frchito

Archive for the ‘Tagalog Sunday Reflections’ Category

TANGING DIYOS LAMANG!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Hulyo 18, 2014 at 16:09

images

Ika-16 na Linggo Taon A
Hulyo 20, 2014

TANGING DIYOS LAMANG!

Mahirap pagsamahin ang pagiging maawain at makatarungan. Kung sumobra ka sa una, wala kang puso. Kung sumobra ka naman sa kabila, wala kang paninindigan. Ito yata ang pasanin ng mga may hinahawakang panunungkulan.

Ito ang dahilan kung bakit mahirap unawaing lubos ang Diyos. Siya ay maawain, pero siya rin ay makatarungan.

Mahirap ang magtimpi kung ikaw ay sinusubukan. Mahirap ang magdasal kung tayo ay napaliligiran ng lahat ng uri ng pagsubok at kawalang katiwasayan. Ako man ay hirap magdasal kung maraming iniisip. Kung minsan, hindi ko man lang alam kung ano ang dapat kong ipagdasal.

Pero ang higit na mahirap sa lahat ay ang unawain kung bakit ang pagdurusa ay bahagi ng buhay ng tao. Hindi madaling unawain kung bakit may mga taong natutuwa pang pabagsakin ang isang eroplanong naglululan ng 295 katao mula sa kalangitan. Hindi madaling tanggapin na may mga taong kung umasta at kumilos ay tila masahol pa sa demonyong wala kang inaasahang anumang kabutihan. Hindi madaling tanggapin na tayo ay niloloko lamang ng mga taong ang tawag sa sarili ay “honorable” pero ang mga pinaggaga-gawa ay walang kaduda-dudang hindi marangal at mahusay.

Hindi ako tulad ng Diyos. At di miminsan ring hindi ako nag-asal maka-Diyos. Tanging Diyos lamang ang Diyos … Iyan ang marahil ay palusot natin tuwina, kung tayo ay tinatanong ng iba, kung bakit pati mabubuting tao ay dumaranas ng matinding kasamaan mula sa mga kamay ng mga kapwa nilang tao.

Pero ito mismo ang dahilan kung bakit tayo nagkakatipon ngayon at dito. Hindi nga tayo Diyos, nguni’t tayo ay nilikha ng Diyos, ayon sa kanyang wangis, ayon sa kanyang larawan. Totoong tanging Siya lamang ang Diyos, pero tayo ay tinatawagan niya upang maging maka-Diyos at katulad niya sa lahat ng bagay.

Oo … tanggapin at aminin natin … Maraming kasamaan sa mundo. Maraming katiwalian … Huwag na kayo pumunta sa usaping DAP, o maghanap ng senador o kongresman. Sapat nang tingnan natin ang ating budhi – ang ating sarili at ang ating kakayahang gumawa rin ng masama, tulad ng lahat, noon pa man at sa kasalukuyan.

Narito ngayon ang buod ng magandang balita. Ang Diyos ay makatarungan at mahabagin. Ang Diyos ay nakikisama sa atin … “Ang Espiritu ay lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita.” Ang Diyos ay mapagpasensya at matiisin … “Hayaan ninyong lumago ang masamang damo kasama ng mabuti …”

Subali’t sa wakas, ang katarungan ng Diyos ang magwawagi, ang kanyang kabanalan ay maghahari, ang kanyang pakikiramay sa atin at pagtulong sa atin ang siyang maghahatid sa rurok ng kaganapan ng panawagan niyang buhay na walang hanggan.

Marami tayong dapat matutunan sa kanya. Tanging Diyos lamang … oo … pero tanging Diyos rin ang makapaghuhubog sa atin, upang maging tulad Niya, at maging makatarungan at maawain tayo, matutong makiramay at makisalamuha sa kapwa, at maging matiisin tulad Niya. Tanging Diyos ang Diyos, totoo, pero tanging Siya rin lamang ang makapaghahatid sa pagiging maka-Diyos na tulad Niya.

KUNG MAHULOG KA’T MAGBUNGA!

In Catholic Homily, Ika-15 Linggo ng Taon(A), Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Hulyo 10, 2014 at 18:46

parable-of-the-sower

Ika-15 Linggo Taon A
Hulyo 13, 2014

KUNG MAHULOG KA’T MAGBUNGA

Karanasan ito nating lahat … ang madapa, ang mahulog, at ang matalo (kung minsan!) Gusto man nating manalo ang Netherlands sa football, sila ay tila nadapa nang makaharap ang mga kababayan ng Santo Papa, ang Argentina. Naranasan ko nang muntik malunod. Naranasan ko na ring mahulog sa puno at bumagsak sa lupa at hindi ako makakilos nang parang napakahabang panahon. Naranasan ko na ring masagasaan ng kotse … sa Makati Avenue, noong ako ay 8 taong gulang! (nagtataka pa ba kayo kung bakit buhay pa ako?)

May mga batang kung madapa ay kagya’t bumabangon. Tuloy ang ligaya, na parang walang nangyari. May mga batang kapag nadapa ay umiiyak, nagagalit, o nawawalan ng gana sa laro. May mga batang kapag nadapa ay lalung nagpupunyagi, lalong hinahamon ang sarili, at bumabangon upang manalo.

Hindi lahat ng panalo ay nanalo nang walang galos. Hindi lahat ng talo ay kawawa. Hindi komo talo ay walang karangalan. Manalo man o matalo, ang tunay na atleta ay may angking karangalang hindi matutumbasan lamang ng tropeo. At hindi lahat ng namamatay ay hindi na nagbubunga ng kabutihan. Tulad nang hindi lahat ng pagwawagi ay naghahatid sa ibayo pang pagpupunyagi.

Ang ulan ay nahuhulog mula sa itaas. Sabi ni Isaias, hindi ito bumabalik sa kalawakan nang hindi nagbubunga. Ang mahulog sa lupa ay hindi kawalan, kundi naghahatid ng kasaganaan.

Si San Maximiliano Kolbe ay parang ulan na nahulog. Para rin siyang isang buto na itinapon sa lupa … parang binhi na namatay nguni’t nagbunga nang masagana. Sa tingin ng mundo, siya ay talo. Inialay niya ang kanyang buhay bilang kapalit sa buhay ng isang padre de familia. Ano ka? Hibang? Magpapakamatay para sa isang hindi mo kaano-ano?

Pero uulitin ko … hindi lahat ng talo ay kawawa. Hindi lahat ng naglaho ay para lamang isang bula. Mayroong mga nahulog namatay, nag-alay ng buhay para sa iba na naging binhi ng higit pang masaganang buhay.

Nais kong isipin na ito ang mahalagang turo ng mga pagbasa ngayon … na minsan kailangang madapa … minsan kailangang mahulog … minsan kailangang masayang upang maging sanhi ng pananagana ng iba.

Alam natin ito … kung ang binhi o buto ay nanatiling binhi, hindi ito magbubunga. Kailangang ang binhi ay itapon sa lupa, at mamatay upang ito ay maging buhay ng marami at higit pa.

May kahulugan ang pagdurusa … may kahulugan ang pag-aalay ng sarili … may katuturan ang pagiging binhing dapat maglaho at mamatay upang mamunga nang higit pa.

Tayo ba ay binhing tulad ng mga martir, ng mga banal? Tayo ay handa ring maglaho pansamantala upang sa muling pagbabalik ay maghatid ng bunga?

Kung mahulog ka’t magbunga! … Ito ang programa o teleserye ng ating buhay. Walang taong laging panalo sa laro. Walang sinumang hindi kailanman nadapa. Walang taong laging nasa tuktok ng lipunan. Minsan ang manlalaro, tulad ng mga Olandes (Netherlands) ay dapat ring matalo, mahulog, o manatili sa likuran.

Pero hindi ito nangangahulugang tunay kang talo o laos o walang silbi. May buhay pa sa kabila ng pagkatalo! May katuturan pa rin ang buhay sa kabila ng mga pagsubok: “”ang mga pagtitiis sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa ihahayag na kaluwalhatiang sasaatin.”

Hala! Maghanda tayo’t huwag matakot sa pagkatalo. Kung mahulog ka’t magbunga, naganap mo na ang nais ng Diyos para sa iyo … ang mag-uhay … ang tig-sasandaan, tigaanimnapu, at tigtatatlumpu!

Ang may pandinig ay making!