frchito

Archive for the ‘Kristong Hari’ Category

MINARAPAT NA IBILANG SA KANYANG MGA HINIRANG!

In Homily in Tagalog, Kristong Hari, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Nobyembre 17, 2010 at 10:15

Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari (K)
Nobyembre 21, 2010

Mga Pagbasa: 2 Samuel 5:1-3 / Col 1:12-20 / Lucas 23:35-43

Sanay na ang buong mundo makarinig ng mga tinatawag na “trash talkers,” mga taong napakagagaling manlait ng kapwa, mag-maliit sa mga karibal, at manira ng mga katunggali. Nakita natin ito sa paulit-ulit na nating halalan. Hagisan ng putik, tapunan ng basura, at batuhan ng mga bintang ang pinaka-uso sa kampanya ng mga kandidato … siraan, labasan ng baho, at paninirang walang patumangga.

Nakita rin natin ito sa mga laban ng pambansang kamao, na si Manny Pacquiao. Narinig natin kay Hatton … narinig natin ang parehong panlalait kay Mayweather. Nakita rin natin kung paano inalipusta ang sakit ni Fred Roach ng kampo ni Margarito kamakailan.

Ewan ko ba kung bakit ganito ang gawi natin? Para umangat, malimit ang gawa natin ay ibagsak ang iba. Para gumanda ang imahe natin, ang alam lamang natin gawin ay pasamain ang iba … Di ba’t isip talangka ang taguri natin dito?

Ang isip talangkang ito ay walang iba kundi ang pagsisikap umangat sa pamamagitan na pagtuntong sa iba, ang pagpupunyaging tumaas sa pamamagitan ng pagbabagsak sa kapwa.

May tawag ang Banal na Kasulatan dito … At ang taguri natin dito ay walang iba kundi ang kayabangan! … ang pag-aangat ng sarili na wala namang ibubuga, ang pagbubuhat ng sariling bangko, ika nga … ang pag-iisip na tayo ay higit sa iba, lamang sa kapwa, at naka-aangat kaninuman!

Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito ay may salungat na larawan ang nakita tayo sa katauhan ni Manny Pacquiao. Hindi ko intensyon na ideklara siya bilang santo, nguni’t sabi nga nila sa Ingles, “credit needs to be given where credit is due” …dapat kilalanin ang isang bagay na maganda sinuman ang gumawa nito.

Sa araw na ito na pista ng karangalan at luwalhati, patungkol kay Kristo na itinatanghal natin bilang Hari, karapat-dapat lamang na magmuni tayo tungkol sa tunay na kadakilaan, wagas na karangalan, at walang pag-iimbot na pagkilala sa kadakilaan ng sinumang dapat kilalanin.

At sino ang dakila? Sino ang dapat kilalanin? Sino ang karapat-dapat ng pagpupugay at parangal?

Hindi nag-aatubili ang Inang Simbahan tungkol dito. Hindi patumpik-tumpik ang Banal na Kasulatan hinggil rito. At ano ang turo nito? Iisa, iisa, tanging isa lamang ang karapat-dapat ng dakilang papuri at parangal. Iisa, at tanging iisa lamang ang may kapangyarihang mag-akyat at magbaba, maghusga at magpasiya hinggil sa lahat ng nilalang. Siya, at tanging Siya lamang, ang nag-aangat at nagbababa, ang kumikilala at nagpuputong ng korona ng luwalhati.

Siya ang Diyos, ang Panginoon, at ang kanyang bugtong na Anak ang Hari ng santinakpan, ang siya lamang karapat-dapat ng tunay at walang hanggang papuri at parangal.

Siya ang nag-aangat. “ang nag-aangat ng sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa sa sarili ay iaangat.” Ang Diyos ang humihirang … “ipinangako sa iyo ng Panginoon na gagawin ka niyang hari upang mamuno sa kaniyang bayan.”

Nakita natin kung gaano kalakas ang lagapak ng taong mataas ang lipad. Nakita natin kung paano napahiya si Hatton sa kanyang mga panlalait. Nakita natin kung paano ngayon magtago si Mayweather. Ang nagpapakataas ay ibabagsak. Sa kabilang dako, nakita natin kung gaano kasimple, at kabait ang isang kampeon na may habag at pagmamalasakit sa kalaban. Nakita natin kung paano pinaka-ingatan ng kababayan natin ang kapakanan ng kanyang kalaban. Nakita natin ang kanyang paggalang kay Margarito at ang pag-iingat niyang hindi na lumala pa ang mga sugat sa mukha ng kalaban. At bagama’t patuloy siyang nilalait ng mga rasista sa buong mundo, hindi maipagkakaila na respeto para sa kanya ang ipinuputong na parang korona sa kanyang ulo. At ang respetong ito ay tinatamasa rin natin na kanyang mga kababayan.

Ang kasukdulan ng respetong ito ang dapat natin ngayon ibigay sa tunay na Hari ng ating mga puso at kaisipan. Siya na may kapangyarihang mag-angat at magbagsak, siya na may-akda ng lahat ng kadakilaan, at may kaloob ng lahat ng kakayahan ng tao.

Siya bilang tao at Diyos ay nilait din ng tao … “Iniligtas niya ang iba; iligtas din niya ang kanyang sarili!” “Nilibak siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak.”

Ngunit may isang kumilala at nagpakababa, humiling at naki-usap, nanalangin at nanikluhod: “Jesus, alalahanin no ako kapag naghahari ka na.”

Ang pagkilalang ito, ang pagpapakumbabang ito ang nagbukas ng pinto ng langit … “Ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

Ito ang Hari ng katarungan … ang Hari ng mga mabababa ang loob, ang Hari na may kapangyarihang mag-angat at magbaba. Siya ang pinupuri natin. Siya ang niluluwalhati natin dahil sa maraming bagay … sa kaloob niyang buhay, sa kaloob niya ng katauhan ni Manny Pacquiao, sa kaloob niya ng lahat ng tinatamasa natin, pati ang paggalang ng mundo sa lahi natin, dahil sa kababaang-loob ng kampeon natin. Purihin ang Hari ng sansinukob! Purihin ang Hari ng mga Hari! At pagpalain nawa Niya ang bayan natin! Sapagka’t “minarapat Niya tayong ibilang sa kanyang mga hinirang!”

HARABAS, PALABAS, TUBOS, LUBOS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kristong Hari, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon B on Nobyembre 16, 2009 at 01:33

Christ_the_King

DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI
Nobyembre 22, 2009

Mga Pagbasa: Daniel 7:13-14 / Pahayag 1:5-8 / Juan 18:33b-37

Marami ang manonood ng sineng 2012. Kasama ako dito. Kahit ano sabihin natin, nakabibighani ang sine na may kinalaman sa trahedya, sa wakas, sa mga nakasisindak na mga bagay na maaaring mangyari sa daigdig na kinalalagyan natin. Nakapagtataka, nguni’t sa panahong ito kung kailan maraming mga natural na trahedya tulad ng lindol, baha, tsunami, at iba pa ang nagaganap sa maraming bahagi ng mundo, ang mga palabas na nagpapakita ng pagka-harabas ng lahat ng kalikasan ay dumadami.

Madaling madala ng takot dahil sa mga ito. Ang panghaharabas ng kalikasan sa mundo ay magandang paksa sa maraming mga palabas na nagdudulot ng pangamba sa isipan at puso ng marami.

Ngunit ano ba ang kaibahan ng sineng 2012 sa sinasaad ng mga pagbasa ngayon? Ang mga pagbasa ay tumutuon sa pagdatal ng mananakop. Subali’t tulad ng nakagawian ng mga manunulat noong panahong yaon, ang balitang ito ay isinapaloob nila sa isang uri ng panitikang tinaguriang apokaliptiko — isang uri ng panulat na kinapapalooban ng marami at kahindik-hindik na mga sagisag o simbolo, na nakatuon at naglalayon, hindi sa pagdudulot ng takot at pangamba, kundi sa isang karunungang espiritwal.

Takot ang dulot ng 2012. Takot ang dulot ng mga mabababaw na hula na nagsasabing gugunaw na ang daigdig sa taong 2012 at iba pa. Nguni’t ang pagdatal ng Anak ng Tao na binabanggit ni propeta Daniel ay hindi takot ang layon, kundi pag-asa, paghihintay, pagnanasang banal, at pananampalataya sa Diyos na hindi nanghaharabas ng kanyang nilikha bagkus nagliligtas at nagtutubos nang lubos!

Ito ang diwa ng paghahari ni Kristo. Hindi niya kailangang maging Hari. Hindi niya kailangan ng anumang titolo. Nguni’t kailangan natin ng isang ituturing na Hari, upang ang ating kamalayan at pagkatao ay matuon sa iisa at parehong layunin at balakin.

Maraming hari o naghahari-harian sa atin. Sapat nang makita ang mga trahedya na dulot ng mga naghahari-harian sa bayan natin – ang mga tampalasang nagwawasak ng kagubatan, ang mga politikong walang hanap kundi posisyon, poder, at pera … ang lahat na ang sinasanto at sinasamba ay hindi ang espiritwal na katotohanan kundi ang sariling pansamantalang kapakanan. Mahaba ang listahan … at kasama tayong lahat dito.

Ang diwa ng paghahari ni Kristo ay para sa atin, at hindi para sa kanya. Malinaw ba kaya ang ating pinipili? Malinaw bang tunay ang hangad natin?

Nakatutuwang isipin na tayo ay nababagabag ng mga imahenes sa sineng 2012. Subali’t matanong natin ang sarili natin … nababagabag ba tayo sa mga bahang kagagawan natin? Nababagabag ba tayo sa katotohanang hindi na natin kailangan ang init ng araw upang wasakin ang hinaharap natin? Natatakot ba tayo sa mga trahedyang dulot ng katakawan natin, pagkamakasarili, at pagkaganid sa mga dulot ng kalikasang mabilis natin ngayon sinisira at winiwindang?

May taglay na aral ang wakas ng panahon sa atin. At hindi takot ang aral na ito kundi karunungan. May taglay na aral ang matuto nating ituring ang Panginoon bilang Hari, sapagka’t sa ganitong paraan, ay mababatid natin na hindi tayo ang “bosing” ng kalikasan na walang pakundangan sa katotohanang ito ay may hangganan. May malaking aral ang kapistahang ito para sa atin na pawang naghahari-harian sa mundo at sa lahat ng alay ng mundong ito.

Sa araw na ito, pista ni Kristong Hari, matuto nawa tayong ilagay ang sarili sa wastong luklukan, hindi sa luklukan ng mga masisiba, matatakaw, madadamot, at mapagkamal at tampalasang politico na walang inisip kundi palawigin ang sariling poder, posisyon at pananalapi. Matuto nawa rin tayo na alalahanin tuwina na may wakas ang lahat, ang buhay, ang hininga, ang pananatili natin sa mundong ibabaw.

Ang Kristong Hari ay dapat tunay na maghari sa puso ng bawat isang Pinoy.

Ang dulot ng Haring ito ay hindi harabas na makikita natin sa palabas. Ang hatid ng Haring ito ay hindi mga paingay na dala ng mga taong sanga-sanga ang dila na buktot at baluktot ang pag-uugali sa lipunan. Ang hatid ng haring ito ay karunungang espiritwal, na maalam tumingin sa aral ng wakas, ng hantungan at ng hangganan ng lahat.

At ano ba ang hantungan at hangganan na ito? Ang tubos at kaligtasan natin lahat … katubusan at kalubusan. Ang haring ito ay naparito upang maghatid sa atin ng tubos na lubos …. “siksik, liglig, at nag-uumapaw.”

Purihin ang Cristo Rey!

Chicago, IL 60605
Nobyembre 15, 2009
11:30 AM