frchito

Archive for the ‘LIngguhang Pagninilay’ Category

SAGANA? SALAT? LAHAT!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon A on Oktubre 11, 2014 at 10:28

TheWeddingFeast-cr

Village+Wedding+Feast-1600x1200-2462

Ika-28 Linggo Taon A
Oktubre 12, 2014

SAGANA. SALAT. LAHAT

Lahat tayo ay nagdaan sa wala at sa meron. Minsan, sagana; minsan, salat. Sino sa atin ang laging may isinuksok na madaling dukutin? Natatandaan ko pa ang aming kapitbahay at kamag-anak noong wala pang kuryente sa aming bayan sa araw … Lagi silang nagsusuksok ng pera sa dingding na kawayan. Kapag medyo salat ay ito ang kanilang hinahanap, lalo na’t malapit na ang pista at dapat maghanda kahit kaunti.

Pagdating ng pista, lahat ay masaya. Lahat ay parang sagana. Lahat ay nagdiriwang at nagpapasalamat. Hindi na ako nagtatakang ang larawang ginamit ng Diyos sa mga pagbasa ngayon ay may kinalaman sa handaan, sa pista, sa masasarap na pagkain at inumin, atbp.

Sa tatlong pagbasa sa araw na ito, pawang binigyang-pansin ang salitang LAHAT. Aanyayahan daw ng Panginoon ang “lahat ng bansa,” upang dumalo sa kanyang piging, sa Bundok ng Sion. Pati si San Pablo ay naki-iisa sa mga taong nagdaan sa sagana at nagdaan rin sa kasalatan. Pati siya ay nakisama na rin sa pagpapagunita na “ibibigay niya ang lahat ng ating kailangan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Sa talinghaga naman sa ebanghelyo, malinaw ang paanyaya sa piging kung saan ang lahat ay tinawagan, inanyayahan, bagama’t hindi nangagsipagdatingan ang mga inanyayahan.

Marami ngayon ang nagdadaan sa wala. Ito ang isa sa mga bagay na hindi ko matanggap. Noong kami ay lumalaki sa probinsya, wala akong nakitang nagkakalkal ng basura at nagkakalakal ng basura. Ang lahat ay may kapirasong lupa na sinasaka, at ang kanilang kinakalakal ay tunay na kalakal, hindi basurang kinalkal.

Pero sa ating panahon, rin, nakakakita tayo ng taong nanggigitata sa pagka-sagana … mga politikong tila walang pagka-ubos ang kanilang pera, at mga pulis na donasyon lang naman daw o diskuento ang kanilang mga pag-aari. Ang kasalatan at kasaganaan ay magkatabing katotohanan sa lipunan natin.

Wala akong solusyong nasa isip upang harapin ang problemang ito. Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin upang ang lahat ay makatikim ng sapat na kasaganaan sa mundong ibabaw.

Pero mayroon akong isang katiyakan na hindi mapahihindian ninuman – ang pangako ng Diyos na Diyos ng buhay. Sa pamamagitan ng larawan ng kasalatan at kasaganaan, at sa pamamagitan ng larawan ng pagkaing sagana at mayaman, ay inihahatid tayo sa isang pangitain at pangarap ng Diyos para sa iyo at para sa lahat.

At ito ang totoo ayon sa ating pananampalataya … ayon sa ating pag-asa … ayon sa pangarap ng Diyos para sa ating lahat. Salat man o sagana, iisa ang katotohanang nakalaan para sa lahat …

Nais ko sanang banggitin dito ang sinulat ng makatang Kastila na si Federico Garcia Lorca: “Cuando la vida te presente razones para llorar, demuestrale que tienes mil y uno razones para reir.” Sa sandaling ang buhay ay nagbibigay ng sanlaksang dahilan para tumangis, ipamata mo rin sa kanya na meron ka ring isang libo at isang dahilan para tumawa at magalak.”

Hindi lamang ito isang libo at isang dahilan para magalak. Ito ay isang pangako. Ito ay isang pangarap na mula mismo sa Diyos na nag-aanyaya sa atin, hindi lamang sa piging sa daigdig na ito, kundi sa walang hanggang piging sa langit: “Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal … Doon ako sa temple lalagi at mananahan!”

Sagana? Salat? No hay problema! Lahat ay tinawagan upang manahan sa kanyang piling – sa langit na tunay nating bayan!

BALIK-TANAW, BALIK-ISIP, BALIK-LOOB

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Setyembre 28, 2014 at 15:46

Ika-26 na Linggo ng Taon A
Setyembre 26, 2014

BALIK-TANAW, BALIK-ISIP, BALIK-LOOB

Sabi nila, gago lang daw ang hindi nagbabago ng isip. Bagama’t hangal din ang pabago-bago ng isip, mas hangal ang hindi marunong magbalik-isip, magbalik-tanaw, at magbalik-loob.

Ito ang kagandahan at karangalan ng kawayang Pinoy. Sumasayaw sa hangin; umiindak sa bagyo, lumuluhod sa unos, at para bagang nakikibagay sa daloy ng panahon … pero hindi kailanman nababali. Nagbabago siya ng posisyon, ayon sa hangin … nakikibagay … nakikisama … pero hindi sumusuko at nababali ng hangin.

Pero hindi ibig sabihin nito ay hindi siya marunong umangal. Sa katunayan, kapag malakas ang hangin, may salitang angkop lamang para sa kawayan, ang alatiit – ang tunog ng kawayang nagkikiskisan at nag-uumpugan dahil sa hangin. Parang umaangal, nag-rereklamo, pero hindi bumibigay. Walang iniwan ito sa reklamo ng mga Judio at reklamo rin natin malimit: “Hindi matuwid at makatarungan ang panuntunan ng Diyos!”

Sino sa inyong nagdaan din sa pagkabata ang hindi umangal sa dami ng utos ng magulang? Sino sa atin ang hindi nagreklamo dahil mas gusto natin maglaro, pero kelangang mag-igib, magsibak ng kahoy, o may bilhin sa tindahan? Sabi nila, ang pinakamaingay na gulong ang nakakatanggap ng mas maraming grasa. Ito ang naging tugon ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Exequiel: “Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot.”

Minsan ring baluktot ang pamantayan ni Pablo. Noong siya ay kilala pa sa pangalang Saul, inusig niya ang Simbahan, at ang mga kristiyano. Pero ngayon, nang makilala niya ang Diyos, panay magagandang pangarap ang kanyang wika: “pag-ibig, pagkakaisa, kagalakan, kababaang-loob” at iba pa.

Nagbago rin siya ng isip. Nagbago rin siya ng saloobin. At ang pagbabagong nagmumula sa kalooban ay nagbubunga sa kilos panlabas.

Dalawang mag-kuya ang kwento sa ebanghelyo. Inutusan ang panganay. Tumanggi ang panganay. Inutusan rin ang bunso. Nangako ang bunsong susunod. Subali’t ang bunso ay hindi kumilos at gumawa. Ang panganay, bagama’t tumanggi ay nagbalik-isip, nagbagong loob, at gumawa nang nararapat.

Sa buhay natin, sagana tayo sa karanasang tulad nito. Marami tayong ayaw, at marami tayong gustong gawin. Malimit tayo tumanggi at magpahindi kahit sa mga nagmamahal at nagmamalasakit sa atin. Malimit rin tayong mag-reklamo at umangal. Subali’t karanasan rin natin na hindi lagi tayong nananatiling nagmamatigas sa ating kalooban. Hindi lagi tayong nananatiling manhid at walang pansin, walang pagtingin, walang konsiderasyon.

Matapos magmuni, matapos mag-gunam-gunam ay may nakikita rin tayong kaliwanagan. At ang isip ay nagbabago. Ang puso ay nagkakaroon ng paghupa at kahinahunan. Ang isipan ay tumatanggap ng kaliwanagan.

Metanoia ang tawag rito ng Banal na Kasulatan – ang pagbabagong-loob. Ngunit ang pagbabagong-loob na ito ay nagaganap lamang kung may pagbabalik-isip, pagbabalik-tanaw, at nauuwi sa pagbabalik loob.

Sino sa dalawang magkapatid ang tumupad sa kalooban ng Diyos? Kelangan pa ba imemorize yan? Pero ito naman ang magandang balita. Huwag natin kalimutan ang bunso na mas mabilis ang bibig kaysa sa kanyang puso at kamay …

Hindi pa huli ang lahat. Para sa kanya at para sa atin. May oras pa para magnilay. May panahon pa para mag-isip-isip. At ito ang dapat nating lahat isipin: “Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay!”

two_sons_parable