frchito

Archive for the ‘Taon K’ Category

ASCENDE SUPERIUS!

In Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Nobyembre 2, 2013 at 15:00

zacchaeus-sycamore-tree

Ika-31 Linggo ng Taon K
Nobyembre 3, 2013

ASCENDE SUPERIUS!

Takot ako umakyat sa matatayog na lugar. Takot ako dumungaw sa matataas na gusali. Minsan din akong nahulog sa puno noong bata pa, habang nag-aastang Batman na siyang pinapanuod namin sa TV noong araw. Pero may pagkakataong wala kang mahihita kung di ka magsikap manguyabit sa puno. Kung hindi umakyat ay maghihintay ka na lamang sa nahuhulog na prutas na kinain na ang kalahati ng uod o ng ibon.

May pagkakataon namang kelangan mong umakyat kung gusto mong umangat; kung gusto mong makasilay sa taong hinahangaan, o kung mayroon kang pinapanagimpan at pinagsisikapan.

Pandak si Saqueo, tulad ko. Pero hanga ako sa kanya, hindi sapagka’t siya’y tulad kong maliit, kundi sapagka’t siya ay maparaan, at may pinapanagimpan. Nang mabalitaan niyang daraan ang pinag-uusapan ng marami sa Jerico, nagmadali siya … nagtatakbo, at humanap ng balcony – ng puno upang maakyat – kung saan hindi mahaharangan ang kanyang mga mata ng mga taong mas matatangkad kaysa sa kanya.

Sa dinami-dami ng taong dumating sa Jerico, hindi lamang siya ang publikano. Hindi lamang siya ang swapang at ganid, at lalung hindi lamang siya ang nag-aasam ng malaking kita o tubo.

Pero iba ang mag-nasa at mag-asam, at iba rin ang maghanap at magpadala sa isang matayog na panagimpan o marangal na pangarap. Tayo man ay mapagnasa at mapaghanap. Naghahanap tayo ng luho, ng yaman, at ng madali ang mariwasang pamumuhay. Lahat ng nagpunta sa Jerico at ang hanap ay ang Guro – si Kristong daraan ay nagkakaisa sa bagay na ito … Lahat tayo ay may gustong marating. Lahat tayo ay may nais makamit … karangalan man o materyal na bagay … walang sinuman ang makapagsasabing wala siya ni isang hibla ng makamundong pagnanasa.

Kagagaling ko lamang noong nakaraang dalawang linggo sa isang bundok – ang isa sa mahigit na 14 na bundok na akin nang naakyat. Takot ako sa matataas na lugar, pero hindi ako takot mangarap umangat, tumaas, at makipag tipan sa mga alapaap sa langit. Tulad ako ni Saqueo na bagama’t pandak ay may malalim na pagnanais na malampasan ang mga kahinaan at karupukang maaaring magtali sa akin sa ibaba. Kung sa Tondo man daw ay may langit din, ang mga pandak man ay may pangarap marating na matatayog na hangarin.

Galing sa akin ang motto ng dalawang kolehiyo sa ating bansa: Ad maiora natus, at Ascende Superius. Ang ibig sabihin ng una ay ito: Isinilang Tayo Para sa Mas Matatayog na Bagay, at ang ikalawa naman ay ito: Umakyat ka Pa ng Kaunti sa Itaas.

Nais kong isipin na si Saqueo ay larawan ng bawa’t isa sa atin. Mababa ang uri … makasalanan … makasarili … sakim at mapagkamkam. Ngunit ang lahat ng santo ay may nakalipas at lahat ng makasalanan ay may hinaharap.

Hinarap ni Saqueo ang totoo sa kanyang sarili … bukod sa pandak ay tinanggap niyang kelangan niya ng kaligtasan, ng kagalingan, ng tulong mula sa itaas. Kubrador man ng jueteng ay may pagkakataong magbago. Pandak man at mahirap ay may angking kakayahan at karapatang magnasang umangat, magnais umakyat sa antas ng kabutihan at kagandahang asal.

Kwento ko ito noong katatapos lamang na Philippine Conference on New Evangelization … Noong ako ay bata pang brother, may nakita akong maliit na puno ng mangga sa tabing daan. Ibinuhol ko ang puno at iniwan at inasahan kong mamatay. Ngunit noong ako ay naging pari maraming taon ang lumipas, ay nakita kong malaki na ang puno, matibay, matatag. Hinanap ko ang buhol. Naruon pa rin ang buhol. Matigas. Makapal ang balat. Matipuno at matatag. Lumakas siya kung saan siya nasugatan. Tumatag siya kung saan siya nakaranas ng pagdurusa. Sapagka’t isa siyang punong may panagimpan, may pagnanasa, may takdang kagustuhang marating at makamit.

Si Saqueo ay taong marupok. Tulad nating lahat madali rin siyang matepok. Pero may matayog na pangarap … may malalim na paghahanap. Hinanap niya si Jesus ang Daan, katotohanan, at buhay. Lingid sa kanyang kaalaman, ang Diyos mismo ang naghahanap sa kanya … sa atin, sa bawa’t isa sa ating makasalanan. Natagpuan siya ng Diyos ng awa at habag: “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.”

Hinahanap tayo ng Diyos … tayong lahat. Mahal niya tayo at pinagmamalasakitan. Pero mayroon tayong dapat gawin, tulad ni Zaqueo. Kailangan nating manguyabit sa puno at umakyat. Kailangan nating maghanap ng kaunti, at magpakita ng isang matayog na hangaring gumawa ng tama at karapat-dapat.

Nasa ating mga kamay at paa ang kasagutan … Hala … ano pa ang hinihintay natin? Akyat na! Ascende Superius! Sapagkat AD MAIORA NATUS!

TUNAY NA TUNAY!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Oktubre 26, 2013 at 16:28

en07jul43a_barrett

Ika-30 Linggo ng Taon K
Oktubre 27, 2013

TUNAY NA TUNAY!

Hindi na uso ngayon ang pulp bits. Noong kami ay mga bata pa, tanyag ang Royal Tru-orange, dahil daw may pulp bits. Ewan ko kung ano yon, pero meron ngang bits. Hindi ko nga lang alam kung tunay na galing sa orange ang mga iyon.

Ayaw natin ng peke. Gusto natin ng tunay, ng orig. Pero kahit ganito, marami pa rin ang bumibili ng pekeng Chanel, pekeng kung ano-anong bag o maleta, na kinukumpiska naman sa Japan at sa maraming lugar sa Amerika. Gusto natin lahat tulad ng kung ano ang gamit ni Napoles … trulalu, sabi nga nila … hindi peke at tunay na mamahalin. Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit hindi nalulugi ang mga tindahan ng Salvatore Ferragamo sa Greenbelt 5 at iba pang lugar, kahit na ang karamihang Pinoy, kahit man lamang yung Suotmopre Paragwapo ay hindi kayang bilhin ng marami?

Marami nga yatang nabiyayaan ng pork barrel at patuloy na namamayagpag ang mga tindahang ito! Hindi rin kaya ito ang dahilan at ang Rolls Royce ay nagbukas na rin ng tindahan dito? Sabi nila, “the Philippines has arrived!” kahit mga congressmen lang naman ang nakabibili ng ganito.

Ayaw rin ng Diyos ng peke. Ayaw rin ni Sirac na tagapagsalita ni Yahweh ang hindi tunay. Bakit? Sapagkat ang Diyos ay tunay, hindi peke. Ayon kay Sirac, hindi siya bingi sa pagtangis ng mga naaapi, at lalong hindi siya nagbubulag-bulagan sa panaghoy ng mga balo. Trulalu pa rin! Ayon sa salmista, “Dinidinig ng Diyos ang pagtangis ng mga dukha.”

Tunay rin at hindi peke ang pamulat ni Pablo kay Timoteo. Sapagkat totoo, nakuha pa niyang medyo magyabang nang kaunti: “Natapos ko ang paligsahan; naging tapat ako sa pananampalataya.” Aniya, “iniligtas ako ng Panginoon sa bibig ng leon”

May dalawang uri ng taong hatid sa atin ang pangaral ng ebanghelyo: ang Pariseo at ang nangungubra ng buwis. Mayabang ang pariseo. At hindi makatotohanan! Hambog pa at palalo. Peke, sa ating salita ngayon. Bukod sa nagyabang, nagbintang pa!

Pero tapat at tunay ang taga kolekta ng buwis: “Panginoon maawa ka sa akin, isang makasalanan.”

Tunay ang hanap natin, hindi peke. Tunay rin ang gusto ng Diyos, hindi pagkukunwari. Meron tayong dating presidenteng nasakdal at napatunayang kurap, pero pinatawad. Pinatawad ang isang taong hindi man lamang tumanggap ng pagkakamali. Paano magsisisi ang isang hindi tumanggap ng kasalanan?

Pero hindi pulitiko ang ating pinag-uusapan dito, kundi tayo. Tayo ngayon ang mamili: maging pariseo o maging tulad ng taga kolekta ng buwis. Nagkasala nga ngunit kumilala, tumanggap, at nagsisi.

Tunay na tunay. Trulalu. Walang bahid ng pagkukunwari. Walang anino ng pagbabalatkayo. Ito ang pamulat sa atin ng Diyos, na tunay nagkakalinga sa kapakanan natin tuwina.