frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

SA MGA TULAD KONG PINANGHIHINAAN NG LOOB

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Setyembre 8, 2012 at 12:00

Image

Ika-23 Linggo ng Taon B

Setyembre 9, 2012

Mga Pagbasa: Is 35:4-7a /Santiage 2:1-5 / Mc 7:31-37

SA MGA TULAD KONG PINANGHIHINAAN NG LOOB!

Wala akong maalalang pagkakataong ako ay dinapuan ng matinding takot liban sa isang pagkakataon noong ako ay batang musmos pa lamang. Gabing madilim at malalim na ang gabi. Mag-isa ako sa kwarto at sa labas ay ingay ng mga matatandang tila takot ang aking narinig. Naalimpungatan ako at natatandaan kong pinagpawisan ako ng malamig. Hindi ko matandaan kung ano ang aking kinatatakutan, pero tandang-tanda ko ang pakiramdam ng matinding takot.

Nguni’t sa aking katandaan, alam kong ako ay mga pangamba at takot pa rin. Tulad ng lahat ng tao, takot ako tumanda. Takot rin ako magkasakit. Takot akong maging pasanin at alagain ng ibang tao. Takot ako na maging isang suliraning dapat tiisin ng iba.

Sa nakaraang Linggo dinaanan ang buong bansa ng isang matinding takot. Isang malakas na lindol, na nagmula sa ilalim ng dagat ang gumulantang sa buong bansa, magmula Davao sa timog hanggang sa Baguio sa hilaga. Sa kabutihang palad, ang lindol ay nagmula malayo sa karagatan at hindi nakasandi ng matinding pinsala sa buhay at kabuhayan ng marami.

Sinasagian ng takot ang puso natin malimit. Kundi takot ay pangamba, pag-aagam-agaw, at kung minsan, ay panghihinawa. Sa pagtakbo natin sa buhay na makamundo, pati mga mananakbo kung minsan ay natitisod, napapatid, at natutumba. Kahit ang pinakamasigasig na tao ay nanghihinawa, nagsasawa, napapagod, at nadadala ng pag-aalinlangan.

Ito ang paksa ng tatlong pagbasa ngayon. Ang una ay may kinalaman sa mga pinanghihinaan ng loob. Ang ikalawa ay ang mga nanghihinawa sapagka’t sila ay hindi itinuturing na kapantay ng iba. May tinitingnan, ika nga, at may tinititigan. Ang ikatlong pagbasa naman ay may kinalaman sa hindi pinapansin ng madla – ang mga pipi, ang mga bingi – ang mga taong dahil sa kapansanan ay hindi pinahahalagahan ng lipunan.

Alam kong lahat tayo ay may karanasan na may kinalaman rito – ang hindi mapahalagahan, ang hindi makilala, ang hindi kilalanin, at hindi tangkilikin ninuman. Ito ang pinakamasakit na karanasan ng isang tao, ang tikisin, ang hindi tauhin, at hindi pahalagahan ninuman.

Marami sa atin ang maraming magandang hangarin. Marami sa atin ang may kagustuhan magawa at marating. Marami rin sa atin ang may gustong ilagak para sa ikabubuti ng lipunan, pero hindi natin magawa sapagka’t walang tiwala, walang paniwala – walang bilib sa kakayahan natin.

Kaming mga pari ay bihasa rito. May mga grupong magaan kausapin, madaling bigyan ng pangaral. Bakit?  Sapagka’t mayroon silang tinatawag na “audience sympathy.” Mayroon silang kabukasan ng isipan, kabukasan ng kalooban, at kakayahang makinig. Hirap kami sa mga taong antemano ay diskumpiyado na sa amin, na sa mula’t sapul, ay wala nang pagpapahalaga sa amin.

Sa mga araw na ito, bugbog sarado ang marami sa amin. Sapagka’t ipinagtatanggol namin ang pangaral ng Simbahan, kung ano-ano ang ibinabato sa amin. Nariyan ang sabihing kami raw ay walang alam sa pamilya kaya’t dapat kami ay manahimik na lamang. Nariyan rin na kami ay sabihang makasalanan din naman rin, kung kaya’t dapat na lamang busalan ang bibig. Nariyan rin ang sabihing kaming lahat ay nag-aabuso, at hindi nagbabayad ng buwis. Lahat na yata ay ipinupukol sa amin … pati na ang lababo galing sa kusina.

Marami rin sa aking mga tagabasa ang nakararanas ng panghihinawa. Matapos gumawa ng mabuti, malimit na sila pa ang masama. Matapos ipagtanggol ang Diyos, sila pa ang nagdurusa. Matapos magsikap magpakatino bilang Kristiano, ay sila pa ang sinasagian ng lahat ng suliranin at pagsubok.

Maging ang mga manlalaro ay natitisod rin, natatapilok, natutumba rin kung minsan.

Sa mga sandaling ito, kailangan nating lahat ng kaunting paalaala, pagunita, pabaon at pampagaan ng isipan.

Ito ang aral sa ating lahat ngayon, yamang tayo ay nakararanas lahat nito: pahatid sa mga taong pinanghihinaan ng loob. Ano ang paalaalang ito?

Una, “huwag kang matakot, lakasan ang iyong loob, darating na ang Panginoong Diyos, at ililigtas ka sa mga kaaway.”

Ikalawa, “hinirang ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya.”

Ikatlo, malinaw sa halimbawa ng Panginoon na nasa panig siya ng naaapi, ng nasasa-isantabi, ng hindi itinuturing na mahalaga sa mga mata ng tao at lipunan. Tulad na lamang ng pipi at bingi. Siya ang pinaburan ng Diyos. Siya ang binigyang halaga ng Panginoon. At ano ang kanyang wika sa mga tulad nating ngayon ay tila pinanghihinaan ng loob?

Effata! Mabuksan!

Mabuksan nawa at bumuhos ang masaganang biyaya na kalakasan ng loob at katatagan ng pananampalataya nating lahat. Matindi ang laban. Maraming dahilang upang mangamba, manghinawa, at magsawa sa paggawa ng mabuti.

Sa mga tulad ko’y di miminsang pinanghihinaan ng loob, “huwag matakot! Lakasan ang loob!” Ang Diyos ay Diyos ng awa at habag at kagalingan!

LAHAT NG INIUTOS, AMING SUSUNDIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Hunyo 7, 2012 at 18:02

Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo(B)

Junio 10, 2012

Mga Pagbasa: Exo 24:3-8 / Hebreo 9:11-15 / Mc 14:12-16. 22-26

Lahat tayong nagdaan sa pagka bata ay hindi makatatanggi dito … Sino sa atin ang hindi sumuway sa utos ng magulang? Sino sa atin ang hindi nagpatumpik-tumpik bago tuluyang tumalima sa pangaral ng nakatatanda? Ako ang unang-unang hindi tatanggi.

Noong kami mga bata, ang TV ay de susi. May pintong maliit na pinadudulas, tapos ay may maliit na trangka, na sinususian ng magulang namin kapag sila ay aalis, para kami ay hindi maghapong tumangla sa TV na black and white lang naman. Hindi nagtagal at nadiskubre namin na ang susi ay parang susing pambahay-bahayan … kayang tungkabin kahit ng isang paper clip, o nail file na nakakabit sa nail cutter. Alam nyo na ang kasunod nito. Nanatiling nakasusi ang TV habang sila ay naroon pa. At pagka-alis nila ay tuloy ang aming ligaya … hanggang sa programa ni Oscar Obligacion na “Oras ng Ligaya.”

Bago sila umalis, marami silang utos. Linisin aniya ito … bunutin aniya ang sahig … lampasuhin ang pasimano … hugasan ang mga pinggan. Ang sagot naming? Opo! Pero natupad ba? Hindi. Walang kaibahan ang lahat sa utos sa amin na maligo. Oo … ligong uwak, ika nga. Mabilis pa sa lagaslas ng tubig, sapagka’t ang pakay naming ay walang iba kundi maglibang at maglaro.

Kwento ito ng lahat ng tao. Kwento rin ito ng bayan ng Diyos … salawahan … pasaway … hindi lubusang sumusunod sa mga kautusan ng Diyos.

Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito, ayon sa kasaysayan ng kaligtasan, hindi kailanman nanghinawa ang Diyos. Hindi siya napadala sa pagkagalit at kakapusan ng pasensiya sa taong salawahan at taksil. Ito ang buod ng lahat ng pag-asa sa araw na ito, na pawang tinutumbok ang diwa ng dugong nabuhos, naialay, at ipinagkaloob bilang tanda at patunay ng kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao.

Ang unang pagbasa ay ang maigting na kasunduan sa pamamagitan ni Moises … Pinamili ni Moises ang kanyang bayan. At sa siping ito, mula sa aklat ng Exodo, ay nakita natin ang matibay na pangako ng bayan ng Diyos – pangakong may dalawang bahagi, may dalawang aspeto, may dalawang nilalaman: tinatanggap naming ang lahat, at nangangako kaming gagawin namin ang lahat, ayon sa kanyang ipinag-utos. “Lahat ng iniutos ng Panginoon ay susundin namin.”

Sa panahon natin, napaka-makapili tayo kumbaga. Pinipili natin ang susundin natin. Pinipili natin ang siyang pagkakalooban natin ng pagtitiwala at pagtalima. Maging ang pananampalataya natin ay tasado, may bakod, ika nga, at tinatanggap lamang natin ang angkop sa kagustuhan natin, at ang ayaw natin ay bagkus iwinawaksi at sinisiphayo. Para tayong namimili ng pagkain sa cafeteria. Kung ayaw natin ng utos tungkol sa pagpapahalaga sa buhay, ay di natin tinatanggap.

Di kaila sa marami sa inyo, na may isang grupong ang tawag nila sa sarili ay CATHOLICS FOR RH. Sila raw ay katoliko, pero sinisiphayo nila ang turo ng Inang Simbahan tungkol sa pagpapahalaga at paggalang sa inosenteng buhay. Pinili lamang nila ang gusto nilang paniwalaan at ang hindi akma sa kanilang isipan ay masugid nilang kinokondena.

Sa maraming pagkakataon, para pa rin tayong mga batang sumagot sa magulang na “Opo, bubunutin namin ang sahig” nguni’t kapagdaka’y babalik lamang sa maghapong panonood ng cartoons na paulit-ulit naman lamang. Nangako nguni’t napako ang pangako sa pagkasalawahan at pagka taksil.

Mahirap tanggapin ang pangaral tungkol sa pagkain ng katawan at dugo ng Panginoon. Pati mga disipulo niya ay nagulumihanan sa simula. Pati sila ay nagnais ding iwanan siya sa ilang, sapagka’t mahirap unawain, at lalung mahirap tanggapin, na dapat silang kumain ng kanyang laman at uminom ng kanyang dugo.

Subali’t hindi na dugo ng korderong inialay sa sakripisyo sa altar ang pinag-uusapan dito, kundi ang dugo niyang bagong korderong naghugas at nagpadalisay sa kanyang mga tagsunod.

Napakayaman ang mga pagbasa ngayon, at napakahirap piliin kung alin ba ang bibigyang diin sa homiliya. Sa araw na ito, hayaan nyong ito lang muna ang ating balangkasin … ang pagtanggap nang buo at ganap, at ang kaakibat nitong pagtupad sa tinanggap. Dalawang aspeto ang tugon ng mga Israelita. “Lahat ng utos ay aming tanggap.” Pero mayroon pang isa … Lahat ng ito ay aming gagawin.

Hindi lamang ito nakukuha sa dada. Hindi lamang ito isang hungkag na kataga, kundi salitang nagkakadiwa, nagiging totoo at ginagawa. Huwag tayong tumulad sa mga tampalasang politico na hanggang campanya lamang ang mga pangako. Maging makatotoo sana tayong lahat… “Lahat ng kanyang iniutos ay aming gagawin, aming tutupdin.!

Magkabunga nawa ang komunyon na ating pagsasalu-saluhan ngayong araw na ito.

Lopez Farm, Barangay Sabang

Naic, Cavite

June 7, 2012