frchito

Archive for Marso, 2008|Monthly archive page

PAKIKIBAGAY, PAKIKIBAHAGI, PAKIKISANGKOT

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Marso 1, 2008 at 14:47

Ika-4 na Linggo ng Cuaresma
Marso 2, 2008

Mga Pagbasa: 1 Sm 16:1b,6-7, 10-13a / Efeso 5:8-14 / Juan 9:1-41

Liwanag at kadiliman ang paksa ng mga pagbasa sa araw na ito. Ito ang katotohanang malaon nang paksa at palaisipan magmula ng kumitang liwanag si Eba at si Adan. Liwanag ng pagkilatis tungkol sa kalooban ng Diyos ang ikinikintal ng unang pagbasa. Malinaw kay Samuel kung sinong pinuno ang napusuan ng Diyos – si David, na siyang binuhusan ng langis at itinanghal bilang hari.

Pagtatagubilin laban sa iba ibang uri ng kadiliman ang sulat ni Pablo sa mga taga Efeso. Nauulinigan pa natin ang mataginting na tagubilin: “Mabuhay bilang mga anak ng liwanag.”

Sa ebanghelyo naman, ang salaysay tungkol sa isang lalaking isinilang na bulag ay ginamit ni Jesus upang magbigay ng ilang mga mahahalagang pangaral tungkol sa tunay na kabulagan, pagbubulag-bulagan, at pagsasabulag sa buhay ng bawa’t tao sa daigdig.

Sinimulan ng Apple computers ang WYSIWYG – what you see is what you get. Kung ano ang nakikita mo ay siyang napapala mo. May kinalaman ito sa ating pamumuhay noon, ngayon, at bukas. What you see is what you get…

Ito ang dahilan kung bakit pinagtutuunang pansin ang paningin natin ng liturhiya sa araw na ito. Ito ang dahilan kung bakit lubhang kailangan, na tulad ni Samuel, ay magkaroon tayo ng isang kakaibang uri ng pagkilatis, pagkilala, at pagtingin sa mga bagay-bagay sa daigdig at sa buhay sa daigdig na ito. Ito ay sapagka’t kung ano ang tingin, ay siyang tuntunin … kung ano ang turing, ay siyang gawain.

Depende o batay sa ating nakikita, tayong lahat ay mauuwi sa pakikibagay, pakikibahagi, at pakikisangkot. Kung ang tingin natin sa pandaraya ay hindi masama, kung ito ay may kinalaman sa paglilingkod publiko, kung ang ano mang uri ng katiwalian ay “kalakaran” na sa gobyerno, tayo ay makikisawsaw, makikisangkot, makikibahagi, at makikibagay sa takbo o kalakarang tiwali.

Ito ang pagbubulag-bulagan. Ito ang pagtatakip ng mata, tenga, at bibig sa harap ng kasalanan.

Ito ang kultura ng lipunang Pinoy sa ating panahon. Ito ang kalakaran sa ating lipunan sa panahon natin ngayon. Talamak ang katiwalian sapagka’t lahat na halos ay nabihasa na, nahirati na, at natangay na ng “kalakaran” ng paglilingkod sa bayan – ang paglilingkod sa sariling kapakanan at sa sariling lukbutan.

Subali’t dapat nating tunghayan nang malalim at malawakan ang kabuuan at kaganapan ng mga pangyayari sa ating lipunan. Batay sa ating nakikita at natutunghayan, hindi madali ang tumalon sa pakikisangkot, pakikibagay, at pakikibahagi sa isang gawaing sa biglang wari ay siyang magliligtas sa bayan sa kulturang ito ng katiwalian.

Napakadali ang humantong sa isa na namang pag-aaklas sa mga lansangan. Napakadali ang sumigaw sa kalye at tagpasin ang ulo ng inaakala nating simulain at promotor ng lahat ng ito. Napakadali ang makisangkot sa isang gawaing mistulang kagya’t magbibigay-kalutasan sa hinaharap na dambuhalang suliranin ng kadayaan at katakawan.

Ako man ay lubhang naguguluhan. Ako man ay tunay na urung-sulong sa aking pagpapasya na makilahok, makibagay, at makisangkot sa napipintong kaguluhan na nagawa na natin bilang Pilipino ng dalawang beses.

Subali’t ang kabulagan ay hindi natin mabibigyang-lunas sa pamamagitan ng isa pang kabulagan. Sa aking paningin ang pahayag ng mga Obispo ng Pilipinas tungkol sa mga sunud-sunod na iskandalo sa ating pamahalaan ay isang paghihikayat sa taong bayan na magsikap na marating ang isang kaliwanagan ng isipan na maghahatid sa tunay na ugat ng lahat ng mga katiwalian. Sa madaling salita, hinihikayat tayo ng makita ang buod ng suliranin na kinasasadlakan ng buong bayan. At hindi sila nagpatumpik-tumpik bago bigkasin ang ugat ng lahat ng ito – ang kultura ng korupsyon sa lahat ng antas ng lipunan, mula sa itaas hanggang sa ibaba.

Ang ating pakikibagay, pakikibahagi, at pakikisangkot ay depende sa kung ano ang ating nakikita. Kung ang nakikita lamang natin ay ang nasa Malakanyang ang may sala, ang pakikisangkot natin ay mauuwi lamang sa pagpapatalsik sa kung sino man ang naroroon. Kung nakikita natin ang kabuuan ng lipunan na nasa sapot ng kasalanang panlipunan (social sin), at nakikilatis natin na tayong lahat ay bahagi ng kulturang ito, iba ang magiging kulay at anyo ng ating pakikisangkot, pakikibahagi, at pakikibagay.

Malaki ang kinalaman ng kung ano ang nakikita sa ating balak na gagawin. Mahalaga na makita natin nang lubos ang higit na malaking larawan na ating hinaharap. Sa ating kasaysayan, dalawang beses na natin ginawa ang pinagbabalakan natin gawin na naman muli. Subali’t sa paglawig ng panahon, batid natin lahat na ang katakawan at kasakiman ay hindi naglaho matapos natin patalsikin ang dalawang tiwaling presidente. Malinaw na sa ating lahat na ang problema ay higit na malawak, malaki, at malalim kaysa sa pagpapatalsik sa isang namumuno.

Ito ang hinihingi ng mga Obispo – ang mga tinatawag nilang circles of discernment, ang maliliit na grupo na dapat magtipon-tipon sa diwa ng panalangin at pagninilay, upang bago pa man kumilos, ay gumawa upang makamit ang malawak na kaliwanagan sa isyung kinakaharap.

Ang solusyon sa isyung ito ay hindi dapat manggaling una, sa mga politikong naglalaway na sa posisyong nabanggit – mga politikong noong nakaraan ay sila namang ipinagtatabuyan at kinamumuhian ng balana. Ikalawa, ang solusyong ito ay hindi dapat bunga ng panlilinlang, at pagbubuyo ng mass media, ng mga periodista at manunulat, at mamamahayag na ginagamit ang buo nilang kakayahan at kapangyarihan upang isuong, ibuyo, at itulak ang tinatawag na public opinion, sa pamamagitan na malawakan, at walang pagtatantang media hype o ang tinatawag na sound bytes. Ang ating pagtingin ay hindi dapat mabulagan ng isang mapagbuyo at mapanlinlang na mass media, na nagkukubli sa likod ng “katotohanan” subali’t sa kaibuturan ay naglalayong linlangin ang balana laban sa kanilang kinamumuhian.

Ang hinihingi ng mga Obispo ay ang pagbabaklas ng lahat ng balakid sa katotohanan. Ito ang kaliwanagang dapat ay matunghayan ng mga taong may karapatan sa katotohanan – nguni’t katotohanang hindi rin inaabuso ng mga taong ngayon ay itinatanghal na bayani ng katotohanan.

Hindi madali ang solusyon sa problemang hinaharap natin. Ang pinakamadali ay ang gawin ang kinasanayan – ang mag-aklas na naman. Ngunit ang malinaw na pagkilatis tungkol dito ay nangangailangan ding makita ang kahihinatnan ng anumang balak gawin, at ang pagkatanto na may higit na malawak na pagkilos ang naghihintay sa atin matapos mapalitan ang namumuno.

At ito ang higit na mahirap na gawain. Ito rin ang hindi natin nagawa matapos ang Edsa 1 at Edsa 2. Sa kwento tungkol sa lalaking isinilang na bulag, ating pakatandaan na hindi gumawa si Jesus ng isang milagrong walang pinuhanan ang lalaking bulag. Walang tagumpay kung walang puhunang personal. Sinabi ni Jesus sa kanya: “Humayo at maghilamos sa tubig ng Siloam.” Humayo at gawin ang iyong gawaing-bahay. Humayo at magkilatis ng tunay sa konteksto ng panalangin at pagninilay. Humayo at pag-aralang mainam ang kabuuan, ang mas malawak, malalim, at malaking larawan ng ating kinakaharap na dambuhalang problema. What you see is what you get …

Kung ano ang iyong makita, doon mababatay ang iyong pakikibagay, pakikibahagi, at pakikisangkot.