frchito

Archive for the ‘Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

HABILIN NA DAPAT HABULIN! (Ika-4 na Linggo ng Taon A)

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo on Pebrero 1, 2008 at 21:09

Ika-apat na Linggo ng Taon (A)
Febrero 3, 2008

Mga Pagbasa: Sofonias 2:3; 3:12-13 / 1 Cor 1:26-31 / Mt 5:1-12a

Mahalaga at parang nagmamadali ang habilin ni Sofonias sa unang pagbasa – tatlong tagubilin na may diwa ng pagmamadali at lubhang pagpapahalaga. Una sa lahat, ipinagtatagubilin niya, “hanapin ang Panginoon.” Ikalawa, “pagsikapan ang katarungan.” Pangatlo, “pagyamanin ang kababaang-loob.”

Sa takbo ng pananalita ni Sofonias, tila siya ay nagmamadali. Maari nating sabihing ang kanyang mahigpit na habilin sa atin ay habulin ang tatlong bagay na lubhang mahalaga para sa Diyos: ang Panginoon mismo, ang kanyang kabanalan, at ang kababaang-loob. Ang kanyang pagmamadali ay tila bagang nagpapagunitang mayroong mahalagang bagay na naglaho na sa lipunan, nguni’t puede pa ring habulin at pagsikapan.

Hindi nagmamadali ang mga tao sa mga bagay na hindi pinahahalagahan ng balana. Kitang-kita natin sa mga cine at mga palabas. Kapag hindi uso, at hindi hinahanap ng madla, hindi kumikita, hindi nabibili, nilalangaw sa takilya. Walang diwa ng pagmamadali sa isang bagay na hindi naman itinuturing na mahalaga. Ang mga sineng “talkies” lamang at walang aksyon, bakbakan, at mga pagsabog ay hindi pinapansin at pinag-uukulan ng panahon.

Ano ba itong habilin ni Sofonias na dapat nating habulin? Ano ba ang tagubilin ng propeta na hindi dapat ipagpaliban, bagkus pagsikapan na ngayon din? Maari nating sagutin ito sa pamamagitan ng paghahanap kung ano ang ngayon ay tila hindi na pinahahalagahan ng lipunan. Ano ba o sino ba ang mistulang lubusan nang naglaho sa ating guni-guni at alaala? Sino ba ang dapat sana ay nananatili sa ating listahan ng mga pangunahing dapat bigyang-halaga?

Marami nang manunulat ang nagsulat tungkol sa tinatawag nilang eklipse ng Diyos sa ating buhay. Ang Diyos ay tila nakubli na sa likod ng mga pangunahing pinagkakaabalahan ng balana. Tulad ng buwan o araw, na natatakpan ng anino ng daigdig o ng ibang planeta, na nagbubunga ng kadiliman at paglalaho sa paningin, ang Diyos ay tila natakpan na ng napakaraming higit na pinahahalagahan ng daigdig. Nariyan ang labis na pagkagahaman sa kapangyarihan, sa pera, o mga bagay na material. Nariyan din ang pagkasadlak sa pita ng laman, sa paghahanap ng ginhawang pangkatawan, ang pagkalasing sa ano mang nakatuon lamang sa pansarili at personal na kabutihan.

Ito ang eklipse na binabanggit ni Sofonias – ang paglalaho ng Diyos sa lahat ng larangan ng ating buhay. Ito ang naglahong katotohanang kanya ngayong inihahabilin sa atin upang habulin.

Nagmamadali si Sofonias. Mahigpit ang kanyang tagubilin. Nangangahulugan ito na hindi pa huli ang lahat, na mayroon pang panahon, mayroon pang pagkakataong lapatan ng lunas ang ating pagkawalay sa Poong Maykapal.

Kung titingnan ang maraming bagay, nasa huling pagkakataon na ang daigdig. Nasa huling oras na tayo kumbaga, upang matutong habulin ang kapakanan ng sanlibutan. Ang matinding pagbabago-bago ng klima saaanman sa mundo, ang mga trahedyang nagaganap sa maraming bahagi ng daigdig, ay tila nagsasabing, dapat na siguro tayong maghabol, magmadali, at magsikap nang higit pa, upang maiwasan ang marami pang mga trahedya.

Nasa huling pagkakataon na rin ang ating bayan … tayo na ang pinakamasahol sa Asia sa larangan ng edukasyon. Tanging Bangladesh na lamang yata ang mas kulelat pa sa atin. Habilin ni Sofonias ay habulin ang nararapat upang iangat muli ang ating dignidad at paniniwala sa sarili.

Nasa huling oras na rin ang hanay ng ating pagpapahalaga. Mas pinahahalagahan natin ngayon ang mga halimbawa ng mga taong nasa showbiz kaysa sa pangaral ng Diyos, at ng Iglesya. Ang institusyon ng pamilya ay patuloy na inuusig ng kultura ng pangingibang-bayan (migrasyon), at kultura ng postmodernismo.

Huling biyahe na kumbaga para sa ating lipunan … huling pagkakataon na natin upang humirit at kumapit sa batas ng Diyos at kulturang maka-Kristiano. Huling biyahe na rin upang bigyan nating lunas ang isang sistema political na bulok at walang inaatupag kundi ang pagpupuno ng bulsa ng mga politicong sanga-sanga ang dila. Huling pagkakataon na natin marahil upang magkaisa at magkapit-bisig tungo sa isang pagbabagong nananatili at nagbubunga para sa kapakanang pangkalahatan.

Maraming taon na ang lumipas magmula nagtagubilin ang grupo ng Asin na umawit: “Masdan mo ang kapaligiran … masdan ang hangin na dati’y sariwa nguni’t ngayon ay napaka-itim.” Habilin ng Asin ang habulin ang kapakanan ng kapaligiran. Nguni’t ito ay maraming taon na ang nagdaan, tulad na maraming taon na rin ang lumipas magmula noong naghabilin si Sofonias.

Sa panahon natin hindi na maipagkakaila ang eklipse ng Diyos sa ating buhay at lipunan. Nalunod Siya at natakpan ng napakaraming mga iba-ibang mga pinagkakaabalahan. Sa araw na ito, ngayong kayo ay nakaupo sa harapan ko at nakikinig sa akin, isang pagunitang nagmamadali ang turo sa ating ni Sofonias … Totoo pa ba ang Diyos sa iyong buhay? Nakikita pa ba Siya sa inyong buhay at bahay?

Malaki ang posibilidad na naglaho na ang isang natatanging pitak para sa Diyos sa ating buhay. Ito ang habilin ni Sofonias na dapat nating dinggin – ang habulin at hanapin ang Diyos mismo at ang tatlong mahalagang bagay na kaakibat ng pananatili ng Diyos sa ating buhay: ang Kanyang paghahari sa atin, ang kanyang katarungan o kabanalan, at ang kababaang-loob na bunga ng lahat ng ito.

Habilin lang ‘tol … humayo at habulin ang Diyos habang siya ay matatagpuan pa.

At ano ang bunga ng paghahanap na ito? Sinagot ito ni Jesus mismo: “Mapalad ang nagugutom at nauuhaw sa katarungan, sapagkat sila ay bubusugin ng Diyos.”

SA KABILA NG LAHAT …(Ika-3 Linggo ng Taon A)

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Ika-3 Linggo ng Taon A, Pagninilay sa Ebanghelyo on Enero 26, 2008 at 20:47

Ika-3 Linggo ng Taon (A)
Enero 27, 2008

Mga Pagbasa: Is 8:23; 9:3 / 1 Cor 1:10-13 / Mt 4:12-23

Katatapos pa lamang natin ng panahon ng Kapaskuhan at noong isang linggo lamang natin binigyang-sara ang ating pagpupugay sa banal na sanggol sa kapistahan ng Santo Nino. Subali’t sa araw na ito, ay muli nating narinig mula sa labi ni Isaias ang isang pahatid na puno ng pag-asa, nguni’t puno rin ng katotohanang hindi maipagkakaila.

Nagwika si Isaias tungkol sa kadiliman at tungkol sa kaliwanagan. “Ang bayang naglalakad sa dilim ay nakatunghay ng liwanag; sa mga nabubuhay sa karimlan ay sumikat ang kaliwanagan.”

Dilim at liwanag … ang dalawang magkasalungat na katotohanan ay ipinagparis ni Isaias. Sa gitna ng karanasan natin ng kadiliman ay sumikat ang silahis ng pag-asa. Ito ang malinaw na hula ni Propeta Isaias na tigib ng pag-asa.

Dilim at liwanag … Ito rin ang magkaagapay na katotohanang binabanggit ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Corinto. Hindi kaila sa atin na ang mga Corinto ay mga pasaway, mga palaaway, at mahilig makipagtungayaw. Maraming hirap ang natamo ni Pablo sa pamayanang ito na mistulang laging nagbabangay, laging nagkakawatak-watak, at laging walang pagkakaisa. Ito ang kadilimang bumalot sa mga Corinto – ang pagiging hiwa-hiwalay sa iba-ibang panig, sa iba-ibang grupo: “Ako ay kay Pablo; ako ay kay Apolo; Ako ay kay Cefas; Ako ay kay Kristo.”

Dilim at liwanag … ito rin ang karanasan natin bilang Pilipino. Hindi tayo kailanman tunay na nagkaisa. Sa liit ng ating bayan, nakukuha pa natin magkawatak-watak at magkampi-kampi, at mag-away-away sa isa’t isa. Sa liit ng ating bayan, ay nagpapangkat-pangkat pa rin tayo at nagkakahati-hati sa buhay politika. Tayo lamang yata ang pinamumugaran ng partido political na puedeng mabago bukas at makalawa. Tayong lamang yata ang mayroong sistema na kapag nagtampo ang isang kandidato ay biglang liliban sa katunggaling partido at kinabukasan ay parang bulang naglaho ang kanyang ipinaglalaban.

Nguni’t sa gitna ng kadilimang ito ay nakuha natin ngayon ang ideklara ang mensahe ng kaliwanagan: “Ang Panginoon ay aking liwanag at kaligtasan.”

Dilim at liwanag … ito ang dahilan kung bakit tayo nagtipon-tipon sa araw na ito. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay nagsisimba tuwing Linggo. Sapagka’t sa kabila ng dilim na bumabalot sa ating lipunan, ay mayroong liwanag na nagsisikap maghari at bumalot sa ating buhay at pagkatao.

Ito ang liwanag ng kaligtasang dulot ni Kristo. Ito ang liwanag na ating ipinagmakaingay sa buong bansa noong isang Linggo, pista ng Santo Nino.

Ang nobela ni Charles Dickens na ang pamagat ay “A Tale of Two Cities” ay nagsimula sa isang paglalarawan ng katotohanan ng pinagsamang dilim at liwanag na bumabalot sa ating lipunan. “These are the worst of times. These are the best of times.” Ito ang binanggit ng ikalawang konsilyo plenaryo ng Pilipinas noong 1991. “We live in the worst of times. We live in the best of times.”

Dilim at liwanag … ito ang katotohanang kinapapalooban nating lahat. Dilim … tayo ang ikalawang pinaka ‘corrupt’ na lipunan sa Asia. Dilim … ang ating kultura ay talagang mistulang “pasaway.” Liwanag … tayo ang tanging kristianong bayan sa malayong silangan. Liwanag … tayo ay bayang mapagmahal kay Maria at sa Diyos. Tingnan na lamang natin ang dami ng mga deboto sa Nazareno … sa Santo Nino … sa Ina ng Laging Saklolo, at maraming pang ibang debosyon.

Nabubuhay tayo sa pinakamasahol na panahon. Nabubuhay tayo sa pinakamagandang panahon.

Sa ebanghelyo tinutumbok ang paraan kung paano ang dilim ay maging liwanag. Walang paligoy-ligoy ang ebanghelyo: “magsisi, sapagka’t nalalapit na ang paghahari ng Diyos.”

Oo … puno tayo ng kadiliman … balot tayo ng lahat ng uri ng katiwalian. Ang panahon natin ay tila nalupig ng pwersa ng kasalanan. Subali’t ang liwanag na pangako ni Isaias ay nagkatotoo sa pamamagitan ng pagsunod ng mga hinirang at tinawag ng Panginoon – si Simon Pedro at si Andres … si Santiago at si Juan.

Sa kabila ng kanilang pagiging abala, tumalima sila … sumunod. At sila ay naghatid liwanag at nagpatotoo sa hula ni Isaias: “ang bayang naglalakad sa dilim ay nakatunghay ng liwanag.” Sa kabila ng lahat … ito ang daan tungo sa liwanag … ito ang pamamaraan upang ang dilim ay magapi ng liwanag … sa kabila ng lahat.

Tulad ng sinabi ko noong mga nakaraang Linggo sa aking pagninilay sa Ingles ( sa Pan de la Semana blog), kinopya ko ang sinabi ng isang dokumento ng mga Hospitaller Sisters of the Sacred Heart: “Somos llamados a celebrar en tierra de sombras.” Tinatawag tayo ng Panginoon upang magdiwang sa isang daigdig na tigib ng kadiliman … celebrar a pesar de todas las sombras … sa kabila ng lahat!