Ika-18 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Agosto 5, 2007
Mga Pagbasa: Eccl 1:2; 2:21-23 / Col 3:1-5, 9-11 / Lucas 12:13-21
Mahalaga para sa atin ang makakita nang malinaw. Mahirap mamili sa gabi lalu na’t malabo ang ilaw. Mahirap maaninag ang tunay na kulay ng tela. Mahirap makilatis ang tunay na kagandahan ng anumang ating gustong bilihin. Sa panahon natin, mahalaga na mabasa natin ang lahat ng nakasulat sa mga tarheta … ng gamot, ng pagkain, ng anumang gamit pambahay o saan man. Kamakailan ay naging malaking balita sa Pilipinas ang mga pagkaing gawa sa China. Delikado raw … may halong formalin na alam ng lahat ay gamit pang embalsamo ng mga patay.
Lubhang mahalaga na marunong tayong tumingin at kumilatis. Lubhang kinakailangan na mayroon tayong tamang salamin upang makilatis ang lahat ng bagay sa daigdig natin. Lubhang kinakailangang malinaw ang ating mata una sa lahat. Nguni’t higit sa lahat ay kinakailangang ang nakikita natin at natutunghayan ay tama. Linaw ng mata at linaw ng paningin ang binabanggit natin.
Subali’t alam natin na may iba-ibang uri ng kabulagan sa buhay natin. Tingnan natin ang ilang halimbawa mula sa mga pagbasa sa araw na ito.
Sabi ni Kohelet sa taong ang pakay ng buo niyang buhay ay mag-ipon ng yaman: “Walang kabuluhan … walang kakabu-kabuluhan.” Sa orihinal na salita sa Hebreo, ang ginamit na salita ay may kinalaman sa hamog na madaling maglaho. Ang pagpapahalaga sa yaman at pag-iipon ng bagay na material, ayon kay Kohelet, ay parang pag-iipon ng hamog na hindi nagtatagal. Naalala ko tuloy noong kami ay mga bata na unang nakatuntong sa Baguio City. Talagang malamig pa noon sa Baguio. Tuwang-tuwa kami sa hamog. Pag humihinga at nagsasalita ay nakikita namin ang hininga … umuusok pa. Sa aming pagkabata ay naisip naming isabote ang hamog upang iuwi sa Maynila. Subali’t ang maglagay sa bote ng hamog ay walang iniwan sa sinasabi ni Kohelet: “Walang kabuluhan … walang kakabu-kabuluhan.”
Ito rin ang paksa ng ebanghelyo ayon kay Lucas. Isang tao ang humiling kay Jesus na mamagitan sa kanyang kapatid upang partihin ang mana nilang magkapatid. Naging simulain ito ng isang mahalagang pangaral tungkol sa katakawan na tinawag ni Pablo sa sulat sa mga taga Colosa na isang uri ng idolatria o pagsamba sa diyus-diyosan. “Ingatan ninyo na hindi kayo matangay ng katakawan, sapagka’t bagama’t ikaw ay mayaman, ang buhay mo ay hindi nababatay sa pagkakamal ng ari-arian.”
Ang pagkabulag ay pagkawala ng wastong paningin. Sa linguahe ng kompyuter, what you see is what you get, ika nga (WYSIWYG). Kung ang mata ay nalalambungan, hindi tama ang paningin, mali ang dating sa mga matang natatakpan sa harap ng katotohanan. Kung mali ang paningin, hindi rin wasto ang pagturing. Hindi tama ang pagpapahalaga. Hindi angkop ang pagkilatis sa mga bagay-bagay. Kung ano ang tingin ay siyang turing. Kung ang tingin mo sa bakal ay ginto, ang turing mo ay ginto, kasing halaga ng ginto. Kung ang tingin mo ay yero lamang, ang turing mo ay halagang yero lamang. Kung ang tingin mo ay puwet lang ng baso ang bato sa singsing, ang turing mo ay katumbas lamang ng puwet ng baso. What you see is what you get.
Ang Panginoong Jesus ay isa ring manggagamot. Tinitingnan niya ngayon kung anong uri ng mata mayroon tayo. Tama ba ang ating pagtingin? Tama ba ang nakikita natin? At higit sa lahat … wasto ba ang ating turing?
Kay daming bulag, pipi, at bingi sa ating lipunan noong panahon pa ni Freddie Aguilar at magpahangga ngayon. Palpak ang ating paningin. Kay raming nagbibigay pahalaga sa hamog na narito ngayon at mamaya ay wala na. Ilan sa aking mga kakilala ang dati-rati ay nagkakamal ng maraming pera ngunit ngayon ay salat na salat? Ilan ang mga tao sa bayan natin na nabubuhay na wari baga’y tanging salapi at yaman lamang ang kanilang pakay sa buhay? Ilan ang mga politikong ginagawang daan sa pagpapayaman nang higit ang tinatawag nilang paglilingkod sa bayan? Hindi kaila sa marami na ang ating mga sundalo ay namamatay, hindi lamang dahil sa bala kundi sa kakulangan ng pagkain at wastong gamit. May nakapagsabi sa akin na ang budget para sa pagkaing pang-araw-araw ng mga sundalo ay kulang sa kalahati ang napapakinabangan nila sapagka’t ibinubulsa ng mga nasa itaas.
Laganap ang kabulagan sa ating lipunan.
Tayo man ay mga bulag, pipi, at bingi rin sa ating pananampalataya. Inilalagay natin sa unang hanay ang dapat sana ay nasa bandang hulihan. Inuuna natin, hindi ang wastong pagpapahalaga bagkus ang ating makasariling pagpapahalaga. Ang galing ng kompanyang nagpangalan sa kanilang sarili ng FAMILY FIRST, INC. Bago ang iba, tayo muna. Ang Pilipinas, sabi ng isang tanyag na manunulat ay isang malaking anarkiya ng mga pamilya. Ang pamilya ang puno at dulo ng lahat. Pag pamilya ang pinag-uusapan, walang mali sa nakaw … walang mali ang katiwalian o korupsyon. Butas ang batas kapag pamilya ang pinag-uusapan. Okey hindi sumunod ng batas, kasi pangangailangan ng pamilya ang nakataya.
Itong maling paningin na ito ang dahilan kung bakit tayo number one sa korupsyon sa buong Asia. Ito ang dahilan kung bakit para sa mga tiwaling politico, walang sapat at tama na sa pagdaraya. Kung para sa pamilya ito, walang nakaw at walang mali. Butas ang batas sa mga taong mali ang paningin, at mga taong bulag sa katotohanan at sa tama.
Tila masakit ang sinabi ng Panginoon sa taong humiling sa kanya. Subali’t hindi ibig sabihin na masama ang maging mayaman. Hindi rin ibig sabihin na mainam ang maging mahirap. Malayo ito sa sinasaad ng mga pagbasa. Ang mga mayayaman na yumaman sa tamang paraan ay hindi masasamang tao. Ang mga mahihirap na sa kabila ng kanilang kasalatan ay masayang nabubuhay ay hindi aba sa mata ng Panginoon. “Mapalad ang mga dukha sa Espiritu, sapagka’t kanila ang kaharian ng langit.”
Ang pangaral ni Jesus ay hindi pagmamasama sa mayaman. Hindi rin ito pagsasabing mas mainam ang manatiling mahirap. Ang pinupuntirya ng Panginoon ay kung tama ang ating pagpapahalaga, kung wasto ang ating ginagamit na salaming pananaw, at kung alam natin ang mga bagay na dapat natin pahalagahan ng higit sa lahat, at alin ang dapat ilagay sa ikalawa o ikatlong hanay ng ating pagpapahalaga.
Sapagka’t ang tamang paningin ay magbubunga sa wasto ring pagturing. What you see is what you get.
Fr. Chito Dimaranan, SDB
Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon
Paranaque City