frchito

Archive for Abril, 2012|Monthly archive page

KAISA, KADUGO, KAPANALIG!

In Uncategorized on Abril 14, 2012 at 09:29

Image

IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY (B)

Abril 15, 2012

 

KAISA, KADUGO, KAPANALIG

 

Ito ang oktaba ng Paskwa, na ang kahulugan ay ang ikawalong araw ng Pasko ng Pagkabuhay. Sa mahabang kasaysayan ng pananampalatayang katoliko, ang pinakamahahalagang kapistahan ay laging napapaloob sa pagdiriwang na tumatagal ng walong araw, tulad ng dalawang Pasko – ng pagsilang at ng pagkabuhay.

 

Nangangahulugan lamang na mayaman at malalim ang mga nilalaman ng pananampalataya natin … sobrang yaman, ika nga, at hindi natin kayang ipaloob sa iisang araw na pagdiriwang. At yamang ang muling pagkabuhay ng Panginoon ang nasa rurok ng pananampalataya natin bilang kristiyano, angkop lamang na ito ay ilahad sa loob ng mahabang panahon ng paghahanda (kwaresma) at pagdiriwang (panahon ng Pagkabuhay).

 

Gaya ng aking nakasanayan, bibigyang-lagom ko ang mga pagbasa sa tatlong kataga: kaisa, kadugo, kapanalig.

 

Sa unang pagbasa, ang kaisahan at pagkakatipon ang binibigyang-pansin mula sa Aklat ng mga Gawa. Ang buod ay imposibleng hindi natin mapansin – na ang dulot ng pagkabuhay sa buhay ng mga tagasunod ni Kristo ay isang lubos na nakapagbago ng takbo ng kanilang buhay – ang kanilang kaisahan at pagkakabuklod alang-alang sa muling nabuhay na Panginoon. Nabuhay sila sa iisang kaisipan at iisang puso, at hindi nila inangking sarili ang anumang pag-aari nila bagkus ipinagkaloob para sa kapakanan ng kalahatan.

 

Kadugo … Ito ang diwa ng mga isinilang mula sa parehong angkan. Kung si Jesus ay isinilang mula sa Diyos at sa itaas, siya ay nabibilang sa Ama. Subali’t ayon sa ikalawang pagbasa, ang mga sumasampalataya at sumusunod sa kalooban ng Ama, ay itinuturing na kadugo ni Jesus. Sila man, aniya, ay isinilang rin mula sa itaas. Kung gayon, ang mga tagasunod at sumasampalataya kay Jesus na muling nabuhay ay mga kadugo rin niya at kaisa sa pananampalataya.

 

Kapanalig … Nguni’t ito ang matindi higit sa lahat. At ang katotohanang ito ay tila isiniwalat sa pamamagitan ng isang tila malungkot na kwento – tungkol kay Tomas na wala ruon nang unang nagpakita ang Panginoon.

 

Si Tomas ay tinawag at tinaguriang walang bilib o paniwala. Tinawag rin siyang isang taong mapagduda, puno ng pag-aalinlangan. Pero sa wakas ng kwentong ito, si Tomas ay tila isang malinaw na kumakatawan sa kung sino at ano tayo bilang tao at tagasunod ni Kristo.

 

Sino ba tayo? Ano ba tayo?

 

Punong puno tayong lahat ng pag-aalinlangan. Punong-puno rin tayo ng pagkasalawahan. Hindi na para sa akin ang magwika tungkol sa ibang tao. Sapat na tingnan ko ang aking sarili. At ano ang aking nakikita?

 

Hindi kaila sa marami kong kakilala at kaibigan na ako di miminsan ay pinapanawan ng paniniwala at pagtitiwala. Humayo na at yumao na sa puso ko ang paniniwalang ang dispunksyonal na politica ng ating bansa ay muli pang titino at mapapanuto. Lumisan na sa aking isipan rin na ang maraming suliranin sa mundo ay may kalutasan pa – ang patuloy at walang habas na pag-abuso sa kalikasan … ang patuloy na pagsira sa tangi nating tahanan – ang daigdig – para lamang sa ikapapasasa ng kaunting masisiba at mayayaman na … ang patuloy na pagputol ng mga puno sa Baguio, halimbawa, para lamang gawing parking lot, ng mga taong wala nang ibang alam gawin kundi ang magpalamig, mamili at mamasyal sa mga malls.

 

Mahirap paniwalaan na may kakayahan pa ang pananampalatayang kristiyano upang harapin ang mga saloobing ito na walang hanap kundi ang pansariling kapakanan.

 

Sino sa atin ang hindi sinagian ng pag-aalinlangan sa kabatirang ang karamihan ng mga pinoy ay mas naniniwala sa karma kaysa sa banal na kalooban ng Diyos? Sino ang hindi nanghihinawa sa kaalamang mahigit sa kalahati ng mga katoliko ay mangmang sa pananampalataya at lalung nagiging mangmang dahil sa tiraniya ng mass media? Sino ang hindi pinanawan ng lakas ng pananampalataya sa kabatirang higit na marami yata ang nanuod ng pagpapako sa krus sa Pampanga at Bulacan at iba pang lugar, kaysa sa sumama sa prusisyon sa Linggo  ng Pagkabuhay? Sino ang hindi tinamaan ng matinding lungkot sa pangitain ng milyon milyong pinoy na higit na naniniwala na mahawakan ang lubid ng estatwa ng Jesus Nazareno sa Quiapo, kay sa maintindihang lubos ang pagpapaliwanag sa Salita ng Diyos sa Misa?

 

Si Tomas ay nabansagan ng pagiging mapagduda, mapag-alinlangan. Si Tomas ay nabansagan rin bilang isang hindi mapagpaniwala: “hangga’t hindi ko nahahawakan ang kanyang mga sugat sa kamay at tagiliran, hindi ako maniniwala.”

 

Nguni’t may angkin at taglay ring pangaral ang bida natin sa araw na ito. Bagama’t nagduda, si Tomas ay nanatiling kaisa ng mga disipulo. Naparoon pa rin siya sa kinalalagyan ng mga disipulo.

 

At nang napakita si Jesus muli, hindi na niya ginawa ang sinabi niyang gusto niyang gawin – ang hawakan ang mga sugat. Nang makita niya si Jesus, ay wala na siyang sinabi, wala na siyang ibinulalas.

 

Lumuhod lamang siya at nagsaad ng tunay na nilalaman ng kanyang puso: “Panginoon ko, at Diyos ko!”

 

Ito lamang siguro ang dapat nating gawin … hindi na ang para sa atin ang magtatambaw sa pagdududa, at pagpapahayag ng ating kawalan ng tiwala. Walang magagawa ang pagpapahayag lamang ng kawalan ng tiwala. Wala itong ibubunga ano man na magaling sa sarili at sa kapwa.

 

Subali’t ang pagtanggap na tayo ay walang kakayahang malaman ang lahat, ang pagtanggap na tayo mang mga mananakbo ay di miminsan ring natitisod at nadadapa, ay isang magandang simulain sa paglalakbay natin sa pananampalataya.

 

Kailangan nating tanggapin na ang pananampalataya natin ay hindi iisang iglap na nagaganap. Dapat itong alagaan. Dapat itong palaganapin at payabungin. At para ito lumago, kailangan natin ng konting panahon. Kailangan rin natin ng konting pagdududa. Kailangan rin natin ang mga kasama, mga kadugo, mga kapanalig, mga taong tulad natin ay naglalakbay tungo sa ikaliliwanag ng paniniwala.

 

Ito tayo ngayon sa simbahang ito. Mag-kaisa, magkasama, sapagka’t tayo ay mag kadugo, at higit sa lahat, mag-kapanalig. Iisa ang dasal natin ngayon sa harap ng Panginoong muling nabuhay: “Panginoon ko at Diyos ko!”

KABULAANAN, KABABALAGHAN, O KATOTOHANAN

In Uncategorized on Abril 7, 2012 at 16:55

Image

 

Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon

Abril 8, 2012

KABULAANAN, KABABALAGHAN, KATOTOHANAN!

Isang walang lamang puntod ang natambad sa paningin ng mga disipulo sa maaga nilang pagpulas upang gawin ang dapat gawin na hindi nila magawa sa araw ng Shabat. Tila isang kababalaghan. Tila isang kahiwagaan. Subali’t ito ay hiwaga at kababalaghan sa mga taong walang narinig at nakitang mga patunay at pahimakas sa magaganap na sadyang naganap na – ang pagkabuhay na maguli ni Kristong Panginoon.

Ang lahat ng mga hindi aral sa anumang bagay ay nakakikita ng maraming kababalaghan. Para sa akin, na walang alam sa kemistri, maraming kababalaghan ang nagaganap sa aking paningin. Para sa akin rin, na kakapurit lamang ang alam sa kompyuter, may mga milagrong nagaganap na hindi ko maintindihan, hindi ko maisagawang muli o maipaliwanag man lamang.

Para sa isang mangmang, maraming misterio, maraming hiwaga, at maraming hindi kapani-paniwala. Para sa isang taong nagpasya na kung ano ang tama, walang anumang dapat tanggapin bilang totoo. Ang lahat ay kabulaanan, kung ito ay sumasalungat sa kanyang sariling katotohanan.

Subali’t aral ang mga disipulo sa anumang naganap sa buhay ng Panginoon. Di miminsan nilang narinig na ang Anak ng Tao ay magdanas ng hirap, pasakit, at ipapatay ng mga tampalasan, at muling mabubuhay. Di miminsan niyang inihanda ang kanilang damdamin at kaisipan sa magaganap sa kanya.

May mga nag-iisip na ang patunay ng mga disipulo na si Jesus ay muling nabuhay ay ang walang lamang puntod. Tumpak at mali. Tumpak sapagkat, ito ang nagbunsod sa kanila upang maging bukas ang mata at ang puso sa maaring maganap, na tunay ngang naganap. Mali, kung ang ibig sabihin ay ito lamang ang tanging patunay na si Jesus nga ay muling nabuhay.

Sa madaling salita, ang katotohanan ay di nakabatay sa isang puntod na hungkag at walang lamang bangkay. Ang patunay ay nakabatay sa pangako ni Kristo ang sa katuparan ng pangakong ito na pinagtibay ng isang karanasang walang kapantay. Hindi ito batay sa kwentong kutsero ng isang sintu-sinto na ang isipan ay di lapat o di ayos ang pagkahulma. Hindi ito kathang isip ng isang medyo-medyo ang pag-iisip. Hindi rin ito bunga ng isang kabulaanan.

Sa katunayan, hindi si Kristo at ang mga disipulo ang gumawa ng unang kabulaanan tungkol dito – na ang katawan diumano ni Kristo, ay ninakaw ng mga disipulo sa kadiliman ng gabi. Ito ang kababalaghang pinaikot ng mga malilikot ang isipang naghabi ng isang di kapani-paniwalang kwento na ayaw nilang tanggapin ang katotohanan. Hindi na natin maipagkakaila ang isa nang natanim sa puso at kaisipan ng marami.

At ito ay walang kinalaman sa isang puntod na walang laman. Ito ay walang kinalaman sa isang kwentong kutsero kathang-isip upang malulon tayo sa isang kababalaghan. Ito ang totoo. Narito ang katotohanan.

Ang Diyos natin ay Diyos na wagas at tunay. At tunay siyang muling nabuhay, ayon sa kanyang pangako, ayon sa kanyang turo, ayon sa dapat na inaasahan ng mga disipulong aral sa kanyang mga turo at pangaral.

Ano naman ang dapat maging totoo sa buhay natin ngayon? Iniusog ang bato, iniurong at tinanggap ng kapangyarihan ng Diyos. Nausog ang balakid – ang batong sumasagisag sa pagkakasara ng ating puso at kaisipan sa harap ng katotohanan tungkol sa Diyos.

Sa araw na ito, iurong nawa natin ang batong balakid sa lubos na pananampalataya natin. Tanggalin nawa natin ang dapat tanggalin at iwaksi – ang baton ng kasinungalingan, ang bato ng kababalaghan, at mapaltan ng katotohanang batay, hindi sa kabulaanan, o mababaw na kababalaghan, kundi sa katotohanang mataginting na Si Kristo ay muling nabuhay, ayon sa kanyang sinabi, Alleluya!