frchito

Archive for Enero, 2011|Monthly archive page

MAPALAD!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Enero 28, 2011 at 22:15

Ika-4 na Linggo ng Taon (A)
Enero 30, 2011

Patuloy na sumasagi sa isipan ko ang mga sunud-sunod na nagaganap sa lipunan natin habang binabasa ko ang unang pagbasa. Para itong isang paalaala; para rin itong isang babala. Higit sa lahat, ito ay pahiwatig sa akin na tila isa nang pagsuko sa kalakaran ang pahatid ni Sofonias. Isa aniyang, maliit na grupo, ang mananatili, isang maliit na pangkat ng mga matuwid at mabababang-loob na tatawag sa Panginoon, at sila diumano ay pakikinggan ng Diyos.

Matagal-tagal na rin tayong nagtitiis at tumatawag sa Panginoon. Matagal na rin natin marahil napagtanto na paunti nang paunti ang mga tila sumusunod sa daang matuwid. Nais kong isipin na tayong lahat na ngayon ay nasa Simbahan (o nagbabasa nito) ang mga nagsisikap manatiling kabilang sa maliit na pangkat na ito na nagsisikap manatiling tapat. Sa bilang na bilang na lamang ng mga nagsisimba tuwing Linggo, maliit na pangkat na talaga ang natitira. Hindi humihigit sa 20 bahagdan ang nagsisimba tuwing Linggo.

Nguni’t sa dami ng mga balita tungkol sa katiwalian; sa tila lumalawak na usapin tungkol sa mga heneral na kasama pala sa pandarambong at pagtatakas ng pera sa ibang bansa; sa patuloy na kabatiran natin na niloloko lamang pala talaga ang taong bayan, mahirap tanggapin na ang karamihan, ang kalakaran ng lipunan ay tila ang pagkikibit-balikat na lamang at kawalang pansin sa lahat ng ito.

Pati na yata ang maliit na pangkat na binabanggit ni Sofonias ay naglalaho na rin!

Nguni’t kayo ay narito ngayon sa harapan ng Diyos sapagka’t nagsisikap tayong manatili sa pangkat na ito. Tingnan natin kung ano ngayon ang pahatid sa atin ng Diyos.

Una, si Sofonias na rin ang nagsabi. Ang natira sa Israel, aniya, ay hindi na gagawa ng kasamaan… Ito ang pangunahin nating tungkulin … umiwas sa kasamaan. Bagamat tila ang lahat ay nasadlak na sa kultura ng kadiliman, ang natira sa Israel ay inaasahan pa ring magpakatatag at manatiling tapat.

Nguni’t may dagdag na paalaala si Pablo … Iniaangat niya ang mga maliliit, ang mga payak, ang mga mahihirap at mabababa. Sa madaling salita, ang kanyang pangaral ay naglalaman ng isang natatanging pagtingin ang Diyos sa mga mabababa at tapat. “Pinili niya ang mga itinuturing na hamak, walang halaga, at walang kabuluhan sa sanlibutang ito upang pawalang halaga ang mga itinuturing na dakila ng sanlibutan.”

Nguni’t ang ibig sabihin ba kaya nito ay mapapalad ang mga kawawa? Ibig sabihin kaya nito ay mapapalad ang mga sundalong ni walang sapin sa paa sa kagubatan, ni walang matinong pagkain samantalang ang mga heneral at namumuno sa kanila ay nakapagpapasasa sa limpak limpak na salaping naitatago nila sa America? Ang ibig sabihin ba nito ay ang mapalad ang mga hinahagupit ng lipunan at pinananatili sa kanilang matinding kahirapan?

Madali ang matangay ng ganitong kamalian. Madali ang mapadala sa ganitong takbo ng isipan. Madali ang sabihing ang kanilang misyon o kapalaran sa buhay ay ang magtiis, at patuloy na dumaan sa paghihirap na walang katapusan.

Subali’t hindi ito ang magandang balita na siya nating naririnig. Hindi itinatanghal ng Diyos ang kahirapan at pagdurusa na tila baga ito ay mas dakila kaysa sa pagpapasasa. Hindi sinasabi ng Diyos na ang Kristiyano ay dapat lamang magdusa at wala nang iba. Ang liksyon na turo sa atin ngayon ay ito … kahit paghihirap ay may kahulugan … kahit pagdurusa ay may katuturan … At ang katuturang ito ay hindi galing sa paghihirap mismo. Ang kahulugan nito ay nagmumula hindi sa kapaitan ng pagdurusa, kundi sa kung ano ang ibinubunga nito.
Sa haba ng panahon na ako ay pari, marami na akong nakitang paghihirap. Mayroong paghihirap na nagbubunga ng kabutihan. May paghihirap na naghahatid sa tao sa higit pang pagpupunyagi. May pagdurusang naghahatid ng kapaitan sa puso ng nahihirapan. Nguni’t sa maraming pagkakataong nakita ko ang matinding paghihirap na nagbunga ng higit pang tiwala at pag-ibig, at pagmamalasakit sa kapwa, at pananampalataya sa Diyos nang walang bahid ng paninisi, iisa ang salitang sumasagi sa aking isip … MAPALAD!

Ito ngayon ang turo ni Jesus na nagdaan sa matinding pagdurusa at pagkamatay sa krus. Hindi kapaitan ang ibinunga nito sa kanya, kundi kaligtasan. Mapalad! Mapalad ang mga aba, sapagkat, dahil sa sila ay aba, ay alam nilang tanging Diyos lamang ang kanilang kalasag. Mapalad, ani Jesus, ang mga nahahapis, hindi sapagkat ang paghapis ay isang kahalagahan, kundi sapagka’t ang nahahapis ay wala nang iba pang kagalakan liban ang Diyos.

Ito ang magandang balita. At ito ay hindi masyadong maunawaan ng marami ngayon, sapagka’t wala na sa kultura ng mundo ngayon ang pagtitiis, ang pagpupunyagi, ang paghihintay, at pagsisikap. Lahat halos ay may kasagutan. Ito ang paniniwala ng tao. Bawa’t problema ay may katapat na “budget” na tila baga lahat ng suliranin ay mapapawi ng salapi.

Aminado si Sofonias, na ang munting grupo na lamang ang matitira. Pero ang natira ay hindi sinukuban ng muhi, galit, at tampo at kawalang pagsisikap na gawing higit na maganda ang mundo. Ang natira ay mapalad sapagka’t sa kabila ng paghihirap, ay ginampanan nila ang hula ng Panginoon sa pamamagitan ni Sofonias: “Ang natira sa Israel ay hindi na gagawa ng kasamaan at hindi magsisinungaling ni mandaraya man. Unlad ang kanilang buhay at magiging panatag at wala silang katatakutan.”

Kasama ka ba sa mga “natirang” ito? Napadala ka ba sa galit, sama ng loob, o tampo? Malinaw ang turo ng Panginoon. Mapalad ang marunong magtiis at tumingin sa kahihinatnan ng lahat. Mapalad ang mga aba, na sa kabila ng kanilang kaabahan, ay nakakakilala sa Diyos at sa kanyang kapangyarihang baligtarin ang anyo ng buong santinakpan. Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo … Mapalad ang marunong makakita ng kahulugan sa likod ng lahat ng ito.

Ilang beses na rin sumagi sa buhay ko ang matinding suliranin at pagsubok. Ilang beses na rin akong natinag sa aking pag-asa, dahil sa kasamaan ng kapwa kong nagpahirap sa akin. Ilan na ring matinding pagsubok ang nagdaan sa buhay ko. Nguni’t ngayon, matapos malampasan ang lahat, tunay at walang bahid ng kasinungalingang masasabi ko sa inyo … mapalad pa rin ako dahil ang Diyos ko ay nasa panig ng mga mapagpakumbaba at gumagawa ng kaniyang kautusan. Wala nang hihigit pa sa kapalarang ito, liban sa dakilang kapalarang naghihintay sa atin lahat – ang buhay na walang hanggan.

LIWANAG SA LUPAING BALOT NG DILIM

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Enero 20, 2011 at 10:16

Ika-3 Linggo Karaniwang Panahon(A)
Enero 23, 2011

Mga Pagbasa: Is 8:23 – 9:3 / 1 Cor 1:10-13,17 / Mateo 4:12-23

Parang bumalik ang diwa ng Pasko. Paulit-ulit natin narinig ang hula ni Propeta Isaias tungkol sa darating na liwanag na siya nating ipinagdiwang sa panahon ng kapaskuhan. “Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman …” Pati ang simoy ng hangin ay nagbago sa bayan natin … pati tag-ulan ay parang may nakalimutan at nagbalik. Sa halip na pagsisimula ng tag-tuyot ay hinahagupit tayo ng unos, ulan, baha, at tila bagyo dahil sa La Nina.

Nguni’t ang tanong natin ay hindi lamang sa kung bakit ang ulan ay namamayagpag sa bayan natin. Ang tanong natin ay mas matindi, mas kataka-taka … Totoo ba kaya ang hula ni Isaias. May liwanag bang namanaag sa ating namumuhay na balot ng lahat ng uri ng kadiliman?

Mahirap sagutin ito. Para sa aming mga pari na ang tungkulin ay ang maghatid ng magandang balita sa tao, tila panay na masamang balita ang nilalaman ng aking panitik at pangaral. Mahirap isara ang diwa at isipan sa katotohanang tumatambad sa ating paningin. Mahirap magkaila sa isang bagay na parang isang bulaklak na namumukadkad at ang amoy ay nakasusulasok sa ating mga ilong at lalamunan. Mahirap ikubli ang katotohanang ang bayan natin ay hindi lamang kulelat kumpara sa ibang katabing bayan natin, at napag-iiwanan ng iba pa na dati-rati ay mas mababa sa atin sa lahat ng antas at aspeto ng pamumuhay.

Matindi ang kadilimang bumabalot sa lipunan natin. Maraming iba-ibang uri ng mga panghambalos ang hawak ng mga tagapagpahirap sa atin. Maraming mga “bansa” at kapwa natin Pinoy ang patuloy na umaalipin sa atin. At patuloy pa rin ang mga gawang madilim ng mga taong namumuhi sa atin bilang Kristiyano o Katoliko.

At sapagka’t tapos na ang Pasko at tapos na rin ang pista ng Nazareno, at pista ng Banal na Sanggol na taon-taon ay ginagastusan at ipinagdiriwang ng buong sambayanan halos, balik tayo sa katotohanan na ang buhay natin ay malayong-malayo pa sa diwa ng ebanghelyo.

Nguni’t naparito kayo sa simbahan hindi upang makarining ng dagdag na panlalait mula sa aming mga pari. Naparito kayo upang makarinig ng magandang balita. Pero hindi rin ninyo maiaalis ang katotohahang ang magandang balita ay malimit nating sinasala at pinipili. Para sa marami, ang magandang balita tungkol sa prosperidad na may kinalaman sa “siksik, liglig, at nag-uumapaw” ang siyang pinipili at pinupulot. Ang kabilang pisngi ng magandang balita na may kinalaman sa pananagutan at responsibilidad ay malayo sa ating isipan.

Ito ang magandang balita na tinutumbok ni Pablo. Halos pinapagalitan niya ang mga taga Corinto na nagtutungayaw at nagkakahati-hati, at nagkakanya-kanyang panig o kampo. At ano ang batayan ng magandang balitang ito? Ang kamatayan ni Kristo sa krus. “Ipinangangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng pananalitang batay sa karunungan ng sanlibutan upang sa gayo’y hindi mawalan ng kabuluhan ang kamatayan ni Kristo sa krus.”

Panahon na upang ating tingnan kung anong uri ng magandang balita ang tinanggap natin. Ito ba ay ang ebanghelyo tungkol lamang sa prosperidad, o ang ebanghelyo na may kinalaman sa responsibilidad? Kung ang tinanggap natin ay ang nauna, wala tayong pananagutan, wala tayong dapat gampanan. Kung ang tinanggap natin ay ang ikalawa, haharapin natin ang misyon natin tulad nang hinarap ni Jesus ang kanyang misyon.

Matay nating isipin, puede na sanang manatili si Jesus sa Nazaret kung saan siya lumaki, kung saan siya maraming kaibigan at kamag-anak, kung saan siya matiwasay. Subali’t nang patayin si Juan Bautista, tumungo siya sa Capernaum, sa lugar ng Zebulun at Neftali, kung saan ang misyon niya ay naghihintay, kung saan ang kadiliman ay naghahari.

Ang pag-asang inaasam natin ay ang pag-asang ginagampanan natin. Ang magandang balitang hanap natin ay ang magandang balitang isinasakatuparan natin. Walang maghaharing kagandahan sa mundo kung walang makapangyayaring magpapatupad noon. Ang lahat ng ating minimithi ay dapat bunga ng gawain at pagsisikap nating masidhi. Tayo ang mga tagapaghatid ng magandang balita, at tayo rin ang tagapagpaganap ng laman ng ating bunganga. Tayo rin, samakatuwid, ang liwanag sa lupaing balot ng kadiliman.