frchito

Archive for the ‘Tagalog Homily’ Category

GUMISING, KUMAIN, AT MABUHAY TUWINA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Homily, Taon B on Agosto 11, 2012 at 11:22

Image

Ika-19 na Linggo (Taon B)

Agosto 12, 2012

Mga Pagbasa: 1 Ha 19:4-8 / Ef 4:30 -5:2 / Jn 6:51

GUMISING, KUMAIN, AT MABUHAY TUWINA!

Mga tao rin ang mga propeta … may damdamin, may puso, may pangamba, pag-asa, at pagnanasa. Di miminsan ring nasasagasaan ang damdamin ng mga propeta. Di miminsan ring nakakaranas rin sila ng panghihinawa, kawalan ng lakas at tatag ng kalooban, at ang madala sa pananakot o paniniil ng mga makapangyarihan.

Ito rin ang kwento ni Elias, na pinag-uusig ni Jesebel. Matindi ang poot ng mga tulad ni Jesebel, sapagka’t nagsabi ng totoo si Elias, at ang totoo ay laging nakasasaling ng damdamin at nagpapaliyab sa natutulog na galit at poot ninuman.

Lumayas si Elias sa ilang. Nagkubli at sumilong sa isang puno. At hindi lamang iyon, nagnasa siyang mabigyang-wakas na ang kanyang buhay, upang sa gayon ay matapos na ang lahat, at makaranas siya ng katiwasayang ipinagkait ng mga taong makapangyarihan.

Di rin miminsang ang aking damdamin ay napuno ng takot at pangamba. Maraming taon na ang nakalilipas nang ako ay kamuhian ng mga tagasunod ng isang pulitiko dahil ang kanilang manok ay natalo sa lugar kung saan ako naruon. Inorganisa ko ang mga tao, upang mabantayan nila ang kanilang boto. Pinagmatyag ko sila, pinagbantay … at sa ganitong paraan ay para bagang nasansala namin ang anumang maitim na balakin ng mga nasa kapangyarihan noon. Di nagtagal ay tumanggap ako ng isang korona ng bulaklak na maliwanag na tanda na ako ay tutugisin ng mga halang ang kaluluwa.

Hindi rin masyadong matagal magmula nang ako ay mag-organisa ng mga tao upang labanan ang lumalaganap na droga sa bayan kung saan ako naruon. Nagkamulat ang tao, nagising sa katotohanang, kung wala silang gagawin ay lalamunin silang buhay ng banta ng droga at mga tagapagtulak na naglipana sa paligid namin.

Mura lamang pala ang buhay ng tao. At dahil sa naging mainit ang talakayan tungkol sa droga, ay hindi naglaon at ako ay nakatanggap ng isang malinaw na mensahe na naglalayong patigilin ako … “Ano ang gusto mo? Ang magpatuloy makapag-Misa o ang biglang mapatigil?”

Sa kasalukuyang panahon, ang pagiging propeta ay lalung lumala at lalung naging mapanganib. Sa aking pagtayo at pag-anib sa turo ng Inang Simbahan, di lihim na mayroong nasasaktan, at mayroong nagagalit. Ngunit sa halip na barilin nila ang mensahe, ang binabaril ay ang mensahero. Sa halip na tuligsain ang pangaral, ang tinutuligsa nila ay ang nangangaral. At pati mga bagay na wala akong kinalaman ay pilit nilang ipupukol sa akin, na para bagang pinalalabas nila na ako ay kamuhi-muhing gumawa ng mga baluktot na krimen, na lubhang pinagpipyestahan ng mass media, kahit na, karamihan rito ay pinalaki at pinalala lamang ng palsong uri ng jornalismo.

Nanghihinawa ako. Nanghihina, at nawawalan ng lakas at tibay ng kalooban. Tulad ni Elias, nagnanasa akong katumbas ng kanyang pagnanasang mawakas na ang buhay at mawala na ang lahat ng pasakit at hilahil sa buhay.

Ngunit and Diyos ng buhay ay Diyos rin ng pangako. Siya rin, ay Diyos ng katuparan. Sa araw na ito nais kong isipin na dalawang bagay ang dulot at hatid niya sa ating lahat: kautusan, at pangako!

Kautusan … Gising na at kumain! Gumising ka sa kabatirang ang Diyos ay tunay, ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay hindi natutulog. Tulad ni Elias, inuutusan tayo na bumangon at kumain, at tumanggap ng lakas. Walang lakas ang propeta kung hindi tumatanggap ng wastong pagkain. Walang lakas ang tagapangaral kung walang koneksyon o karugtong sa Diyos na nagbibigay-buhay.

Sa araw na ito, bukod sa kautusang ito ay isang pangako ang hatid niya: “Ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan.”

Sa awa ng Diyos na ito, naka-agguanta ako … nakatagal … nakakita ng higit pang lakas upang patuloy na magturo, mangaral, at magpahayag, sa tuwina, saanman, at kailanman. Sa awa rin ng Diyos, ay 34 na taon na ako nagtuturo, at 30 taon halos nag-mimisa para sa bayan ng Diyos.

Ito sana ang panghawakan natin sa araw na ito: ang kautusan at ang pangako. Natitisod rin maging ang mga propeta. At pati ang mga mananakbo kung minsan ay napapatid rin at nadadapa. At malinaw pa sa sinag ng araw, na pati manlalaro sa olimpiko ay nanghihina at nawawalan ng lakas.

Ngunit sa araw na ito, hindi lamang lakas ang dulot ng Diyos sa atin. Hindi lamang pangako, bagkus katuparan – sa pamamagitan ng Eukaristiya ang tinapay ng buhay: “Ang sinumang kumain ang pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Hala, iangat ang mga mata. Bumangon na at mag-inat-inat mga kapatid. Gumising, kumain, at mabuhay tuwina!

LAHAT NG INIUTOS, AMING SUSUNDIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Hunyo 7, 2012 at 18:02

Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo(B)

Junio 10, 2012

Mga Pagbasa: Exo 24:3-8 / Hebreo 9:11-15 / Mc 14:12-16. 22-26

Lahat tayong nagdaan sa pagka bata ay hindi makatatanggi dito … Sino sa atin ang hindi sumuway sa utos ng magulang? Sino sa atin ang hindi nagpatumpik-tumpik bago tuluyang tumalima sa pangaral ng nakatatanda? Ako ang unang-unang hindi tatanggi.

Noong kami mga bata, ang TV ay de susi. May pintong maliit na pinadudulas, tapos ay may maliit na trangka, na sinususian ng magulang namin kapag sila ay aalis, para kami ay hindi maghapong tumangla sa TV na black and white lang naman. Hindi nagtagal at nadiskubre namin na ang susi ay parang susing pambahay-bahayan … kayang tungkabin kahit ng isang paper clip, o nail file na nakakabit sa nail cutter. Alam nyo na ang kasunod nito. Nanatiling nakasusi ang TV habang sila ay naroon pa. At pagka-alis nila ay tuloy ang aming ligaya … hanggang sa programa ni Oscar Obligacion na “Oras ng Ligaya.”

Bago sila umalis, marami silang utos. Linisin aniya ito … bunutin aniya ang sahig … lampasuhin ang pasimano … hugasan ang mga pinggan. Ang sagot naming? Opo! Pero natupad ba? Hindi. Walang kaibahan ang lahat sa utos sa amin na maligo. Oo … ligong uwak, ika nga. Mabilis pa sa lagaslas ng tubig, sapagka’t ang pakay naming ay walang iba kundi maglibang at maglaro.

Kwento ito ng lahat ng tao. Kwento rin ito ng bayan ng Diyos … salawahan … pasaway … hindi lubusang sumusunod sa mga kautusan ng Diyos.

Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito, ayon sa kasaysayan ng kaligtasan, hindi kailanman nanghinawa ang Diyos. Hindi siya napadala sa pagkagalit at kakapusan ng pasensiya sa taong salawahan at taksil. Ito ang buod ng lahat ng pag-asa sa araw na ito, na pawang tinutumbok ang diwa ng dugong nabuhos, naialay, at ipinagkaloob bilang tanda at patunay ng kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao.

Ang unang pagbasa ay ang maigting na kasunduan sa pamamagitan ni Moises … Pinamili ni Moises ang kanyang bayan. At sa siping ito, mula sa aklat ng Exodo, ay nakita natin ang matibay na pangako ng bayan ng Diyos – pangakong may dalawang bahagi, may dalawang aspeto, may dalawang nilalaman: tinatanggap naming ang lahat, at nangangako kaming gagawin namin ang lahat, ayon sa kanyang ipinag-utos. “Lahat ng iniutos ng Panginoon ay susundin namin.”

Sa panahon natin, napaka-makapili tayo kumbaga. Pinipili natin ang susundin natin. Pinipili natin ang siyang pagkakalooban natin ng pagtitiwala at pagtalima. Maging ang pananampalataya natin ay tasado, may bakod, ika nga, at tinatanggap lamang natin ang angkop sa kagustuhan natin, at ang ayaw natin ay bagkus iwinawaksi at sinisiphayo. Para tayong namimili ng pagkain sa cafeteria. Kung ayaw natin ng utos tungkol sa pagpapahalaga sa buhay, ay di natin tinatanggap.

Di kaila sa marami sa inyo, na may isang grupong ang tawag nila sa sarili ay CATHOLICS FOR RH. Sila raw ay katoliko, pero sinisiphayo nila ang turo ng Inang Simbahan tungkol sa pagpapahalaga at paggalang sa inosenteng buhay. Pinili lamang nila ang gusto nilang paniwalaan at ang hindi akma sa kanilang isipan ay masugid nilang kinokondena.

Sa maraming pagkakataon, para pa rin tayong mga batang sumagot sa magulang na “Opo, bubunutin namin ang sahig” nguni’t kapagdaka’y babalik lamang sa maghapong panonood ng cartoons na paulit-ulit naman lamang. Nangako nguni’t napako ang pangako sa pagkasalawahan at pagka taksil.

Mahirap tanggapin ang pangaral tungkol sa pagkain ng katawan at dugo ng Panginoon. Pati mga disipulo niya ay nagulumihanan sa simula. Pati sila ay nagnais ding iwanan siya sa ilang, sapagka’t mahirap unawain, at lalung mahirap tanggapin, na dapat silang kumain ng kanyang laman at uminom ng kanyang dugo.

Subali’t hindi na dugo ng korderong inialay sa sakripisyo sa altar ang pinag-uusapan dito, kundi ang dugo niyang bagong korderong naghugas at nagpadalisay sa kanyang mga tagsunod.

Napakayaman ang mga pagbasa ngayon, at napakahirap piliin kung alin ba ang bibigyang diin sa homiliya. Sa araw na ito, hayaan nyong ito lang muna ang ating balangkasin … ang pagtanggap nang buo at ganap, at ang kaakibat nitong pagtupad sa tinanggap. Dalawang aspeto ang tugon ng mga Israelita. “Lahat ng utos ay aming tanggap.” Pero mayroon pang isa … Lahat ng ito ay aming gagawin.

Hindi lamang ito nakukuha sa dada. Hindi lamang ito isang hungkag na kataga, kundi salitang nagkakadiwa, nagiging totoo at ginagawa. Huwag tayong tumulad sa mga tampalasang politico na hanggang campanya lamang ang mga pangako. Maging makatotoo sana tayong lahat… “Lahat ng kanyang iniutos ay aming gagawin, aming tutupdin.!

Magkabunga nawa ang komunyon na ating pagsasalu-saluhan ngayong araw na ito.

Lopez Farm, Barangay Sabang

Naic, Cavite

June 7, 2012