frchito

Archive for Mayo, 2011|Monthly archive page

MAGPALIWANAG TUNGKOL SA PAG-ASA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Mayo 27, 2011 at 13:32

Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay (A)
Mayo 29, 2011

Mahirap maging katoliko sa mga araw na ito. Tila lagi tayong sinisiil, sinusukol, tinutuya, at inaalipusta. Okay naman sana ito kung ang panunuya at pag-aalipusta ay galing sa ibang mga relihiyon. Ngunit hindi … galing din ito sa mga nagmamakaingay na diumano sila ay katoliko.

Mahirap manindigan sa tama, lalu na’t ang kalakarang kaisipan ay ang tama ay nakukuha sa boto, sa dami ng mga sumasang-ayon, sa paramihan ng mga nagpapadala na lamang at sukat sa agos.

Mahirap tumayo kung ang lahat ng nasa paligid mo ay nakasubsob sa isang pananaw na nakuha sa ingay ng mass media at mga lalung maiingay na komentarista na may hawak na mikropono maghapon, at maghapon ring nasa harapan ng camera sa TV!

Mahirap tumayo sa tama kung ang higit na nakararami ay napadala na sa nakabubulag na silaw ng kung ano mang panggagayumang gamit ng mga ibang mayayamang bansa na may agenda tungkol sa mahihirap na bansa sa third world. Mahirap tumayo sapagka’t kung manindigan ka ay gagawan ka ng Facebook page na may mga pang-aalipustang masahol pa sa madayang boksingero na nagbibigay ng below the belt na mga suntok!

Ito ang pinapaksa ng liham ni San Pedro. Nagsimula siya sa pinakamahalagang batayan ng kung bakit tayo dapat manindigan: “Idambana ninyo sa inyong puso si Kristong Panginoon.”

Maraming dahilan kung bakit may panig sa RH bill. Marami rito ay valido at dapat rin nating bigyan ng pansin. Kay rami ng mahihirap at palasak ang ganap na kahirapan (absolute poverty), liban sa relative poverty. Maraming lugar ay siksikan at patung patong ang basura sa maraming lugar sa bayan natin.

Nguni’t sapagka’t ang batayan ng pagmumuni natin ay ang Panginoon na dapat idambana sa puso natin, nag-iiba ang hanay ng pagpapahalaga ng taong matuwid at may tunay na pananampalataya. Problema nga ang laganap na kahirapan, ngunit kung ito ay lulunasan ng batas na ito ay isang bagay na yumuyurak sa hanay ng pagpapahalagang Kristiyano na siyang pinanghahawakan natin.

Maraming gutom, ngunit ang solusyon nito ay hindi ang pauntiin ang taong puedeng magutom. Ang solusyon nito ay maghanap ng paraan upang mapuksa ang gutom, hindi ang magdesisyon para sa mga taong ito na ngayon ay nagugutom. Marami ang hindi nakapag-aral, ngunit ang solusyon dito ay bigyan ng karampatang budget ang edukasyon at hindi ang pauntiin ang mga mag-aaral.

Tumbukin na natin ang tahasang dahilan kung bakit hindi ito tama … Simple lang. Ang tao ay hindi makina na puedeng bawasan ang gasoline kung ayaw mong patakbuhin. Ang tao ay espiritwal at hindi lamang material, at ang problemang kinalalagyan ng tao ay hindi puedeng bigyan ng mekanistikong solusyon na walang pakundangan sa dignidad at kalayaan ng tao.

Ngunit’ ito ang larangan ng mga espiritwal na mga values (pagpapahalaga) na hindi mailalagay sa parehong antas ng values ng yaman, ginhawang pangkatawan, at ginhawa sa pamumuhay.

Hindi ko alam kung lahat ng aking mga tagabasa at tagasunod ay kahanay ko sa usaping ito. Nguni’t hindi iyan ang mahalaga. Ang nais ko lamang ay ito: ang humanay tayo sa panig ng Inang Simbahan. Tanging ang Simbahan na lamang ang nagpupunyagi upang itaguyod ang isang kultura na nagtataguyod ng buhay, buhay na hindi lamang sa lupang ibabaw, kundi buhay na walang hanggan.

Tanging ang Simbahan na lamang ang nagpupunyagi upang ang pagpapahalagang espiritwal na may kinalaman sa mahabang landas ng pagpipigil sa sarili, pagpapahalaga sa mga bagay na pang-kaluluwa at pangmagpakailanman, ay maitaguyod at mapagyaman.

Ngunit kailangan nating maging handa upang magpahayag at maglahad ng mga dahilan ng ating pag-asa. At ang pag-asa natin ay hindi humahantong lamang sa mundong ito, sa ngayon at dito. Ang tunay na pag-asa ay kaakibat ng tunay na buhay, sa langit na tunay nating bayan!

Matuto nawa tayong magpaliwanag sa mga nagtatanong tungkol sa ating pag-asa!

BATONG BUHAY, HALIGI NG BUHAY AT KATOTOHANAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Mayo 21, 2011 at 12:16

Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay(A)
Mayo 22, 2011

Lingid sa kaalaman marahil ng marami, sa Tagalog ay may tinatawag tayong “batong buhay.” Ang batong buhay ay hindi buhay sapagkat gumagalaw o lumalaki. Ang batong buhay ay kakaiba sa buga, o adobe, na maaring manlagas o maagnas, dahil sa tubig o sa init. Nakikita ang batong buhay sa mga ilog, sa mga lugar kung saan may bumubukal na tubig. Noong rumagasa ang baha at putik sa Aurora marami ng taon ang nakalipas, ang nangagbagsakan at dumaluyong na tubig mula sa bundok ay naghatid ng laksa laksang batong buhay na siyang pumatay at sumira sa napakalawak na bahagi ng kabundukan.

Lingid rin marahil sa kaalaman ng marami, ang batong buhay ay hindi kompletong humaharang sa tubig. Kung ating titingnan ang mga bukal, tumatagas ang tubig mula sa mga batong buhay, unti-unti tumatagistis, at pumapatak. Ang matamis at malamig sa tubig mula sa bukal na ito ay nagdadaan sa pagitan o sa mismong mga batong buhay na ito, na tila ipinagpatong-patong nang sadya ng Maylikha.

Buhay ang batong ito hindi sapagkat lumalago. Buhay ang mga batong ito sapagkat, una, ito ay matatag. Ikalawa, ang batong buhay ay buhay sapagka’t naghahatid ng buhay, nagiging daan ng tubig na nagbibigay-buhay, at nagiging sandigan ng pinagkukunan ng ikabubuhay. Ang buga ay nalalagas, natutunaw, at nadudurog ng tubig, hangin o init.

Ang batong buhay at hindi natitinag, hindi madaling nabubunot, at lalung hindi madaling tapyasin, basagin, o durugin. Naninindigan ang batong buhay. Nananatiling muog at batayan ng katibayan. Hindi madaling sipain, ugain, at sirain.

Nais kong isipin na ang nagwiwika tungkol sa batong buhay sa ikalawang pagbasa, ay nakakabatid ng tunay na kahulugan nito. Sa kanyang personal na karanasan, si San Pedro, na tinawag na bato ng Panginoon, ay siyang tanging nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng kanyang sinasaad.
Siya ang batong nanlagas at nanghina sa harap ng mga tanong ng isang babaeng utusan. Siya ang batong nalugmok sa kadustaan ng pagkakanulo sa kanyang Panginoon.

Tulad nating lahat, tayo ay mahihina, marurupok, na walang iniwan sa buga o adobe na madaling manlagas at maagnas.

Iyan ang dahilan kung bakit tayo narito ngayon sa simbahan. Alam natin na tayo ay marupok. At ang pag-asang dulot ni Pedro, na ang kahulugan ay “bato” ay walang iba kundi ito: nauna na si Kristo at ginawa na niya ang dapat upang ang ating pagkalugmok ay hindi mauwi sa kapariwaraang walang hanggan, kundi sa buhay na walang hanggan.

Napakagulo ng lipunan natin ngayon. Hati ang bayang Pilipino, dahil sa kawalang pang-unawa sa tunay na mga isyu na may kinalaman sa isinusulong na batas. Nabuwag ang muog at bato ng mga wasto at higit na mataas na antas ng mga pagpapahalaga. Natabunan ito ng pagpapahalaga sa pera, sa ginhawa, sa inaakala nilang ikabubuti ng lipunan. Nguni’t nakalimutan ang mga pagpapahalagang espiritwal, ang tunay na makapagpapalaya sa balana, sa mahabang panahon. Higit na madali ang umasa sa mabilisang solusyon ngunit naghahatid ng higit pang mga problema bukas at makalawa.

Nanghihinawa rin ako. Tulad ni Pedro, nabubuwag ang bato ng tapang at lakas upang panindigan ang tama. Alam kong ang iba sa inyo ay nanghihina rin, o hindi alam kung paano sagutin ang mga katanungang ipinupukol sa simbahan.

Nais kong bigyan kayo at ang sarili ko ng kaunti pang lakas at pag-asa. At walang hihigit pang paraan upang makamit ito sa pagninilay sa mga pagbasa sa araw na ito. Sundin sana natin ang payo ni San Pedro. Kung sino ang siyang may karapatan at kapani-paniwala upang magwika tungkol rito ay siya:

“Lumapit kayo sa Panginoon, sa batong buhay na itinakwil ng mga tao, nguni’t hinirang ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Wari’y mga batong buhay, maging sangkap kayo ng isang templong espiritwal.”

Maging matatag nawa tayong lahat tulad ng mga batong buhay na ito! Lumapit kay Kristo na siyang Daan, Katotohanan, at Buhay!