frchito

Posts Tagged ‘Pasasalamat’

AAWITAN KITA; PASASALAMATAN KITA

In Karaniwang Panahon, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Oktubre 3, 2014 at 22:19

vineyardowner

Ika-27 Linggo ng Taon A
Oktubre 5, 2014

AAWITAN KITA; PASASALAMATAN KITA!

Bigla ko tuloy naalala si Armida Siguion Reyna at ang kanyang kantang “Aawitan Kita.” Sabi kasi ni Isaias ay aawit siya tungkol sa kanyang kaibigang walang hindi ginawa para sa kanyang ubasan. Pero sa halip na umawit ay may karapatan siyang magalit. Wala siyang napala sa kanyang pinaghirapan at inalagaang ubasan.

Sa buhay natin, dumaraan tayo sa pagkakataong naghahanap tayo kumbaga … ng kaunting konsiderasyon, kaunting atensyon, kaunting consuelo, ika nga. Masaba ba kayang umasa sa kaunting pagpapasalamat at pagpapahalaga yaman at pinagbuhusan mo ng buo mong pagkatao at kakayahan ang isang bagay na mahal na mahal mo?

Gusto nating magbunga ang ating pinaghirapan. Gusto natin rin na magdulot ng ginhawa ang pinagsikapan at pinagmalasakitan. Sino sa atin ang hindi naghahanap ng bunga sa ating itinanim na guyabano, o atis, o kahit man lamang papaya? Sino sa atin ang hindi magtatampo kung ang ating inalagaang tuta ay iba ang tinatalunan, hinihimod, at pinakikinggan? Huwag kang mag-alala kaibigan … ang aso ay mas mahusay magmahal sa kanyang amo, kesa sa ating tao … Pero hindi ito ang paksa ng pagninilay na ito.

Pero yayaman din lamang ang nasa aso ang usapan, heto ang isang kwento ni Aesopo. May isang asong may malaking buto sa bunganga na tumawid sa tulay sa ibabaw ng isang maliit na batis. Nang nakita niya ang kanyang larawan sa batis, pinagnasaan niya ang butong tangan ng isang aso. Tumahol siya. Gusto niya makuha rin ang buto ng isang aso. Kung kaya’t nahulog ang buto, at naglaho.

Minsan, tayo ay parang aso ni Aesopo. Hindi na nga nagbigay, ay ang gusto pa ay kumabig. Puro pakabig. Puro pangsariling kapakanan. Walang alay, lahat gusto ay bigay sa kanya. Walang kaloob na kusa. Ang gusto ay laging paloob at papunta sa kanyang pagkatao.

Sa mundong iniikutan natin, napapalibutan tayo ng tinatawag na narcissism epidemic. Hindi lang puro selfie ang gusto ng tao ngayon … lahat ay selfish rin at makasarili. Walang kabubusugan tungkol sa mga gustong simpleng tirahan lamang, na may maliit na swimming pool. Wala naman raw masama doon, lalu na’t regalo ng mga kaibigan.

Sa mundong iniikutan natin, panay ang katulad ng mga kasama sa ubasan. Hindi na nga nagbigay ay kumabig pa. Hindi na nga nagsikap ay binugbog pa ang sugo ng may ari ng ubasan.

Hindi na ang ubasan ang tinutumbok ng ebanghelyo, kundi ang mga kasama ng may ari ng ubasan. At kung titingnan nating mabuti, hindi lang ang mga kasama, kundi tayong lahat.

Nakakadismaya kapag ang ubasan o ang punong ating tanim ay hindi nagbunga, pero higit na nakakalungkot kung ang mga tao tulad natin, sa halip na gumawa at maghatid ng maraming bunga, ay wala na ngang produkto ay wala pa ring kusang kaloob bilang kabayaran sa lahat ng ipinagkaloob sa atin.

Tama lamang na ipagmakaingay ang kabutihang tinanggap natin. Tama lang ang awit ni Siguion Reyna. Pero higit na mainam ang isagawa ang ating ipinagmamakaingay – ang magbigay ng kaloob bilang sukli sa lahat ng kabutihang tinanggap natin.

Ano kaya ang puede nating isukli sa dakilang habag at pag-ibig ng Diyos?

Marasbaras, Tacloban City
Oktubre 3, 2014

PUSPOS, TAOS, LUBOS!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Oktubre 12, 2013 at 10:46

JesusHealsTenLepers6

Ika-28 Linggo ng Taon K
Oktubre 13, 2013

PUSPOS, TAOS, LUBOS!

Biglang naging tanyag ang salitang iskolar sa Pilipinas. Lahat ng mga nanggagalaiti sa pork barrel na mambabatas ay biglang nagkaroon ng sandamakmak na pagmamalasakit sa mga iskolar. Dati, hindi sila napapansin. Dati-rati, isang tumpok lamang sila para masabing may pinaglalaanan ng pondo. Ngayon, bigla silang bida. Bigla silang nasa sentro ng usapan. Lumang sangkalan …. Lumang tuntungan … bagong kasinungalingan!

Si Naaman ay isang banyaga .. Hindi siya gusto ng mga Judio. Bukod rito, siya ay may kurikong! May ketong! Bawal sa ganoong tao ang makihalubilo sa mga malilinis. Pero isang hiwaga na lumapit siya kay Eliseo upang humingi ng beauty tips. Kung siguro si Belo ay buhay na, ay paniguradong nagpunta siya kay Belo, hindi kay Eliseo.

Pero sa madaling salita, ay gumaling si Naaman. Walang panama si Belo kay Eliseo. Kahit wala siyang ginawa kundi payuhan si Naaman, na maglulublob sa ilog Jordan. (Kung mayaman ka, mas maganda siguro maglulublob sa bath tub tulad ni Jeane Napoles na puno ng dolyar at Euros!.)

Pero ito pa ang matindi! Bumalik si Naaman, at nagtangkang magbigay ng “bribe” “suhol” … este … pasasalamat pala. Masama ang salitang suhol. Hindi totoong may nasusuhulan sa gobyerno. Paninira lang yan ng mga hindi nabibigyan ng biyaya!

Matapos gumaling ay pilit na nagreregalo siya kay Eliseo. Iba talaga ng taong tumanggap ng isang matinding biyaya … hindi nananatiling tahimik, bagkus pilit na nagpapakita ng pasasalamat.

Pero matindi ang panahon natin ngayon. Mayroon daw tayong epidemic o malawakang sakit na ang tawag ay narcisismo – ang sobrang pagmamahal sa sarili, tulad ni Narciso na umibig sa kanyang sariling larawan sa sapa. Kay rami nito sa facebook … panay ang selfie, panay ang pose, at panay ang post ng mga kinain sa Starbucks. Marami ring ganito sa senado … wala silang ninakaw… wala silang kilala … at wala silang pinirmahan.

Para sa mga narcisista, walang masama, kasi “dapat lang.” May magbigay sa kanila ng biyaya, ang sagot nila ay “dapat lang.” May tumulong sa kanila, ang kanilang bukambibig ay “dapat lang.” May mag magandang-loob sa kanila, ang kanilang tugon ay “dapat lang.” Dapat lang na ako ay bigyan … Dapat lang na ako ay kumuha ng pera … Astig yata ako! Dapat lang na ako ay paglingkuran … Honorable yata ako! Dapat lang na ang mahihirap ay manatiling mahirap … tamad sila … ayaw magtrabaho … at kasalanan ko ba kung ako ay mayaman? Ito ang tanong ng mga narsisistang parang langaw na nakatayo sa likod ng kalabaw.
Sampung mga ketongin (akala nyo daliri, ano?) ang lumapit kay Jesus. Sampung mga ketongin ang gumaling matapos lumapit sa kanya. Kamay at paa … ulo hanggang paa ay pawang gumaling! Milagro!

Pero ito ang matinding milagro. Sampu ang tumanggap ng kalusugan. Sampu ang pinagkalooban ng biyaya. Pero tanging isa lamang ang bumalik upang magpasalamat.

Mabuti pa si Naaman na banyaga. Bumalik at nagkaloob rin ng biyaya sa nagkaloob ng biyaya … nagpasalamat.

Mahirap magpasalamat ang taong ang salita tuwina ay “dapat lang.” Mahirap magkaloob ng karampatang biyaya ang taong hindi kailanman marunong kumilala na siya ay tumanggap nang malaya at pinagkalooban nang malaya rin. Hirap ang narsisista na tumanaw ng utang na loob, tulad ng hirap ang mga korap na tumanggap ng pagkakasala sa taong bayan.

Puspos sila ng “biyaya.” Taos at tagos sa buto ang kanilang tinanggap na yaman. Ngunit kapos sila sa ginintuang kakayahang tumanaw ng pagkakamali at utang na loob.

Tayo man ay puspos ng biyaya mula sa Diyos. Namatay tayong kalalip ni Jesucristong Anak ng Diyos.” Taos sa puso at kalooban ang lahat ng tinanggap natin mula sa Kaniyang kabutihan at pagmamahal.

Pero kapos tayo sa pasasalamat. Kapos tayo sa pagkilala ng biyaya. Tulad ng siyam na hindi man lang tumagos sa kanilang damdamin na sila ay dapat ketongin at mabaho pa rin kung hindi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos.

Hindi pa tapos ang lahat. Hindi pa huli ang lahat. Kaya pa natin magpasalamat. Kaya pa natin kumilala ng tama at wasto. Tumulad sana tayo kay Naaman, sa nag-iisang bumalik kay Kristo. Taos-puso tayong magpasalamat. Puspos tayo ng biyaya at pagmamahal. Maging lubos tuwina ang ating pagnanasang maging tulad ng mga taong marunong kumilala, at kumilatis ng tama. “Ang Diyos Ama’y naghahangad lagi, tayo’y pasalamat kaisa ng Kanyang Anak.”