frchito

Archive for Mayo, 2009|Monthly archive page

PAGLISAN O PANANATILI?

In Uncategorized on Mayo 22, 2009 at 20:48

jesus-ascension2
Pag-akyat ng Panginoon sa Langit(B)
Mayo 24, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 1:1-11 / Efeso 1:17-23 / Marco 16:15-20

Araw-araw, libo-libong Pinoy ang lumilisan, nagpapaalam, at nagtatagubilin sa mga kamag-anak na naiiwanan. Sa kabuuan, may 10 bahagdan ng populasyon ng buong bansa ang nasa banyagang lugar upang magpagal at magpaanyo para sa kinabukasan ng kanilang pamilya.

Iisa lamang ang kahulugan nito na may kinalaman sa pista natin sa araw na ito – ang pag-akyat ng Panginoon sa langit at pagluklok niya sa kanan ng Ama. Sanay o bihasa ang Pinoy sa paglisan. Bihasa ang Pinoy na mangibang-bansa, makipagsapalaran, at lisanin ang kanilang mahal sa buhay.

Isang pang-araw-araw na pangitain sa mga paliparan natin ang tanawing ito – ang mag-anak na sama-sama sa huling pagkakataon upang magpaalam sa isa’t isa. At sa pagpapaalam na ito, matindi ang mga huling habilin, ang mga paalaala sa mga bata, ang mga huling utos, kumbaga, at mga matinding mga tagubilin lalu na sa mga musmos na maiiwan.

Madaling isipin na ang pista natin sa araw na ito ay walang iniwan o walang kaibahan sa larawang ito ng huling pagtatagubilin ng isang ina o ama sa kanyang mga anak.

Ito ay totoo … nguni’t hindi ganap na totoo. Ito ay isa ngang tunay na pagpapaalam nguni’t ito ay higit sa isang pagpapaalam. Hindi ito isang makabagbag-damdaming paglisang ganap na para bagang wala nang kinalaman ang Panginoon sa kanyang mga iniwan.

Hindi ito katumbas ng isang “mi ultimo adios” ni Jose Rizal. At lalong hindi na ito ay may kinalaman sa isang listahan ng mga habilin na dapat isapuso, isaisip, at isadiwa ng mga lilisanin.

Ang pag-akyat ng Panginoon sa langit ay hindi isang paglisan ayon at katulad sa ating kaalaman at karanasan. Ang pag-akyat ng Panginoon ay isang bagong uri ng pananatili … isang pananatiling hindi nakatali sa pisikal na anyo ng muling nabuhay na si Jesus, ni hindi nakatuon sa pangkatawang pananatili ng Panginoon, kundi isang pananatiling nagpapalawig, nagpapalawak, at nagpapalalim ng kanyang pananatiling mapangligtas sa piling ng kanyang bayan.

Sa paglisan ng isang ina o ama mula sa Pilipinas, tagubilin at habilin lamang ang nag-uugnay sa lumisan at iniwanan. Hindi maipagkakailang wala ang magulang at nasa malayo. Kahit na araw-araw mag-text, o tumawag gabi-gabi sa telepono gamit ang nausong mga phonecard, hindi maipagkakailang nagkalayu-layo ang mag-anak, at walang anuman ang maaaring magbigay ng extension, ika nga, sa taong lumisan.

Ang pag-akyat ng Panginoon ay hindi ganito. Sa kanyang pamamaalam, lalung lumawig ang pananatili ng Diyos sa piling natin … higit sa lahat, dahil sa pananatilin ng Espiritu na nagbubunsod sa mga disipulo upang maging saksi ni Jesus at tagapaghatid ng magandang balita.

Ang pagiging saksi ni Jesus ay walang kinalaman lamang sa mga huling habilin. Ito ay isang paghamon na bunsod ng isang natatanging kaloob – ang pagbaba ng Espiritu Santo. Ang pag-akyat ni Jesus ay nangahulugang muling pagbaba ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, na may kaakibat na mga kaloob na siya namang magpapalawig sa katawang mistiko ni Kristong muling nabuhay.

Ang paglisan ni Jesus ay hindi madamdaming pamamaalam … Ito ay pagpapanibago ng kanyang pananatili sa ibang paraan sa piling na kanyang bayan. At ang kanyang pananatiling mapagligtas, ay hindi na lamang mahihinuha at makikita sa kanyang paggawa ng mga milagro at pagpapagaling sa Judea, Samaria, at Galilea at sa iba pang lugar. Ang pag-akyat ni Jesus ay nangahulugang ang magandang balita ng kaligtasan ay hindi na lamang niya tungkulin. Naging tungkulin ito at misyon ng buong simbahan, ng mga disipulo at mga tagasunod ni Kristo. Ang paglisan niya ay pagpapanibagong uri ng kanyang pananatili sa pamamagitan ng dakilang gawain ng pagpapahayag ng magandang balita ng kaligtasan.

WALANG PAGTATANGI, WALANG PASUBALI, LUBUSANG PANANATILI

In Cornelio, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pag-ibig, Panahon ng Pagkabuhay, Sampung Utos ng Diyos, San Pedro, Taon B on Mayo 16, 2009 at 21:48

110_04_0265_BiblePaintings
Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay(B)
Mayo 17, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 10:25-26, 34-35, 44-48 / 1 Juan 4:7-10 / Juan 15:9-17

Mahirap maunawaan kung minsan kung bakit sa mga lansangan natin, tila may mga paboritong “hulihin” at bigyan ng tiket ang mga pulis trapiko. Mahirap din unawain kung bakit sa ilang lugar sa Kamaynilaan, may mga masisipag na pulis na kung kailang Linggo at gabi at madilim ay noon naman sila nagsisipag at nagtatago sa kadiliman upang maghanap ng mga tsuper na may gawang paglabag sa “batas trapiko.”

Alam ko … di miminsan akong “nahuli” ng mga masisipag na alagad ng batas (kuno) sa lugar at oras na di mo aasahang may nagmamalasakit (daw) sa batas!

Pagtatangi … ito ang saloobing mahirap maunawaan at tanggapin … ang kondisyon ng niloloob ng taong may kapangyarihan na tumingin sa iba at tumitig naman sa iba pa. May tinitingnan, ika nga, at may tinititigan.

Pumunta kaagad tayo sa unang pagbasa at unang malinaw na liksyon ng pagbasang nabanggit. “Walang itinatangi ang Diyos,” ani San Pedro. Walang kaibahan ang Kanyang tinitingnan at ang Kanyang tinititigan. Iisa at pareho at pantay-pantay ang tingin niya sa mga taong pawa niyang mahal. Si Pedro ay isang ganap na Judio, hindi isang katumbas ng tawag natin ay mestizo. Dalisay siyang isang Hebreo. Nguni’t si Cornelio ay hindi Judio. Isa siyang Hentil, isang pagano, na walang ni hibla ng kaugnayan sa Judaismo. Subali’t hindi itinangi at pinagtangghan ni Pedro ang kahilingan ni Cornelio upang mabinyagan.

Nasa larangan tayo ng mahalagang usapin ng pag-ibig ng Diyos. Di miminsan sumagi sa puso natin na tayo ay tinitikis ng ibang tao. Hindi pantay ang trato sa atin ng ibang tao. Di kakaunti sa aking mga tagabasa ang nakaramdam sa tanang buhay nila na sila ay maaaring itinangi o ipinagpalumagay na mababa ng ilang tao. Di rin kakaunti sa aking mga tagabasa ang nakaramdam rin ng pagtatangi o pagturing sa ibang tao bilang hindi kapantayng ating dignidad, o kakayahan, o katalinuhan.

Lahat tayo ay makasalanan … lahat tayo ay nagtatangi. Hindi lubos na pantay pantay ang pagtingin natin sa ibang tao. Mayroon tayong normal o natural na pagkiling sa iba o pagsiphayo sa iba namang tao na hindi natin gusto.

Isang palaisipan sa atin ang unang liksyong ito. Ito rin ang idinidiin ng tugon matapos ang unang pagbasa: “Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.” Sa tanan … sa lahat … saanman … kailanman … Ito ang walang pasubaling pag-ibig ng Diyos na ipinamalas ni Kristong nagpakasakit, namatay, at muling nabuhay.

Ako ay isang guro sa loob ng nakalipas na 32 taon. Alam ko ang aking sinasabi sa larangang ito. Napakahirap ang maging patas sa lahat. Napakarihap ang ituring ang lahat bilang pantay-pantay. Ang karupukang makatao, malimit ay humahadlang sa tama at pantay-pantay na pagturing at pagtingin sa lahat. Noong ako ay Principal sa isang malaking paaralan 23 taon na ang nakalilipas, napakadaling mapadala sa mga pabor na kusang lumalapit sa akin. Napakadaling mapadala rin sa natural na kilos ng puso at damdamin upang higit na pahalagahan ang mga matatalino, ang mga kaaya-aya ang hitsura, ang mga batang masunurin.

Inaamin ko na madaling mahalin ang mga taong dahil sa maraming dahilan ay kaaya-aya at kaibig-ibig sa mula’t mula pa.

Subali’t ang paalaala sa atin ay malinaw pa sa sikat ng araw … ang pag-ibig ng Diyos ay walang pagtatangi, walang pasubali.

Mahirap mahalin ang mga madadayang politico at namumuno sa bayan na walang hinanap kundi sariling kapakanan. Mahirap makaramdam ng maigting na paggalang at pitagan sa mga taong kasuklam-suklam dahil sa katiwalian. Madali ang magpadala na lamang sa kawalang pag-asa, sa pagsuko sa kamalian, at sa pagwawalang-bahala na lamang at sukat.

At dito pumapasok ang isa pang matibay na aral ng liturhiya natin sa araw na ito. Makabagbag-damdamin ang hiling at utos ni Jesus sa atin …. “manatili kayo sa aking pag-ibig.” Paano ba natin magagawa ito? Alam na natin ang sagot … Hindi lamang mahirap … Imposible ito …. Imposible ang magpatawad. Imposible ang magmahal sa taong kasuklam-suklam, sa taong nagpahirap sa atin, at nagbigay ng matinding suliranin sa buhay natin. Imposible ang magmahal sa mga taong sa tingin natin ay sobra na ang panlalamang o panlalait o pag-aalipustang ginawa sa atin.

Sa ganang makataong kakayahan lamang … imposible nga. Walang kaduda-duda. Subali’t sa ganang kapangyarihan ng Diyos mula sa itaas, kaya natin ito. Kung nakaya ni Pedro na mapusok at madaling magalit, na tumanggap kay Cornelio, kaya natin ito… sa tulong at awa ng Diyos.

Pero hindi lamang ito ayon sa daloy ng biyaya mula sa itaas. Mayroon din tayo dapat puhunan. Mayroon din tayong karampatang tungkulin sa kanya … ang manatili sa kanyang pag-ibig … ang manatiling kaugnay at kaakibat ng Diyos, tulad ng sinabi niya sa atin noong nakaraang Linggo … ang kahalagahan ng pagiging karugtong tuwina, tulad ng sanga sa puno, tulad ng mga ubas na hindi mamumukadkad kung hindi ito galing sa sangang nakaugnay sa puno.

Mahirap ang pangaral na ito… Hindi lamang mahirap, bagkus imposible. Nguni’t imposible lamang ito kung hindi natin isasapuso, isasadiwa at isasabuhay ang kanyang paanyaya sa atin sa araw na ito: “Manatili kayo sa aking pag-ibig.”

Sa makataong pamamaraan at takbo ng isipan, wala tayong sapat na kakayahan upang iahon ang sarili mula sa lusak ng pagkamakasarili at kawalang-kakayahan. Nguni’t sa tulong mismo ng Diyos na naparito sa piling natin, ang pag-ibig na walang pagtatangi, walang pasubali, ay hahantong sa tulong rin Niya, sa isang lubusang pananatili sa Kanyang piling.

Ang Eukaristiyang ito ay garantiya, pangako, at katuparan ng katotohanang unti-unting nagaganap na sa buhay natin – pag-ibig na walang pagtatangi, walang pasubali, at lubusang pananatili sa biyayang dulot Niya kay Kristo. Tunay ngang “Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.”