frchito

Archive for Setyembre, 2011|Monthly archive page

PANUNTUNAN AYON SA KAHALAGAHAN

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon A on Setyembre 27, 2011 at 09:18

Ika-27 Linggo ng Taon(A)
Oktubre 2, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 5:1-7 / Fil 4:6-9 / Mt 21:33-43

Nakatutuwang tingnan ang mga sinasakang tunay na pinahahalagahan ng nagsasaka. Nakikita natin ito sa sarili nating bayan – mga palayang pinaghati-hati at pinaghanay-hanay, na pinagbubukud-bukod ng mga pilapil, mga tanimang sa biglang-tingin ay tila mga naggagandahang mga hanay ng mga pananim na parang isang kathang guhit na kumikinang sa pagsikat ng araw; mga taniman ng kape sa Cavite na sinusuyod araw-araw, at mga puno ng kapeng sinusuluyan rin at pinananatiling malinis tuwina.

Nakita ko ito sa ubasan sa Chateauneuf du Pape noong nakaraang dalawang Linggo, sa timog silangang Francia, sa rehiyon ng Rhone. Nakita ko rin ito sa Japon, sa Pampanga, sa rice terraces sa Ifugao, at sa maraming pang ibang lugar.

Kapag mahal mo ang iyong taniman, ito ay pinangangalagaan, pinagkakaabalahan. Di ba’t ito rin ang sinasaad sa pagbasa mula kay Isaias at sa ebanghelyo sa araw na ito? Para kay Isaias, ang ubasan ng Diyos ay itinuturing na kasintahan na lubhang sinisinta at inaaruga. Para sa ebanghelyo, ang ubasan ng Diyos ay lubha ring pinaggugugulan ng panahon, binakuran, ginawaan ng pisaan ng ubas, at pinagtayuan ng isang tore …

Malinaw pa sa araw ang katotohanang tinutumbok nito … ang minamahal mo ay inaaruga, inaalagaan, at pinag-uukulan ng lahat ng makakaya.

Gusto kong isipin na isa sa mga aral ng mga pagbasa ngayon ay walang iba kundi ito … mahal tayo bilang ubasan ng Panginoon, at sapagka’t tayo ay kanyang sinisinta, tayo ay kanyang inaaruga ang pinagmamalasakitan.

Kasama sa aming pagbisita sa Chateauneuf du Pape ang pagtikim sa kanilang alak mula sa ubas. Mula sa mga ubasang pinagmalasakitan, ipinatikim nila sa amin ang alak na kanila ring ipinagmamakaingay at pinahahalagahan. Ang bunga ng pag-aaruga ay kagandahan at kainaman. Ang alak na pinagpagalan ay alak na nagdudulot ng kagalakan. Bagaman at hindi ako eksperto sa alak (vino), masasabi kong ang aming natikman ay hindi basta-basta lamang, hindi katulad ng nabibili sa mga pangkaraniwang tindahan lamang.

Iba talaga kapag ang isang bagay ay pinaggugulan ng panahon, at pinag-ukulan ng kaukulang pagmamalasakit.

Masasabi nating ang pinagkaabalahan ay siyang nagdulot ng karampatang bunga ng kagalakan.

Karapat-dapat lamang, ika nga, na ang nagpagal at nagmalasakit ay tumanggap ng angkop na konsuelo o bunga mula sa kanyang pinagpaguran.

Malaki ang kinalaman ng aral na ito sa ating buhay. Marami tayong pinagkakaabalahan sa panahon natin. Nauubos ang oras natin maghapon sa social networking sites, sa facebook, (ngayon, sa Google Plus), sa Twitter, at marami pang iba. Kay rami nating pinaggugugulan ng panahon at lakas. Punong-puno ang buong araw natin sa susun-suson at patung-patong na mga bagay, na pagdating ng gabi, ay wala tayong maipakikitang bunga o kinahinatnan. Sa dami ng iba-ibang bagay na pinagpagalan, wala tayong masasabing isang mahalagang bagay na nagbunga ng karapat-dapat, sapagkat ang bawa’t minuto ay nasayang sa napakaraming mga maliliit na bagay na walang kapararakan.

Minsan na naman tayong pinaaalalahanan. Sa dinami-dami ng mga bagay at katotohanan sa paligid natin, kailangan natin na tukuyin kung alin ang tunay na mahalaga, alin ang ubasan na dapat paggugulan ng panahon at lakas, alin ang taniman na dapat nating pag-ukulan ng lahat at buo nating makakaya.

May mungkahi ang mga pagbasa sa araw na ito … ang ubasan na dapat nating pagpagalan at pagdulutan ng buo nating makakaya – ang ubasan ng Diyos, ang ubasan ng bahay ng Israel, ang pananampalatay natin, ang pagkabilang natin sa Inang Santa Iglesya, ang pagiging Katoliko natin.

Marami at sari-sari ang nagsisikap maglihis ng ating paningin at humila sa hanay ng ating pagpapahalaga. Nandyan ang computer, ang internet, ang mga teleseryes sa TV, ang facebook at twitter. Nakabibiglang mabatid na may mga kabataang halos maghapon at magdamag ay nauubos ang lahat ng oras sa internet o sa walang katapusang entertainment. Wala nang nagbabasa, at wala nang nag-aaral tulad noong araw na wala pang internet.

May mungkahing malinaw si San Pablo para sa atin … ano ba ang dapat nating bigyang-pansin? Ano ba ang dapat nating pag-ukulan ng atensyon? “dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig at kagalang-galang.”

Ito ang mga panuntunan na naaayon sa kahalagahan … mga tuntuning kaakibat ng kung ano ang ating pinagmamalasakitan!

Advertisements

BIBIG AT DIBDIB: PUEDE BANG MAGKANIIG?

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Setyembre 23, 2011 at 09:36

Ika-26 na Linggo ng Taon (A)
Setyembre 25, 2011

Mga Pagbasa: Ez 18:25-28 / Fil 2:1-11 / Mt 21:28-32

Alam kong karanasan ng lahat ang itulak ng bibig ang maraming bagay, pero kabig naman ng dibdib. “Hele, hele pero quiere,” ika nga. Patumpik-tumpik kunwari, pero iyong iwinawaksi ay siya naman natin gusto, kalimitan.

Ang kwento ng dalawang magkapatid ay kwento natin lahat. Mayroong mabilis ang bibig sa pagsagot ng “opo.” Mayroon namang mabilis pa sa a las kwatro kung tumanggi, at sumansala, pero di maglaon ay naglulubag-loob at tumatalima.

Bilang isang punong-guro ngayon, at bilang isang nakahawak na ng sari-saring posisyon at panunungkulan, batid kong mayroong mga taong mabilis ang bibig sa pagtanggap ng anumang utos, ngunit mabagal o wala kung ang pag-uusapan ay ang pagtalima o pagsunod, o pagsasaganap ng kung ano ang ipinangako. Tulad ng aking sekretarya ngayon sa iskul, pag inuutusan ko, mabilis ang sagot na “oo.” Pero hindi madalang mangyari na hindi nagagampanan ang kanyang walang pag-aatubiling pagtugon.

Mayroon namang mabilis ang dila na sumansala at tumanggi s utos, nguni’t bukas o makalawa ay alam mong magaganap ang kanyang tinanggihan.

Ano ang kaibahan sa dalawa? Ang isa ay puro bibig ang pinaiiral; ang isa naman ay puso ang hinahayaang maghari. Ang panay bibig ang pinaiiral ay puno ng mga pangako at walang kamatayang mga pagpapahayag ng panunungkulan. Tulad ng mga politikong nabubuhay at nagwawagi dahil sa pangako. Ang mga sa simula naman ay tila ipinaglihi sa pagsalungat at pagsansala, nguni’t pinaiiral ang tunay na damdamin at puso at saloobin, ay nagbabago ng isip at ginagampanan ang hindi ipinangako. Ang salita ay pinapalitan ng paggawa. Ang sinansala at sinalungat ay napapatungan ng pagsasakatuparan.

Ito ang tinataguriang paglulubag-loob at pagbabago! At ito ang lubhang kailangan sa panahon natin.

Punong puno ang mundo ng salita … mula sa facebook, at lalu na sa twitter. Lahat na lamang yata ng ginagawa ng bawa’t isa ay nakapaskil sa social networking sites, pati pagkain, pati mga bagay na hindi na dapat ikwento na sa ibang tao. Lahat ng galit, tampo, poot, at sama ng loob sa ibang tao ay nakapaskil sa facebook, na wari baga’y inaasahan nilang mababasa o makukuha ng kinauukulan ang anumang reklamo nila. Sa mga pahayagan, naglipana ang mga kolumnista na kayang kayang manira o magpatatag sa administrasyon depende kung malaki ang bayad sa kanila o may pakinabang sila. Kay raming salita … kakatiting kalimitan ang katotohanan. Ang puso at ang bibig ay walang kaisahan, walang pagniniig, walang koneksyon.

Gusto kong isipin sa araw na ito na may pag-asa pang ang bibig at ang puso ay magkaniig at magkaisa. Si Pablo na mismo ang nagsasabi sa atin: “maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso at diwa.”

Kaisahan … hindi lamang ng mga tao, kundi kaisahan rin sa kalooban ng bawa’t tao. Ang kaisahang ito sa pagitan ng bibig at ng puso ay ang tinatawag nating katotohanan, katapatan, pagiging masunurin at pagiging handa, hindi upang tumanggi, kundi tumalima sa Diyos.

Di miminsan rin akong nag-asal na tulad ng batang sumagot ng “oo” nguni’t hindi gumanap ng ipinangako. Ito ang diwa ng kasalanan. Ito ang kahulugan ng kawalan ng kaisahan sa bibig at sa puso.

Ito ang panawagan sa atin … ang matutong pag-isahin ang tulak ng bibig, at ang kabig ng dibdib … ang matutong tumanggap, sa halip na tumanggi, at higit sa lahat, ang matutong tumunton, sa halip na sumalungat, sa hinihingi ng puso, sa tulak ng kagustuhan nating sumunod sa Diyos.

Batid natin sa turo ng mga pilosopo na ang nasa likod ng lahat ng ating nasa ay ang malalim na pagnanasa nating makamit ang Diyos. Ito ang dikta, ika nga, ng puso. At sapagkat tayo ay tao lamang, malimit na ang naghahari ay ang dikta ng bibig, ang bigkas ng bunganga, na malimit ay batay lamang sa panandaliang pansariling kapakanan.

Salain natin ang mga salitang bumabalot o pumapaligid sa atin. Salain natin ang mga naririnig natin. Tulad ng sinasaad sa liturhiya ngayon, “ang tinig ko’y pakikinggan ng kabilang sa aking kawan; ako’y kanilang susundin.”

Sa bandang huli, ang mahalaga ay ito: hindi ang tulak ng bibig, kundi ang kabig ng dibdib. At may pagkakataon pa tayong lahat na pag-isahin ang bibig at ang puso, tungo sa pagtalima at pagsunod sa balakin ng Diyos para sa atin.