frchito

Archive for Abril, 2010|Monthly archive page

HINDI SILA MAAAGAW NINUMAN SA AMA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Sunday Reflections, Taon K on Abril 23, 2010 at 06:40

Ika-4 na Linggo ng Pagkabuhay(K)
Abril 25, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 13:14, 43-52/ Pahayag 7:9, 14b-17 / Juan 10:27-30

Hirap ako sa araw na ito, bilang pari, na gumawa ng anumang paliwanag sa mga salita ng Diyos na kababasa lamang natin. Ang tatlong pagbasa ay may kinalaman sa pagkalinga, pangangalaga, pagmamalasakit, at pagtataguyod sa buhay ng mga tupang ligaw, tupang maamo at inosente, tupang handang mahubog tungo sa isang malinaw na kinabukasan.

Ito ang pinagmalasakitan nina Pablo at Bernabe. Ito ang kanilang walang kapagurang pinanagutan at pinagpagalan. Ito ang halos ikamatay ng dalawa sa ilang mga pagkakataon – ang maging ilaw sa mga Hentil at magbalita ng kaligtasan “hanggang sa dulo ng daigdig.”

Subali’t ngayon, magmula sa lahat ng sulok ng daigdig, ay lumilitaw ang mga balitang salungat sa mabuting pastol. Ang lumalabas na pinagpipiyestahan ng mass media ay ang kabulukan ng ilang tupa sa simbahan na nanlaso at nanalasa sa mga inosenteng batang parang mga tupang walang kamuang-muang, nguni’t nasadlak sa nakaririmarim na pananamantala ng mga tinaguriang pastol ng simbahan.

Bagama’t hindi lahat ng sinasabi ng mga pahayagan, radio at telebisyon, at “you tube” ay pawang totoo, dapat tanggapin ng simbahan at ng lahat ng mga tagasunod kay Kristo na ang bahid ng kasalanan ay nanunuot sa lahat ng antas, dako, at kasuluk-sulukan ng Inang Simbahan, mula sa taas hanggang sa ibaba. Nguni’t dapat rin natin tanggapin na bahagi ng kulturang ito ng kasalanan ang kamuhi-muhing pagsisikap lahatin, at husgahan, hindi ang ilang mga nagkasala, kundi ang kabuuan ng simbahan, na para bagang ang Simbahan sa kanyang kabuuan ay bulok, at walang magagawa at maidudulot na magaling sa sangkatauhan.

Tayo ngayon ay nagtipon sa simbahan upang: una, tanggapin ang pagiging makasalanan natin; ikalawa, upang ihingi ito ng kapatawaran; at ikatlo, upang makarinig tayo ng mensahe ng pag-asa na maghahatid sa atin sa isang panibagong bukas, panibagong pagbangon, at panibagong pagsisikap upang mapanuto tayong lahat sa landas na naghahatid sa kapayapaan.

Dito ngayon papasok ang aking tungkulin sa kabila ng akin ring pagkamakasalanan, tulad ng lahat ng kasapi ng simbahan, tulad ng lahat ng anak ni Eba, at tulad ng mga sa ngayon ay nagkukumahug upang pukulin ang simbahan ng lahat ng uri ng masasamang tawag at kataga.

Madamdamin ang tunog ng sinasaad ng ebanghelyo: “nakikinig ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.”

Sa kaibuturan ng lahat ng ating pinag-uusapan, iisa ang totoong dapat mamaulo sa buhay natin … Tanging si Kristo ang pastol … kaming mga pari ay mga larawan lamang at kinatawan ng kanyang pagiging dakila at butihing pastol. Ang Inang Simbahan sa kanyang kabuuan ay siyang kumakatawan sa pagiging butihing pastol ni Kristo. At kahit na mayroong ilan sa hanay ng mga naglilingkod sa simbahan at sa bayan ng Diyos na malayo sa pagiging tunay na pastol, ang kabuuang larawan ng Inang Simbahan ay hindi nagbabago, hindi nasisira, at hindi kailanman magagapi ng kasamaan at kadiliman.

Mahigit na 28 taon na akong pari, sa biyaya ng Diyos. Marami na ako napagdaanan. Marami na ring pasakit ang idinulot sa akin ng maraming taon kong paglilingkod. May mga kapwa ako kaparian at mga nakatataas o nakabababa sa akin ang nagdulot sa akin ng iba-ibang mga problema at pasakit. May pagkakataong nanghinawa ako sa paggawa ng mabuti. May sandaling parang gusto ko nang sumuko at magtampo sa Inang Simbahan. Hindi lahat ng mga nakatataas ay may mabuting kalooban. May inggitan at iringan sa simbahan; may politika rin. May sapawan at payabangan.

Nguni’t sa kabila ng lahat, masasabi kong ang kabuuan ng Simbahan ay hindi nabawasan ng pagiging kung ano ang itinalaga para sa kanya ng Butihing Pastol na si Jesus.

Ito sana ang gusto kong baunin ninyo lahat matapos mabasa ito. Huwag sana tayo mawalan ng pag-asa at pagtitiwala bagama’t may ilang hindi na dapat pagtiwalaan. Ang lahat ng ito, kasama ang pinagdadaanang crisis ng simbahan, ay hindi makababawas sa kung ano at para kanino ang Simbahan. At ito ay pinaninindigan ngayon ni Kristong Panginoon mismo: “Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman.”

Ano ang patunay ko rito? Wala akong maipakikitang tarheta o diploma o anumang prueba, liban sa pangako ng Butihing Pastol: “hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.”

PAKANIN AT PANGALAGAAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Abril 14, 2010 at 08:16

IKA-3 LINGGO NG PAGKABUHAY (K)
Abril 18, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 5:27b-32, 40b-41 / Pahayag 5:11-14 / Juan 21:1-19

Marami ang nagaganap sa mga araw na ito. Hindi halos tayo magkandaugaga sa pagsunod sa mga nagaganap. Nakalimutan na natin ang masaker sa Mindanao. Wala nang humahabol sa pagkamatay ni Nida Blanca, matapos ang maraming taon. Sumuko na tayong lahat sa kawalang kakayahan ng sinuman na malaman kung sino ang utak sa pagpaslang kay Ninoy Aquino. Tila sumuko na rin ang bayan na magpasya nang tama sa kung sino ang dapat ihalal. Tanging popularidad at karisma na lamang yata ang pinaiiral sa mga eleksyon, kundi pera at puro gimik at pakitang-tao lamang.

Isa sa mga tradisyon na ating matutunghayan sa Biblia ay may kinalaman sa pamumuno. Sa Banal na Kasulatan, ang pamumuno ay walang kinalaman sa paghahawak ng kapangyarihan, bagkus kababaang-loob at paglilingkod – ayon sa tradisyon ng isang aliping naghirap at nagpakasakit sa bayan.

Pinagnilayan natin ito sa nakaraang mahal na araw – at ang kasukdulan ng paglilingkod na ito ay ipinakita ni Jesus na Panginoong naglingkod at namuno sa pamamagitan ng ganap na paglalaaan at pag-aalay ng buhay para sa pinaglilingkuran.

Sa araw na ito, dalawang Linggo matapos ang muling pagkabuhay ni Kristo, muli pa niyang dinadagdagan ang kahulugan ng paglilingkod sa isang madamdaming tagpo na may kinalaman kay Simon Pedro.

Taliwas sa ipinakikita ng mga kandidato nating ang hangad ay maghari at mamuno, ang ipinadadama sa atin ni Kristo ay walang pasubali at walang pag-iimbot na paglilingkod na napapaloob sa dakilang kautusan ng pag-ibig. “Mahal mo ba ako, Simon, anak ni Jonas?” “Pakanin mo ang aking mga tupa.” ‘Pangalagaan mo ang mga batang tupa.”

Madamdaming tagpo ito sa baybay dagat, sa isa sa marami niyang pagpapakita matapos ang muling pagkabuhay. Puyat at pagod si Pedro at mga kasama. Buong gabing nagpagal at nagsikap maghanap-buhay. Sa kinaumagahan, dumating si Jesus at tumulong upang sila ay makahuli: “Ihulog ang lambat sa gawing kanan ng bangka.”

Madaling sabihin sa araw na ito kung paano ang tunay na diwa ng paglilingkod. Alam kong sa mga araw na ito, kung kailan nasa headlines na naman ang simbahan dahil sa mga krimen ng ilang bulok na itlog sa hanay ng mga kaparian, mahirap magwika sa tungkulin naming “pakanin at pangalagaan” ang mga “batang tupa.” Batid kong, bagama’t ang higit na nakararami sa mga kaparian ay walang ibang nais kundi paglingkuran ang Diyos at ang Kanyang bayan, batid ko ring mayroon ilang sumira sa aming imahen at larawan at reputasyon. Tulad ng batid kong, sa kabila ng katotohanang mayroong mga namumuno sa bayan natin na mahusay at mabuti, ang ginagawa ng ilang mga buktot at palalo at pasaway sa lipunan ay walang kapantay sa kasamaan – ang mga korap, mga tiwali, mga masiba, at mapagsamantala at nag-aabuso sa kanilang kapangyarihan.

Una ako sa paghingi ng paumanhin sa kapwa ko mga Pinoy. Humihingi kami ng tawad sa kasalanan namin sa harap ng Diyos at tao. Nguni’t una rin ako sa hanay ng mga taong umaasang kami, tayo, at mga nagsisikap mamuno ay mapasa-ilalim sa parehong kautusan at kalooban ng Diyos para sa kapakanang pangkalahatan. Kasama ako sa mga umaasang ang paghahari ng Diyos ay manunuot pang muli at mamamayagpag sa lahat ng antas ng lipunan natin. Kaisa ako ng mga taong may mabubuting kalooban na patuloy na nagsisikap upang ang lipunan natin ay unti-unting magbalik-loob sa Diyos at maging bukas sa utos na iniatang ng Diyos sa balikat ng katulad namin na patuloy na nagtuturo ayon sa kagustuhan ng Diyos, sa pamamagitan ng Santa Iglesya.

Lahat tayo ay nagkulang at nagkamali. Lahat tayo ay tinimbang nguni’t kulang. Lahat tayo ay nalihis sa landas ng katuwiran at kabanalan.

Nguni’t lahat tayo ay may pag-asa pa. Lahat tayo ay patuloy na tinatawagan ng Diyos na buhay na patuloy na magsikap, patuloy na magpagal, at patuloy na kumilos upang ang Simbahan, una sa lahat, ay maging tapat sa kanyang tungkuling maging muog ng kabanalan, at ang lipunang sibil, ay magampanan ang pananagutang ihatid sa wastong landas ang mga “batang tupang” nakatingala at naka-asa sa kanilang paggagabay at pamumuno.

Matay nating isipin, iisa ang layunin ng Diyos para sa atin. Iisa ang tinutumbok ng Simbahan at ng lipunang sibil sa pamamagitan ng pamahalaan – ang kapakanang espiritwal at material ng lahat. Sa wakas, ang hinaharap nating tadhana ay iisa at pareho – ang buhay na walang hanggan kaparis ang Diyos na iba-iba ang tawag natin.

Ikaw, ako, tayong lahat ngayon ay inaasahan ni Kristo … “Pakanin mo … pangalagaan mo…”