frchito

Archive for the ‘Adviento’ Category

MANGHINAWA O MAGHINTAY NANG BUONG GALAK

In Adviento, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating, Taon K, Uncategorized on Disyembre 9, 2015 at 10:06

Ika-3 Adbiyento_K

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-3 Linggo ng Adbiyento Taon K

Disyembre 13, 2015

MANGHINAWA O MAGHINTAY NANG BUONG GALAK!

Sa panahon natin, marami ang nadadala na ng kawalang pag-asa. Marami ang hindi na naniniwalang maari pang magbago ang mga bagay-bagay. Sa darating na halalan, malamang na minority president na naman ang mailuluklok, sa kadahilanang ang mga higit na nakakaunawa, pero nanghihinawa na ay ipauubaya na lamang sa mga puedeng bayaran ang tungkuling pumili ng pinuno.

Pero sa mata ng pananampalataya, walang imposibleng bagay, at walang anumang dahilan para tayo ay mawalan ng pag-asa.

Ito ang pinag-ibayong paalaala sa atin ng panahon ng Adbiyento, kung kailan ang diwa ng paghihintay ang laman ng puso at isipan ng bawa’t mananampalataya.

Tingnan natin ang mga tahasang sinasaad ng mga pagbasa … Sa unang pagbasa, deretsahang sinasabi sa atin ng propeta: “Magalak nang lubusan, Lunsod ng Jerusalem!”

Malinaw na hindi panghihinawa ang aral, kundi ang kagalakang matimyas at matingkad. Ito rin ang turo ni Pablo sa mga taga Filipos: “”Huwag kayong mabalisa. … Magalak kayong lagi sa Panginoon.”

At ano ang dahilan ng ganitong kagalakan?

Simple lang ayon kay Pablo … “Malapit nang dumating ang Panginoon.”

Pero sandali nating tunghayan ang ibig sabihin ng mag-intay. Merong nag-iintay na nagpapalipas-oras lamang. Nakatunganga habang patinging-tingin sa relos. Merong nag-iintay na may ginagawa pa rin. Naglilinis ng bahay habang naghihintay ng kung ano man. Meron din namang naghihintay na puno ng pag-asa at nagdarasal.

Tingnan natin kung paano isinabuhay ni Juan Bautista at ng mga nakinig sa kanyang pangaral ang paghihintay na pinag-uusapan natin. Ang tanong sa kanya ay hindi ang pagtunganga bagkus kung “ano ang dapat nilang gawin.”

Oo, ang paghihintay sa panahon ng Adbiyento ay hindi isang walang kahulugang paghihintay tulad sa ginawa ni Juan Tamad na maghapong nakanganga habang naghihintay mahulog ang bayabas sa bibig.

Ang paghihintay na binanggit ni Juan ay puno ng paggawa, aktibo, at hindi nagkukubli sa kawalang pag-asa at kawalang kakayahang gumawa ng ano man.

Hindi kataka-takang kasama sa mga lumapit kay Juan ay mga publikano, mga taga kolekta ng buwis na sanay mangupit at kumobra ng sobra. Sila man, ay mayroong dapat gawin … ang paghihintay ay hindi nangangahulugang tuloy ang dating gawi, kundi ang paggawa ng isang panibagong daan tungo sa ganap na pagbabago.

OK ang manabik. OK rin ang maghintay. Pero mas OK ang gumawa ng nararapat upang ang paghihintay ay maging mabunga at makabuluhan.

Gusto niyo kung saan puede magsimula? Gayahin natin si Juan Bautista. Kailangan nating paghiwalayin ang dayami at ang trigo. Kailangan natin ng kalaykay at bagong panyapak. Kailangan ng apoy na susunog sa luma at mali.

Sa ating bansa, tila dapat ay malaking apoy ang maganap. Kailangan nating linisin ang maraming lumang bagay na siyang balakid sa ating paglago bilang isang bayan.

Higit sa lahat, ang bawat isa sa atin ay may kailangang tunay na pagbabalik-loob at pagbabago.

Samahan natin ang Santo Papa sa pagpasok sa banal na pintuan ng pagbabago, at isabuhay ang dakilang habag at awa ng Diyos sa buong taong darating at sa buong buhay natin!

KADAKILAAN SA KABABANG-LOOB AT KAPAYAKAN

In Adviento, LIngguhang Pagninilay, Taon K on Nobyembre 20, 2015 at 03:22

N.B. Wala akong pagkakataon ipaskil ang mga pagninilay na ito sa darating na mga araw dahil sa isang mahabang paglalakbay, kung kaya’t inuna ko na ipinaskil dito. Salamat sa lahat ng aking taga-subaybay at taga-tangkilik!

second-sunday-in-advent-clip-art-13643228765799_orig[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ikalawang Linggo ng Adbiyento – K

Disyembre 6, 2015

KADAKILAAN SA KABABAANG-LOOB AT KAPAYAKAN

Medyo mahilig sa detalye si Lucas Ebanghelista. Dapat lang, kasi duktor siya, isang taong aral at marunong, bihasa sa mga detalyeng wala dapat kalimutan. Hinimay niya ang kinapalooban kung kailan dumating si Juan Bautista. Panahon ni Tiberio Cezar, panahon rin ni Pilato, ni Felipe at Lisanias, at kung sino-sino pang pinangalanan niya, tulad ni Anas at ni Caipas.

Saka lamang niya binanggit si Juan, mula sa ilang, anak ni Zacarias – mga taong hindi kilala, at mga taong walang kapangyarihan.

Pero sa kanyang kasimplehan at kawalang pangalan at kawalang kapangyarihan, maganda ang sinabi ni Lucas sa sumusunod na mga pangungusap. Nagpunta siya diumano sa lahat ng dako ng Jordan, upang mangaral ng pagbabalik-loob at kapatawaran ng mga kasalanan.

San mundo natin, ang inaasahan lagi ay ang mga may kapangyarihan. Walang kusa ang mga payak at walang kaya. Sa kasawiang-palad ang may kaya at makapangyarihan ay malimit ay mapagsamantala at mapanlamang. Tingnan na lang natin ang mga bahay ng mga politico … Wala pa akong nakitang politikong nasiyahan sa maliit na bahay at iisa lamang. Kung meron man ay hindi ko pa nakita.

Sina Tiberio Cesar, si Anas, si Caipas, si Pilato at si Felipe at Lisanias ay nabanggit sa ebanghelyo. Subalit maliban dito at maliban sa pangbanggit rin ng mga sumulat ng kasaysayan, ay wala na silang iba pang nagawang hanggang ngayon ay ipinagbubunyi ng buong mundo.

Ito marahil ang pinakamahalagang aral sa ikalawang Linggo ng Adbiyento … ang matutong maging payak tulad ni Juan Bautista, ang matutong gumawa nang nararapat kahit walang HD camera o videocam na nakasunod, o walang blogger na magpapakilala sa atin sa mundo.

Ito si Juan Bautista — naghanda sa daraanan ng Panginoon, at hindi inubos ang oras sa pagseselfie at pagkuha ng larawan ng kanyang pagkain (dahil naman una sa lahat ay insekto o pulot pukyutan lang naman) at hindi nagwaldas ng oras upang makipag-chat online maghapon.

May kapangyarihan ang mga simple. Sabi nga ni Eleanor Roosevelt. Wala nang mas sisimple pa sa kadakilaan. Ito ay sapagkat ang pagiging simple ay pagiging dakila na.

At ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay laman pa rin ng panalangin ng simbahan si Juan Bautista.