frchito

Archive for Marso, 2012|Monthly archive page

LUGMOK SA SALA; TAMPOK SA PAG-ASA

In Uncategorized on Marso 13, 2012 at 12:23

Image

 

Ika-apat na Linggo ng Kwaresma (B)

Marso 18, 2012

 

Sinusulat ko ito habang nagbibigay ng mga pagsubok sa isang grupo ng seminarista sa Canlubang – pag-asa ng kinabukasan, pangako ng panibagong buhay, at pahimakas ng isang bagong hinaharap.

 

Malungkot ako habang ginagawa ko ito. Sa maraming dahilan … at sa pagkabasa ko ng tatlong pagbasa sa ika-apat na Linggo ng kwaresma, magkahalong pagkalungkot at pag-asa ang sumasagi sa aking puso at kaisipan.

 

Matindi ang sinasaad sa unang pagbasa … May kinalaman ito sa mga pari, mga pinuno ng Juda, at mga mamamayan … lahat as in lahat, sabi nga ng mga kabataan ngayon. Walang sinisino, walang duda. Lahat ay korap; lahat ay makasalanan; lahat ay may pagkukulang.

 

Larawang masangsang ito ng buhay natin ngayon. Larawang hindi kaaya-aya at mahirap tanggapin … larawan ng mga matataas na taong may tagong dolyar upang makatakas sa paninilip ng batas; larawan ng isang pamahalaang bihasa sa pangongotong at pangingikil, kahit na ang tanging bigkas tuwina ay daan ng pagbabago at matimyas na pangako ng paghahanap ng kapakanang pangkalahatan.

 

Masangsang at malansa ang naririnig at nakikita natin tuwina. Pagiging bihag at pagkatapon ang naging bunga ng lahat ng ito para sa bayan ng Diyos. At ngayon, tayo man ay bihag ng kasalanan, kasakiman, at pagkamakasarili sa sarili nating lipunan.

 

Ngunit sa gitna ng matinding pagkalugmok na ito ay namanaag ang liwanag mula sa kadiliman. Patunay ni San Pablo ang siyang narinig natin sa ikalwang pagbasa: “napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin.” Sa kabila ng personal at pangsosyal na pagkakasala, ay nananatili ang magandang balita ng dakilang habag at pag-ibig ng Diyos.

 

Magandang larawan ang nakikita natin sa ebanghelyo. Si Nicodemo ay naparoon kay Kristo sa gabi, sa gitna ng kadiliman, sa isang paraang masasabi nating nakukubli at natatago … tulad ng kalalagayan natin ngayon … balot ng kasakiman, pagkakanya-kanya at lahat ng uri ng kasalanan.

 

Bahagi tayong lahat nito. Ang lahat ay anak ni Adan at ni Eba, na nabahiran ng kasalanang orihinal.

 

Lahat tayo ay mga Nicodemong nagkukubli sa dilim, nguni’t naghahanap ng liwanag. Ito ang pag-asang nagkukubli sa dilim. Ito ang bagong bukas na maari nating panghawakan … na sa kabila ng lahat ay may magagawa tayong lahat, bawa’t isa sa atin. At ang simula ng pagbabago ay hindi nanggagaling sa mga institusyon, sa gobyerno, o sa ibang tao. Nagmumula ito sa puso ng bawa’t isa sa atin.

 

Lugmok ako sa mga araw na ito sa kalungkutan at matinding mga katanungan. May pag-asa pa ba ang bayan natin? May patutunguhan ba kaya ang mga kabataan ngayon? May naghihintay pa bang mga kagubatan at kabundukan upang maghatid ng ginhawa sa mga salat at mga dukha? Mayroon pa kayang mina na pagyayamanin ang bayang pinoy?

 

Ang sinasaad ng mga pagbasa ay ito: matindi ang kinapapalooban, ngunit matindi rin ang kinabukasan. Madilim ang kapaligiran, nguni’t maliwanag ang kahahantungan.

Lugmok man tayo ngayon sa maraming sala, tampok tayo ngayon sa isang matunog na pag-asa.

 

At ano ang batayan natin? Pag-ibig sa sanlibutan ng Diyos ay gayon na lamang, kanyang Anak ibinigay, upang mabuhay kailanman ang nananalig na tunay. Lugmok man sa sala; tampok pa rin sa pag-asa!

ANG DAAN, ANG DUNONG, AT ANG DAPAT

In Uncategorized on Marso 9, 2012 at 10:14

Image

Ikatlong Linggo ng Kwaresma (B)

Marso 11, 2012

Mga Pagbasa: Exodo 20:1-17 / 1 Cor 1:22-25 / Jn 2:13-25

 

Puro utos, panay utos! … iyan ang panlalait na malimit marinig sa ayaw sumunod, antemano. Para sa maraming tao ngayon, panahon ng postmodernismo, (whew! Nakakain ba yan?), marami ang allergic ika nga, sa mga kautusan. Kasama rito sa kanilang isinusuka ang mg utos (daw) ng Diyos, at mg utos din ng Simbahan. Todos utos …walang paltos (may tugma ba?)

Aminin natin … mahirap ang sumunod sa utos. Di ba nuong mga bata kayo, ganyan rin kayo? Nagbibingi-bingihan kapag tinatawag ng magulang, o kaya’y nagtutulug-tulugan? Mabilis ang pulas kapag labas at “gud tym,” sabi nga nila sa jejemon. Mabagal ang kilos kapag trabaho at katungkulan ang pinag-uusapan. Maging nuong nasa seminaryo pa kami, mayroong tuwing umaga ay may sipon o may sinat. Pero pagdating ng merienda sa hapon ay magaling na at malakas pa sa kalabaw … kasi, may laro pagkatapos nito!

Mahirap ang mag-aral; mahirap ang magbunot ng sahig (may gumagawa pa ba nito?) … at lalung mahirap ang may listahan ng bawal (lalu na sa pagkain!).

Pero aminin rin natin. Kailangan natin ng daan; kailangan natin ng pamamaraan … kailangan natin ng patakaran at panuntunan … kung gusto nating makarating sa landas ng dunong at wastong kaalaman, na naghahatid sa higit pang mahalagang kahihinatnan!

Tanda! Ito ang salitang dapat tandaan natin kung sampung utos ang pag-uusapan. Mga tanda itong nagtuturo sa dapat. Mayroong bang dapat? Tumpak! Kahit naman saan ka pumunta, mayroong dapat at mayroong hindi nararapat. Mayroong tama at mayroong mali. Bagama’t itinapon na ito sa labas ng bintana ng postmodernismo, hindi maipagkakailang kailangan pa rin natin ng panuntunan, alintuntunin, at tamang pamamalakad. Kung walang batas ay walang kaayusan. At kung walang kaayusan ay walang patutunguhan.

Tanda? Oo … ang sampung utos ay hindi natatapos s utos. Ang lahat ay tumutuon at patungkol sa mga hanay ng pagpapahalagang Diyos mismo ang nagpapahalaga, una sa lahat: buhay, dangal ng tao, magandang pangalan ng kapwa, katarungan, pangangalaga sa pag-aari ng sarili at ng iba … at marami pa.

Tanda? Oo … ang utos ay hindi lamang utos. Ang lahat ng ito ay nakatuon sa pinakamahalagang katotohanan na ang pinakamalaking DAPAT ng ating buhay ay ang pagkakaroon ng isang KAUGNAYAN sa Diyos na maylikha sa atin. Siya ang puno at dulo ng ating pagiging tao. Siya ang dahilan … Siya ang Daan, Katotohanan, at Buhay. Ayon kay San Pablo, “si Kristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos.”

Huwag na tayong magmaktol ay may batas. Masiyahan tayo at ang batas ng Diyos ay walang butas … walang palusot, walang kasinungalingan, walang takas, kahit na puede nating gawin ang gusto natin … kaya nga lang ay mayroon laging kahihinatnan, may hantungan, may kabayaran.

Huwag na tayong magtaka at kumuha si Jesus ng lapnis ( o lubid, sa aming salita sa Mendez, Cavite) at ginamit niya bilang pang hagupit sa mga tampalasan sa templo. Hindi nila iginalang ang bahay ng Diyos. Hindi sila tumalima sa daan ng pagpapahalaga sa banal na lugar. Hindi nila ginawa ang dapat. Kung kaya’t nararapat lang na ipagtanggol ng Anak ng Diyos ang bahay ng kanyang Ama.

Magulo ang buhay natin ngayon. Sala-salabat ang mga kalye. May mga kuliglig na “keep right” at mga traysikel na “keep left.” Naglipana ang mga sinungaling sa gobyerno. Nagkalat ang mga mapagsamantala sa kamangmangan ng balana, lalu na ng mga dukha, na walang ibang pagkukunan ng kabatiran o kaalaman liban sa isinusulsol ng mass media (na kaakibat tuwina at kakampi ng mga may poder at may pera!). Magulo rin ang buhay pangsarili. Kay raming inosenteng buhay ang pinapatay … Mula pa sa sinapupunan, “patay kang bata ka,” ika nga! Walang kinikilalang daan … walang tinitingalang dapat, at wala ring pinanghahawakang dunong.

Ang lahat ng ito: dapat, daan at dunong ay galing walang iba kundi sa kanyang Panginoon ng Buhay, Panginoon ng katotohanan, at Panginoong naghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan. Ito ang tunay na DUNONG mula sa itaas. Sundan natin ito!