frchito

Archive for the ‘Pagsilang ng Panginoon’ Category

YAMAN SA KINABUKASAN!

In Pagsilang ng Panginoon, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 25, 2010 at 15:21

Banal na Pamilya(A)
Disyembre 26, 2010

Mga Pagbasa: Si 3:2-6.12-14 / Col 3:12-21 / Mt 2:13-15.19-23

Isa sa mga itinuturing kong milagro ng kalinangang Pinoy ay ito … Kahit papaano, nakararaos ang pamilyang Pinoy. Patung-patong at susun-suson man ang suliranin ng pamilyang pinoy, walang namamatay sa gutom … walang tumitirik ang mata sa kawalan ng ipagtatawid-gutom … maski na papaano ay nakatatawid sa kabilang pampang, nakapagpapaaral, nakapagtatapos, nakapaghahanap ng ikabubuhay … nakapag –aagguanta, nakapagtitiis, at maski na galing sa lugar na hindi mo iisiping makapagtatagumpay, ay humahantong kahit papaano sa tagumpay!

Sa aking mahaba-haba nang mga taon ng paglilingkod bilang pari, ito ang malinaw na liksiyon na hindi ko maaaring ipagkibit-balikat na lamang.

Subali’t ito ay isa lamang mukha ng isang katotohanang may kabilang pisngi, kumbaga. Ang kabila nito ay masasabi nating mga paghamon … mga kalagayang yumuyurak sa pusod ng pamilya, kumbaga. Ayon kay Matthew Kelly, isang batang-batang manunulat na Katoliko mula Australia, tatlong bagay ang naghahadlang sa mga kabataan upang pahalagahan ang simbahan at ang kanilang pananampalataya: indibidwalismo, hedonismo, at minimalismo.

Ang indibidwalismo ay ang pagiging makasarili, ang kalakaran ng isip na ang lahat ay dapat umiikot sa sariling kapakanan, sa sariling kabutihan lamang.

Ang hedonismo ay ang kalakarang nagsusulong ng luho at pita ng laman bilang pinakamahalaga sa lahat.

At ang minimalismo ay ang kaisipang ang dapat lamang gawin ay ang pinaka-maliit, pinaka minimal, yung hindi kinakailangan ng sobrang pagpupunyagi. Samakatuwid, kahit ano, puede na.

Sa harap ng kalakarang ito, wala nang kailangang dagdag na hirap. Wala nang halaga ang pagiging bayani. Walang saysay ang magpakadakila at gumawa nang higit pa sa iyong tungkulin. Gawin lamang ang pinakamaliit at pinakaminimum. Hindi na dapat gumawa pa nang higit sa rito.

Nakikita ko ito araw-araw sa mga estudyante. Ayaw nila ng nahihirapan. Ayaw nila ang nagsusulat nang mahabang mga report. Hingan mo ng isang pangungusap, at isang pariralang hindi kompleto ang ibibigay sa iyo. Hingan mo ng dalawang pahina, at kalahating papel ang isusulit sa iyo. Hingan mo ng parirala, at isang kataga ang isasagot sa iyo.

Ang indibidwalismo naman ay talagang mas matindi … Hindi na sumasabay sa pagkain ang mga kabataan. At lalung hindi na sumasabay sa pagdalo sa Misa ang mga talubata. Hindi na sila sumasabay sa magulang sa maraming bagay. Maging sa bahay, kanya-kanyang painit ng pagkain sa microwave. Kanya-kanyang simba. Kanya-kanyang luto at laba. At halos walang paki-alaman. Ang mga sagot sa tanong ng magulang malimit ay “wala lang.” “Dyan lang.”

Sa harap ng mga paghamong ito, ang pamilya ay nagkakawatak, nawawala ang kaisahan at humihina ang pundasyon ng pagniniig.

Ito ang dahilan kung bakit matapos ang Pasko, sa loob ng tinatawag nating Oktaba, o walong araw, ay ipinagdiriwang natin ang Banal na Pamilya. Maraming puedeng sabihin tungkol dito, nguni’t sa aking palagay sa araw na ito, sapat na ang kabatirang pahatid ni Sirac sa atin. “Ang gumagalang sa ama ay umiiwas sa sala,” aniya. “At ang gumagalang sa ina ay nagtitipon ng yaman para sa kinabukasan.”

Tama si Papa Juan Pablo II. Ang daan ng kinabukasan ay ang daan ng pamilya. Kapag ang pamilya ay buo at malusog, ay malusog rin ang lipunan. Kapag ang pamilya ay watak, ay malamang na watak rin ang lipunan.

Nakikita ko ito araw-araw sa aking trabaho bilang Principal ng isang eskuela. Matindi ang problemang hinaharap ng mga pamilyang watak, at walang kaisahan. Kung hati ang pamilya, hati rin at hinahatak sa dalawang panig ang puso at damdamin ng bata. Tuliro sapagka’t hindi pa nila kayang mamili at magpasya laban o para sa isa sa kanilang mga magulang. Hirap ang gumalang, lalu na kung pangita na ang katotohanang ang isa sa dalawa ay malinaw na may malaking kamalian, o ang dalawa ay parehong may malaking pagkukulang.

Dasal natin at hiling na sana’y sa pamamagitan ng Banal na Pamilya, ang mga pamilyang ngayon ay naririto at sama-sama, ay manatiling tunay na buo, ganap, at ang bawa’t miembro ay gumagawa upang makapag-ipon ng yaman sa kinabukasan!

PAGKAKALOOB O PANLOLOOB?

In Epipaniya, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagsilang ng Panginoon, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Enero 2, 2009 at 09:19

midc49mbecketti

magifredi1

KAPISTAHAN NG EPIPANIYA
(PAGPAPAHAYAG NG PANGINOON)
Enero 4, 2009

Marami ang mga balak at gawaing panloloob tuwing nalalapit ang Pasko. Lagi nilang sinasabi na mahirap ang buhay, kung kaya’t ang ilan ay nanloloob na lamang ng hindi nila bahay, ng hindi nila gamit, upang mabuhay. Nakapagtataka, pero kung mahirap ang buhay, bakit nila mas pinahihirap ito sa ibang tao sa kanilang maiitim na balak at gawain?

Bago mag Pasko, isang kahindik-hindik na barilan ang naganap sa Paranaque, malapit kung saan ako malimit mag-Misa. Mahigit 15 ang namatay, kasama na ang masasamang-loob na nagbalak manloob at maglimas ng hindi nila pinaghirapan. Kapag nakaririnig tayo ng ganitong balita, nagpupuyos ang damdamin natin … nagtatanong … Bakit may mga taong ang pakay lamang ay mamitas at umani ng hindi nila itinanim? Bakit mayroong mga taong ang gusto lamang ay dumulog sa hapag na puno ng pagkaing hindi sila ang nagbayo, ni hindi nagluto?

Ang higit na nakararami ay hindi ayon sa ganitong saloobin at gawain – ang panloloob at pagnanakaw.

Mahalaga sa ating Pinoy ang “loob.” Ang “loob” ng Pinoy ay kumakatawan sa kabuuan at yaman ng ating pagkatao. Ang “loobin” natin ang buod ng kung sino tayo, ang lagom ng ating tinatawag na “kakanyahan” (identity). Ang mabuting loob, ang mababa ang loob, ang maganda ang kalooban ay pawang mga konseptong may kinalaman sa isang mabuting tao, sa isang taong ang kabuuan ay pawang kaaya-aya, pawang kaiga-igaya. Ang loob ang tanda ng lahat ng mabuti at maganda sa isang tao.

Nguni’t dahil dito, ang yurakan ang “loob” na ito ay siya ring sukdulan ng kasamaan para sa mga Pinoy. Ang magbigay ng dahilan para sa “sama ng loob” ay ang tapakan ang batayan ng pagkatao natin. Ang “looban” ang bahay o pag-aari ng isang Pinoy ay pagyurak sa kakanyahan ng tao, ang bale-walain ang kaganapan ng pagkatao natin bilang Pinoy.

Ito ang dahilan kung bakit nagpupuyos ang damdamin natin kapag “nilooban” tayo, kapag ang bahay natin ay pinasok at hinalughog. Ito ay paglabag sa kaibuturan ng ating kalooban.

Sa araw na ito, ang liturhiya ay may kinalaman sa konsepto ng “loob” pero sa isang natatanging paraan. Ang mga mago ay hindi nanloob, bagkus nagkaloob. Ito ang tahasang kabaligtaran ng lahat ng masamang kaakibat ng panloloob. Sila ay naparoon sa kinalalagyan ng bagong silang na sanggol, hindi upang manloob, kundi magkaloob. Hindi sila naparoon upang kumabig, kundi ang magbigay ng pag-ibig, ng pag-aalay na tanda ng pag-ibig at pagmamagandang-loob.

Malaki ang kinalaman nito sa ating pananampalataya. Marami ngayong kabataan ang laging naghahanap ng kung ano ang kanilang mahihita sa anumang gawain. Marami ang nagsasabing, wala sila, ika ngang, napapala sa Misa. Diumano’y wala silang nakukuha, wala silang natatanggap o naiuuwi.

Ang saloobing ito ay saloobing pakabig, hindi pagkakaloob. Ito ang saloobin na walang iniwan sa mga nanloloob.

Ang Misa ay hindi panloloob … Ito ay pagkakaloob … Ito ay pakikisama sa mga taong “may magandang kalooban” na silang nararapat magbigay-puri at luwalhati sa Diyos, na una at higit sa lahat ay nagkaloob ng sarili sa ikaluluwalhati ng lahat.

Mahalaga na ang diwang ito ng pagkakaloob ay tumiim sa ating bagang at kaisipan, at kalooban. Sapagka’t ito ang diwa ng Kapaskuhan – ang magkaloob, ang magbigay, at hindi ang kumabig. Ang Pasko ay pista ng pag-ibig, hindi pagkabig.

Mayroong kabaligtaran sa mga mago ang nababasa natin sa ebanghelyo. Nariyan si Herodes, na nagulumihanan sa pagsilang ng sanggol na si Jesus. Pakabig siya, hindi isang taong tigib ng pag-ibig. Pati bata ay pinatulan niya para lamang matiyak ang kanyang kapangyarihan. Ang kanyang niloloob ay masasabi nating kaakibat ng “sama ng loob.” Ang kanyang hiling sa mga mago na ituro rin sa kanya ang kinalalagyan ng bata ay malayo sa diwa ng pagkakaloob, kundi ang panloloob, ang pagsasamantala sa kaalaman ng iba, para sa pansariling kapakanan. Hindi na tayo dapat magtaka na nakilatis ng mga mago ang tunay niyang niloloob, kung kaya’t hindi nila sinabi kung saan matatagpuan ang sanggol.

At alam natin lahat kung ano ang kanyang ginawa – ang kasukdulan ng panloloob nang kinitil niya ang buong “kalooban” ng mga batang paslit na walang kamalay-malay.

Isa sa magandang kagawian ng mga Pinoy sa maraming lugar, lalu na sa panahon ng Pasko, ay ang malayang pagkakaloob ng alay sa Misa. Bagama’t hindi ang material na bagay ang mahalaga, ang pag-aalay ay tanda ng malayang pagkakaloob sa Diyos.

Ito ang isa sa mga malinaw na liksiyon ng kapistahan natin ngayon. Ang Misa ay isang sakripisyo. Bilang sakripisyo, ang buod ay nakasalalay sa kaloob, sa alay, sa puhunang malaya nating ibinibigay sa Diyos. Naparito tayo sa Misa, hindi upang kumabig, kundi upang magkaloob ng buo nating sarili, lahat ng ating balakin, pangarap, kakayahan, at bunga ng ating gawain.

Sa madaling salita, ang Misa ay hindi upang mayroon tayong mahita at mapala, kundi, ang pagkakaloob higit sa lahat, ng lahat ng ating niloloob sa Diyos. Sa ganitong paraan, tunay ngang tayo ay karapat-dapat makibahagi sa kaloob niyang kapayapaan – para sa mga taong may mabubuting kalooban!

Nanguna ang mga mago sa Belen. Naiwan ang masasama ang kalooban tulad ni Herodes. At tayo ay inaanyayahang makisama at makilakbay sa mga mago. Ang hantungan ng lakbaying ito ay walang iba kundi Siyang dakilang kaloob ng Diyos para sa atin lahat.

Dapat pa bang itanong kung mayroon tayong mahihita sa lahat ng ito?