frchito

Archive for the ‘Sunday Reflections’ Category

PITHAYA AT SANGHAYA

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Nobyembre 20, 2007 at 17:29

KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI – TAON K
Nobyembre 25, 2007

Mga Pagbasa: 2 Samuel 5:1-3 /Col 1:12-20 / Lucas 23:35-43

Pagbasa 1 (2 Samuel 5:1-3)

Noong mga araw na iyón,
nagkaisa ang lahat ng angkan ng Israel
na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David.
Sinabi nila,
“Kami’y laman ng iyóng laman at dugo ng iyóng dugo.
Nang si Saul ang hari namin,
nanguna ka sa mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma.
Ipinangako sa iyó ng Panginoón na gagawin ka niyáng hari
upang mamuno sa kaniyáng bayan.”

Lahat ng matatanda ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron
at doo’y nakipagkasundo sa kaniyá sa harapan ng Panginoón.
Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel.

Tugón . . .
Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D’yos!
Salmo Awit 121

Akó ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kamí matapos sapitin,
ang pintuang-lunsod nitóng Jerusalem.

Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan, ang hangad,
ang Poon ay pasalamatan,
pagkat itó’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroón ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.

Pagbasa 2 Taga-Colossa 1:12-30

Mga kapatid: Magpasalamat kayó sa Ama,
sapagkat minarapat niyáng ibilang kayó sa mga hinirang
na magmamana ng kaharian ng kaliwanagan.
Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman
at inilipat sa kaharian ng kaniyáng minamahal na Anak.
Sa pamamagitan ng Anak,
tayo’y pinalaya at pinatawad sa ating mga kasalanan.
Si Kristo ay larawan ng Diyós na di-nakikita,
at siyáng may kapangyarihan sa lahat ng nilikha.
Sapagkat ang lahat ng nasa langit at nasa lupa,
nakikita man o hindi, pati ang mga naghahari at namamahala,
mga namumuno at may kapangyarihang espirituwal ay pawang nilikha ng Diyós
sa pamamagitan niya at para sa kaniyá.
Siya’y una sa lahat, at sa kaniyá nasasalalay ang kaayusan ng lahat ng bagay.
Siya ang ulo ng simbahan na kaniyáng katawan.
Siya ang Una, ang Panganay na Anak – ang unang nabuhay na muli
upang siyá ang maging pinakadakila sa lahat ng bagay.
Ipinasiya ng Diyós na ang kaniyáng kalikasan ay manatili rin sa Anak,
at inibig niyáng ang sandaigdigan ay makipagkasundo sa kaniyá
sa pamamagitan ng Anak.
Sa pamamagitan ng pagkamatay nitó sa krus,
nagkasundo nga ang Diyós at ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa.

Magandáng Balità Lucas 23:35-43

Noong panahong iyón,
nilibak si Hesús ng mga pinuno ng bayan.
Anila, “Iniligtas niya ang iba;
iligtas namán niya ngayon ang kaniyáng sarili,
kung siyá nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyós!”
Nilibak din siyá ng mga kawal,
nilapitan at inalok ng maasim na alak.
Sinabi nila,
“Kung ikáw ang hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyóng sarili.”
At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo,
“Ito ang Hari ng mga Judio.”
Tinuya siyá ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi,
“Hindi ba ikáw ang Mesiyas?
Iligtas mo ang iyóng sarili, pati na kamí!”
Ngunit pinagsabihan siyá ng kaniyáng kasama,
“Hindi ka ba natatakot sa Diyós?
Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya!
Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa;
ngunit ang taong itó’y walâng ginawang masama.”
At sinabi niya, “Hesús, alalahanin mo akó kapag naghahari ka na.”
Sumagot si Hesús, “Sinasabi ko sa iyó:
ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

PAGNINILAY/ HOMILIYA

PITHAYA AT SANGHAYA

Fr. Chito Dimaranan, SDB

Matunog at malutong ang mga panlalait ng mga taong pumalibot kay Jesus. Sinasaad ng ebanghelyo ayon kay Lucas kung paano siya nilait, inalipusta, at nilibak. Iisa ang laman ng kanilang mga panlilibak at panlalait: “bumaba ka sa krus kung ikaw nga ang sinasabing Mesiyas!”

Nguni’t sa dakilang kapistahang ito ni Kristong Hari, malinaw ang turo ng ating mga pagbasa. Mataginting ang mga hanay ng pagpapahalagang napapaloob sa kung ano ang ipinangangaral sa atin ng Haring nabayubay sa krus.

Ang ating mundo ay bihasa sa ideya ng pag-akyat, pag-angat, promosyon, at pagtaas sa hagdan ng tagumpay. Alam ng lahat na ang kagustuhang makatuntong sa bangkito ng kadakilaan at pagkilala ng madla ay isang natural na pangarap at pithaya ng tao. Hindi masama ang maghangad umunlad, umangat, at manguyabit sa puno ng pagtatanghal sa lipunan. Ang sinumang artista na nagsisimula lamang makilala ay naghahangad at nag-aasam na tumanggap ng tinatawag na “top billing.” Ang sinumang kasapi ng SK sa takbo ng politika sa Pilipinas, ay naghahangad balang araw maging mayor o congressman, kung maaari. Ito ang dahilan kung bakit lahat ng malalaking politiko ay pilit na isinusuong ang kanilang anak na binata at dalaga sa larangan ng Sangguniang Kabataan.

Lahat ng tao ay katulad ni Zaqueo na narinig natin sa ebanghelyo kamakailan. Maliit man ay matayog ang kanyang panagimpan. Pandak man ay mataas ang kanyang hangarin at pinipithaya ng puso at damdamin. At bagama’t siya ay maliit sa paningin ng madla ay matayog ang kanyang hangaring pumailanlang sa larangan ng pagbabagong-buhay.

Sa Banal na kasulatan, malimit natin matunghayan ang larawan ng isang bundok na dapat akyatin. Ang bundok ay sagisag ng kaligtasan, ng paglapit sa kung saan naroon ang Diyos. Ang pag-akyat maging sa Jerusalem, lalu na sa templo, ay sagisag ng paglapit sa dambana at sa puso ni Yahweh. Magmula nang makatagpo ni Moises si Yahweh na nagpakilala sa atin bilang iisang Diyos, tayo ay nabibighani at patuloy na tumitingala sa bundok kung saan magmumula ang tulong na dulot ng Diyos.

Hindi masama ang umakyat at tumaas. Hindi masama ang magkaroon ng pithaya at pag-aasam na makilala, at tingalain ng balana, hangga’t maaari.

Ang magandang balita sa araw na ito ay maging si Jesus ay umakyat. Ang ebanghelyo ay malinaw sa paglalarawan kay Jesus na tumutupad sa kanyang tungkuling umakyat sa Jerusalem bawa’t taon tulad ng lahat ng Judeo. Siya ay umakyat sa bundok ng Jerusalem upang magpugay sa kanyang Ama.

Tumbukin agad natin ang nais kong iparating sa inyo. Ito rin ang nais ituro ng ating Kapistahan ngayon. Nais ng Diyos na tayo ay umangat, tumaas, at pumailanlang sa bantayog ng kaligtasan. Nais ng Diyos na tayo ay bumalikwas sa ating pagkasadlak sa kasalanan at kamatayang dulot ng pagkakasala. Nais ng Diyos na tayo ay umangat sa larangan ng biyaya. Malinaw na turo ni San Agustin, na ang Diyos ay naging tao (kay Kristo) upang ang tao ay matulad sa Diyos. Dapat lamang na ang tao ay mag-asam umangat, tumaas, at pumailanlang sa kabanalan.

Ito ang nasa likod ng pithaya ni Zaqueo na maka-akyat sa puno ng sikomoro. Sa likod ng kanyang makamundong pag-aasam na makita ang kinikilalang Mesiyas, nanguyabit siya sa puno upang makatagpo ang pinag-aasam ng madla. Lahat tayo ay tulad ni Zaqueo. Lahat tayo ay may malalim na pagnanasa sa Diyos na malimit ay natatakpan ng kasalanan. Lahat tayo sa kaibuturan ng ating puso ay naghahanap sa Diyos at sa kanyang mga pangako.

Nais kong isipin na ito ang kahulugang malalim ng pag-akyat ni Jesus at pagkabayubay niya sa krus. Puno ang inakyat ni Zaqueo. Mula sa punong ito ay kinilala ni Jesus ang malalim niyang pithaya at nasa. Nguni’t mula sa punong ito ay pinababa niya si Zaqueo.
“Bumaba ka diyan at nais kong tumuloy sa iyong bahay.” Ang hangad ni Zaqueo ay kanyang pinagbigyan. Nguni’t para ang hangad na ito ay makamit, ay pinababa niya ang tao sa puno.

Puno rin ang inakyat ni Kristo. Ang krus ay siyang puno kung saan itinanghal hindi ang kanyang pithaya kundi ang kanyang sanghaya – ang kanyang dangal, ang kanyang kadakilaan bilang Diyos, ang kanyang luwalhati bilang Mananakop. Ang nagpababa kay Zaqueo sa puno ng sikomoro ay siya ring umakyat sa puno ng krus upang mapagbigyan at mapagkalooban ang sangkatauhan ng kanilang malalim na pithaya – ang makatagpo at makaniig ang Diyos.

Malalim ang hangad at pithaya ng Diyos para sa ating lahat – higit na malalim (o matayog) kaysa sa ating makataong pithaya at nasa. Ang nasa niya ay tayo ay pumailanlang sa larangan ng pagmamahal, pananampalataya, at pag-ibig.

Ang dakilang kapistahan natin ngayon ay pagsasalarawan ng kung ano ang binata at hinarap ni Kristo upang mapagkalooban tayo ng kung ano ang ating asam-asam. Nanguyabit siya at nabayubay sa puno at kahoy ng krus.

At dito naganap at natanghal ang kanyang tunay na kadakilaan at kaluwalhatian. Naging trono ang kahoy ng krus. Naging luklukan at sagisag ng kanyang kadakilaan.

Dalawang uri ng tao ang maari nating matungyahay sa pagninilay na ito. Ang una ay mga taong napako sa kanilang makamundo at mababaw na pithaya at pagnanasa. Ang ikalawa ay mga taong ang kanilang pithaya ay napakong kasama ni Kristo sa trono ng tunay na kadakilaan at kaluwalhatian. Ang mapako sa makamundong pithaya ay manatili sa mababaw na makataong pagnanasa. Ang mapako kasama ni Kristo sa kahoy ng krus na banal ay ang pumapailanlang kasama at katulad niya tungo sa makadiyos na sanghaya at dangal na hindi kailanman mapapawi, di kailan man magagapi.

Ito ay sapagka’t ang kanyang paghahari ay walang hanggan.

Ang naghihintay sa atin sa paghaharing ito ay bumabagtas sa isang mababaw na pithaya. Ang naghihintay sa atin sa bahay ng Diyos ay walang iba kundi ang sanghaya ng taong pinagbuwisan ni Kristo ng kanyang dugo at buhay. “Masaya tayong papasok sa tahanan ng ating Diyos” (Salmong Tugunan).

Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-ampon
Paranaque City – Nobyembre 20, 2007 5:20 PM

MAY WAKAS ANG LAHAT; MAY BUKAS ANG TANAN

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Nobyembre 14, 2007 at 21:35

Ika-33 Linggo ng Taon (K)
Nobyembre 18, 2007

Mga Pagbasa: Malaquias 3:19-20a / 2 Tesalonika 3:7-12 / Lucas 21:5-19

Madaling mapagkamaliang ang unang pagbasa at ang ebanghelyo sa araw na ito ay may kinalaman sa mga bagay na nakagigimbal, kahindik-hindik, at nakababahala. Subali’t tulad ng lahat ng panulat na may estilong apokaliptiko, ang mensahe ay hindi ang larawang ipinipinta kundi ang kahulugang nagkukubli sa larawang iginuguhit ng mga salita at pangungusap. Malilipol nga ba ang masasama na parang tinupok ng mabagsik na apoy? Magmimistula nga bang dayaming lalamunin at masasaid ng apoy ang mga makasalanan?

Ang mahalagang katotohanan ay ito … may wakas ang daigdig at ang buhay ng tao sa daigdig na ito. Darating ang araw na maghahari ang Diyos nang ganap at maglalapat ng Kanyang maka-Diyos na katarungan at magpapanibago sa takbo ng buhay ng lahat ng kanyang nilalang. Ang detalye ng kung paano ito magaganap ay hindi siyang mahalaga. Ang mahalaga ay ang wakas ay darating, at ang pinakamadaling paraan para ilarawan ito ay ang paggamit ng mga sagisag ng mga bagay na madaling maunawaan ng mga orihinal na tagabasa at tagapakinig ng sinasaad ng Kasulatan. Ang mahalaga ay ang mabatid natin na para mapagpanibago ang lahat, ay dapat munang maglaho ang lumang kaayusan na isinasagisag ng pagkasunog ng mga dayami at mga nag-usliang mga ugat sa lupa.

Nakatutuwang isipin na marami ang nagigimbal sa mga unang linya ng pagbasa sa araw na ito. Sapagka’t sila ay dinapuan na ng takot, ay posibleng hindi na nila napansin ang puno ng pag-asang pahayag ni Malaquias na siyang tunay na tinutumbok ng pagbasa: “Ngunit kayó na sumusunod sa akin ay ililigtas ko at pagagalingin ng aking kapangyarihan na lulukob sa inyó, gaya ng sinag ng araw.”

Noong isang Linggo, natunghayan natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang vision o panagimpan. Ang matukoy ninuman ang kanyang inaasam at pinaghahanap ay lubhang mahalaga. Ang pitong magkakapatid na nakuhang magtiis ng masakit na kamatayan sa pugon ay nakakuha ng lakas at tapang sa kanilang inaasam at pinapanagimpan – ang kanilang paniniwala sa muling pagkabuhay.

Sa Linggong ito, iminumungkahi ng mga pagbasa ang isang dapat ay bahagi ng ating panagimpang kristiano – ang kabatirang ang buhay na alam natin sa mundong ibabaw ay pagpapanibaguhin ng Diyos sa wakas ng panahon. Tulad ng sinabi natin noong nakaraang Linggo, para sa isang sumasampalataya, ang kanyang inaasam ay kanya nang nilalasam sa pamamagitan ng pag-asa at pagsampalataya. Mayroong tatak na kasiguraduhan ang mga mananampalataya kay Kristo … may katiyakan.  At ang katiyakang ito ang ating ipinagmakaingay pagkatapos ng unang pagbasa: “Poong Hukom ay darating, taglay katarungan natin” (Salmong Tugunan). Ang kaparaanan ay hindi dapat itumbas sa katotohanan. Ang paglalarawan ay hindi rin dapat itumbas sa kaganapan ng pangako ng Diyos. Ang mga pangungusap at katagang metaporikal ay hindi dapat unawain nang tahasang-tiyak na wari baga’y kung ano ang titik ay siya ring magaganap.

Sa ebanghelyo tila dinagdagan pa ng Panginoon ang listahan ng mga kagimbal-gimbal na mga pangyayari sa wakas ng panahon. Nguni’t kapanatagan ng loob, hindi takot, ang dapat bumalot sa puso at kaisipan ng tao na batid kung ano ang pinakabuod ng sinasaad ng mga pangungusap ng Panginoon. At ang mahalagang buod nito ay puno rin ng pag-asa at pangako – isang panagimpang tamang maging tampulan ng pag-aasam na ngayon pa man ay maari nang tampulan rin ng paglalasam: “Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”

Ang Pilipinas ay ginigimbal at ginagambala sa mga araw na ito ng sunod-sunod na pagsabog. Hindi pa nalulutas ang lumang pagsabog ay mayroon na namang bago. Bukod sa pagsabog pisikal, ay mayroon ring mas masahol na pagsabog ng mga katiwalian, ng mga karumihan at lahat ng uri ng pandaraya at kaguluhang dulot ng sobrang politika sa ating lipunan. Kung ating uunawain nang tahasan o literal ang una at ikatlong pagbasa, ay parang pahiwatig ito ng napipintong pagwawakas ng daigdig. Nguni’t tulad nga ng nasabi natin, hindi ito ang pakay ng mga pagbasang ito. Ang buod, ang puno at dulo ng lahat ay ang kahalagahang mabatid ng lahat ang katotohanang ang buhay dito at ang lahat ng bagay na lubhang pinahahalagahan ng mga taong makamundo ay hindi magtatagal at mayroong hangganan. Sa isang banda, mayroong hangganan ang kasamaan. Mayroong katapusan ang katiwalian, at mayroong wakas ang ginagawa ng mga masasamang budhi.

Sa kabilang banda, hindi yaman ang lahat sa buhay ng isang kristiano. Hindi rin kapangyarihan, at lalung hindi ang karangyaan. May wakas ang lahat. At ang lahat ng itinuturing ng tao na mahalaga ay maglalahong parang dayami na tinupok at nilipol ng apoy. Pagpapanibaguhin ng Diyos ang lahat sa wakas ng panahon. Ang pagkalipol ng dayami at mga ugat ng mga punong susunugin ay sagisag ng pagpapanibagong ito na dulot ng Panginoon.

Mapalad ang nakakaunawa at nakababatid ng katotohanang ito. Sa harap ng katotohanang ito, hindi takot, bagkus kasiyahan at pag-asa ang siyang dapat maghari sa puso ng tao. Ito ang parehong saya at pag-asa na ating itatanghal at pagyayamanin sa panahon ng Adbiyento. Isa na namang pagkakataon ito upang ang siyang pinaka-aasam ay siya rin maging pinakanilalasam sa pamamagitan ng pag-asa, pananampalataya, at pag-ibig.

Fr. Chito Dimaranan, SDB

Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon, Paranaque City, Philippines