frchito

Archive for the ‘Taon K’ Category

KABIGUAN SA KAPALALUAN; BUHAY SA KATAPATAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Oktubre 4, 2013 at 16:18

prev99Ika-27 Linggo ng Taon K
Oktubre 6, 2013

KABIGUAN SA KAPALALUAN; BUHAY SA KATAPATAN!

Medyo nagmamadali si Habacuc. Parang hindi siya makahintay sa kanyang matinding panalangin: “Panginoon, hanggang kailan ako daraing sa iyo at di mo diringgin?” Malinaw at tahasan ang sagot sa kanya ng Diyos: “ang hambog ay mabibigo sa kanyang kapalaluan, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa kanyang katapatan.”

Para tayong si Habacuc lahat. Nagpupuyos ang damdamin natin ngayon sa balitang may kinalaman sa pagkagahaman ng ilang mga namumuno sa atin kasabwa’t ang matatalinong taong ginamit ang talino sa kasamaan, at hindi sa katapatan.

Pero hindi pagpupuyos ng damdamin laban sa ibang tao ang tila sagot sa atin ng mga pagbasa. Sa ikalawang pagbasa, ipinakikilala sa atin si Timoteo, isang batang-batang disipulo ni Pablo. Ano ang tagubilin ni Pablo sa kanya? “Maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo.”

Bata pa noon si Timoteo, tulad ng bata pa rin noong araw ang maraming tumanda na sa paglilingkod daw sa bayan. Bata rin ang marami sa aking mga tagabasa, at bata noong araw ang kagaya kong tumanda na sa anumang larangang pinasukan nating lahat sa lipunan.

Subali’t bata man o matanda, hindi karanasan ang pinag-uusapan natin ngayon kundi katapatan. Kababaang-loob ang ating pakay ngayon, at hindi kapalaluan. Pagiging mahinahon at mapagmatyag, hindi ang pagiging padahas-dahas at pabigla-bigla.

Sa ating panahon, malakas ang hila ng pagiging marahas, ng pagiging mapusok, ng pagiging mapaghamon. Galit ang marami. Nawala ang tiwala sa gobyerno, lalo na sa mga mambabatas. Madali ang mapadala sa poot, sa galit, at sa kawalan ng pasensya.

Pero ngayon, ang pagbasa ay may aral na higit pa sa pagiging mapusok at puno ng poot. Ang turo sa atin ay kababaang-loob, kahinahunan, hindi kahambugan at kapalaluan.

Totoo ba kaya ito? Tingnan natin batay sa aking karanasan. Isang dating OFW sa Italya ang naglingkod ng tapat sa kanyang amo. Pinamanahan siya ng malaking salapi. Isang tagapangalaga kamakailan ang pinamanahan rin sa America ng malaking halaga ng kanyang among mayaman. Mayroon akong iba pang kilala na pinagkalooban ng kahit anong bagay dahil sa katapatan sa paglilingkod.

May katuturan ang kababaang-loob at kahinahunan. May mararating ang pagiging tapat at katiwa-tiwala. Hindi lahat ng madaya ay nananagana at nakaririwasa. May kasabihan tayo sa Tagalog, ang taong nagpakain sa anak ng nakaw ay magbubunga rin iba pang magnanakaw.

Si Mother Teresa ng Calcutta ay isang halimbawa ng katapatan at kababaang-loob. Si San Francisco de Asis, bagama’t may kaya ang magulang at may inaasahang mana, ay nilisan ang lahat para sa isang payak na pamumuhay.

Tayo kaya ? May turo ba tayong mapupulot sa isang utusang sa halip na umupo at makisabay sa pagkain ng amo ay patuloy na naglingkod?

At nang purihin siya sa kanyang paglilingkod, dagdag pang kababaang-loob ang kanyang binitiwang salita: “Ako’y isang aliping walang kabuluhan; tumupad lamang ako sa aking tungkulin.”

Ang mga hambog ay masaya ngayon lamang at dito. Ang mga mababang-loob at tapat ay silang tunay tagapagmana ng matuwid at tunay na kadakilaan.

MAY HANGGANAN AT HANTUNGAN ANG TANAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon K on Setyembre 27, 2013 at 15:21

Dives

Ika-26 na Linggo ng Taon K
Setyembre 29, 2013

MAY HANGGANAN AT HANTUNGAN ANG TANAN

Lungkot, galit at gimbal na magkakahalo ang nanunuuot sa ating kaisipan at damdamin sa mga araw na ito … Ito ay kung kasama tayo sa nakababatid sa mga nagaganap … mga inosenteng taong pinapaslang, isang batang pati kalamnan ay pinagkukuha … isang batang-batang executive na babae ang napag-tripan ng mga kabataang naghahanap ng mabibiktima isang madaling araw … isang halos buong pamilya at dalawang katulong at isang masahista ang walang-awang pinagpapatay sa loob ng kanilang bahay … isang katotohanang unti-unting lumiliwanag na halos ang buong gobyerno, mga mambabatas at mga kagalang-galang ay sangkot sa isang malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Ano ba ang magagawa ng tulad nating ordinaryong mamamayan sa gitna ng lahat ng katiwaliang ito, liban sa magalit at malungkot na lamang?

Nagtitipon tayo tuwing Linggo upang maghanap ng kahulugan sa buhay na tila wala nang katuturan. Naghahanap tayo ng mga kasagutan … naghahanap tayo ng anumang puede nating gamiting gabay sa pang-araw-araw nating buhay, upang sa gayon ay magkaroon ng patutunguhan ang masalimuot nating pamumuhay sa isang daigdig na tila pinanawan na ng pag-asa.

Parang walang nagbago magmula sa panahon ni Amos sa lumang tipan. Nagwika siya laban sa mga taong nagpapasasa sa yaman … mga taong “namumuhay na maginhawa sa Sion.” Sa biglang wari, ito ay isang pasaring sa mga mayayaman. Totoo bang ito nga ay pasaring sa mayayaman?

Tingnan natin sumandali ang kabuuan, kasama na rin ang dalawang pagbasa sa Bagong Tipan …

Hindi kailanman sinabi ng Panginoon na ang pagiging mayaman ay isang kasalanan. Sinabi lamang niya na mas madaling pumasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman na makapasok sa langit.

Subalit mayroon siyang isang kagimbal-gimbal na kwento na may mahalagang aral para sa atin. At ito ay hindi upang kamuhian ng mahirap ang mayaman, kundi ang matuto ang mayaman man at mahirap na mayroong higit na mahalaga kaysa sa pagpapasasa sa salapi at karangyaan.

May paalaala si Amos: “”Matitigil na ang inyong mga pagpipiging at pagsasaya.” May hantungan ang lahat. May hangganan ang lahat. At lahat ng sine ay may katapusan.

Sa buhay natin, madaling makalimutan ang higit na mahalaga. Kung sa ating lipunan, ay handang kumitil ng buhay ang isang grupo ng kabataang wala pang 20 taong gulang para lamang magkaroon ng kaunting pera, ay isa itong tunay na kahindik-hindik na sitwasyon.

Kung halos lahat ng mga mambabatas ay tila nahirati na sa isang maruming sistema ng kadayaan at pagsasamantala sa kaban ng walang malay na ordinaryong tao, tunay ngang nararapat nating pag-usapan ang paalaala ni Amos. Kung handang mandaya ang mga sumasali sa timpalak mula sa ibang bansa, at pati retrato ng may retrato ay ipinapasa na para bagang kanyang sariling gawa, makakita lamang ng pera, ay tunay na kalungkot-lungkot ang sitwasyon.

Hindi yaman ang pinupuntirya ng mga pagbasa ngayon. Hindi masama ang maging mayaman. Pero kung ang yaman ay nagdudulot sa kawalan ng pansin at malasakit sa iba, sa kapwa, lalu na sa mga walang kaya at mangmang, ito ay isang tunay na krimen sa harapan ng Diyos at ng bayan ng Diyos.

Tingnan natin sandali ang sinabi ni Pablo kay Timoteo: “sikapan mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan.” May higit na mahalaga kaysa pera at yaman.

Tingnan natin rin ang kwento tungkol kay Dives at kay Lazaro … Hindi masamang magdamit ng marangya ang mayaman at kumain ng masasarap na pagkain. Pero hindi tama na ang lahat ng ito ay maghatid sa kanya sa kawalan ng pansin, at tigas ng kalooban sa harap ng isang nanlilimahid sa kahirapan at kakapusan sa lahat ng bagay na makamundo.

Malalim na ang narating ng kultura ng ating bayan na puede nating sabihin: “pera-pera lang ang lahat.” Kung totoong para magawa ng mga salarin ang malawakang krimen ay kinailangan nila ng tulong ng marami, dahil sa “pera-pera” lamang ang lahat, may saysay ang sumbat ni Amos: “Matitigil na ang inyong mga pagpipiging at pagsasaya.”

May wakas ang lahat ng bagay. May langit at may impyerno. May hangganan at hantungan ang lahat …At kung may pagkakautang ay dapat may kabayaran.