frchito

Posts Tagged ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’

TINAPAY NA KALOOB; LUWALHATING NILOLOOB

In Uncategorized on Agosto 4, 2012 at 11:57

Image

Ika-18 Linggo ng Taon B

Bihasa tayong lahat mag-reklamo. Reklamo tayo kapag hindi nangyari ang gusto natin. Reklamo tayo kapag naparam ang balakin natin. Panay ngayon ang reklamo ng mga drayber saan mang dako ng Pilipinas. Ang trapiko ay hindi gumagaan saan ka man dumako sa bayan natin.

 

Reklamo ng mga guro ang kakulangan ng silid-aralan. Reklamo ng mga trabahador ang kulang na sweldo. At reklamo ng mga negosyante ang higit pang mga hinihingi ng mga trabahador.

Walang masama sa ating mga reklamo. Ang pag-angal ay tanda ng kagustuhan natin makamit ang wasto, ang tama, ang higit pa, ang nararapat. Walang masama sa ginawa ng mga Israelitang nagreklamo kay Moises na walang mamalam gawin upang mapatahimik ang mga taong nagdobleng-isip kung bakit sila lumabas pa ng Egipto.

Marami rin tayong reklamo ngayon. At sa likod ng mga ito ay ang kagustuhan nating makamit ang kasaganaan, ang kawalang kakulangan sa anuman, ang buhay na kaaya-aya at ganap … buhay na kumbaga ay wala ka nang hahanapin pa.

Marami sa mga tao ang galit sa Simbahan dahil sa pagsusulong ng Pro Life. Hindi sila galit sapagka’t isinusulong ito ng simbahan. Galit sila sa hindi nila lubos na nauunawaan, na para bagang ang Simbahan ay paki-alamero, walang puso, at nanghihimasok sa buhan ng may buhay.

Akmang akma ang sinabi ng Panginoon sa mga galit rin kay Moises: “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ng Panginoon.”

Subali’t madaling masilaw sa pangako ng material na kasaganaan. Nguni’t alam nating lahat na walang nagtatagal sa buhay sa daigdig. Ang lahat ay naaagnas, nasisira, nabubulok. Mayroong hanay na pagpapahalagang higit pa sa pagpapahalagang makamundo.

Ako man ay hindi masaya sa dami ng problema ng Pilipinas. Napakaraming mga batang walang alam. Napakaraming naglipana sa lansangan, hindi nag-aaral, at bata pa man, ay naghahanap-buhay na. Hindi ako masaya na parami nang parami ang mga dukha.

Subali’t ang solusyon na naiisip natin ay laging pang ngayon lamang at dito. Hindi natin naiisip ang panghinaharap, ang pang sa walang hanggan, ang buhay pang kaluluwa, at ang mga pagpapahalagang pang espiritwal, na higit pa sa mga pagpapahalagang pang dito at ngayon lamang.

Paala-ala sa atin ni Pablo: “huwag na kayong mamuhay nang gaya ng mga Hentil.” “Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang bagong makita sa inyo ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng kanyang katwiran at kabanalan.”

Bilang isang edukador, alam ko kung gaano kahirap ang isulong ang ganitong hanay ng pagpapahalaga. Mas madali ang pauntiin ang tao. Mas madali ang pigilang mag-anak ang mga dukha. Mas madali ang bigyan sila ng pangpigil sa pag-aanak, sa ngalan ng kalusugan.

Nguni’t sa buhay natin, iba ang busog, at iba ang ganap na tao ayon sa kaniyang pagiging larawan at wangis ng Diyos.

 

May pagkaing makamundo at may pagkaing makalangit. Mahirap man tanggapin ngayon, ang isinusulong ng Simbahan ay hindi lamang pang-ngayon at pang-dito kundi pang sa buhay na walang hanggan.

 

At ayon sa turo ng Panginoon ngayon, dapat nating isipin higit sa lahat ang pagkaing naghahatid sa buhay na walang hanggan, tungo sa buhay na ganap at kaaya-aya.

 

Huwag sana tayon matakot manindigan para sa pagpapahalagang hindi lamang pang naririto at pangkasalukuyan. Tingnan sana natin ang buo at ganap na kapakanan ng tao, bata, matanda, isinilang na o hindi pa isinisilang!

 

Tumingala nawa tayo sa tinapay na kaloob, at bigyang pansin at diin ang luwalhating niloloob at minimithi. Ito ang dulot ng Eukaristiya – pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan.

Advertisement

BISA NG SALITA, SA BUHAY NG SUMASAMPALATAYA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A, Uncategorized on Oktubre 26, 2011 at 10:04

Ika-31 Linggo ng Taon (A)
Oktubre 30, 2011

Mga Pagbasa: Malaquias 1:14-2:2 / 1 Tes 2: 7-9.13 / Mt 23: 1-12

Lima singko ang salita ngayon … murang-mura … ilako man o hindi; bilhin man o langawin, patung-patong, susun-suson, laksa-laksang mga salita ang naririnig, binibigkas, pinakakawalan sa cyberspace, sa internet, sa radyo, sa mga pahayagan, at sa TV. Higit pang dumadami ang mga ito sa mga araw ng halalan. Panay ang pangako sa bayan … pandalas sa siraan at hagisan ng mga paratang at mga haka-haka, siraan, tuyaan, bintangan, at lahat ng uri ng maling paggamit ng salita upang malamangan lamang ang kalaban sa politika.

34 na taon na ako nagtuturo. Sapul sa aking pagtatapos sa Kolehiyo, ako ay isa nang ganap na edukador, at iba pa. Puhunan ko araw-araw ang salita, maging sa panulat o sa pagbigkas, bilang guro, predikador, manunulat, o tagapayo. Sanay ako sa salita. Bihasa ako sa paggamit ng mga kataga. At higit sa lahat, ayon sa aking mahaba nang karanasan, mabisa ang salita … matalas … matalim … mapanuot … mapanuri … makapangyarihan.

Bilang isang probinsyano na isinilang sa isang maliit at tahimik na bayan ng Mendez, Cavite, isa akong bagong saltang sano, kumbaga, sa siyudad bilang isang 6 na taong gulang na bata. Nang kami ay bagong lipat sa Makati, may mga taong nagtataka siguro sa aming punto, sa pambihira naming mga salitang gamit, at nagtatanong kung taga-saan kami. Sa maraming pagkakataong sinagot kong “Cavite,” ang kagya’t nilang tugon ay “Ah, maraming tulisan doon sa inyo.”

Mapanudlo ang salita, mapanudyo … matalas at masakit … tumitiim sa bagang, sa kaibuturan ng puso ng isang batang walang kamuang-muang! Hindi ko maunwaan kung bakit ganuon na lamang ang tingin nila sa aming lalawigan. Nagising ako sa isang bayang magkakakilala ang lahat, kung saan may bigayan, may tulungan, at may matinding samahan. Wala akong kilala ni isang tulisan sa aking bayan.

Matindi ang salitang banggit ng iba. Mapanira at mapanlait … mabisa at makapangyarihan sa pagbasag ng katiwasayang pangkalooban ng nakaririnig.

Bilang isang edukador at guro sa loob ng mahabang panahon, batid kong ako man ay nakasakit, nakapagpababa ng pagtingin sa sarili, sa mga sandaling balisa ako o puno ng mga suliranin. Bagama’t hindi ko na mababawi ang aking mga sinabi, alam kong ito ay dapat maging liksyong aral para sa akin at sa iba, na ang kataga ay may angking kapangyarihang likas sa salita.

Hindi ko makalimutan ang isang kwento tungkol sa isang batang babae na pingas ang bibig, ngiwi … Isinilang siyang may butas sa bibig, at dahilan upang siya ay taguriang pangit. Minsan siyang tuksuhin at tuyain … pagtawanan at libakin, at hamakin ng mga walang pingas ang mukha. Mababa ang tingin niya sa sarili …

Hanggang sa dumating sa buhay niya ang isang napakagaling na guro … Isang araw, gumawa siya ng isang laro sa silid-aralan. Tumayo siya sa may lagusan ng silid, sa may pinto, ay pabulong siyang nagsasalita. Paligsahan ang ipinagawa niya sa lahat ng bata, pinahuhulaan kung ano ang kanyang binibigkas nang tahimik, at ipinababasa niya sa kanyang mga labi ang anumang kanyang sinasabi. Nang dumating na ang turno ng batang pingas na tinawag na pangit, ang kanyang bulong ay walang iba kundi ito: “Sana, ikaw ay aking sariling anak!”

Nabuhayan ang bata … nagising sa katotohanang hatid ng makapangyarihang kataga!

Nais kong isipin na ang pahatid ng mga pagbasa ngayon ay may kinalaman sa bisa ng salita, lalu na ang Salita ng Diyos!

Subali’t paano ba magkakabisa ang kataga? Ano raw ba ang batayan ng kapangyarihang pinanghahawakan ng Salita ng Diyos?

Ito ang marahil ay ang kulang sa recipe ng ating buhay. Puno tayo ng salita. Nalulunod tayo sa salita mula sa internet, twitter, facebook, TV, radyo, iPod, iPads, at anupang kung tagurian ay tablets. Panay ang daluyong ng mga salita sa buhay natin.

Tulad ng dinanas ng mga Israelita! Nguni’t ano ang kulang? Walang iba kundi ang pagsasakatuparan. Ito ang babala ni Malaquias: “Lumihis kayo sa daang matuwid, kayong mga saserdote! Dahil sa inyong turo, marami ang nabulid sa kasamaan. Sumira kayo sa ating tipan.”

Kwento nating lahat ang ito. Lahat tayo sa naging salawahan. Lahat ay nagbingi-bingihan sa wika ng Panginoon … Lahat tayo ay nagtaingang-kawali sa kanyang pangaral.

Nguni’t ang Salita ng Diyos ay hindi lamang mapanudyo, mapanudlo, at mapanuri. Ito man ay naghahatid ng isang panibagong lakas upang maisakatuparan ang nilalaman. At ito ay magaganap kung tatanggapin natin ang Kanyang Salita at lalakipan ng pananampalataya.

Lahat tayo ay tulad ng mga Eskriba at Pariseo. Sanay sa wika…. Bihasa sa kataga … at lunod na lunod sa mga pananalita. Nguni’t ito ang problema. Ang salita, na walang kaakibat na pananampalataya, ay hindi namumunga … hindi nauuwi sa paggawa … Kung ang salita natin ay tulad ng mga hungkag na pangako ng mga politico, wala itong uuwiin, walang sasapitin, walang patutunguhan.

May pag-asa pa kaya tayo? Ito ang dahilan kung bakit tayo narito. Hindi tayo ganap. Hindi tayo mga banal pa. Hindi tayo eksperto sa lahat ng bagay. Ngunit ang taong may pananampalataya ay may angking kakayahang galing sa itaas upang maitawid sa buhay ang namumutawi sa ating mga labi. Gaya nga ng sinulat ni San Pablo, nagpapasalamat siya sapagka’t nakuha ng ilang mga taga Tesalonika ang kaya rin nating gawin kung tayo ay handang tumalima sa hinihingi ng pananampalataya: “Nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, tinanggap ninyo ito bilang tunay na salita ng Diyos, at hindi ng tao. Anupa’t ang bisa nito’y nakikita sa buhay ninyong mga sumasampalataya.”

May bisa ba sa buhay natin ang Salita ng Diyos? Kung may kulang, tingnan natin ang nilalaman ng pananampalataya natin.