frchito

Archive for the ‘Karaniwang Panahon’ Category

BALIK-TANAW, BALIK-ISIP, BALIK-LOOB

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Setyembre 28, 2014 at 15:46

Ika-26 na Linggo ng Taon A
Setyembre 26, 2014

BALIK-TANAW, BALIK-ISIP, BALIK-LOOB

Sabi nila, gago lang daw ang hindi nagbabago ng isip. Bagama’t hangal din ang pabago-bago ng isip, mas hangal ang hindi marunong magbalik-isip, magbalik-tanaw, at magbalik-loob.

Ito ang kagandahan at karangalan ng kawayang Pinoy. Sumasayaw sa hangin; umiindak sa bagyo, lumuluhod sa unos, at para bagang nakikibagay sa daloy ng panahon … pero hindi kailanman nababali. Nagbabago siya ng posisyon, ayon sa hangin … nakikibagay … nakikisama … pero hindi sumusuko at nababali ng hangin.

Pero hindi ibig sabihin nito ay hindi siya marunong umangal. Sa katunayan, kapag malakas ang hangin, may salitang angkop lamang para sa kawayan, ang alatiit – ang tunog ng kawayang nagkikiskisan at nag-uumpugan dahil sa hangin. Parang umaangal, nag-rereklamo, pero hindi bumibigay. Walang iniwan ito sa reklamo ng mga Judio at reklamo rin natin malimit: “Hindi matuwid at makatarungan ang panuntunan ng Diyos!”

Sino sa inyong nagdaan din sa pagkabata ang hindi umangal sa dami ng utos ng magulang? Sino sa atin ang hindi nagreklamo dahil mas gusto natin maglaro, pero kelangang mag-igib, magsibak ng kahoy, o may bilhin sa tindahan? Sabi nila, ang pinakamaingay na gulong ang nakakatanggap ng mas maraming grasa. Ito ang naging tugon ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Exequiel: “Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot.”

Minsan ring baluktot ang pamantayan ni Pablo. Noong siya ay kilala pa sa pangalang Saul, inusig niya ang Simbahan, at ang mga kristiyano. Pero ngayon, nang makilala niya ang Diyos, panay magagandang pangarap ang kanyang wika: “pag-ibig, pagkakaisa, kagalakan, kababaang-loob” at iba pa.

Nagbago rin siya ng isip. Nagbago rin siya ng saloobin. At ang pagbabagong nagmumula sa kalooban ay nagbubunga sa kilos panlabas.

Dalawang mag-kuya ang kwento sa ebanghelyo. Inutusan ang panganay. Tumanggi ang panganay. Inutusan rin ang bunso. Nangako ang bunsong susunod. Subali’t ang bunso ay hindi kumilos at gumawa. Ang panganay, bagama’t tumanggi ay nagbalik-isip, nagbagong loob, at gumawa nang nararapat.

Sa buhay natin, sagana tayo sa karanasang tulad nito. Marami tayong ayaw, at marami tayong gustong gawin. Malimit tayo tumanggi at magpahindi kahit sa mga nagmamahal at nagmamalasakit sa atin. Malimit rin tayong mag-reklamo at umangal. Subali’t karanasan rin natin na hindi lagi tayong nananatiling nagmamatigas sa ating kalooban. Hindi lagi tayong nananatiling manhid at walang pansin, walang pagtingin, walang konsiderasyon.

Matapos magmuni, matapos mag-gunam-gunam ay may nakikita rin tayong kaliwanagan. At ang isip ay nagbabago. Ang puso ay nagkakaroon ng paghupa at kahinahunan. Ang isipan ay tumatanggap ng kaliwanagan.

Metanoia ang tawag rito ng Banal na Kasulatan – ang pagbabagong-loob. Ngunit ang pagbabagong-loob na ito ay nagaganap lamang kung may pagbabalik-isip, pagbabalik-tanaw, at nauuwi sa pagbabalik loob.

Sino sa dalawang magkapatid ang tumupad sa kalooban ng Diyos? Kelangan pa ba imemorize yan? Pero ito naman ang magandang balita. Huwag natin kalimutan ang bunso na mas mabilis ang bibig kaysa sa kanyang puso at kamay …

Hindi pa huli ang lahat. Para sa kanya at para sa atin. May oras pa para magnilay. May panahon pa para mag-isip-isip. At ito ang dapat nating lahat isipin: “Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay!”

two_sons_parable

ANGAL, HANGAL, DANGAL

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Setyembre 12, 2014 at 18:30

masaccio_trinitar400

PAGTATANGHAL SA BANAL NA KRUS
Setyembre 14, 2014

ANGAL, HANGAL, DANGAL

Magaling tayo sa maraming bagay. Ngayong napipinto na ang tuluyang pagkakaisa ng mercado ng buong ASEAN region, nakikita natin kung saan tayo magaling kumpara sa iba, at kung saan naman tayo medyo nahuhuli. Marami tayong kagalingang hindi makikita sa ibang bansa. Marami rin tayong kahinaan na hindi makikita sa iba.

Magaling din tayo umangal at mag-reklamo kapag tayo ay nalalamangan o nauunahan.

Ganyan ang ginawa ng mga Israelita. Sa una, tuwang-tuwa silang umalis sa Egipto. Nguni’t di naglaon, nang wala na silang eat-all-you-can ng pagkaing maraming bawang at sibuyas, at puro walang lasang pizza (manna) ang kanilang pagkain, matindi ang kanilang angal: “Inialis mo kami sa Egipto para patayin lang sa ilang na ito?”

Hindi nga naman makatarungan ito, ika nga. Mayroong hindi wasto. Mayroong hindi lapat ang upo.

Pero kung sa wasto lang ang pag-uusapan, mayroon ring parang hindi tama sa tugon ng Diyos sa reklamo ng kanyang bayan – ang walang sawang awa sa kanila at kapatawaran. Hindi lang first-aid ang ibinigay ng Diyos sa taong natuklaw ng ahas, kundi ganap na kagalingan, kahit na sila ay walang ipinakita kundi reklamo at pagsaway.

Parang hindi tama ito. Diyos na ang agraviado, siya pa ang nagpakita ng awa. Sa taong hangal, na walang ipinakita kundi angal, ang kanyang isinukli ay dagdag pang dangal.

Nais kong isipin na ang piyesta ngayon ay walang ibang pakahulugan kundi ito. Sa harap ng ating mga angal sa Kanya … sa kabila ng ating pagiging hangal sa harap ng kanyang walang sawang pagpapatawad, minarapat na panatilihin niya ang ating dangal na nakaugat sa kanyang dakilang pag-ibig.

Malayong malayo tayo sa Diyos at sa kanyang pamulat sa akin. Ewan ko kayo, pero inaamin ko na mahirap ang magpatawad. At lalong mahirap ang magpalamang sa kapwa na tila ipinaglihi sa pandurugas at pagmamalabis. Mahirap unawain na ang Pilipinas ay nananatiling mahirap dahil sa mga kagalang-galang na magnanakaw sa gobyerno, lalu na sa kongreso.

Pero hindi ko maiaalis ang katotohanang ang pamulat sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay siyang nababasa natin sa kanyang ginawa sa krus. Bagama’t siya ay Diyos, “hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.”

Wala itong lohika, liban sa lohika ng pag-ibig – walang hanggang pag-ibig. Sa harap ng ating angal, sa kabila ng ating pagiging hangal, walang kahulirip na dangal ang kanyang ipinagkaloob sa atin: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Wag na sana tayong manatiling hangal sa ating walang patid na angal. Mataas ang ating dangal dahil sa kanyang walang hanggang pag-ibig.