frchito

Archive for Marso, 2014|Monthly archive page

AMPAW NA, BULAG PA!

In Catholic Homily, Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Marso 28, 2014 at 11:42

man-born-blind1
Ika-apat na Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 30, 2014

AMPAW NA, BULAG PA!

Ewan ko ba kung bakit biglang naging uso uli ang ampaw. Pagkain namin yan noong araw, kasama ng choc-nut (na malaki pa at nakabubusog!) at balicucha (o tira-tira) na wala na ngayong pumapansin. Iba na ang gusto ng mga bata ngayon … kundi burger (burjer!) ay Mang Inasal o Starbucks!

Hindi na rin uso ang taguan kapag madilim na gabi, o tumbang preso kung maliwanag ang buwan. Wala na rin ngayong naglalaro sa labas ng bahay, at lalu na sa gabi kasi … bakit ka nga naman magtatakbo at magpapalaban ng gagamba kung puede namang mag Dota, o mag- candy crush, o mag-Flappy Bird!

Maraming ilaw sa ating panahon. Pero maraming bulag. Maraming pailaw ngayon kahit saan, lalu na yung galing sa mga posteng may letra pa ng mga pangalan ng ewan, na napapalitan naman tuwing 6 o 9 na taon! Pero marami ang bulag sa katotohanang wala na ni isang matinong bangketa sa buong Pilipinas. Nabarahan na ng mga pailaw ni Mayor o ni Congressman.

Marami ring pailaw ang COA. Marami raw silang nadidiskubreng anomalya. Pero tila bulag pa rin ang kinauukulan. Tatlo lamang ang kanilang idinidiin. At lalong bulag ang mga botante. Patuloy silang bumoboto sa mga tiwali, basta ba’t namimigay kapag piyesta, at nagpapasaya tuwing Pasko!

Kay daming liwanag sa ating panahon, subali’t kay rami ring kadiliman. Kay raming puedeng pagkunan ng sagot sa mga katanungan, subali’t kapag ang sagot ay hindi sang-ayon sa aking inaasahan, ay hindi ko tinatanggap. Kay raming kaalaman, subali’t kay rami ring kamangmangan. Kay raming karangyaan, pero kay rami rin kadayaan at kasakiman.

Hindi … hindi ko tinutukoy lamang ang mga nasa posisyon. Ang unang-unang tinatamaan sa aking sinasabi ay ako … ikaw … sila … tayong lahat.

Bulag rin ang mga taon noon sa lumang tipan. Hindi nila akalaing ang pinili ng Diyos ay ang hindi pinapansing pastol na si David. Ang liwanag ng kalooban ng Diyos ay nakatuon kung saan puro kadiliman ang nakita ng tao. Sabi rin ni Pablo na “dati ay nasa kadiliman tayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag.”

Bulag rin ang mga Pariseo. Pinagaling na’t lahat ang lalaking isinilang na bulag ay panay pa rin ang tanong sa kanya nang paulit-ulit at mga tanong na ayaw naman nila makita ang sagot. Bulag ang mga taong walang pakundangan sa liwanag. Mas bulag ang taong nagbubulag-bulagan, at higit na mahirap gamutin ang taong nagsasakit-sakitan.

Pero lumalabas na ang isinilang na bulag ay may nakikitang liwanag na nalingid sa mga ayaw maniwala. Siya lamang ang nagsabi ng malinaw niyang nakita: “Isa siyang Propeta.”

Mahirap ang bobo na nagdudunung-dunungan. Mahirap gisingin ang taong nagtutulog-tulugan. Mahirap ang taong mas gusto pang manatili sa dilim, kaysa sa liwanag.

Para silang ampaw. Puro porma, wala namang laman. Puro hechura, wala namang hiratsa! Parang mga Pariseong wagas na ampaw na panay ang imbestigasyon sa pobreng bulag, pero ayaw naman nila makita ang totoong nagsusumigaw sa kanilang harapan. Ampaw na, bulag pa!

Bilib at saludo ako sa bulag. Marami siyang alam at lalung maraming nakita sapagkat hindi matang pisikal ang kanyang gamit, kundi ang mata ng pananampalataya, mata ng puso, matang mapagmatyag, at mapag-kilatis, at alam tukuyin kung ang kausap niya ay isa lamang ampaw, o isang propetang nagsabi sa kanya: “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo.” Siya ay hindi ampaw, kundi kaligtasan ng sanlibutan!

O ano? Mamili ka … kwarta o kahon? Hindi! Ampaw o ilaw? ILAW!

Advertisement

DARATING, DUMATING. NGAYON NA!

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Marso 21, 2014 at 12:42

woman_at_the_well

Ikatlong Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 23, 2014

DARATING. DUMATING. NGAYON NA!

Ni hindi pinangalanan ang babaeng Samaritana. Sino nga ba ang kailangan ng pangalan kung ang masama mong reputasyon ay nauna na sa iyo? Di ba ganyan ang buhay? Kapag napag piyestahan ka na sa tsismis, hindi na kelangang pangalanan pa. Sapat na na ikaw ay tawaging “ basagulero,” “kriminal,” “mandurukot” atbp.

Napagod si Jesus at nauhaw. Umupo sa tabi ng balon, At sa darating naman ang babae. Kinausap ni Jesus. Kapag may awa at habag, hindi na kailangan tanungin kung sino. Kapag gusto mo tulungan ang nangangailangan, hindi na kailangan ng birth certificate. Kapag may naghihintay ng tulong, awa, at kalinga, hindi na titingnan ang ID.

Ganito ang habag ng Panginoon. Alam niya na kailangan ng tulong ng babae. Hindi na mahalagan kung meron siyang voter’s ID. Ganito magmahal ang Diyos. Ganito siya maghatid ng patawad. Hindi namimili. Hindi humihingi ng patunay na ikaw nga ay taga siyudad ng Samaria.

Pero alam niya. Alam rin niya ang ating style. Mahilig magpalusot. Mahilig maghanap ng butas para tumakas. Nagdulot si Jesus ng tubig na buhay, nanatili ang babae sa tubig ng balon. Mababaw. Nagwika si Jesus tungkol sa mga bagay na espiritwal, patuloy na nanatili ang babae sa bagay na makamundo.

Para tayong lahat mga Samaritana. Kapag medyo nasusukol, nagtatanong tayo ng mga tanong na walang kinalaman sa usapan. Napuntirya niya ang tunay at wastong pagsamba. Pero iniwasan niya ang usapin tungkol sa kanyang limang asawa. Nagwika si Jesus sa tubig na walang hanggan. Nanatili siya sa usapan ng paraan para makapagkabit ng hose para hindi na siya sumalok sa balon.

Mababaw. Mapaglihis. Mapaglinlang … tulad ng mga senador na buking na, pero maraming dahilan, maraming rason, at lalung maraming pinagtututuro, tulad ni Adan at Eba, na walang ginawa kundi magturo at magbintang at ang ahas ang pinagdiskitahan at pinagbuntunan!

Di ba tulad rin tayo ni Moises? Nang nakatikim na ng hirap, uhaw, pagod at gutom sa ilang ay nagtanong nang walang pakundangan sa Diyos: Bakit mo kami dinala rito sa ilang? Ito ba ay para ako at ang lahat ng kasama ko ay mamatay sa uhaw at gutom?

Ito siguro ang dahilan kung bakit nakuha rin ng Diyos na umangal: Kung ngayon kayo ay makikinig sa tinig ko, huwag patigasin ang inyong mga puso!

Pero hindi lahat ay tulad ng mga nagtaingang kawali. Sa Pablo na dati ay Saulo na mabangis na taga-usig ay nakinig sa pamamagitan ng puso at hindi lamang ng kaisipan. Sinabi niya: “Sa pamamagitan ng pananampalataya, tayo ay itinuring na makatarungan at nasa kapayapaan ng Diyos.” Hindi siya nagmatigas. Hindi siya nanatiling sa gawang masama. Nagbalik-loob siya.

Ito ang turo sa atin ngayon. Kahit ang taong walang dangal sa harap ng iba, kahit ang babaeng hindi man lamang pinangalanan ay may dangal sa harapan ng Diyos. Ito ang ipinunta ni Kristo sa lupa. Ito ang kanyang kaloob – kaligtasan.

Kahit na tayo ay mapaglihis, mapanlinlang at matigas ang ulo, mahal pa rin tayo ng Diyos, tulad nang minahal niya ang Samaritana.

At ito ang mahalagang turo niya: Darating ang araw. Dumating Na. Ngayon na.

Huwag na sanang magpatumpik-tumpik pa. Hala … Tayo na’t makinig gamit ang puso, hindi ang isip. Darating ang araw ng kaligtasan. Dumating Na. Huwag magmatigas ng puso at damdamin. Tanggapin ang awa at habag ng Diyos. Ngayon na. Sapagkat ngayon ang tamang oras ng kaligtasan.