frchito

Archive for Agosto, 2012|Monthly archive page

GUMISING, KUMAIN, AT MABUHAY TUWINA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Homily, Taon B on Agosto 11, 2012 at 11:22

Image

Ika-19 na Linggo (Taon B)

Agosto 12, 2012

Mga Pagbasa: 1 Ha 19:4-8 / Ef 4:30 -5:2 / Jn 6:51

GUMISING, KUMAIN, AT MABUHAY TUWINA!

Mga tao rin ang mga propeta … may damdamin, may puso, may pangamba, pag-asa, at pagnanasa. Di miminsan ring nasasagasaan ang damdamin ng mga propeta. Di miminsan ring nakakaranas rin sila ng panghihinawa, kawalan ng lakas at tatag ng kalooban, at ang madala sa pananakot o paniniil ng mga makapangyarihan.

Ito rin ang kwento ni Elias, na pinag-uusig ni Jesebel. Matindi ang poot ng mga tulad ni Jesebel, sapagka’t nagsabi ng totoo si Elias, at ang totoo ay laging nakasasaling ng damdamin at nagpapaliyab sa natutulog na galit at poot ninuman.

Lumayas si Elias sa ilang. Nagkubli at sumilong sa isang puno. At hindi lamang iyon, nagnasa siyang mabigyang-wakas na ang kanyang buhay, upang sa gayon ay matapos na ang lahat, at makaranas siya ng katiwasayang ipinagkait ng mga taong makapangyarihan.

Di rin miminsang ang aking damdamin ay napuno ng takot at pangamba. Maraming taon na ang nakalilipas nang ako ay kamuhian ng mga tagasunod ng isang pulitiko dahil ang kanilang manok ay natalo sa lugar kung saan ako naruon. Inorganisa ko ang mga tao, upang mabantayan nila ang kanilang boto. Pinagmatyag ko sila, pinagbantay … at sa ganitong paraan ay para bagang nasansala namin ang anumang maitim na balakin ng mga nasa kapangyarihan noon. Di nagtagal ay tumanggap ako ng isang korona ng bulaklak na maliwanag na tanda na ako ay tutugisin ng mga halang ang kaluluwa.

Hindi rin masyadong matagal magmula nang ako ay mag-organisa ng mga tao upang labanan ang lumalaganap na droga sa bayan kung saan ako naruon. Nagkamulat ang tao, nagising sa katotohanang, kung wala silang gagawin ay lalamunin silang buhay ng banta ng droga at mga tagapagtulak na naglipana sa paligid namin.

Mura lamang pala ang buhay ng tao. At dahil sa naging mainit ang talakayan tungkol sa droga, ay hindi naglaon at ako ay nakatanggap ng isang malinaw na mensahe na naglalayong patigilin ako … “Ano ang gusto mo? Ang magpatuloy makapag-Misa o ang biglang mapatigil?”

Sa kasalukuyang panahon, ang pagiging propeta ay lalung lumala at lalung naging mapanganib. Sa aking pagtayo at pag-anib sa turo ng Inang Simbahan, di lihim na mayroong nasasaktan, at mayroong nagagalit. Ngunit sa halip na barilin nila ang mensahe, ang binabaril ay ang mensahero. Sa halip na tuligsain ang pangaral, ang tinutuligsa nila ay ang nangangaral. At pati mga bagay na wala akong kinalaman ay pilit nilang ipupukol sa akin, na para bagang pinalalabas nila na ako ay kamuhi-muhing gumawa ng mga baluktot na krimen, na lubhang pinagpipyestahan ng mass media, kahit na, karamihan rito ay pinalaki at pinalala lamang ng palsong uri ng jornalismo.

Nanghihinawa ako. Nanghihina, at nawawalan ng lakas at tibay ng kalooban. Tulad ni Elias, nagnanasa akong katumbas ng kanyang pagnanasang mawakas na ang buhay at mawala na ang lahat ng pasakit at hilahil sa buhay.

Ngunit and Diyos ng buhay ay Diyos rin ng pangako. Siya rin, ay Diyos ng katuparan. Sa araw na ito nais kong isipin na dalawang bagay ang dulot at hatid niya sa ating lahat: kautusan, at pangako!

Kautusan … Gising na at kumain! Gumising ka sa kabatirang ang Diyos ay tunay, ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay hindi natutulog. Tulad ni Elias, inuutusan tayo na bumangon at kumain, at tumanggap ng lakas. Walang lakas ang propeta kung hindi tumatanggap ng wastong pagkain. Walang lakas ang tagapangaral kung walang koneksyon o karugtong sa Diyos na nagbibigay-buhay.

Sa araw na ito, bukod sa kautusang ito ay isang pangako ang hatid niya: “Ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan.”

Sa awa ng Diyos na ito, naka-agguanta ako … nakatagal … nakakita ng higit pang lakas upang patuloy na magturo, mangaral, at magpahayag, sa tuwina, saanman, at kailanman. Sa awa rin ng Diyos, ay 34 na taon na ako nagtuturo, at 30 taon halos nag-mimisa para sa bayan ng Diyos.

Ito sana ang panghawakan natin sa araw na ito: ang kautusan at ang pangako. Natitisod rin maging ang mga propeta. At pati ang mga mananakbo kung minsan ay napapatid rin at nadadapa. At malinaw pa sa sinag ng araw, na pati manlalaro sa olimpiko ay nanghihina at nawawalan ng lakas.

Ngunit sa araw na ito, hindi lamang lakas ang dulot ng Diyos sa atin. Hindi lamang pangako, bagkus katuparan – sa pamamagitan ng Eukaristiya ang tinapay ng buhay: “Ang sinumang kumain ang pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Hala, iangat ang mga mata. Bumangon na at mag-inat-inat mga kapatid. Gumising, kumain, at mabuhay tuwina!

TINAPAY NA KALOOB; LUWALHATING NILOLOOB

In Uncategorized on Agosto 4, 2012 at 11:57

Image

Ika-18 Linggo ng Taon B

Bihasa tayong lahat mag-reklamo. Reklamo tayo kapag hindi nangyari ang gusto natin. Reklamo tayo kapag naparam ang balakin natin. Panay ngayon ang reklamo ng mga drayber saan mang dako ng Pilipinas. Ang trapiko ay hindi gumagaan saan ka man dumako sa bayan natin.

 

Reklamo ng mga guro ang kakulangan ng silid-aralan. Reklamo ng mga trabahador ang kulang na sweldo. At reklamo ng mga negosyante ang higit pang mga hinihingi ng mga trabahador.

Walang masama sa ating mga reklamo. Ang pag-angal ay tanda ng kagustuhan natin makamit ang wasto, ang tama, ang higit pa, ang nararapat. Walang masama sa ginawa ng mga Israelitang nagreklamo kay Moises na walang mamalam gawin upang mapatahimik ang mga taong nagdobleng-isip kung bakit sila lumabas pa ng Egipto.

Marami rin tayong reklamo ngayon. At sa likod ng mga ito ay ang kagustuhan nating makamit ang kasaganaan, ang kawalang kakulangan sa anuman, ang buhay na kaaya-aya at ganap … buhay na kumbaga ay wala ka nang hahanapin pa.

Marami sa mga tao ang galit sa Simbahan dahil sa pagsusulong ng Pro Life. Hindi sila galit sapagka’t isinusulong ito ng simbahan. Galit sila sa hindi nila lubos na nauunawaan, na para bagang ang Simbahan ay paki-alamero, walang puso, at nanghihimasok sa buhan ng may buhay.

Akmang akma ang sinabi ng Panginoon sa mga galit rin kay Moises: “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ng Panginoon.”

Subali’t madaling masilaw sa pangako ng material na kasaganaan. Nguni’t alam nating lahat na walang nagtatagal sa buhay sa daigdig. Ang lahat ay naaagnas, nasisira, nabubulok. Mayroong hanay na pagpapahalagang higit pa sa pagpapahalagang makamundo.

Ako man ay hindi masaya sa dami ng problema ng Pilipinas. Napakaraming mga batang walang alam. Napakaraming naglipana sa lansangan, hindi nag-aaral, at bata pa man, ay naghahanap-buhay na. Hindi ako masaya na parami nang parami ang mga dukha.

Subali’t ang solusyon na naiisip natin ay laging pang ngayon lamang at dito. Hindi natin naiisip ang panghinaharap, ang pang sa walang hanggan, ang buhay pang kaluluwa, at ang mga pagpapahalagang pang espiritwal, na higit pa sa mga pagpapahalagang pang dito at ngayon lamang.

Paala-ala sa atin ni Pablo: “huwag na kayong mamuhay nang gaya ng mga Hentil.” “Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang bagong makita sa inyo ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng kanyang katwiran at kabanalan.”

Bilang isang edukador, alam ko kung gaano kahirap ang isulong ang ganitong hanay ng pagpapahalaga. Mas madali ang pauntiin ang tao. Mas madali ang pigilang mag-anak ang mga dukha. Mas madali ang bigyan sila ng pangpigil sa pag-aanak, sa ngalan ng kalusugan.

Nguni’t sa buhay natin, iba ang busog, at iba ang ganap na tao ayon sa kaniyang pagiging larawan at wangis ng Diyos.

 

May pagkaing makamundo at may pagkaing makalangit. Mahirap man tanggapin ngayon, ang isinusulong ng Simbahan ay hindi lamang pang-ngayon at pang-dito kundi pang sa buhay na walang hanggan.

 

At ayon sa turo ng Panginoon ngayon, dapat nating isipin higit sa lahat ang pagkaing naghahatid sa buhay na walang hanggan, tungo sa buhay na ganap at kaaya-aya.

 

Huwag sana tayon matakot manindigan para sa pagpapahalagang hindi lamang pang naririto at pangkasalukuyan. Tingnan sana natin ang buo at ganap na kapakanan ng tao, bata, matanda, isinilang na o hindi pa isinisilang!

 

Tumingala nawa tayo sa tinapay na kaloob, at bigyang pansin at diin ang luwalhating niloloob at minimithi. Ito ang dulot ng Eukaristiya – pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan.