frchito

Archive for Marso, 2015|Monthly archive page

GAYON NA LAMANG ANG PAG-IBIG NG DIYOS!

In Uncategorized on Marso 14, 2015 at 11:59

en2006lp.nfo-o-bf

Ika-apat na Linggo Kwaresma – B

Marso 15, 2015

GAYON NA LAMANG ANG KANYANG PAG-IBIG!

Nasa kalagitnaan na tayo ng Kwaresma. Sa gitnang ito kung kailan dapat ay nararamdaman natin ang kawalan ika nga ng lakas dahil sa mahabang pagpapahindi sa sarili, diwa ng kagalakan ang hatid ng liturhiya. Sa pambungad ay ipinagtatagubilin sa atin na “Magalak tayo’t magdiwang.”

Meron bang dapat ipagdiwang at ikagalak?

Ito ang kwento sa unang pagbasa. Sa kabila ng pagsuway na paulit-ulit ng bayan ng Diyos, hindi iniwanan ng Diyos ang kanyang bayan. Naging daan ng kanyang pag-ibig ang isang hindi inaasahan – si Ciro ang hari ng Persia. Pinalaya niya ang mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonia.

Sa ikalawang pagbasa, ang dakilang awa at habag ng Diyos ang paksa ni Pablo. “Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin.”

Sa ebanghelyo, ang larawan ng Panginoong itinaas at nabayubay sa krus ang siyang naging kaugnay ng larawan ng ahas na itinaas sa tikin, upang maligtas ang mga natuklaw ng ahas sa disyerto.

Ang lahat ay nakatuon at nakaturo sa dakilang pag-ibig ng Diyos!

Alam nating mahirap ang buhay kahit saan. Sa panahon natin, tila wala na tayong kapag-a pag-asa dahil sa mga patuloy na nagaganap – ang walang patid na korupsyon sa lipunan, ang patuloy na pagyurak sa katarungan, at ang kawalang kakayahan ng mahihirap upang maka-ahon sa kanilang kahirapan.

Lahat tayo ay may karanasang maiwanan, ang hindi mapansin, ang hindi pahalagahan ng kapwa. Lahat tayo ay may katumbas na karanasan ng pagkatapon tulad ng naranasan ng bayan ng Diyos sa Babilonia.

Sa mga pagkakataong tila nawawalan tayo ng pag-asa, sa panahong tila naglalakad tayo sa tuyot na ilang o disyerto, pinupukaw nang paulit-ulit ng Diyos ang ating kamalayan at ipinagkakaloob ang panibagong sigla, panibagong aral, at panibagong paalaala na tayo ay patuloy na minamahal ng Diyos.

Huwag sana tayo manghinawa. Sa gitna ng kwaresma, sa gitna ng paghihirap natin, sa mga sandaling ang ating panalangin ay katumbas ng panalangin ng salmista: “Kung ika’y aking lilimutin, wala na akong aawitin,” ating gunitain pang minsan … may dahilan upang magalak … may dahilan upang magtiwala at umasa …

At narito ang mga dahilan:

“Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas tayo” … “Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin.”

Subali’t ito ang pinakamatindi: “Pag-ibig sa sanlibutan ng Diyos ay gayon na lamang, kanyang Anak ibinigay, upang mabuhay kailanman ang nananalig na tunay.”

KATITISURAN AT KAHANGALAN?

In Uncategorized on Marso 7, 2015 at 22:07

Ikatlong Linggo ng Kwaresma Taon B

images

Marso 8, 2015

KATITISURAN AT KAHANGALAN?

Mahirap unawain sa panahon natin kung bakit kailangang magdusa ang mga walang kasalanan at walang kamuang-muang. Ito ang dahilan kung bakit tumatayo ang balahibo natin kapag nakikita nating pinahihirapan o pinapaslang nang walang awa ang mga bata. Wala pa silang nagawang anomang dapat maging dahilan na sila ay magdusa, subali’t puno ng mga maiitim ang budhing walang habas na nagpapahirap maging sa mga bata.

Hindi rin madaling unawain kung bakit kailangang mapako sa krus ang Panginoon. Hindi madaling ipaliwanag kung bakit ginawa tayong malaya ng Diyos at may kakayahang magpasya ng kung ano man, at gumawa maging ng mga nakaririmarim na bagay.

Pero, tapatan tayo ngayon … Ito ang ipinagmamakaingay na balita ng mga tagasunod ni Kristo … “Ang ipinangangaral nami’y si Kristong napako sa krus.” Tila baga sinasabi ni Pablo na ang sentro, ang tampulan ng ating pananampalataya bilang Kristiyano ay ang krus. Ito ang saligan, ang sandigan, at ang sandalan ng buo nating pananampalataya at dahilan kung bakit tayo nananatili sa pananampalataya.

Pero krus nga ba ang dahilan kung bakit tayo nananatili sa piling ng Diyos? Isa itong “katitisuran” at “kahangalan.” Magsabi tayo ng totoo … Hindi natin kayang masabing hindi tayo nagagambala sa mga balita ng kabangisan ng mga terorista. Hindi natin masasabing madali ang harapin ang pagpugot ng ulo sa kamay ng mga namumuhi sa atin. Isa itong katitisuran kahit man lamang sa ating kapanatagan ng kalooban!

Subali’t ang krus ang naging batayan ng lahat ng ipinagmamakaingay natin bilang Kristiano – ang krus na naging sagisag ng buod ng magandang balita para sa lahat: “Pag-ibig sa sanlibutan ng Diyos ay ganoon na lamang, kanyang ibinigay upang mabuhay kailanman ang nananalig sa buhay.”

Hindi natin tiyak kung ano ang darating na bukas para sa ating lahat. Hindi natin tiyak kung ang kapayapaan ay tunay na maghahari pa sa bayan natin. Marami tayong hindi matitiyak, at hindi masasagot. Maraming babagabag pa sa ating kapayapaan at kapanatagan ng loob. Maraming katanungang walang mga kasagutan; mga hiwagang walang kapaliwanagan, at mga pagdududang walang katugunan.

Hindi man lamang natin maintindihan kung bakit ganito kagulo ang ating lipunan, at ang ating pamahalaan.

Pero kakaiba ang buod ng mga pagbasa ngayon … Una, iisa at tanging iisa ang Diyos. Hindi na tayo dapat maghanap ng iba pa. Ikalawa, krus ang siyang sentro ng ating kamalayang Kristiyano. Ikatlo, ang daan tungo sa katiwasayan ay sa pamamagitan ng hirap at pasakit. Pati siya mismo ay handang ialay ang sariling katawan upang maganap ang pangako ng Ama. “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.”

Batid niya ang nakatakdang tadhana ayon sa balak ng Ama. Hinarap niya ang dapat harapin. Inialay ang sarili para sa kaligtasan ng tanan, at idinipa ang mga kamay sa krus, na naging dahilan kung bakit ngayon ay niluluwalhati siya.

Ang ipinangangaral namin ay si Kristong napako sa krus! Hindi isang katitisuran. Hindi isang kahangalan, kundi dakilang karangalan.