frchito

Archive for Oktubre, 2010|Monthly archive page

KABABAAN, KARUNUNGAN, KATOTOHANAN, AT KALIGTASAN

In Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Oktubre 25, 2010 at 11:36

Ika-31 Linggo ng Taon(K)
Oktubre 31, 2010

Mga Pagbasa: Kar 11:22 – 12:2 / 2 Tesalonika 1:11 – 2:2 / Lucas 19:1-10

Maramdamin ang dating ng mga narinig nating pagbasa noong nakaraang Linggo. Narinig natin muli kung gaano kabisa ang dasal ng mga payak at mababa ang loob, na ayon sa kasulatan, ay “lumalampas sa mga ulap!” Iyan ang binigyang-diin rin ni Pablo, na handa nang humarap sa huling pagsasara ng tabing sa kanyang buhay, dahil sa mababang-loob na katapatang ipinakita niya sa kanyang paglilingkod sa ebanghelyo. Iyon din ang ipinamalas na kababaang-loob sa pananalangin na nagbunsod sa publikano upang tanggapin ang katotohanang napakahirap tanggapin ninuman: “Maawa ka sa akin, isang makasalanan!”

Nagtutuloy ang maramdaming pagpapaalaala sa atin ng mga pagbasa sa Linggong ito. Hindi lamang kababaan ang pinapaksa, kundi pati karunungan, na kaakibat ng kababaang-loob. Ano ba ang saligan at batayan ng karunungang ito?

Tutumbukin ko na agad ang sagot ng aklat ng Karunungan – at ito ay ang KATOTOHANAN. Ano bang katotohanan ito? Heto … ang “daigdig ay para lamang isang butil na buhangin” … “para lamang isang patak ng hamog sa umaga” …

Isa sa mga larawang-diwa na napulot ko kay Kahlil Gibran ay ito. Sinabi niya sa isa sa kanyang mga sinulat: “Takot ako sa taong mahina na nagpupumiglas at nagsisikap makilala bilang isang taong malakas.” (I am afraid of the weak man who tries furiously to appear strong!) Bilang isang tagapayo, batid ko ang bunga ng kahinaang nagmamaskara bilang kapangyarihan – reaction formation kung tawagin … mga taong hindi matanggap ang kanilang kahinaan, na bilang reaksyon, ay nagpupumiglas upang kakitaan ng katatagan ng ibang tao, tulad ng mga taong mangmang at walang alam na nagdudunung-dunungan.

Alam natin lahat kung ano ang ibig sabihin nito. Sa amin sa Cavite, may kasabihan: ang unang pumutak ay siyang nangitlog. Ang unang umangal ay siyang may suliraning panloob. Ang masyado magtatalak ay siyang unang unang may dapat gawin sa kanyang ipinagbubunganga.

At ang lahat ng ito ay dahilan sa iisang ugat – ang kawalang kakayahang tanggapin ang totoo – na tayong lahat bilang nilikha ay walang iniwan sa damo na narito ngayon, nguni’t wala na bukas … “isang butil ng buhanging di halos makatikwas ng timbangan!”

Ganito si Zaqueo sa simula … isang maliit na taong nagpupumiglas upang maging makapangyarihan, dahil sa kayamanan. Hindi lang na hindi siya makatikwas ng timbangan … Hindi rin niya kayang akyatin ang puno nang walang tulong at suporta ng kanyang mga utusang tinapakan ang mga balikat.

Subali’t may sandaling nakapag-isip at nakapagmuni-muni si Zaqueo. Nagpadala siya sa simula sa isang matinding kagustuhan. “At pinagsikapan niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito.” Nguni’t ang naghanap ang siyang hinanap at natagpuan. “Tumingala si Jesus at sinabi: Zaqueo, bumaba ka agad, sapagka’t kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.”

At dito pumasok ang katotohanan. Sa kanyang kababaan o kapandakan, ay natutunan niya ang higit pang kababaan – ang kababaang-loob na bunga ng pagtanggap ng katotohanan, na siya namang nagbunga ng kaligtasan!

Walang itinanong si Jesus tungkol sa kung magkano ang kinikita niya. Walang pagsusulit na hiningi ang Panginoon. Hindi siya hiningian ni Jesus ng “financial statement.” Nguni’t ang naghanap kay Jesus ay nakasumpong rin sa higit pa – ang katotohanan. Ang pagtanggap sa totoo ay nagbunsod sa kanya upang tanggapin rin ang hamon ng katotohanan – ang kaligtasang dulot ni Jesus.

Maraming kamangmangan at kahirapan sa mundo. Hindi ito ang masama. Hindi masama ang maging mahirap o dukha, lalu na’t ginawa na natin ang lahat upang makaahon dito. Nguni’t hindi gusto ng Diyos na tayo ay mahirati at manatili sa kahirapan. Hindi gusto ng Diyos na manatiling mangmang ang tao. Tinatawagan niya tayo sa karunungan. Nguni’t anong klaseng karunungan?

Ito ang karunungang nagmumula sa katotohanan – katotohanang moral – katotohanang mapagpalaya, mapagligtas, – katotohanang may gawaing masama at gawaing mabuti, at katotohanang ang panawagan ng mabuti ang siyang dapat pagsikapan ng tao.

Nasumpungan ni Zaqueo ang katotohanang ito. At nang makita niya ito, sinundan niya kagyat ang panawagan ng katotohanan. Kumilos siya at nagpasiya. Bagama’t walang sinabi ang Panginoon, sinabi niya: “Panginoon, ibibigay ko po sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At kung ako’y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kaniya.”

Anong uri ng katotohanan ang pinanghahawakan natin?

Advertisement

LUMALAMPAS SA MGA ULAP!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Oktubre 21, 2010 at 12:21

Ika-30 Linggo ng Taon (K)
Oktubre 24, 2010

Mga Pagbasa: Sirac 35:12-14, 16-18 / 2 Tim 4:6-8, 16-18 / Lucas 18:9-14

Karanasan nating lahat ang magdaan sa unos, mabasa sa ulan, at mahamugan sa karimlan. Kapag tag-ulan, ang hanap natin ay mainit na sabaw, pagkaing nakapagbibigay-init sa kalamnan, at humahagod sa katawan at kaloobang dumaan sa pagsubok at paghihirap.

Isa sa hindi ko malimutang karanasan sa pagkabata ay ang walang kapagurang paghagod ng likod ng Lola ko tuwing ako ay may sakit. Bukod sa paghagod sa masasakit na kalamnan, iyon lamang ang pagkakataong pumupunta sa tindahan sa kanto ang lola – upang bumili ng Royal Tru-orange … walang masyadong halaga, walang masasabing anumang bisa, nguni’t tagos sa kalamnan at puso ang pagmamahal na lubha kong kinakailangan kung masakit ang ulo at katawan, at nag-aapoy sa lagnat!

Nais kong isipin na hagod ng puso at kaluluwa ang pahayag ni Sirac sa unang pagbasa. Matapos ang patong-patong at sunod-sunod na pagbagyo sa bayan natin … matapos ang susun-susong mga suliranin na ating hinarap, kasama rito ang panlalait ng mga Insik sa HongKong dahil sa kapalpakan sa Luneta, hagod ng kaluluwa at puso ang hanap natin.

Ito ang hagod ng magandang balita para sa atin sa araw na ito. “Lagi niyang dinirinig ang daing ng ulila, at ang pagsusumamo ng balong nagsasaysay ng nangyari sa kaniya.”

Kailan ang huling pagkakataong ikaw ay “nagsaysay” sa Diyos? Kailan ang huling pagkakataon na nakapagsumbong, ika nga, tayo sa Panginoon? Ewan ko sa inyo, pero marami tayong dapat isaysay sa Kaniya. Marami tayong mga panimdim, mga kahilingan, mga kagustuhan, at mga bagay na hindi dapat kay Tulfo isumbong.

May bahid ng kalungkutan ang mga pagbasa, lalu na ang ikalawa. Sa sulat ni Pablo kay Timoteo, malungkot ang binabanggit na paglisan ni Pablo. Nguni’t ang kabilang mukha ng kalungkutan ay kagalakan. Ang kabilang pisngi ng paglisan ay ang gantimpala para sa isang naging tapat sa Diyos. Ang kabilang bahagi ng larawan ng paglisan ni Pablo ay ang magandang balitang naghihintay sa lahat ng tapat sa Diyos: “Ang Panginoon ang siyang magpuputong sa akin ng korona, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa muli niyang pagparito.”

Subali’t tingnan sandali kung sino ang karapat-dapat sa tender loving care na ito o hagod na mapagmahal ng Diyos! … Nagkakatugma ang dalawang naunang pagbasa: “ang naglilingkod sa Kaniya nang buong puso,” “ang mapagpakumbaba,” hindi ang Pariseo na sigurado na sa kanyang sarili, bagkus ang publikanong mababa ang turing sa sarili, nguni’t tumanggap sa kanyang pagkakamali at kahinaan.

Sila, hindi ang palalo at mayabang, ang tumatagos sa puso ng Diyos. Ang kanilang dalangin ang “lumalampas sa mga ulap at hindi tumitigil hanggang di dumarating sa kinauukulan.”

May aral sa bawa’t isa sa atin ang mga pagbasa. May tama tayong lahat dito. Sino sa atin ang hindi nagmalabis sa buhay natin? Sino sa atin ang hindi napadala sa hambog at yabang? Sino sa atin ang hindi makuhang tumanggap ng pagkakamali sa ilang pagkakataon sa tanang buhay natin? Sino sa atin ang hindi nakapagmalabis at nakapagyabang sa harapan ng mga taong kayanan natin? Ilan sa atin ang nagmalabis sa paggamit ng titulo, ng wangwang, ng plaka ng sasakyan, at nahirati sa paghahawi ng mga simpleng taong walang kilala sa gobyerno at walang kaya sa lipunan?

May Pariseo sa puso ng bawa’t isa sa atin. May Pariseong mapag-kutya, mapagmata, at mapagmalabis sa lahat ng tao, kabilang tayong lahat. Ang panalangin ng mga ito ay “hindi lumalampas sa mga ulap” at hindi makahahagod ng puso at kalamnan.

Ang Royal tru-orange na bigay ng lola ko noong bata ako at maysakit, ay walang tunay na halaga at bisa. Pero may “tender loving care.” Humahagod, nanunuot sa puso, at nakapagpapagaling.

Ito ang panalangin ng mga taong nagpapakumbaba, nagsasaysay, o sabihin na nating nagsusumbong sa Diyos … lumalampas sa mga ulap! Tayo na’t magsaysay sa Diyos, mag-ulat at magsumbong. Lagi niyang dinirinig ang daing ng ulila at busabos … tulad nating lahat, dito sa lupang bayang kahapis-hapis!