frchito

Archive for Setyembre, 2008|Monthly archive page

ANGAL, ARAL, ASAL!

In Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo on Setyembre 25, 2008 at 22:59

Ika-26 na Linggo ng Taon(A)
Septiembre 28, 2008

Mga Pagbasa: Exequiel 18:25-28 / Filipos 2:1-11 / Mateo 21:28-32

ANGAL, ARAL, ASAL!

Angal ang pahiwatig ng unang pagbasa. “Hindi makatarungan ang pamamaraan ng Diyos,” ang paratang ng mga tao kay Exequiel. Naghagilap si Exequiel ng angkop na tugon sa walang batayang paratang. Tanong ang kanyang baling sa mga taong atungal at paratang ang bukang-bibig. “Hindi ba’t ang kamatayan ay bunga ng pagsuway sa kalooban ng Diyos?” “Subali’t hindi ba’t ang nagbabalik-loob sa kanya ay tatanggap ng buhay?”

Mahalaga na ating matanto ang bunga ng paratang at atungal. Ito ang malimit natin gawin sa buhay. Ito ang kay daling gawin – ang manisi, ang maghanap ng mapagbubuntunan ng galit, ang mapagtatapunan ng lahat ng uri ng ating negatibong reaksyon sa mga bagay-bagay na hindi angkop sa ating pag-asa.

Nguni’t mahalaga na ating matanto ang sagot ng Panginoon sa kalooban ng Ama, bagama’t labag sa kanyang kalooban at kagustuhan. Hindi angal, bagkus aral – ang dakilang aral ng kanyang pagpapakababa at pagsasa-anyong alipin, magpahanggang kamatayan sa krus.

Nakapaghagis na ba kayo ng bato sa isang tahimik at malalim na lawa? May batong matitigas, mga batong buhay, na kung lumubog sa tubig ay bigla at pabulusok. Deretso sa ilalim, wika nga. Nguni’t may uri ng bato na kung ihagis mo ay hindi agad lumulubog. Umiindayog, umiikot, unti-unting pumapasailalim ng tubig, parang nagsasayaw sa lawa, hindi kagya’t bumubulusok.

Ito ang aral na dulot ng hindi pag-angal – ang pagtanggap sa kalooban ng Ama. Ang mga matitigas ang ulo – ang matitigas na bato – ay pabulusok ang pagbaba sa ilalim. Mabilis ang kanyang paglalaho. Subali’t ang ibang uri ng higit na malalambot na bato ay larawan ng taong maalam makisayaw sa indayog ng Espiritu ng Diyos, ang marunong makisayaw sa musika ng banal na Espiritu. Ito ang mga natututo, hindi sa angal, kundi tumatanggap ng mahahalagang aral.

May isa pa akong larawan para sa inyo. Sa mga bagyong nagdaraan sa atin, nakikita natin kung paano ang mga punong hindi marunong umindayog sa hangin ay kagya’t nababali. Marupok ang sangang hindi mahutok. Madaling mabakli ang sangang hindi maalam sumayaw sa hangin. Di tulad ng kawayan, na parang taong maalam yumuko at magparangya, ang mga matitigas ang puso at damdamin ay silang higit na nahihirapan sa pagbayo ng hangin at unos.

Panalangin natin bilang tugon sa unang pagbasa … “Alalahanin mo ang iyong dakilang habag, Panginoon!” Oo … pati ang Panginoon ay marunong yumuko, magpakumbaba, at magdalang-habag sa taong nagsisisi. Maging ang Diyos ay tulad ng kawayan, na marunong makiiisa, makisangkot, makihalubilo sa taong sinasagian ng lahat ng uri ng pagsubok.

Malaki, malalim, at malawak ang habag ng Diyos sa atin!

Ang angal ng mga tao kay Exequiel ay naging daan sa isang mahalagang aral. Ang aking guro sa Loyola, Baltimore ay may isang tayutay na angkop hinggil dito: riding the dragon … mas madali, ika nga ng mga Arabo, na pasunurin ang isang kamelyo upang tahakin ang landas at direksyong kanya nang tinatahak, kaysa sa bigyan mo pa siya ng isang panibagong landas.  Sa buhay, may mga pagkakataon na walang ibang dapat gawin, kundi ang lumulan sa likod ng isang dragon at maghintay ng tamang panahon upang kumilos. May mga pagkakataon na walang saysay ang lumaban, magmatigas, at manatiling tuwid at hindi matitinag. Mas madaling mabali ang mga tuwid at malutong na sanga.

Ang ating buhay bilang Kristiyano ay walang iniwan sa pagsunod sa indayog ng biyaya ng Diyos. Ang ating buhay ay walang iniwan sa isang taong, marunong makisayaw at sumunod sa tugtugin, ang magpadala kung saan umiihip ang banal na Espiritu.

Dito ngayon pumapasok ang sinasaad ng ebanghelyo. Dalawang magkapatid ang inutusan ng ama. Ang una ay mabilis pa sa lintik ang sagot: “Opo, tatay … pupunta po ako roon.” Ang ikalawa ay maagap pa sa kulog ang pagtanggi: “Wala po akong panahon … hindi ako pupunta.”

Subali’t ang mabilis ang bunganga sa pagsagot ay nauwi lamang sa salita. Hindi siya nagpunta. Hindi siya gumawa. Para siyang isang sangang marupok, at matuwid na hindi umindayog sa hinihingi ng pagkakataon. Ang matulin naman sa pagsagot ng hindi ay sumaliw, umindayog, at sumunod sa hinihingi ng pagkakataon … Nag-isip-isip siya at napagtanto na walang uuwiing mabuti ang magmatigas, umangal, at hindi gumawa.

Angal ang diwa ng unang pagbasa. Aral ang dulot ng ikalawang pagbasa. Subali’t ang aral na mataginting na ito para sa atin ay ang kahalagahan ng tamang asal! Ito ang asal ng mga taong marunong sumunod, marunong makisayaw at umindayog sa kalooban ng Diyos. Tulad ng isang batong malambot, hindi siya bumubulusok sa kawalan at kalaliman. Siya ay dahan-dahang nakikisayaw sa indayog ng tubig. Siya ang taong masunurin na ang buong pusong pakay, ay hindi lamang magwika, bagkus gumawa, ayon sa kalooban ng Diyos.

Ito ang aral ng mabuting Kristiyanong asal para sa mga taong dati-rati ay walang alam kundi puro angal at pagsalungat sa pangaral ng Diyos!

Advertisement

ANO BA ANG ATING HANAP?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Setyembre 18, 2008 at 18:26

Ika-25 Linggo ng Taon(A)
Septiembre 14, 2008

Mga Pagbasa: Is 55:6-9 / Filipos 1:20c-24,27a / Mt 20:1-16

Ang mga pagbasa natin ay nagsisimula sa isang pang-araw araw na karanasan. Lagi tayong naghahanap ng kung ano man. Ang buhay ay tila isang mahabang pagtugis sa pinakamahalagang katotohanan. Ito ang makabagbag damdaming panalangin ni San Agustin: “Hindi mapakali ang aming puso Panginoon, at hindi ito malalagay sa tahimik hanggang hindi ito nananatili sa Iyo.”

Puede natin matagpuan o masumpungan ang lahat ng ating inaasam at hinahanap. Kung naghahanap tayo ng makamundong bagay, panandaliang kasiyahan ang ating nakakamit. Subali’t batid natin lahat, na matapos natin matanggap o makuha ang hanap, balik na naman tayo sa simula. May iba na naman tayong hahanapin at aasamin.

Sa unang pagbasa, paalaala sa atin ni Isaias kung ano o sino ang dapat higit na tugisin at hanapin: “Hanapin ang Diyos, habang Siya ay masusumpungan pa.” Sa madaling salita, sinasabi niya na ang panahon na nakalaan sa atin ngayon ay dapat gugulin sa paghahanap ng Siyang humihigit sa lahat, sa Kaniyang lampas ang kahalagahan sa lahat ng bagay o tao sa daigdig.

Ang lahat ng ito ay may kinalaman sa wastong hanay ng pagpapahalaga. Ito rin ang diwang napapaloob sa panulat ni San Pablo. Bagama’t mahalaga ang buhay makamundo, bagama’t may saysay ang buhay pang katawan, at bagama’t dumarating ang panahon na mahirap mamili sa dalawa, malinaw niyang sinasabi na ang lahat ay pumapasailalim sa kadakilaan ni Kristo. Si Kristo lamang ang sukdulan ng kahalagahan. Ang buhay niya ay walang ibang saligan liban kay Kristo, at pati na rin ang kamatayan ng katawan ay daan para makapiling si Kristo. Kahit malinaw na hindi niya minamaliit ang buhay sa mundo, minamatamis niya ang makapiling si Kristo nang higit sa lahat, higit pa sa buhay sa daigdig.

Sa kanyang mga kataga, malinaw na ang hanap niya nang higit sa lahat ay ang Panginoon at ang buhay kapiling niya.

Subali’t ang lahat ng ito ay nagbubunga ng isang katanungan para sa atin. Tayo ba ay pinahahalagahan din ng Diyos? Kung tayo ay ganuon na lamang ang paghahanap sa kanya, tayo ba ay kanya ring pinahahalagahan?

Ang talinghaga tungkol sa taong naghanap ng magtatrabaho sa kanyang  ubasan ay malaking paliwanag sa katanungan natin. Oo, naghahanap din ang Diyos para sa atin. At hindi lamang ito, ang kanyang pagtingin sa atin ay pantay-pantay … walang lamangan, at walang pagtatangi.
Normal na isipin natin na ang pasuweldo sa mga naunang magpagal ay dapat na higit kaysa sa mga nahuli sa pagpapagal. Subali’t malaking gulat natin nang malamang ang bigay ng may-ari sa nauna at nahuli ay pareho lamang.

May isang mataginting na turo ang lahat ng ito. Maari natin tanungin ang sarili natin: “Ano pa talaga ang aking hanap?” “Ano ba talaga ang ating pinag-aasam-asam? Kung ang hanap natin ay material na bagay, natural na tayo ay mabibigo at malulungkot sa ating tatanggapin. Hindi kailan man tayo masisiyahan sa kaunti, sa kapantay ng tinanggap ng mga taong huli na ang lahat nang sila ay magsimulang magpagal. Parang isa itong kawalan ng katarungan.

Subali’t kung ang hanap natin ay ang Diyos at ang kanyang kalooban, masisiyahan tayo sa anumang kanyang kaloob, sapagka’t sa kabila ng lahat, ang tunay niyang kaloob ay ang kaniyang sarili, ang kaniyang pag-ibig.

Tama si San Agustin. Maaarin tayong maghanap ng napakaraming bagay. Nguni’t tanging Diyos lamang ang siyang makapagpupuno ng pagkukulang na malalim sa ating pagkatao. Wala nang iba.

Hanapin natin Siya, habang Siya ay matatagpuan pa.