frchito

Archive for Hulyo, 2015|Monthly archive page

GANAP … WAGAS … TUNAY … G PLUS!

In Uncategorized on Hulyo 25, 2015 at 10:16

little_boy_s_lunch_feeds_five_thousand_by_surealworld-d8qt6c9

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-17 Linggo Taon B

Hulyo 26, 2015

GANAP … WAGAS … TUNAY … G PLUS!

Uso ngayon ang mga bitaminang ang pangalan ay laging may + (plus). Pati ang Google ay may Google+ na gamit ko rin at ng marami sa atin. Pati buwis natin ngayon may “plus” – VAT, na kung tawagin ay value added tax. Sa madaling salita, dagdag sa dagdag, parang “siksik, liglig, at nag-uumapaw.”

Napansin nyo ba? Lahat may plus, pero sa bentahan ng bigas, walang plus? Di ba’t noong araw, ang salop ay kinakalos? Pag puno na ang salop ay dapat raw kalusin.

Panay plus plus ang turo ng pagbasa ngayon. Nagsipagsunuran kay Elias ang maraming tao. Sa kanilang pagiging starstruck, nakalimutan ata magbaon ng pagkain. Nagutom, kahit busog sila sa showbiz. Di bale na magutom basta makarinig lang ng magagandang pangaral mula kay Elias.

Pero, mayroong isang marunong magbiyahe … May baon siyang tinapay na gawa sa mga unang ani sa parang. Lahat ng unang ani ay para sa Diyos, o para sa kinatawan ng Diyos. Nang magutom ang madla, ipinagkaloob niya kay Elias as kanyang mga monay. At ang kanyang kaloob ay naging simulain ng isang himala – ang pagbibigay ng Diyos ng dagdag pa … siksik, liglig at nag-uumapaw. Hindi lang si Senador Recto ang marunong sa VAT … Ang Diyos ay higit pa … at G Plus ang kanyang inialay … Grace Plus …

Baling naman tayo sa ebanghelyo. Walang sinabing nagutom ang mga taong sumunod sa Panginoon. Gusto lamang nila makakita pa ng mga himala, dagdag sa nakita na nila. Plus, plus na naman … talagang mahilig ang tao sa discount, sa sale, sa dagdag at sa higit pa.

Pero binigla na naman tayo ng Diyos. Nagbigay siya nang higit pa sa hinanap ng tao. Hindi lang siya pang “that’s entertainment,” … Hindi lang siya pang excursion, kundi pang-pamilya pa! 5,000 libong kalalakihan daw ang sumama. O mga nanay, papayag ba kayong maiwan sa bahay? O mga bata, iiwan ba kayo ng mga nanay nyo sa bahay? Kung kaya’t suma total, humigit-kumulang sa 15 libo katao ang naroon!

Pero hindi lang siya namudmod ng filet-o-fish sandwich. Nagpakita siya ng isa pang dagdag na tanda … ang G Plus! Grasya at higit pa! Hindi lang pagkaing nakabubusog ng tiyan, kundi pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan!

Ito ang aral sa atin ngayon. Wag tayo masiyahan sa isang sandwich kahit gaano kasarap. Wag tayo matuwa kasi may binatilyong ang baon ay hindi niya kaya ubusin! Wag tayo masaya na dahil sa tayo ay nabusog ng isang araw.

Mayroon tayong ibang klaseng kagutuman. Mayroon tayong iba pang hanap – ang tunay na siksik, liglig, at nag-uumapaw.

At ang tunay na hanap natin ay buhay na walang hanggan – galing sa pagkaing naghahatid sa buhay na walang hanggan.

Walang sinuman ang makapagbibigay nito liban sa Diyos. Walang sinuman ang makapagsasabing basta nag-abuloy tayo ng sapilitan ng ikapu ay mananatiling matatag ang simbahan. Kahit na gumawa tayo na sampung Philippine Arena, kung wala tayong pagkaing galing sa Diyos, busog man tayo sa tiyan, mayaman man at magara ang mga simbahan, at hindi ang tunay na kaloob ng Diyos an gating pinagyayaman, ay wala tayong mararating.

Eto ang ating dasal sa araw na ito: “Nililingap mo ang mga walang inaasahan kundi ikaw. Hindi maidarangal at hindi magiging banal ang sinumang sa iyo’y napapawalay. Dagdagan mo ang iyong kagandahang-loob … upang mapakinabangan naming ang mga biyaya mo sa lupa bilang pagkakamit naming sa makalangit mong pagpapala.”

Hindi lang tinapay ang kanyang kaloob, bagkus ganap, wagas at tunay … G PLUS!

Buhay na walang hanggan!

IKAW NA, PANGINOON! IKAW LANG!

In Uncategorized on Hulyo 18, 2015 at 11:00

a3653260472ef40906eab680b1f5c2ef

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-16 na Linggo Taon B

IKAW NA, PANGINOON! IKAW LANG!

Lahat tayo ay nakaranas ng kagipitan sa buhay. Sa hinaba-haba ng aking karanasan bilang guro at pari, wala pa akong nakitang taong laging sagana, kumbaga, at wala ni ano mang kakulangan sa buhay. Lahat tayo ay nakaranas nang kapusin, kulangin, o kalusin.

Sa mga sandaling tayo ay kinakapos, hindi ba’t naghahanap tayo ng matatakbuhan? Hindi ba’t nagsisikap tayong gumawa ng paraan upang mapunan ang pangangailangan?

Ito ang istorya ng ating buhay. Ito rin ang naging kasaysayan ng buhay ng bayan ng Diyos. Napatapon. Nagkalat. Tinikis at sinikil ng mga dambuhalang bayan at imperyong ang tanging pakay ay sakupin at lamangan ang maliit na bayan ng Israel.

Sino sa atin ang hindi nakaranas ng tila pinagkaitan tayo ng tadhana? Sino sa atin ang hindi nakaramdam ng paninikil at paninikis ng kapwa at ang pagtatangi sa mga walang kakayanan? Hindi ba’t ito ang asal na ipinakikita ngayon ng Tsina (China) na ang tingin sa atin ay parang bangaw lamang na dapat pitikin? Hindi ba’t ito rin ang tila baga pagtingin ng mga namumuno sa atin, na kinukuha ang balana sa mga sarbey at mga pautot sa mass media, sa mga pahayagan at telebisyon?

Para tayong mga tupang nagkalat, na walang pastol at gabay, at pasuling-suling at walang tiyak na patutunguhan.

Subali’t ito mismo ang bayang pinagpakitaan ng Diyos ng tanging pag-ibig at pangangalaga: “”Ako na ang magtitipon sa nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila.”

Diyos na mismo. Siya na!

Di ba’t tayong lahat ay hindi malayo sa sinasabi ni Pablo sa kanyang liham sa Efeso? … “Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus, kayong dating nasa malayo ay nailapit sa pamamagitan ng kanyang kamatayan.”

Diyos na lamang talaga. Siya na!

Madilim ang daang tila tinatahak ng bayan natin. Bukod sa naka ambang malakas na lindol, ay mayroon pang ibang mas masahol na lindol ang naka-amba sa harapan natin … ang lindol ng halalan at ang maruming sistema political sa bayan natin … ang lindol ng China na tila tiyak sa kanilang maitim na balakin na samsamin ang puede nilang samsamin dahil lamang sa gusto nila … ang lindol ng mga teroristang ang pakay ay paluhurin ang Kristianismo sa harapan ng kanilang relihiyong walang pakundangan sa karapatang pantao ng kalayaang sumamba at maniwala sa gusto nila.

Madilim ang daang tinatahak natin.

Hindi rin natin tiyak ang kahihinatnan ng takbo ng kasaysayan.

Sa Linggong ito, batid kong kailangan ko ng isang matibay na pundasyon upang maharap ko ang darating na mga pagsubok.

At ito ang nais kong isiping pahatid sa atin ng Diyos:

  • Pastol ko’y Panginoong Diyos
  • Hindi na ako magdarahop.
  • Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan at inaakay sa tahimik na batisan
  • Sa matuwid na landasin, ako ay inaakay.
  • Kahit na ako ay tumatahak sa karimlan, hindi ako matatakot pagka’t ika’y kaagapay.

Ikaw na Panginoon! Ikaw lang Panginoon! Wala nang iba pa. Wala na aking aasahan pa liban sa iyo. Pagka’t tinutunghayan mo kami ngayon, at nahahabag ka sa aming tila mga tupang walang pastol.

Ikaw na, Panginoon! Ikaw lang!