frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

LIHIM NA NAHAYAG; HIWAGANG NABUNYAG!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 14, 2011 at 07:07

Ika-apat na Linggo ng Adbiyento (B)
Disyembre 18, 2011

Mga Pagbasa: 2 Sam 7:1-5.8-12.14.16 / Ro 16:25-27 / Lucas 1:26-38

Isa sa mga aklat na matamang pinag-uusapan sa Panitikan noong araw ay ang nobela ni Lope K. Santos na pinamagatang BANAAG AT SIKAT. Ewan ko sa inyo kung nabasa ninyo iyon. Ako, hindi! Nagsasabi lang ng totoo … Mahirap basahin ito … una, iisa ang kopya sa aming library … ikalawa, naninilaw na at bawa’t buklat mo, ay tila mapipilas ang mga dahon (o pahina!). Kasama ito sa mga epiko, tulad ng BI-AG NI LAM-ANG, na pamagat lang naman ang pinag-uusapan sa klase. Wala ni isa man sa amin, kasama na ang aming guro, ang nakabasa nito!

Lihim itong nanatiling lihim at nagkukubli sa aming mga guni-guni. Para itong THE DA VINCI CODE … maraming tumuligsa; maraming bumatikos, nguni’t kakaunti ang tunay na nakatunghay at nakabasa.

Pero may gamit ang aklat ni Lope K. Santos (buong-buo lagi kung banggitin sa klase ng Pilipino ang kanyang ngalan!), kahit man lamang bilang pambukas ng pagninilay na ito. Angkop na angkop … tugmang-tugma sa aking paksang napili.

Alin? Anong paksa? Eto … binuksan ng aklat ni Samuel … ang banaag ng kaligtasang unti-unting nahayag simula sa buhay ni David. Si David ay isang talubatang pastol na iniangat ng Diyos upang gumanap sa balakin niya patungkol sa kanyang bayang pinakamamahal. Bumanaag sa buhay ni David ang simulain ng balakin ng Diyos tungkol sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Pero, nauuna ako sa istorya … pinangungunahan ko ang hanay ng mga naganap sa pahinang ito ng buhay ni David, isang simple at walang kayang binatilyo, na ang alam lamang ay ang magpastol ng tupa, magpainom sa mga kahayupan, at maghatid sa wastong damuhan upang mabuhay at dumami.

Sa kapayakan at kahirapang ito, sa kawalang-malay at kasimplehang ito namanaag ang bukang liwayway ng kaligtasan. Kay David, na dati ay isang simpleng pastol, na natanghal bilang hari ng mga Judio, nagsimula ang malawakan at malalim na panagimpan ng Diyos para sa kanyang bayang pinili.

Pero tulad ng marami nating politico, at tulad rin ng dating mga simpleng pari na sa sandaling magkaroon ng mitra at bacullum (staff) ay biglang nagbabago, o mga dating simpleng seminarista, na oras maging pari at magkaroon ng dalawa o tatlong letra sunod sa pangalan, ay biglang lumulobo at nagiging mahangin, si David ay biglang naging ampaw na puno ng ere. Nagpasya siyang igawa ng bahay ang kaban ng tipan. Akala niya’y siya ang may tangang pinakamagandang plano sa balat ng lupa. Walang masama, walang lisya sa tama at wasto, walang anumang bahid ng pag-iimbot …

Nguni’t iba ang balakin ng Diyos. Iba ang kanyang iginuguhit na tadhana para kay David. Hindi para sa kanya ang magpasya kung sino ang gagawa ng kung ano. Kaya’t ito ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Natan: “Ako mismo ang gagawa ng isang tahanan para sa iyo … Patatagin ko ang iyong sambahayan … magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y di mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.”

Ang lihim na balakin ng Diyos para sa kanyang bayan ay namanaag sa katauhan ni David. Unti-unti at dahan-dahang nahayag ang balak ng kaligtasan, at isang datihang pastol na walang kaya at kapangyarihan ang naging tulay ng magandang balitang ito ng kaligtasan!

Taliwas ito sa ating pang-araw-araw na karanasan. Poder, posisyon, at panggugulang ang natutunghayan natin sa bawa’t araw na ginawa ng Diyos … mula sa may baril, mula sa may trono, at kapangyarihan; mula sa dati-rati ay mga ordinaryong mortal na nagsikap rin at naghirap ring mag-aral ng Balarila at Panitikan (na magpahangga ngayon ay hindi ko pa rin nauunawaan!) Ang mga matitikas na heneral na nagtangay ng daan-daang milyong piso mula sa kaban (hindi ng tipan kundi) ng bayan, tulad ng mga ngayon ay nabubuhay sa karangyaang ilang mga pari at Obispo, ay mga anak rin ng mga simpleng magsasaka, mga simpleng taong nagpundar unti-unti, nagpakahirap at nagsakripisyo, mapag-aral lamang ang kanilang mga anak! Ang mga diumano’y “naglilingkod” na mga tao sa bayan, na ngayon ay nagpapasasa sa yamang hindi nila pinaghirapan, di ba’t sila, tulad mo, tulad ko, ay mga anak-pawis din lamang, at mga taong hindi isinilang na may subong kutsarang pilak sa bibig?

Parang si David, na nakatikim lamang ng kaunting ginhawa ay nag-asal pakawalang timawa kapagdaka.

Masamang balita? Marahil … lalu na para sa mga tinatamaan. Magandang balita? Tumpak, lalu na sa mga dinaplisan at nauulanan ng aking mga pasaring (kasama ako rito, unang-una sa hanay ng mga makasalanan!).

Tutal, di ba’t ito ang dahilan kung bakit tayo nagtitipon ngayon dito sa simbahan? Di ba’t tayo ay nagsasama-sama ngayon sapagka’t kailangan natin ng kaligtasan at kailangan rin natin ng kaunting tulak upang gampanan ang misyon nating lahat?

Heto ang kaunting tulak … mula kay David na tinuruan ni Natan ng isang malaking dagok sa kanyang kapalaluan. Ang kaligtasan ay kaloob ng Diyos. Hindi ito makukuha sa pa-cute, pagbubuhat ng sariling bangko, at pagtahak sa daan ng kapalaluan. Ito ay nakukuha sa kababaang-loob at kahinahunan, tulad ng numero unong payak at simpleng tao na iniangat mismo ng Diyos upang maging Ina ng Mananakop. Siya ang tunay na banaag at sikat. Siya ang orihinal na nabanaagan ng liwanag ng kaligtasan na si Jesus. Sa kanyang kapayakan, sa kanyang kaamuan at kahinahunan, sa kanyang kawalang paghahangad ng rangya at kapangyarihan, siya ay hinirang ng Diyos upang maging “kaban ng Tipan,” sisidlan ng kabanalan, at tagapagdala ng walang kupas at wagas na Liwanag, si Kristo Jesus, ang Mananakop.

Sa pamamagitan ni Maria, na nabanggit sa ebanghelyo natin ngayon, ang orihinal na “banaag” – ang silahis ng unang liwanag sa madaling araw, ay natunghayan ng buong sanlibutan. Sa pamamagitan niya, ang lubos at taos na SIKAT ng kaligtasan ay nailuwal, naipagkaloob, at naihatid sa taong nabubuhay sa kadiliman ng kasalanan.

Simula kay David, ang lihim ng Diyos ay nagmulang mahayag. Sa pamamagitan ni Maria, ang hiwagang nagkukubli sa kapayakan at kasimplehan at kababaan, ay nabunyag para sa ating lahat na nababalot sa dilim!

INGAY O PAGPAPATUNAY?

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, San Juan Bautista, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 7, 2011 at 12:54

Ikatlong Linggo ng Adbiyento (B)
Disyembre 11, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 61:1-2.10-11 / 1 Tes 5:16-24 / Jn 1:6-8.19-28

Maraming ingay tayong naririnig sa kabi-kabilang dako. Mga ingay tungkol sa mga artistang biglang nagtungayaw, naghiwalay, at nag-iyakan sa TV … mga ingay tungkol sa mga testigong isa-isang sumusulpot mula sa lungga na parang mga dagang may naamoy na bagong kesong puedeng pagpiyestahan … mga ingay tungkol sa kinamumuhiang dating pinuno ng bayan na ngayon ay isa nang tampulan ng lahat ng uri ng panlalait at panlilibak.

Sari-saring ingay, iba-ibang sangay ng mga usaping iisa naman ang pinagmumulan – ang kasabikan ng taong pag-usapan ang buhay ng may buhay, at bilangin ang pera na hindi naman kanila, at kumilos na tila baga’y parang mga abogadong dalubhasa lahat sa batas, at may kanya-kanyang paghuhusga sa taong hindi pa man nalilitis ay napagpasyahan na ng balana, sa tulong ng mass media.

Maraming ingay tungkol sa napaslang na anak ng isang dating senador (isa sa ilang dosenang mga anak niya sa iba’t ibang babae). Maraming ingay tungkol sa pagkapanalo ni Pacquiao laban kay Marquez, na magpahangga ngayon ay hindi pa matanggap ng ilang Pinoy at ng kampo ng Mexicano. Maraming ingay rin tungkol raw sa kalusugan ng kababaihan, na kamukat-mukatan mo ay hindi kalusugan kundi ang pagpigil sa pagdami ng mga Pinoy ang pakay. Maraming sa likod ng ingay ay nagpapatunay diumano sa katotohanan, tulad nga ng mga testigong parang dagang nangagsipaglabasan mula sa lungga ng pagkukubli at katahimikan.

Ingay ba kaya ito lamang o walang halo at simpleng pagpapatunay?

Ingay ba ito na may halong sungay, at handang suwagin ang ano man maitumba lamang ang kinamumuhiang tao? Ingay ba ito, na walang iba kundi sangay lamang ng maitim na paghahangad upang panagutin ang dapat managot, at ipiit ang dapat magbayad sa mga krimeng bintang sa kanila?

Katotohanan ba kaya ang pakay ng lahat ng ingay na ito?

Wala akong maisasagot dito. Hindi ako lubusang nakapasok sa isyu upang maging isang bahagi ng malaking usaping ito ay maging bahagi ng mga nagmamakaingay sa kasong nabanggit.

Ako ay isang pari, guro, tagapayo, at manunulat, na nagpapatakbo rin ngayon ng isang maliit na paaralan. Nguni’t bilang pari at tagapayo, hangad ko lamang lumutang kumbaga sa lahat ng ingay na ito, at tingnan kung mayroon bang maitutulong ang Salita ng Diyos hinggil sa mga pangyayaring kumukuha ng ating pansin.

Ang aking tugon? Meron … merong aral ang mga pagbasa natin para sa buhay natin na nababalot sa ingay at iba pang uri ng kaguluhan.

Puno ng ingay ng kasinungalingan ang maraming mga pangyayari sa paligid natin. Hindi na natin masala kung alin ang tunay at alin ang ingay. Pati mga nagsasabing sila raw ay testigo ay papalit-palit ang salaysay, tulad ng kapatid mismo ng artistang pinatay kamakailan. Walang isang salita, at sanga-sanga ang dila sa pagsasabi ng mga magkakasalungat na salaysay.

Sa kabutihan ng Diyos, isa ngayong tao ang ibinubungad sa atin ng liturhiya upang tularan, upang maging huwaran … walang iba kundi si Juan Bautista.

Iisa ang kanyang salita. Hindi sanga-sanga ang dila, at lalung hindi nagsangay-sangay ang mga binibitawang salita. Nang tanungin kung sino siya, wala siyang atubiling sumagot: “Hindi ako ang Mesiyas.” “Hindi ako si Elias.” “Hindi ako ang propeta.” At sa kabilang dulo ng pagtanggi ay isang malalim at tiyak na pagtanggap: “Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.”

Malaking pangangailangan ng mundo natin ngayon ang isang hindi ingay ang dulot, kundi pagpapatunay. Balot na balot na tayo ng ingay. Hindi na tayo magkamayaw sa akusasyon at kontra akusasyon ng mayayamang pamilya sa Pilipinas, na nag-aaway daw para sa prinsipyo, nguni’t malinaw na ang pinag-aawayan naman ay pera, posisyon, at poder.

Kailangan natin ang maghalintulad kay Juan Bautista, na hindi napasailalim sa anumang may poder o kapangyarihan, bagkus nagbitbit ng sariling dangal at paggalang sa sarili. Sa halip na mag-ingay tulad ng lahat, siya ay nagbigay patunay. At ang kanyang patunay ay walang kinalaman sa isang bagay na nasusukat at natitimbang, hindi tungkol sa walang kapararakang naisin, kundi sa isang adhikaing walang kapantay dito sa lupang ibabaw.

Nagpatunay siya sa katotohanan tungkol kay Kristo. Nagpatunay siya hinggil sa katotohanang mapagligtas – ang katotohanan tungkol sa sugong Mesiyas na darating, na wala siyang kakara-karapatang magtali o magkalag ng mga sintas ng kanyang sandalyas.

Pagpapatunay. Katotohanan. Kaligtasang walang kaakibat na paghahanap sa sarili at mapanlinlang na ingay tungkol sa kapwa, liban sa simpleng patunay na si Jesus, ang kanyang Panginoon, ang Mesiyas na pinakahihintay.