Walang taong hindi nagwiwika nang maganda tungkol sa anak, na hindi rin nagwiwika nang maganda tungkol sa kanyang Ina. Walang sinuman ang nagkakait ng papuri at parangal sa isang Ina ng isang taong nakakitaan ng anumang uri ng kadakilaan.

Kung anong puno ay siyang bunga, ika nga. Walang prutas na nahuhulog nang sobrang layo sa punong-kahoy. Ang anak ay nagbibigay parangal sa kanyang pinagmulan.

Ang pagdiriwang natin sa araw na ito ay pagdiriwang patungkol sa luwalhati at kadakilaan ng Diyos na nagpakumbaba at naging tao sa pagsilang ni Kristong pangakong Mesias. Sa pagkilala natin sa kanyang Ina, hindi natin ninanakawan ng luwalhati at papuri ang Diyos na siya mismong nagpasya na isilang ang kanyang bugtong na Anak sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng isang babaeng nagngangalang Maria.

Hindi po ito idolatriya. Hindi rin ito pagsamba sa diyus-diyosan. Hindi ito isang kalapastanganan sa Diyos na tanging karapat-dapat luwalhatiin at sambahin.

Pero, ito nga mismo ang natatanging papel na ginampanan ng Mahal na Birhen. Nakipagtulungan siya sa Diyos na nagpasyang isilang ang Kanyang Anak sa pamamagitan ng isang babae.

At sa pagpapasyang ito, sa pamamagitan ng milagro ng encarnacion o pagkakatawang-tao ng Diyos, ay tinatawag nating Anak ng Diyos si Jesus, bilang ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, at anak rin ni Maria bilang taong totoo at Diyos namang totoo.

Ang Pista ni Maria, Ina ng Diyos ay pista ng Diyos. Sa kanya ang luwalhati. Sa kanya lamang ang pagsamba. Sa kanya ang lubos na pasasalamat ng madla.

Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo!

Papuri kay Maria, Ina ni Kristo, taong totoo at Diyos na totoo.

Papuri sa kanya na pumayag maging Ina ng Diyos sa katauhan at pagka-Diyos ni Kristong ating Panginoon at Manunubos!

Advertisement

SA BAHAY NG AKING AMA!

In Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon K, Uncategorized on Disyembre 26, 2015 at 10:11

Banal_na_Pamilya_2015[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Kapistahan ng Banal na Pamilya

Disyembre 27, 2015

SA BAHAY NG AKING AMA!

Walang Pasko kung wala ang pamilya. Ang Pasko ay laging kaakibat at kaugnay sa pamilya.

Nakita ko ito noong bisperas ng Pasko. Libo-libo ang nagsikap humabol at umuwi patungong bahay, kahit na siksikan at mahaba ang pila sa mga istasyon ng bus patungong probinsiya. Sa mga posting sa facebook, damang-dama ko ang mga kaibigan kong malayo sa pamilya sapagka’t nasa trabaho sa abroad. Para sa Pinoy, ang pasko at pamilya ay hindi puedeng paghiwalayin.

Tamang-tama at matapos ang araw ng Pasko, ay ipinagdiriwang ng Simbahan ang pista ng Banal na Pamilya. Pati ang pamilya ni Jose, Maria at Jesus ay nagbuklod matapos siya isilang. Pero sa naiibang paraan …

Matapos siya isilang ang buhay ng banal na pamilya ay hindi na pareho. Pinag-usig ang bata, pinagbantaan, at pumatong sa kanilang mga ulo ang matinding problema at paghamon nang kung paano pananatilihing buo ang kanilang pamilya.

Ito ang dahilan kung bakit sila nangibang-bayan, tulad ng maraming Pinoy na nagtitiis nang malayo sa pamilya, maitawid lang sila sa kahirapan. Ang dati nilang buhay na simple ay naging komplikado nang pinagbalakang gawan ng marahas ang sanggol dahil sa inggit ni Herodes.

Ang pamilya ngayon ay nagdadaan rin sa maraming modernong pagsubok at paghamon. Nariyan ang pagsubok ng pagwawalang-halaga sa buhay – ang walang habas na pagpaslang sa mga inosente. Nariyan ang pagsubok ng droga at masasamang gamut … nariyan ang paghamon galing sa isang kulturang ang inuuna ay pagpapasasa sa sarili, at pagiging makasarili at mapaghanap lamang ng luho at sarap sa katawan.

Nariyan rin ang paghamon na galing sa katotohanang hindi sapat ang trabaho sa bansa, at kung meron man, ay hindi naman sapat ang kita. Kung ang banal na pamilya ay napilitang mangibang-bayan, ngayon rin, maraming pamilya ang nagkakahiwa-hiwalay sa paghahanap ng magandang kinabukasan.

May isang araw na turo sa atin ang banal na pamilya. Una at higit sa lahat, ang paglalagay sa unang hanay ng pagtupad ng kalooban ng Diyos ang siyang dapat bigyang-pansin ng lahat.

Si Jesus ay lumisan sa kanilang pamilya, at ito ay ikinalungkot ng kanyang mga magulang. Tinanong siya nang siya ay matagpuan, at ito naman ang kanyang sinabi: “Hindi nyo ba alam na nararapat akong magtungo sa bahay ng aking Ama?”

Sa harap ng paghamon at pagsubok sa atin, iisa ang dapat nating unahin – ang pagtupad sa kalooban ng Diyos!

Ang pananatili sa bahay ng Ama ang ibig sabihin nito – hindi ang pakikituluyan sa bahay ng may bahay. Hindi tayo mga taga hotel lamang, o nakatira sa mga bahay panuluyan. Kailangan natin ng isang uwian, ng isang tahanan o tiyak na tirahan kung saan dapat magmula ang paggawa ng mabuti at tama.

Simulan natin sa dapat pagsimulan. Umuwi muna tayo sa Diyos. Tumuloy muna tayo sa tahanan … simulan natin ang misyon natin mula sa “bahay ng ating Ama!”

Ikaw, saan ka ba nakatira?