frchito

Posts Tagged ‘Katotohanan’

SALA-SALABAT NA TINIG; KANINO KA PANIG?

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Mayo 10, 2014 at 20:13

good-shepherd

Ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay (A)

Mayo 11, 2014

SALA-SALABAT NA TINIG; KANINO KA PANIG?

Maingay ang ating kapaligiran sa ating panahon … maraming sala-salabat na tinig … maraming salu-salungat na takbo ng isipan … maraming umaakit at nananawagan ng ating atensyon. Lahat ay nagpapanggap na may hatid na katotohanan … lahat ay nagsasabing wala nang dapat pang pakinggang iba pa.

Ito na … ikaw na, ika nga. Wala nang iba.

Pero alam nating lahat kung paano ang pakiramdam ng maloko. Alam kong dama ninyo ang kung anong pagsisisi ang dinadama ng isang taong nakinig sa maling payo, at nagpasya nang mali, at kung anong malaking suliranin ang naging bunga ng maling pasyang ito. Alam ko … sa aking pagkabata ay di miminsan akong nawalan ng pera, nadenggoy ika nga, dahil sa matatamis na pananalita ng taong ang bibig ay tila puno ng pulot pukyutan.

May nagsasabing sa isang malaking trahedya sa kasaysayan ng mundo, tulad ng trahedya noong 9/11, sa kaguluhan at kadiliman ng gusaling malapit nang gumuho nang tamaan ng eroplano, may isang bombero ang dumating sa isang palapag. Walang ilaw … hindi magkamayaw … hindi sila makaaninag kung saan pupunta sa kapal ng usok at kadiliman. Sinabi ng bombero … makinig lang kayo sa akin at sumunod sa aking tinig!

Kumanta siya … nagsalita siya nang walang tigil … at ang mga nakinig ay naligtas. Siya ay kumilos na parang isang pastol, at ang kanyang tinig lamang ang sinunod ng marami.

Linggo ngayon ng Butihing Pastol. At ang sabi ng Panginoon ay tila susun-susong katotohanan … Siya raw ang pastol. Siya rin ang pintuan ng pastulan. Pero may isang larawang hindi dapat natin mapagkamalian … Mahalaga ang tinig ng pastol, at lalong mahalaga na ang mga tagasunod sa pastol ay makinig sa kanyang tinig.

Hindi na natin alam kung sino at ano ang dapat pakinggan. Hindi na natin alam kung sino talaga ang nagsasabi ng totoo. Ang radyo at TV ay hindi na kapani-paniwala sa maraming pagkakataon. Ang katotohanan ay nabibili, at ang mga tagapagpahayag ay nababayaran. Puro ingay, hindi tinig ng totoo ang ating naririnig.

Tanging ang simbahan lamang ang nagtataguyod ng tinig ng katotohanan, na walang bahid politica, walang anumang agenda, walang anumang nais na posisyon at kapangyarihang makamundo.

Mahalagang makinig tayo sa tamang tinig, sa wastong tinig, at ito ang mahalagang aral sa atin sa araw na ito. Ang butihing Pastol ang siyang ating gabay, ang siyang ating tularan at huwaran. At hindi panglabas na karangyaan ang hanap natin sa kanya. Ang tanging hanap at hinihintay natin ay ang kanyang tinig.

Magulo ang mundo ngayon, punong-puno ng ingay, at nababalot ng lahat ng uri ng panlilinlang. Kailangang magsuri. Kailangang makinig. Pero matapos ang lahat, kailangang sumunod. Kailangang tumalima. Kailangang gumawa ayon sa ating narinig.

Salu-salungat ang iba-ibang mga tinig. Dalawang tanong ang dapat natin sagutin: Una sa lahat ay ito: Ikaw ba ay nakikinig? Ang ikalawa naman ay ito … kung ikaw ay nakikinig, kaninong tinig ka panig?

“Sumusunod ang mga tupa sapagka’t kilala nila ang kanyang tinig.”

Advertisement

AMPAW NA, BULAG PA!

In Catholic Homily, Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Marso 28, 2014 at 11:42

man-born-blind1
Ika-apat na Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 30, 2014

AMPAW NA, BULAG PA!

Ewan ko ba kung bakit biglang naging uso uli ang ampaw. Pagkain namin yan noong araw, kasama ng choc-nut (na malaki pa at nakabubusog!) at balicucha (o tira-tira) na wala na ngayong pumapansin. Iba na ang gusto ng mga bata ngayon … kundi burger (burjer!) ay Mang Inasal o Starbucks!

Hindi na rin uso ang taguan kapag madilim na gabi, o tumbang preso kung maliwanag ang buwan. Wala na rin ngayong naglalaro sa labas ng bahay, at lalu na sa gabi kasi … bakit ka nga naman magtatakbo at magpapalaban ng gagamba kung puede namang mag Dota, o mag- candy crush, o mag-Flappy Bird!

Maraming ilaw sa ating panahon. Pero maraming bulag. Maraming pailaw ngayon kahit saan, lalu na yung galing sa mga posteng may letra pa ng mga pangalan ng ewan, na napapalitan naman tuwing 6 o 9 na taon! Pero marami ang bulag sa katotohanang wala na ni isang matinong bangketa sa buong Pilipinas. Nabarahan na ng mga pailaw ni Mayor o ni Congressman.

Marami ring pailaw ang COA. Marami raw silang nadidiskubreng anomalya. Pero tila bulag pa rin ang kinauukulan. Tatlo lamang ang kanilang idinidiin. At lalong bulag ang mga botante. Patuloy silang bumoboto sa mga tiwali, basta ba’t namimigay kapag piyesta, at nagpapasaya tuwing Pasko!

Kay daming liwanag sa ating panahon, subali’t kay rami ring kadiliman. Kay raming puedeng pagkunan ng sagot sa mga katanungan, subali’t kapag ang sagot ay hindi sang-ayon sa aking inaasahan, ay hindi ko tinatanggap. Kay raming kaalaman, subali’t kay rami ring kamangmangan. Kay raming karangyaan, pero kay rami rin kadayaan at kasakiman.

Hindi … hindi ko tinutukoy lamang ang mga nasa posisyon. Ang unang-unang tinatamaan sa aking sinasabi ay ako … ikaw … sila … tayong lahat.

Bulag rin ang mga taon noon sa lumang tipan. Hindi nila akalaing ang pinili ng Diyos ay ang hindi pinapansing pastol na si David. Ang liwanag ng kalooban ng Diyos ay nakatuon kung saan puro kadiliman ang nakita ng tao. Sabi rin ni Pablo na “dati ay nasa kadiliman tayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag.”

Bulag rin ang mga Pariseo. Pinagaling na’t lahat ang lalaking isinilang na bulag ay panay pa rin ang tanong sa kanya nang paulit-ulit at mga tanong na ayaw naman nila makita ang sagot. Bulag ang mga taong walang pakundangan sa liwanag. Mas bulag ang taong nagbubulag-bulagan, at higit na mahirap gamutin ang taong nagsasakit-sakitan.

Pero lumalabas na ang isinilang na bulag ay may nakikitang liwanag na nalingid sa mga ayaw maniwala. Siya lamang ang nagsabi ng malinaw niyang nakita: “Isa siyang Propeta.”

Mahirap ang bobo na nagdudunung-dunungan. Mahirap gisingin ang taong nagtutulog-tulugan. Mahirap ang taong mas gusto pang manatili sa dilim, kaysa sa liwanag.

Para silang ampaw. Puro porma, wala namang laman. Puro hechura, wala namang hiratsa! Parang mga Pariseong wagas na ampaw na panay ang imbestigasyon sa pobreng bulag, pero ayaw naman nila makita ang totoong nagsusumigaw sa kanilang harapan. Ampaw na, bulag pa!

Bilib at saludo ako sa bulag. Marami siyang alam at lalung maraming nakita sapagkat hindi matang pisikal ang kanyang gamit, kundi ang mata ng pananampalataya, mata ng puso, matang mapagmatyag, at mapag-kilatis, at alam tukuyin kung ang kausap niya ay isa lamang ampaw, o isang propetang nagsabi sa kanya: “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo.” Siya ay hindi ampaw, kundi kaligtasan ng sanlibutan!

O ano? Mamili ka … kwarta o kahon? Hindi! Ampaw o ilaw? ILAW!