frchito

Archive for the ‘Panahon ng Pagdating’ Category

MANGHINAWA O MAGHINTAY NANG BUONG GALAK

In Adviento, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating, Taon K, Uncategorized on Disyembre 9, 2015 at 10:06

Ika-3 Adbiyento_K

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-3 Linggo ng Adbiyento Taon K

Disyembre 13, 2015

MANGHINAWA O MAGHINTAY NANG BUONG GALAK!

Sa panahon natin, marami ang nadadala na ng kawalang pag-asa. Marami ang hindi na naniniwalang maari pang magbago ang mga bagay-bagay. Sa darating na halalan, malamang na minority president na naman ang mailuluklok, sa kadahilanang ang mga higit na nakakaunawa, pero nanghihinawa na ay ipauubaya na lamang sa mga puedeng bayaran ang tungkuling pumili ng pinuno.

Pero sa mata ng pananampalataya, walang imposibleng bagay, at walang anumang dahilan para tayo ay mawalan ng pag-asa.

Ito ang pinag-ibayong paalaala sa atin ng panahon ng Adbiyento, kung kailan ang diwa ng paghihintay ang laman ng puso at isipan ng bawa’t mananampalataya.

Tingnan natin ang mga tahasang sinasaad ng mga pagbasa … Sa unang pagbasa, deretsahang sinasabi sa atin ng propeta: “Magalak nang lubusan, Lunsod ng Jerusalem!”

Malinaw na hindi panghihinawa ang aral, kundi ang kagalakang matimyas at matingkad. Ito rin ang turo ni Pablo sa mga taga Filipos: “”Huwag kayong mabalisa. … Magalak kayong lagi sa Panginoon.”

At ano ang dahilan ng ganitong kagalakan?

Simple lang ayon kay Pablo … “Malapit nang dumating ang Panginoon.”

Pero sandali nating tunghayan ang ibig sabihin ng mag-intay. Merong nag-iintay na nagpapalipas-oras lamang. Nakatunganga habang patinging-tingin sa relos. Merong nag-iintay na may ginagawa pa rin. Naglilinis ng bahay habang naghihintay ng kung ano man. Meron din namang naghihintay na puno ng pag-asa at nagdarasal.

Tingnan natin kung paano isinabuhay ni Juan Bautista at ng mga nakinig sa kanyang pangaral ang paghihintay na pinag-uusapan natin. Ang tanong sa kanya ay hindi ang pagtunganga bagkus kung “ano ang dapat nilang gawin.”

Oo, ang paghihintay sa panahon ng Adbiyento ay hindi isang walang kahulugang paghihintay tulad sa ginawa ni Juan Tamad na maghapong nakanganga habang naghihintay mahulog ang bayabas sa bibig.

Ang paghihintay na binanggit ni Juan ay puno ng paggawa, aktibo, at hindi nagkukubli sa kawalang pag-asa at kawalang kakayahang gumawa ng ano man.

Hindi kataka-takang kasama sa mga lumapit kay Juan ay mga publikano, mga taga kolekta ng buwis na sanay mangupit at kumobra ng sobra. Sila man, ay mayroong dapat gawin … ang paghihintay ay hindi nangangahulugang tuloy ang dating gawi, kundi ang paggawa ng isang panibagong daan tungo sa ganap na pagbabago.

OK ang manabik. OK rin ang maghintay. Pero mas OK ang gumawa ng nararapat upang ang paghihintay ay maging mabunga at makabuluhan.

Gusto niyo kung saan puede magsimula? Gayahin natin si Juan Bautista. Kailangan nating paghiwalayin ang dayami at ang trigo. Kailangan natin ng kalaykay at bagong panyapak. Kailangan ng apoy na susunog sa luma at mali.

Sa ating bansa, tila dapat ay malaking apoy ang maganap. Kailangan nating linisin ang maraming lumang bagay na siyang balakid sa ating paglago bilang isang bayan.

Higit sa lahat, ang bawat isa sa atin ay may kailangang tunay na pagbabalik-loob at pagbabago.

Samahan natin ang Santo Papa sa pagpasok sa banal na pintuan ng pagbabago, at isabuhay ang dakilang habag at awa ng Diyos sa buong taong darating at sa buong buhay natin!

UMASA KAYO’T KANYANG TUTUPARIN!

In Adviento, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Taon K on Nobyembre 19, 2015 at 08:54

advent sunday 1 Hope

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Unang Linggo ng Adbiyento – K

Nobyembre 22, 2015

UMASA KAYO’T AKING TUTUPARIN

Panay kawalang katiyakan ang pinagdaanan ng mga Israelita sa lumang tipan. Puro kawalang kaayusan rin ang pumalibot sa batang-batang Iglesya na itinatag ng Panginoon. Isang malawak na karagatan ng walang katapusang alitan ang pumaligid sa mga unang mananampalataya.

Wala itong kaibahan sa nagaganap sa kapaligiran natin. Kahit saan tayo sumuling ay mayroong gawang karahasan. Kahit saan tayo tumingin ay merong kawalang katiyakan at kaguluhan tulad ng terorismo at walang pakundangang paggamit ng mga kaloob ng kalikasan.

Dalawa ang malimit nating solusyon dito: una, ang magbalik-tanaw sa nakaraan – ang gunitain lamang ang magagandang panahong nakalipas. Ang ikalawa ay ang umasam na lamang sa kinabukasan ng higit na maganda, ang humiling o mangarap na lamang na ang lahat ng bagay ay gaganda kahit papaano.

Hindi ito ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon. Walang hungkag na pag-aasam. Walang mababaw na pagnanasa o paghiling lamang.

Sa tuwing papasok ang Adbiyento, mayroong diwa ng pagbabago at pag-asa. At ang diwang ito ay laman ng mga pagbasa. Sa unang pagbasa, halaw kay Jeremias, malinaw na isang tiyak na pangitain ang kanyang paksa: “Pasisibulin ko ang matuwid na sanga ni David. Paiiralin ko ang katarungan at ang katwiran sa buong lupain.”

Pati ang mga taga Tesalonika ay tila tuwang-tuwang naghihintay sa muling pagdating ni Kristo. Pero, pinayuhan sila ni San Pablo, na ang wastong paghihintay ay ang paggawa ng mabuti at ang pagmamahal sa kapwa.

Mayroong mahalagang paalaala sa atin ang ebanghelyo. Hindi na kailangang magbantay tayo ng mga makatindig balahibong mga tanda sa araw, sa buwan at sa mga bituin sa langit. Sapat na ang maraming nagaganap sa ating kapaligiran upang mabatid na may mahalagang aral para sa ating lahat.

At ang aral ay walang iba kundi ito … may wakas ang mundong kilala natin. May hangganan ang panahong iniikutan natin. May katapusan ang lahat at may hantungan ang lahat.

Subalit mayroon pang isang mahalagang aral bukod rito. Hindi lang paghihintay ang dapat nating gawin. Ito ang turo ni San Pablo: ang “pagbutihin ang pamumuhay na ayon sa natutunan sa kanya” … ang maging “kalugud-lugod sa Diyos.”

Sa madaling salita, ang Kristiyanong paghihintay ay hindi ang pagbababad sa kawalan. Ang maka Kristianong paghihintay ay katumbas ng pagiging aktibo sa paggawa nang mabuti … ang pag-iwas sa gawang tungo sa kapariwaraan tulad ng “pagkagumon sa katakawan at paglalasing at ang mabuhos ang pag-iisip sa mga intindihin sa buhay na ito.”

Ito mismo ang kahulugan ng Adbiyento, ang aktibong paghihintay na puspos ng pag-asa. Magulo man o hindi ang mundo; puno man ng pag-aalinlangan at kaguluhan, taas noo pa rin tayo, sapagka’t batid natin at tiyak tayo sa isang bagay: Si Kristo’y dumating. Si Kristo’y muling darating. At ang tagumpay ay nasa panig ng Diyos, at hindi sa panig ng kadiliman.

Umasa kayo’t ito ay tutuparin ng Diyos!