frchito

Posts Tagged ‘Simbang Gabi Homilies’

MATATAG, MANANATILI, MAGHAHARI, MAGPAKAILANMAN!

In Uncategorized on Disyembre 23, 2014 at 18:25

zechariah_and_john

Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 24, 2014

MATATAG, MANANATILI, MAGHAHARI, MAGPAKAILANMAN!

Kaming mga tigulang na (o damatan sa aming kapanahuhan) ay hindi na iba sa maraming mga slogan na minsang nagbigay sa amin ng pag-asa: bagong lipunan, bagong disiplina, matatag na republika, tuwid na daan, at marami pang iba. Ewan ko kung ano pa ang maiisip ng mga kinauukulan upang hubugin o linlangin ang taong-bayan sa hinaharap.

Di miminsan sa ating buhay na tayo ay nagtiwala sa isang matipuno, matikas, mabulalas, at magaling na pinuno upang tayo ay ihatid sa kasaganaan. Ang buong kasaysayan ay punong-puno ng mga magagaling na taong ito na nagbigay ng bagong pag-asa sa milyon-milyon o bilyon-bilyong mga tao: sina Alexander the Great, sina Julius Caesar, sina Hitler, Hirohito, at marami pang hinangaan at pinagkalooban ng tiwala ng balana.

Nguni’t ang parehong kasaysayan ay puno ng istorya ng kabiguan … mga dating matikas na haring di naglaon ay naging diktador, mapaniil, sakim at sabik pa sa dagdag na kapangyarihan.

Sabik tayo ang nag-aasam sa tunay na pinuno. Uhaw tayo at naghihintay sa pagdatal ng tunay na siyang maghahatid sa atin sa kaganapan at katuparan ng lahat ng ating mga hangarin, adhikain, at mithiin, hindi lamang sa kapakanang pang katawan, kundi, lalo’t higit sa pangkapakanang espiritwal.

Sa huling araw ng Simbang Gabi, nais ko sanang ipahatid sa inyo na ang Simbahan, ang Diyos, ang lahat ng mananampalataya kay Kristo ay kaisa ninyo sa inyong matimyas na pag-aasam at marubdob na pag-asa. Iyan ang unang magandang balita sa araw na ito.

Ang ikalawa ay ito … Iyan rin mismo ang pangarap at hangarin ng Diyos. Iyan rin mismo ang ipinangako niya kay David at lahat ng umasa at naghintay para sa isang matatag na kaharian, na hindi magagapi ninuman: “Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.”

Naglaho na silang lahat. Si Hitler. Si Idi Amin. Si Duvalier, at marami pang ibang hindi na dapat pa banggitin. Nariyan ang nangako ng bagong lipunan. Nariyan ang nangako ng matatag na republika. Nariyan ang panay ang bigkas at banggit ng tuwid na daan … Ang lahat ay nauwi at nauuwi sa kabiguan.

Nguni’t hindi lahat. Binabawi ko ang aking sinabi. Hindi lahat, sapagka’t ang nangakong Diyos na nagbigay ng Tagapagligtas ay patuloy pa ring gumagawa, gumaganap, kumikilos, at nagbibigay katuparan sa lahat. Hindi lamang siya sinag ng bukang liwayway at araw ng kaligtasan. Siya ay liwanag ng sanlibutan na patuloy na nagtatanglaw sa ating daanan at tahakin. Patuloy pa rin kayong nagbabalik taon-taon upang mapagpala sa mga Simbang Gabi at sa araw ng Pasko. Patuloy pa rin kayong tumatanggap ng kaligtasang dulot niya sa kanyang pagparito sa hiwaga, sa biyaya, at sa kasaysayan.

Matatag ang bagong republika, hindi ni Adan, kundi ng bagong Adan, na si Kristo. Matatag ang sambahayang itinayo ng Diyos para sa angkan ni David. At ang katatagang ito at pangako ng walang patid na pagtulong mula sa Diyos ng pangako at Diyos ng katuparan, ay patuloy na namamayagpag. Hindi siya magagapi, at tulad ng sinabi natin noong isang araw, wala nang gagambala; wala nang mang-aapi, sapagka’t dakila ang ngalan ng Panginoon.

Masisisi mo ba si Zacarias na nagpadala sa agos ng damdamin at agos ng katiyakan nang kanyang ibinulalas: “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang kanyang bayan, at nagpadala siya sa atin ng makapangyarihang tagapagligtas!”

Ano pa ang kailangang idagdag dito?

Advertisement

DI NA MAGLULUWAT; ITO AY DARATING!

In Uncategorized on Disyembre 15, 2014 at 21:04

John1_29 Zion+National+Park+Mark's+Pictures+016

Unang Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 16, 2014

N.B. Napansin kong higit na marami kaysa sa ibang araw ang mga naghanap ng pagninilay ko sa Kalakbay at Katoto, at ang hanap nila ay pagninilay tungkol sa Simbang Gabi. Hindi ako nangangakong magagawa koi to sa mga susunod na araw, pero susubukan ko. Narito ang para bukas, unang araw ng Simbang Gabi.

DI NA MAGLULUWAT; ITO AY DARATING!

Matagal-tagal na rin naghihintay ang Pinoy … sa maraming bagay: … sa kaginhawahan, sa katarungan, sa katiwasayan, sa kasaganaan, sa pagkakaisa at pagniniig bilang iisang bayan, iisang lahi, sa ilalim ng iisang watawat, at sa patnubay ng iisang Diyos! Subali’t tulad ng karanasan ng mga Israelita, matapos maihatid ni Moises mula sa pagka-alipin sa Egipto, patuloy pa rin at susun-susong mga suliranin pa rin ang kanilang pinagdaanan.

Kasama na rito ang pagrereklamo dahil sa pagsasawa nila sa manna, at sa pamumuno ni Moises. Matagal silang nagtiis at naghintay, at di naglaon ay nakarating sila sa lupang pangako. Di nagluwat ay naganap ang pinakahihintay ng bayan ng Diyos.

Ito pa rin ang salaysay ng buhay natin sa pananampalataya. Naghihintay … nagsusumamo … umaasa at nag-aasam … sa kaganapan ng pangako ng Diyos. Ito ang diwa ng ginaganap natin tuwing Adbiyento, at lalung-lalo na sa pagsapit ng Simbang Gabi sa ating bayan, at sa lahat ng bansa kung saan may Pilipinong Katoliko.

Sa unang araw ng Simbang Gabi, muli tayong nabubuhayan ng pag-asa. Kakaiba ang damdamin nating lahat. Kakaiba, hindi lamang ang simoy ng hangin, kundi ang hibla at himig ng pag-asang nananalaytay sa ating mga ugat, at nanunuot sa ating buong pagkatao. Ewan ko sa inyo, pero bilang pari sa nakaraang 31 taon, tuwing magpapasko, at higit sa lahat sa simbang gabi, ang buong Pilipinas, at lahat ng Pinoy ay nakakargahan at nababalot ng ibayong pag-asa.

Ito ang pag-asang matunog na ipinagmamakaingay ni Isaias: “Ang pagliligtas ko’y di magluluwat; ito ay darating, ito’y mahahayag sa inyong paningin.” Napakahirap ang maghintay sa wala. Napasakit ang umasa sa bula. Subali’t ang pananampalatayang Kristiyano ay hindi isang pagsandig lamang sa bula, na ngayo’y narito subali’t maya-maya’y lubusang naglalaho.

Ewan ko kung nakaranas na kayo umakyat ng mataas na bundok. Sa tanda kong ito, ito pa rin ang aking ginagawa paminsan-minsan, tulad noong isang araw. Mahirap kung titingalain ang tuktok na parang matayog at malayo at imposibleng marating. Pero sa unti-unting paglalakad, sa paisa-isang hakbang na puno ng pag-asa at pagpupunyagi, di nagluluwat at mararating mo rin ang rurok ng tagumpay.

Nais kong isipin na ang Simbang Gagi ay ganito – tulad ng pag-akyat sa bundok: mahirap, puno ng balakid, mabigat sa ating mga paa, halos imposible sa simula. Subali’t sa araw na ito, panghawakan sana natin ang pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias: “Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok. Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.”

Ito rin ang kwento ni Juan Bautista. Hindi siya isinilang na may pilak sa bunganga, at lalo hindi siya ipinanganak na may tangang setro sa kamay. Subalit, sa pagdidildil ika nga ng asin, at pagkain ng pulot at mga tipaklong sa parang, ay nakamit niya ang atang na tungkuling siya lamang at tanging siya lamang ang makagagawa – ang pagiging tagapagtotoo sa darating na Mesiyas.

Huwag sana tayo manghinawa. Huwag sana tayo tamarin sa mga susunod na mga araw hanggang dumating ang Pasko. Sa Simbang Gabi, bagama’t puno tayo ng suliranin at mga isipin at pasanin, tayo ay nabubuhayan sa bagong pag-asa, sa bagong panawagan at paalaala sa atin: “Di magluluwat ang pagliligtas ko ay darating!”

Halina Panginoon, halina!